Single Mom Series 1 JANA DAZA 3

1249 Words
Chapter 3 Pitong minuto matapos mag reply ng ate nya na pauwi na sya ay narinig kong dumating na ang motor nya. Lumabas ako ng kwarto at pinagbuksan sya ng pinto. "O, anong nangyari? Bakit ngayon ka lang? Kumain ka na ba? May ulam dito, bigay ni Mama kanina" sunod sunod kong tanong sa kanya. "Kumain na ako kila Mama. Nag basketball kami pagka out sa trabaho tsaka nag inom na din. Nagpahinga muna ako bago umuwi dito kasi baka magalit ka na naman na nagmaneho akong lasing" sagot nya sa akin. Dumiretso sya agad sa kwarto at nagpalit ng damit sabay higa para matulog. Mukha syang pagod kaya ni hindi na nakapag linis ng katawan. Dahil hindi na nya nailabas sa bag ang uniporme nyang sinuot sa trabaho kaya ako na ang naglabas sa bag nya at inilagay sa laundry basket. Tiningnan ko na din yung wallet nya at kung magkano ang sinahod nya. Binilang ko ang pera at nakitang kulang ng tatlong daan mahigit yung sinahod nya base na din sa payslip na kasama ng pera. Wala pa kasi syang ATM kaya kahit butal na barya ay nakukuha nya din agad. Ibinibigay nya naman sa akin ang sinahod nya kaya ibinalik ko na muna ito sa wallet nya. Kapag naibigay na nga nya sa akin ang pera nya ay inilalagay ko lang din ito sa iisang wallet kasama ng perang ambag ko sa kanya at dun na lang kami kumukuha ng panggastos sa araw araw. Nang ibinalik ko na ang pera ay may napansin akong resibo. Resibo ito ng inorder nilang pagkain sa isang kilalang fast food na may tindang inihaw na manok. Hindi ko alam pero kinabahan ako dahil sa resibo na nakita ko. Nabasa ko ding inorder nya ito kinse minuto bago ang ika sampu ng gabi. At dalawang order ang ang nakalagay sa resibo. Kinuhanan ko ng litrato ang resibo, siniguro ko na malinaw na makikita yung oras at yung inorder nilang pagkain. Tiningnan ko na din ang cellphone nya para tingnan kung may mga larawan syang kuha habang kumakain. May nakita akong picture nya habang nakaupo sa loob ng kilalang fast food restaurant pero stolen yun. Di ko alam pero mas lalo akong kinabahan. