Chapter 5
Alas dos na ng madaling araw ay gising pa din ako dahil sa kakaiyak. Wala pa man din akong matibay na ebidensya na babae nga ni Cris ang Annabhel na yun ay ang sakit na sa pakiramdam.
Di ko matanggap na may iba syang babaeng pinagkaka-interesan samantalang maayos naman ang pagsasama naming dalawa at kasalukuyan pa akong buntis.
Siguro nga kahit may pamilya na siya at may kinakasama ay may mga nagkakagusto pa din sa kanya, maputi si Cris, may pagka-tsinito, matangos ang ilong at 5'7" ang height.
Malapad ang balikat nya at malaki ang katawan dahil kahit papano ay nakakapag-gym naman siya.
Sa isiping nagkaka-interes siya sa ibang babae ay lalong nadagdagan ang insecurities ko sa aking katawan. Hindi ako kagandahan, sa katunayan ay hindi matangos ang aking ilong.
Madalas akong ma-bully noon at lagi akong sinasabihan ng "maganda ka sana, wag lang titingin sa ilong". Hindi ko naman dinadamdam ang mga pang-aasar nila dahil totoo naman.
Maputi ako at singkit ang mga mata, Ha Ji Won na pango minsan ang tawag nila sa akin. Tumaba din ako mula nang magbuntis. Hindi din ako matangkad, 4'9" lamang ang aking height.
HABANG hindi pa ako dinadalaw ng antok ay chinat ko na lang ang best friend kong si Raine habang online pa sya.
"MyLuv, gising ka pa? Alam mo ba, feeling ko may babae si Cris."
"Pano ka naman nakakasiguro na may babae sya? Ang tagal nyo na di ba? Seven years na kayong nagsasama. Sa tingin mo magloloko pa ba sya?"
"Di ba nga kasi nanghingi sya ng cellphone number, may nakaka-chat syang babae dun sa account nya sa online game."
"Baka wala lang naman yun, baka tungkol lang sa trabaho kaya nya kinuha yung cellphone number nun?" Raine.
"Kung wala lang naman yun, bakit kailangan nyang burahin yung screenshot na nanghingi sya ng cellphone number at bakit wala syang balak umamin na kumain sa labas ng mga ktrabaho nya? Ang sabi nya marami naman daw silang magkakasama pero bakit kailangan nyang ilihim yun. Itatanggi pa nga dapat nya kung di ko lang nakita yung resibo at picture nya. Tsaka halos one week na syang nagdadala ng extra helmet sa trabaho. Lagi din syang hatinggabi gabi na kung matulog kakalaro." Mahabang paliwanag ko sa kanya habang umiiyak.
"Kalma ka muna dyan, ok? Buntis ka baka mapano ang baby mo. Wag ka muna masyadong mag overthink. Ang gawin mo, bukas mag usap kayo ni Cris. Kumprontahin mo sya ng mahinahon tungkol sa mga nabasa mo. Madaling araw na gising ka pa, bawal sa'yo ang magpuyat." payo nya sa akin.
"Sige, matutulog na ako. Masakit na din kasi ang ulo ko. Bukas tiyak na maga ang mga mata ko dahil sa naiiyak ko. Salamat sa pakikinig at sa mga payo mo. Balitaan na lang ulit kita." Paalam ko sa kanya.
Nananakit na ang ulo ko sa puyat pati na din ang mga mata ko sa kakaiyak. Halos ilang araw din akong di makatulog ng maayos. Overthink malala talaga ako dahil sa mga kakaibang kilos ni Cris.
Para makatulog na ako agad ay nag timpla ako ng gatas. Kalahating tasa lang ang inilagay kong mainit na tubig at dinagdagan ko na lang ng malamig na tubig para mabilis kong mainom.
Nang tumayo ako papunta sa lababo para hugasan ang tasa ay biglang kumirot ang puson ko kaya napabalik ako sa pag upo.
Hindi naman gaanong makirot pero hindi muna ako tumayo. Nang wala na akong maramdaman ay saka na ako tumayo. Hindi ko na din hinugasan muna ang tasa at bumalik na ulit sa kwarto para matulog.
Natakot ako sa nangyari. Nag alala ako para kay baby kaya naman pinilit ko nang makatulog at hindi na muna inisip ang problema dahil baka maapektuhan pa ang baby ko.
Pero bago matulog ay nagpaalam na muna ako sa group chat namin na hindi ako makakapasok dahil masama ang pakiramdam ko at kumikirot ang aking puson.
