Chapter 6
"Matulog ka na muna, mamaya na tayo mag usap. Di ba sabi mo masama ang pakiramdam mo?" Malumanay nyang sabi sa akin pagkatapos nyang hugasan ang mga pinagkainan ko.
"Ngayon na, ngayon na tayo mag usap. Ayokong ipagpaliban pa 'tong mga itatanong ko sa iyo." sagot ko sa kanya habang nakakuyom ang kamao ko.
Umiiwas sya kasi alam nyang magtatanong na naman ako tungkol sa pagkain nila sa labas ng kanyang mga KATRABAHO kuno.
"Sige, ano ba ang pag uusapan natin?" napapabuntong hininga sya na para bang nauubusan ng pasensya.
"Ilan ba talaga kayong kumain sa labas nung biyernes ng gabi? Yung totoo Cris, yung totoong sagot sana ang ibigay mo sa akin."
"Ayan ka na naman, Jana. Yan ang kinaiinisan ko sa iyo minsan eh. Tapos na nga at lahat-lahat tapos ay uungkatin mo pa. Gusto mo paulit ulit na lang. Mga katrabaho ko nga lang yun." sagot nya sa akin na nakakunot ang noo at kababakasan ng inis sa mukha nya.
"Kung naiinis ka sa paulit ulit kong tanong sa iyo ay mag sabi ka kaagad sa akin ng totoo." Hindi ako naniniwalang marami silang magkakasama. Kung marami sila di sana ay may nag post na sa mga katrabaho nya.
Pero ni isa sa mga katrabaho nyang friends sa efbi ay wala man lang nag post. Stolen shot yung kuha sa cellphone nya, wala pa naman akong nabalitaan na kapwa lalake ay magpipicture ng stolen maliban na lang kung gagamitin sa kalokohan.
Pakiramdam ko ay babae ang kumuha ng stolen shot na yun at iisang tao lang sila nung Annabhel Balles.
Kinuha ko sa bulsa ng suot ko ang aking cellphone at hinanap sa gallery yung deleted na screenshot nung convo nila dun sa online game.
Nang mahanap ko nga yung screenshot na deleted sa cellphone nya ay itinapat ko sa mismong mukha nya yung cellphone na halos maduling na sya sa sobrang lapit.
"Ayan, ipaliwanag mo nga sa akin yan! Anong ibig sabihin nyan ha!? Sino yang kausap mo at nanghingi ka pa talaga sa kanya ng cellphone number. Sabi mo pa nga diyan ay tatawag ka sa kanya!"
Kahit alam ko na kung sino yung babaeng kausap nya dun sa mobile game app ay nagtanong pa rin ako sa kanya. Gusto ko lang malaman kung magsasabi ba sya ng totoo.
Hindi sya makaimik at napayuko na lang sya pagkakita nya sa deleted convo na nakuha ko sa "trash" ng gallery nya.
"Umamin ka nga sa akin, yung totoo lang sana kung pwede!? Sino ba talaga yang kausap mo dyan, sino ba yang hiningian mo ng cellphone number ha!? Sya din ba yung kasama mong kumain sa labas?"
Di ko na napigilang mapaiyak dahil sa sama ng loob. Hindi ako makapaniwala na magagawa nya ito sa akin. Antagal na naming nagsasama, pitong taon na tapos buntis pa ako ngayon.
"Oo, sya yun" hindi pa rin sya makatingin sa akin.
"Kinuha mo yang cellphone number nya noong naligo kayo sa Batangas hindi ba? Mahigit isang linggo na mula ng maligo kayo doon. Ibig sabihin mahigit isang linggo na kayong nagkakausap. Mahigit isang linggo nyo na akong ginag*go. Hindi nga kita pinapayagang umalis noon dahil night swimming yun. Wala akong kasama dito sa bahay. Pero nagawa mong iwanan ako dito nang mag- isa sa kabila ng kalagayan ko. Naatim mong magpakasaya noon habang wala akong kasama dito. Tapos wala pa akong kaalam-alam na may kinakalantari ka na pala nung mga oras na yun".
