KABANATA 9: LIGHTHOUSE

2254 Words
YANESSA’S POV UMUPO AKO AT ganun din ang ginawa niya, nakaharap kami kung saan papalubog ang araw. Ni minsan hindi ko naisip na may tao akong idadala sa lugar na ito, na kasama ko. “Ang ganda ng mundo,” puna niya na siyang nagbigay pait sa nararamdaman ko. “Maganda para sayo dahil wala kang naaalala. Walang pait at sakit na alaala sayo, kaya ganyan ang pananaw mo sa mundo.” Nakataas ang isang tuhod nito at doon nakahilig ang kanyang kanang kamay. “Pero may masasayang alaala pa rin. Hindi naman lahat malungkot at mapait.” Sinulyapan ko siya at napailing na lang, hindi talaga siya papaawat sa kagustuhan. “Ikaw, Yanessa? Bakit ganyan na lamang ang galit sa puso mo?” Napatingin ako sa mga mata niya at biglang natigilan. Dahil ba sa tanong niya? O dahil sa kanya nanggaling ang tanong. Hindi ako nakaimik. “Dahil ba kay Yuan? Dahil ba sa pagkawala niya?” Napaiwas ako ng tingin. Ang kahel na kalangitan at payapang karagatan ay masarap tignan. Ngunit panandalian lamang ito, dahil sa paglaho ng araw ang siyang pagbalot ng dilim, doon ang tunay na mundong ginagalawan ko. Saglit na kaginhawahan at puro na kadiliman. “Paano ako magiging masaya kung bitbit ko ang alaala ng pagkamatay niya?” marahan kong bulong, kaunti na lang ay malapit ng pumiyok ang boses ko. “Kung kaya lang mabura ng mga alaala, gagawin ko.” Nararamdaman ko na ang pagbara sa lalamunan ko. Idagdag pa ang hangin at kapaligiran na payapa. “Bakit kailangan yung pagkamatay niya ang balikan mo? Bakit hindi ang masasayang alaala ninyo? Kung walang matitirang alaala sayo katulad ko, papayag kang mawala rin ang masasayang alaala ninyong dalawa ni Yuan?” Huminga ako ng malalim. Tama siya, ngunit ang hirap maging masaya sa trahedyang ako ang may kasalanan. “Namatay si Yuan dahil sa akin, naaksidenti siya dahil sa katigasan ng ulo ko. Paano ko makakalimutan ang bagay na ako ang may kasalanan? Na nasa akin ang sisi?” Kumirot ang dibdib ko sa sariling tanong na hindi masagot. Gustuhin ko man maging masaya pero paano? “Paano kung hindi ko mahanap si Yuan? Habang-buhay mo na bang sisisihin ang sarili mo sa pagkamatay niya?” Napayuko ang sa tanong nito, pinipigilan ang emosyon. Narinig ko ang pagod na buntong hininga ni Ghost at sinubukang hawakan ang kamay ko na nakapatong sa tuhod ngunit hindi niya nagawa at tumagos lang ito. He can touch things, things that aren’t alive. “Gagawin ko ang lahat mahanap lang si Yuan. Kahit pinapalakas ako ng lungkot mo, hindi ko pa rin gusto na makita kang ganyan,” marahan na usal niya kasabay nun ang pag-ihip ng malamig na hangin. “Mas gusto ko na lang maglaho, kaysa ang makita kang nasasaktan ng ganyan.” Nahihirapan akong napalunok at tinitigan siyang mabuti. Hindi ko alam kung bakit tila kinurot ang dibdib ko sa sinabi niya, ngunit nangibabaw pa rin ang init at kaginhawan na narinig sa Multong katabi ko. He is willing to disappear, than seeing me sad or in sorrow. “Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mawari kung anong koneksyon mayroon tayong dalawa,” sambit ko dahilan para tignan niya ako. NANG MAKAUWI KAMI ni Ghost ay naroon si Margie na nagliligpit ng mga kalat sa sahig. Mag-isa