PAGKARATING sa kompanya ng asawa ay agad niyang tinungo ang floor ng opisina nito. Lumapit siya sa isang babae na abalang nag-aayos sa table nito. Malamang na ito ang sekretarya ni Gareth, base na rin sa pwesto nito, kung ganoon ay bakit kailangan pa nito ng PA kuno?
"Hi, good morning, nasaan si Mr. Sebastian?" magiliw na bati niya sa babae.
Napatingin ito sa kaniya at ngumiti. Pero huling-huli niya kung paano pinag-aralan nito ang suot at mukha niya.
"Good morning, ma'am. Ano ho ang sadya niyo kay Mr. Sebastian?"
Natahimik si Sam. Ano nga ba ang sasabihin niya dapat sa babae? Hindi siya nito kilala bilang asawa ni Gareth at alam niyang halos walang nakakakilala sa kaniya bilang asawa nito. Iniisip niya kung magpapakilala ba siya bilang Mrs. Sebastian.
"Pakisabi hinahanap ko siya. My name is Sam by the way." Sa huli ay pinili niyang huwag na lang.
Tila nag-alangan ang babae kung gagawin ba ang sinabi niya. "E, ma'am busy po kasi si Mr. Sebastian ngayon, atsaka kailangan niyo rin ho magpa set ng appointment kung gusto niyo siyang makausap. Hindi rin po kasi nakikipag-usap si Mr. Sebastian sa kung sinu-sino lang ho."
Nauubusan na ng pasensya si Sam. At talagang ni hindi hinabilin ng magaling niyang asawa na darating siya upang hindi na niya kailangan dumaan pa sa ganito. Inuubos talaga ni Gareth ang pasensya niya.
"Hindi ko na kailangan ng appointment sa magaling na lalaking 'yon." Pagkasabi nun ay tuloy-tuloy siyang naglakad patungo sa pintuan ng office ng lalaki. Tutal ugali naman nito noon na bigla na lang papasok sa opisina niya, pwes gagawin niya rin ngayon.
"Ma'am, naku ma'am bawal po ang ginagawa niyo, ako ho ang pagagalitan nito," habol ng tarantang sekretarya sa kaniya.
Binilisan ni Sam ang lakad at malakas na itinulak ang double door na pintuan para lang matigilan sa madadatnan.
What the hell?
Kitang-kita ng dalawang mata ni Sam kung paano makipaglaplapan ang asawa sa babaeng nasa kandungan nito ngayon. Natigil lang iyon dahil sa pagdating niya. May gulat sa mata ng babae, pero nang si Gareth ang tignan niya ay parang wala man lang dito na nakita niya ang bagay na 'yon. Talagang walang konsensya ang asawa niya. Siguro kung normal lang silang mag-asawa ay baka sinugod na niya ang babae at kinalbo. Pero para kay Sam, kahit pa kasal sila ni Gareth ang pakiramdam niya tila wala siyang karapatan dito.
"Ma'am tara na ho," anang sekretarya ni Gareth at hinawakan siya nito sa braso pero iwinaksi niya iyon.
"Let her in, Miss Valdoz. You may leave us." Boses ni Gareth.
"Kaya pala ayaw akong papasukin n sekretarya mo at busy ka raw. Nakaistorbo ba ako?" Walang emosyong usisa niya sa asawa pero nilangkapan niya iyon ng pagkasarkastiko.
"Medyo. Ang wrong timing mo naman Ms. Whoever you are," anang babae na nasa kandungan ni Gareth. Mabagal itong umalis doon at bahagya pang pinunasan ang labi dahil tila kumalat ang lipstick nito. Halos kita na ang singit at dibdib nito sa napakaikling pulang dress na suot. "Who is she, darling?" Maharot nitong usisa kay Gareth.
"My wife," walang gatol na sabi ni Gareth na sa kaniya nakatitig.
Hindi niya inaasahan na aamin ito sa babae na asawa siya nito.
