Chapter 4
Mula ng malaman ko na kumain si Cris sa isang fastfood restaurant kasama ang mga katrabaho kuno nya ay hindi na ako mapakali. Halos hindi na ako makatulog ng maayos kahit wala pa naman akong nakukuhang sapat na ebidensya.
Para bang may bumubulong sa akin na kailangan kong mag imbestiga. Ginawa ko yun at nagsimula ako sa cellphone nya.
Ito ang isa sa pinaka-ayaw kong ugali ko dahil pag meron akong nalaman at pakiramdam ko ay parang may mali, hindi ako tumitigil hangga't hindi ko napapatunayan ang kutob ko.
Praning na kung praning pero kailangan kong makahanap ng ebidensya dahil hindi ako patutulugin ng mga naiisip ko. Masyado na naman akong mag o-overthink kapag ganito.
Kaya naman para matigil ako sa kakaisip ng kung anu ano ay sinimulan ko nang mag imbestiga sa cellphone nya.
Isang gabing tulog sya ay naghanap ako sa cellphone nya ng posibleng maging ebidensya kung sakali mang may ginagawa syang hindi maganda.
Una kong tiningnan ang gallery nya. Pero maliban sa picture nya na stolen shot noong kumain sila sa fastfood restaurant ay wala na kong nakita.
Pero bigla na lang pumasok sa isip ko na tingnan ko din yung mga binura nyang pictures, baka meron pang di pa tuluyang nabura kaya pumunta ako sa "trash" ng gallery nya.
At hindi nga ako nagkamali dahil merong screenshot doon ng convo nila sa online game na paborito nya. Ang sabi nya doon,
"ano nga ulit yung cellphone number mo?"
"0995 634 ***4" sagot naman nung kausap nya.
"tatawag ako mamaya" chat pa ulit ni Cris.
Kinabahan ako dahil sa mga nabasa. Parang tinatambol ang dibdib ko at nanginginig din ang mga kamay ko habang hawak ko ang cellphone nya.
Tiningnan ko kung kelan nya hiningi ang cellphone number nung kausap nya. Noong isang linggo pa pala. Ibig sabihin baka isang linggo na din silang magka text.
Gusto ko man syang kumprontahin tungkol sa nabasa ko pero tulog sya. Baka magalit sya pag inistorbo ko at mag away lang kaming dalawa. Naiiyak na ako at nanginginig sa mga nabasa ko.
Nararamdaman ko na may hindi talaga tama. Dun pa lang sa part na wala sana syang balak na sabihin sakin na kumain sila sa labas ay nakakapagtaka na. Dagdagan pa nung convo na nanghingi sya ng cellphone number at binura nya.
Sa kagustuhan kong malaman kung sino yung kausap nya ay nagpatulong ako sa kaibigan ko. Di pa din naman ako makatulog kahit hatinggabi na .Mabuti na lang at online pa sya.
"MyLuv, may idea ka ba kung pano malaman kung sino ang nagmamay-ari ng cellphone number?" Tanong ko sa best friend ko na si Raine.
"Oo Myluv. Bakit?" reply nya sakin.
"Nahuli ko kasing nanghingi si Cris ng cellphone number. Di ko alam kung babae ba or lalake ang may-ari. Kaso binura nya yung convo nila kaya for sure babae ang kausap nya"
"Ganto gawin mo, send ka ng piso sa jikas number nung taong yun. Dun mo malalaman yung name ng may-ari ng cellphone. Hindi nga lang yan sure kasi baka mamaya hindi naman yan ginagamit sa jikas na number na yan."
"Gusto ko pa ding subukan, kesa hindi ako mapakali sa kaiisip." sabi ko sa kanya.
"Sige, ano ba kasing meron MyLuv?" curious nyang tanong.
"Basta, balitaan na lang kita. Gusto ko munang mag imbestiga sa ngayon"
"Medyo nahuhulaan ko na ang pinanghuhugutan mo, MyLuv. Basta balitaan mo ako kaagad ha?"