na siya at mukhang wala na ang mga kaibigan nitong kababaihan. “Pumunta ka na naman ng lighthouse?” agad na komento nito. Tumango ako at sinulyapan si Ghost na nakaupo na ngayon sa kama at may ngiti sa labi. Hindi ko rin tuloy maiwasan na mapangiti sa isip ko. “Sana hindi totoo ang iniisip ko tungkol sayo,” pagseseryoso ni Margie. “Sana hindi na maulit ang nangyari noon sayo.” Agad akong natigilan at umiwas ng tingin nang mapagtanto ang ibig nitong pakahulugan. “Wag kang mag-alala, hindi ko na gagawin ulit iyun.” Nakita ko ang pagtatanong sa mukha ni Ghost. Umupo ako sa kama at mas lalo siyang humilig sa akin. “Ano ang ibig niyang sabihin?” tanong ni Ghost ngunit hindi ako sumagot. “Sana nga totoo yang sinasabi mo. Lately, lagi kang mag-isa. Malay ko ba kung ano ang tumatakbo diyan sa isip mo at bigla ka na namang sumubok magpakamatay,” may pag-aalala sa boses niya. Nagkatinginan kami ni Ghost at agad akong umiwas ng tingin. “Umabot ka sa ganung sitwasyon?” hindi mapaniwalang tanong ni Ghost at tumayo sa harap ko. Hindi ko na lamang siya pinansin at inayos ang mga gamit ko. “Nga pala, may pinabibigay si Tony,” inabot ni Margie sa akin ang isang envelop. Agad ko naman iyung binuksan at tumambad sa akin ang litrato ng tatlong Yuan na hindi ko nahanap ang f*******:. Tinignan ko iyun isa-isa at hindi mukha ni Ghost ang nakita ko. “Anong mayroon sa Yuan? Ayos ka lang ba, Yanessa? Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sayo, sinabi sa akin ni Tony ang mga ginawa mo. Hiningi mo ang listahan ng buong students sa University natin tapos nakita ko na may mga tsek ang Yuan na pangalan sa table mo. May hinahanap ka bang tao? O dahil na naman ito sa kakambal mo?” ngayon ay mas tumaas na ang boses ni Margie. Sumikip ang dibdib ko sa mga sinasabi niya. “Hindi ito tungkol sa kakambal ko. May inaasikaso lang ako,” tipid kong usal. “My, gosh, Yanessa! Nag-aalala na kami sayo, maski si lola ay stress na kakaisip kung ayos ka lang ba. Siguro nga kailangan mo ng kausapin ang papa mo—“ Marahas akong tumayo at masamang tinignan si Margie. “Wag na wag mong susubukan,” madiin kong usal. Umirap lang siya at napailing. “Okay. Siguraduhin mo lang na maayos ang lagay mo, nag-aalala lang kami sayo.” “Bibisita ako sa bahay, pagkatapos ng exam,” tanging sambit ko upang matahimik na si Margie at maging kampante. Hindi nakatakas sa akin ang mga titig ni Ghost na madilim at malalim gamit ang amethyst nitong mga mata. KINAGABIHAN HABANG TULOG si Margie ay kausap ko si Ghost matapos ipakita sa kanya ang litrato ng natitirang Yuan na student sa school namin. “Tingin ko hindi ka estudyante.” Kinuha niya ang litrato at binaba sa ibabaw ng lamesa ‘tsaka ako seryosong hinarap. Hindi pa rin ako sanay sa tuwing ginagawa niya iyun, tumitindig pa rin ang mga balahibo ko sa mangha. Tanging dilaw na ilaw lamang ng lamp ang nagsisilbing liwanag sa kuwarto na nakatapong sa study table namin ni Margie. “Muntikan kanang magpakamatay?” tanong nito, malayo sa sinabi ko kanina. May pangamba sa boses niya. “By barangay ang kukunin kong listahan, baka sakaling totoo ang hinala ko na hindi ka estudyante.” “Anong ginawa mo? Uminom ka ng gamot? Gumamit ka