Nanlaki ang mga mata ng babae. "W-wife?" Tsaka lumipad ang tingin nito sa kaniya at tinignan siya mula ulo hangang paa at pabalik. "I can't believe this. Wife? Really? I mean, yeah. She's a beauty but..." Hindi na itinuloy ng babae ang sasabihin pero mababasa sa mukha nito ang pagkadismaya dahil sa gayak niya? "Parang sumablay ang panlasa mo this time, darling," tukso pa nito kay Gareth. "Hindi ko alam na mahilig ka rin pala sa mga mestizang old- fashioned?" Walang prenong sabi ng babae.
Parang nais pagsisihan ni Sam na iyon ang isinuot niya sa pagpasok sa opisina ng asawa. Edi sana ay naisupalpal niya sa babaeng maharot nito kung gaano kaganda ang katawan niya at sino ang magmumukhang old-fashioned sa kanilang dalawa.
"Sige ituloy niyo na ang ginagawa niyo sa labas muna ako," aniya sa dalawa at akmang tatalikod na.
"No. Stay here, Sam. Aalis na si Pamela," pigil ni Gareth at tumayo.
"Hindi pa ako aalis," ani Pamela na para bang adobe na sa kakapalan ang mukha.
Hindi nagsalita si Gareth at tinignan lang ang babae ng seryoso at tila bigla itong natakot.
"Fine, aalis na ako." Kinuha nito ang shoulder bag na nakapatong sa mesa ni Gareth at naglakad papunta sa kinatatayuan ni Sam at saglit na tumigil doon at pinakatitigan si Sam. "Nice to meet you, Mrs. Sabastian. Hindi pa ito ang huli nating pagkikita," anito sa nang-aasar na tinig.
Bago pa mapigilan ni Sam ang sarili, nagpakawala siya ng malakas na sampal sa mukha ng babae na halos bumaligtad sa sahig.
"Sam!" Sigaw ni Gareth.
Hindi pinansin iyon ni Sam at sa babae pa rin ang pansin. "Tama nga ang hinala ko, makapal ang mukha mo dahil nasaktan ang palad ko. Sa susunod nating pagkikita mas malakas pa diyan ang ipapadapo ko," aniya sa eleganteng tinig.
"b***h!" Ani Pamela bago nagmamadaling lumabas ng opisina. Hindi nito alam kung iiyak o ano.
"Nagiging bayolente ka nitong mga nakaraang araw," ani Gareth na naglakad palapit sa kaniya. "Nagselos ka ba kay Pamela?"
Kinapa ni Sam ang nararamdaman. Nagselos nga ba siya kaya niya nagawa 'yon? Hindi niya alam. Basta naiinis siya.
"Ako ang pinagbibintangan mong gumagawa ng kababalaghan, pero kabaligtaran pala," pauyam niyang sabi sa lalaki. "Anyway, may sekretarya ka pa, hindi mo na siguro ako kailangan dito."
"Magkaiba ang sekretarya sa personal assistant ko. So, stay here." Itinuro ni Gareth ang sulok ng malawak na opisina kung saan naroon ang nakaayos na table at kung anu-ano pa na para sa kaniya. "That's your corner. Dito ka lang sa loob ng opisina ko. Gagawin mo lang ang mga sasabihin ko," wika ni Gareth sa asawa habang pinagmamasdan si Sam ng mariin.
Walang tugon na nagtungo si Sam sa kaniyang corner na itinuro ni Gareth at umupo doon.
"Bakit pala ganiyan ang suot mo?" Biglang naisipang itanong ni Gareth sa asawa.
"Bakit, gusto mo ba kasing ikli ng suot ni Pamela ang susuotin ko?" hindi napigilan ni Sam na langkapan ng inis ang boses habang nakatingin kay Gareth.
Hindi sumagot ang asawa niya, pero bago ito tumalikod ay nakita niya ang bahagyang pag-ngiti nito. At hindi alam ni Sam, kung bakit nagiging masaya siya at kakaiba ang epekto ng ngiti ni Gareth sa kaniya sa tuwing nakikita niya 'yon.