Sa kabila ng paghagulgol ko ay nasabi ko sa kanya ang mga hinanakit ko kahit paputol-putol ang pagsasalita ko. Halos hindi na din ako makahinga ng maayos.
"Sorry na, sya naman yung panay tawag sa akin e. Di ba hindi naman ako nagpapa-load na may pang tawag. Tinawagan ko sya isang beses lang, yun yung naligo kami sa Batangas. Pero pagkatapos nun, sya na ang laging tumatawag." Hingi nya ng paumanhin sa akin.
"Eh bakit ba kasi kailangan mong hingiin yung cellphone number nya? Tsaka hindi ba nya nakikita na naka-status sa efbi mo na magka-relasyon tayo? Alam nyang pamilyado ka at may kinakasama pero nakikipagharut*n din sya sa iyo!"
"Wala nga lang yun. Alam naman nyang may asawa na ko. At saka may boyfriend din yun, Jana. Kaya wag ka na mag isip ng kung anu-ano."
"Ano pa ba ang mga dapat kong malaman tungkol sa inyong dalawa ha!? Wala ba syang delikadesa at kahit pamilyadong tao pinapatos nya? May pinag-aralan syang tao pero wala syang kahihiyan"
"Wala na nga, nasabi ko na sa iyo lahat. QA lang namin yun. Wala lang naman sa akin yun eh. Di ba nga nung isang buwan ko pa balak mag resign doon kung hindi ka nga lang manganganak ngayong June?"
"Yun na nga eh. Manganganak ako, nag tipid tayo ng todo para makapag-ipon para sa panganganak ko. Ni hindi na nga natin naipapasyal si King tuwing sahod natin eh dahil nung nag resign ka sa dati mong trabaho naubos yung mga dati ko nang ipon. Tapos nagawa mo pang manlibre ng ibang babae."
December sya nag resign, January nag celebrate kaming tatlo ng birthday namin. January 3 si King, January 15 sya at 19 naman ako.
Kaming dalawa ni Cris ay pinagsabay na lang ang celebration ng birthday namin. Naligo naman kami sa beach nung mag birthday si King.
Subalit kinaumagahan ay nakagat si King ng alagang pusa ng kanyang Lolo Eddie kaya nabawasan yung ipon ko para sa panganganak. Mabuti na lamang at nakapamili na ako ng mga gamit. Ang pinag-iipunan ko na lang ay ang bayad sa lying in.
Kaya sobrang nakakasama ng loob na nagagawa pa nyang manlibre ng ibang babae samantalang halos wala pa syang naibibigay na ambag sa akin para sa mga bayarin sa panganganak.
Halos ako lang kasi ang nakapag-tabi ng pera mula ng mag buntis ako tapos ay nabawasan pa yun dahil doon kami kumuha ng mga pinanggagastos namin noong wala syang trabaho pag kinakapos kami.
"Hindi ako ang nag bayad nung kinain namin, Jana. Nasa akin lang yung resibo kasi ako yung umorder pero sya ang nag bayad nung mga kinain namin."
"Tingnan mo, nagawa mong pumila para mag order ng kakainin nyo samantalang pag tayo ang magkasama ayaw mong pumila dahil nahihiya kang umorder kaya ako ang inuutusan mo. Pero pag ibang babae nawawala yung hiya mo sa pag order."
"Sorry na nga eh"
"Saan pa ba kayo pumunta pagkatapos nyong kumain? May nangyari ba sa inyo nung babaeng yun?"
"Wala. Bakit ko naman yun gagawin, nag uusap lang kami nun sa tuwing tatawag sya pero walang nangyari sa amin."
"Siguraduhin mo lang talaga Cris na wala ka nang tinatago sa akin ah. Kilala mo ako, pinaka-ayaw ko yung pinagsisinungalingan ako. Kaya ngayon pa lang ay aminin mo na sa akin lahat-lahat dahil pag ako pa mismo ang mga nakaalam nung mga bagay na pinag-gagawa nyo, talagang magkakagulo tayo".
"Wala na akong aaminin dahil nasabi ko na lahat sa iyo. Sige na, matulog ka na ulit at magpahinga. Wag ka na mag isip ng kung anu-ano dahil baka makaapekto pa yan sa baby diyan sa sinapupunan mo."