ng kutsilyo?” Hindi ko na napigilan pang masama siyang tignan. “Tumawid ako sa daan,” matigas at diretso kong pag-amin. “Tulad ng pagkamatay ni Yuan.” Matapang kong tinignan ang mga mata nitong nag-aalala. “At anong nangyari? Anong napala mo?” Hindi ko maintindihan kung bakit may galit sa boses niya, kung tutuusin ay dapat hindi na siya nakikialam pa. “Pwedi ba, hindi ito ang oras para pag-usapan natin ang tungkol sa buhay ko. Kailangan nating hanapin ang katawan mo para makaalis kana,” iritado kong usal. Pagod siyang bumuntong hininga. “Hindi kaya masyado kang mahirapan kung iisa-isahin mo lahat ng Yuan sa probinsyang ito?” Tama siya, masyadong mahirap iyun. Maliban doon, kumakain din ito ng malaking oras kaya mahihirapan akong maglaan ng panahon sa bagay na iyun. “Nag-search na ako sa f*******: na may Yuan ang pangalan ngunit hindi kita nakita roon.” Napahawak siya sa labi nito gamit ang daliri niya at tila nag-iisip. “Paano kung nagkamali tayo at hindi Yuan ang ngalan ko?” Napaisip ako sa sinabi niya. “Kung ganun bakit kita natawag?” tanong ko sa kanya. “Dahil sa boses mo at hindi sa pangalan sinambit mo.” Napahilamos ako sa mukha at tumango. “Paano tayo magsisimulang hanapin ang katawan mo? Kung maski pangalan mo ay hindi natin alam?” Nauubos na ang pag-asa kong mahanap ang katawan niya, gayundin ang mahanap si Yuan na kakambal ko. “Malakas ang kutob ko, maaaring hindi Yuan ang pangalan ko.” Paano pala kung dayo lang ang isang ‘to? Baka naman lumuwas pa ako ng syudad mahanap lang ang katawan niya? “Teka nga muna. Saan kaba nagising matapos mong maging isang ganap na multo?” “Sa daan, sa highway na maraming sasakyan.” Biglang nanuyo ang lalamunan ko at halos hindi makahinga ng maayos. “Sa-saang daan?” kabadong tanong ko. “Malapit lang dito, yung main road. Basta nagising na lang ako na nasa gitna ng daan at yun, kaluluwa na. Isang multo na,” humalakhak siya at napailing. Muli kong binalik ang alaala sa main road. Tatlong aksidenti ang nangyari doon sa taong ito. Ang pangalawang aksidenti ay nangyari dahil sa pagtangka kong magpakamatay. Hindi kaya… Muli kong binalingan si Ghost at masuring tinitigan. Maaaring yun ang koneksyon naming dalawa. Dahil sa akin ay nagkaroon ng malaking aksidenti sa main road. Nguniti sino siya sa mga naaksidenti doon? Sa limang sasakyan, sino siya roon? “Mukhang alam ko na kung saan tayo magsisimula,” seryosong sambit ko. “Talaga?” hindi makapaniwalang tanong nito. “Mukhang aksidenti ang nangyari sayo. Pagkatapos ng exams ko, sa police station tayo pupunta.” MATAPOS ANG MAHABANG examination ay sabay kaming naglakad pauwi ni Margie. Wala si Ghost ngayon at sigurado akong nasa boarding house siya, ako ang humingi ng pabor na huwag muna itong sumama tutal sa baka hindi lang ako makapokus ng maayos kapag narito siya. “Marrgie,” tawag ko sa pinsan ko na kanina pa nagkukuwento tungkol sa nangyaring exams. “Naaalala mo pa ba ang nangyari matapos kong maaksidenti dahil sa pagtangkang pagpapakamatay?” maingat kong tanong sa kanya. “Alin doon?” makahulugan niyang usal at tinignan ako ng masama. Napalunok ako ng marahan. “Yung aksidenti sa daan.” “Sino ba namang hindi makakalimot nun, apat