Hindi na ako nag reply dahil sa pagmamadali kong malaman kung sino yung kausap nya. Sana nga lang ay ginamit sa jikas ang number na yun.
Binuksan ko na agad ang jikas app ko at nag try nang mag send ng piso. At ayun, kinabahan na naman ako. Nakita ko na yung pangalan nung taong kausap ni Cris.
"AN" ang magkasunod na letra ng name nya. Letter "B" naman nagsisimula ang surname. Hindi lahat kumpleto pero ok na yun kasi may lead na ako. Walong letra ang name at limang letra naman ang surname. Ini-screenshot ko muna bago ko in-exit ang jikas app.
Pakiramdam ko ay katrabaho lang ni Cris yung kausap nya kaya binuksan ko ulit ang account nya at doon ko tiningnan sa group chat nila sa trabaho kung sino ang may ganung pangalan.
Inisa-isa ko yung member ng group chat nila hanggang sa makita ko yung pangalang may letter "AN" sa name at letter "B" naman ang surname. Para makasiguro ay binilang ko na din kung ilang letters ang name nya.
At tumutugma iyon sa taong nagmamay-ari ng cellphone number na hiningi ni Cris. Ini-stalk ko agad ang profile ng babae na yun at friends na agad sila ni Cris. Quality Assurance Analyst pala nila Cris yung babaeng yun.
Annabhel Balles ang name ng girl. At naka-profile pa talaga nya yung picture nila ng jowa nya na may caption na "My Love". Nakakatawa, iba din si Ate mo girl ha. Love na love si jowa sa efbi pero pinamimigay naman ang number sa ibang lalake. Para saan?
Nakita kong may convo na sila ni Cris sa efbi pero "Kuya" ang tawag sa kanya at "Mam" naman ang tawag ni Cris. Pa- kuya kuya.
Dahil online pa din naman yung babae ay chinat ko na sya. Ganun din naman nag puyat na ako kaya lubos lubusin ko na at alam kong di din naman ako mapapakali.
"Hi Mam, good morning po. Kayo po yung QA nila Cris? Ako po yung live in partner ni Cris sa trabaho. Kumusta po sya sa trabaho, ok naman po ba?" chat ko sa kanya. Alam kong wala sa tamang oras ang pakikipag- usap ko sa kanya pero tinuloy ko pa din.
"Ok naman po sya sa trabaho, Mam. Masipag naman po ang asawa nyo". Reply nya, na medyo natagalan pa. Siguro ay nagtataka sya kung bakit ko sya chinat ng ganitong oras.
"Ay, di ko pa po yan asawa si Cris. Live in pa lang po kami nyan. Di pa po kasi kami kasal. Pwede pa ngang agawin ng iba yan e." chat ko ulit sa kanya. Hindi na sya ulit nag reply kaya naman nag chat ulit ako.
"Mam, nung Friday night po, kilala nyo po ba yung mga nakasama nya kumain sa fastfood restaurant? Nag unli rice daw po sila nung time na yun, sabi nya "MGA KATRABAHO" lang daw po ang kasama nya. Baka po kilala nyo yung mga kasama nya? Sobrang nag alala po ako sa kanya that time kasi halos hatinggabi na pero wala pa din sya yun pala nag bonding lang kasama ang mga "KATRABAHO". Wala po kasing balak na umamin si Cris na kumain sila sa labas kung di ko nga lang nakita yung resibo sa wallet nya. Medyo nakakapagtaka yung mga ganung gawain e. Baka po mamaya may nilalandi na po syang iba. Buntis pa man din po ako ngayon. Tapos may mga babae pa naman ngayon na walang DELIKADESA, alam nang pamilyado yung tao pero ini-entertain pa. Minsan nga po kahit yung mga may pinag-aralang tao napatol pa din sa mga lalakeng pamilyado na. Di na binigyan ng kahihiyan yung sarili at pamilya nya." mahabang chat ko sa kanya.
Naramdaman nya sigurong may laman yung mga sinabi ko sa kanya kaya maya- maya ay nakita kong offline na at hindi na nag reply pa.