Nanghingi na din ako ng pasensya dahil siguradong maaapektuhan ang mga kasama ko dahil kulang na sila. Magkulang lang kasi ng plotting sa isang station ay hirap na agad kami.
TINANGHALI ako ng gising kinaumagahan. Masakit ang ulo ko at namamaga din ang mga mata ko. Nakita kong binabasa ni Cris yung usapan namin nung QA nila. Wala syang pasok ngayon dahil holiday, Labor day ngayong araw.
"Bakit mo pala chinat yung QA namin?" Tanong nya sa akin.
"Inaalam ko lang kung sinu-sino yung mga nakasama mong "katrabaho" nung biyernes." pinagdiinan ko talaga yung salitang katrabaho habang nakatingin sa mga mata nya. Napayuko na lamang sya at hindi sya makatingin sa mga mata ko ng diretso.
"Bakit nga pala hindi ka pumasok ngayon? Wala ka bang pasok?" pag iiba nya ng usapan namin.
"Masama ang pakiramdam ko. Hindi ako nakatulog ng maayos kagabi. Sumasakit din ang tiyan ko ngayon." sa tuwing kakausapin ko sya ay hinuhuli ko talaga ang mga mata nya pero hindi talaga nya kayang tagalan ang mga titig ko sa kanya.
Matalim ang mga mata ko tuwing kakausapin at titingnan ko sya. Kung nakakah*wa lang ang mga titig ko'y baka puro h*wa na sya.
"Mag almusal ka na muna, mamaya pagkakain mo matulog ka na ulit at magpahinga. Bumili na ako ng almusal natin. May pandesal dito at saka di ba gusto mo ng lomi? Binilhan kita ng lomi. Upo ka na dito, ipagtitimpla lang kita ng gatas"
Napapairap na lang ako habang pinagmamasdan sya. Nagkukumahog sya habang inaasikaso ang kakainin ko. Masyado naman syang napaghahalataang may ginagawang milagro.
Samantalang dati tuwing rest day namin kahit sya ang nauna magising sa aming dalawa ay ako pa rin ang pupunta sa palengke para bumili ng uulamin at almusal namin.
Pabor din naman sa akin ngayong buntis ako dahil exercise na din at para hindi ako mamanas at para hindi rin ako mahirapang manganak.
"Wag ka na pala mamalengke, nagpasabay ako kila Mama ng ulam. Magbibigay na lang ako ng pera mamaya kay Mama, nag chat na ako doon." sabi nya habang pinapanood akong kumain.
Hindi ako umimik, tumango na lang ako at nagpatuloy na ulit sa pagkain. Wala ako gaanong gana kumain pero kailangan kong lamanan ang tiyan ko dahil dalawa na kaming nagkokonsumo ng pagkain ngayon.
Himala nga at hindi nya hawak ang cellphone nya ngayon. Kung ibang araw siguro ay baka hindi nya ako pansinin at hayaan lang akong kumain mag isa dahil busy sya kakalaro.
Matapos kong kumain ay kinuha nya agad ang pinagkainan ko. Pinapagpahinga na nya ulit ako sa kwarto pero nanatili pa din ako sa kusina at pinapanood sya habang naghuhugas.
Kakausapin ko sya tungkol sa Annabhel na yun. Sana lang talaga ay walang ibang ibig sabihin ang paghingi nya ng cellphone number ng babaeng yun.
Sana lang ay tungkol lang sa trabaho kaya sya nag hingi ng cp number. Iba na ang kutob ko pero hinihiling ko pa din na sana ay wala namang namamagitan sa kanila.
"Pagkatapos mo dyan ay mag usap muna tayo" seryoso kong sabi sa kanya.
Bigla syang tumigil sa paghuhugas ng plato pero hindi naman ako nilingon at um-oo lang sa akin.
Nagdadalawang isip din ako kung sasabihin ko pa ba sa mga kapatid kong babae itong problema namin.
Siguro saka na lang ako magdedesisyon pagkatapos naming dalawa mag usap. Gusto ko kasi hangga't maaari ay ayokong ipaalam sa kanila ang mga kapintasan ng partner ko.
Siguradong magagalit sila pag nalaman nilang nambababae si Cris sa kabila ng kalagayan ko ngayong buntis ako.
Marami na din kasi kaming problema na pinagdaanan na kinaya ko namang solohin kahit minsan ay sobrang bigat na sa pakiramdam.