na sasakyan ang nadisgrasya at isang motorista. Mabuti na lang walang namatay sa aksidenti.” Saglit akong napahinto sa paglalakad. “Walang namatay? Kung ganun ayos lahat ng tao sa aksidenting nangyari? Walang nagtamo ng malubhang disgrasya?” mausisa kong tanong. “Hindi mo nakausap ang mga naaksidenti? Hindi sila humingi ng danyos? O kaya yung pulis, nakausap mo ba yung mga pulis?” Ang tanging naalala ko na lamang ng mga panahon na yun ay matapos ang nangyari nagising na lamang ako sa ospital. Kinausap din naman ako ng mga pulis ngunit pagkatapos nun ay wala ng nangyari pa. “Sinabi ko na aksidenti lang, syempre hindi ako umamin na balak mong magpakamatay nun. Basta ang alam ko, apat na sasakyan at isang motor ang naaksidenti. Yung iba gasgas, yung motorista naman ay natumba lang. Yung dalawang sasakyan ang nagtamo ng malaking disgrasya, yun lang ang tanging naaalala ko.” Tumango na lamang ako at muli kaming nagsimulang maglakad. “Halos isang buwan na ang nakalipas, ngayon ka lang nag-aalala,” makahulugang sambit nito. “Bakit, Yanessa? Wala ka namang pakialam sa nangyayari sa paligid mo hindi ba?” Nang ibalik ko ang mga mata ko kay Margie ay may panandaliang pait ang gumuhit sa mukha nito. “Nagtataka lang ako kung may namatay ba sa aksidenti.” Pagak siyang natawa at umiling na lamang. “May isang lalaki ang lubha ang kalagayan, tingin ko… namatay siya sa aksidenting iyun,” mahinang usal nito. Napahinto ako sa paglalakad at gulat siyang hinarap. Nagtaka siya sa bigla kong naging reaksyon. “At hindi mo sinabi sa akin?” Napairap si Margie. “Gaya ng sabi ko, bakit ko sasabihin sayo kung wala ka namang pakialam. Magpasalamat kana lang at may pag-aalala ako sayo, hindi ko sinabi na ikaw ang dahilan ng aksidenting yun.” “Anong nangyari sa lalaki? Namatay ba siya? Nalibing?” Narinig ko ang marahas na pagbuga ng hangin ni Margie at tila hindi na nais pang pag-usapan ang nangyari. “Hindi ko alam. Wala ng impormasyong lumabas, wala na akong update na narinig. Basta ang tanging alam ko, ang nag-iisang lalaki na nagtamo ng malubhang sugat ay nakumpirmang wala ng pulso sa mismong pinangyarihan ng aksidenti. Pero nung humingi ako ng balita sa mga pulisya ay sinabi nila sa akin na walang namatay sa aksidenti.” “Ano? Kung ganun buhay siya?” “Hindi ko alam, Yanessa. Pero klaro ang nakita ng mga mata ko, patay na yung duguang lalaki at wala ng buhay.” “Bakit naman magsisinungaling ang mga police? Baka buhay pa siya at nagkamali ka lang?” Tumagilid ang ulo ni Margie at mapanuri akong tinitigan. “Anong mayroon, Yanessa? Bakit ganyan kana lang kung mag-alala? Ilang buwan na ang lumipas, ngayon ka lang nagka-interes kung kailan sarado na ang kaso?” Umiwas na lamang ako ng tingin at malalim na napaisip. “Huwag kang mag-alala, hindi nila alam na ikaw ang dahilan ng aksidenti. Pasalamat kana lang at naging biktima ka ng gabing nangyari iyun. Huwag mo na ring susubukan na muling buksan ang aksidenti, maaaring mapahamak ka lang at managot sa nangyari.” Marahan akong napalunok sa sinabi niya. Ngunit hindi ba yun naman ang nararapat? Lalo na kung totoo ngang may namatay sa gabing iyun.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD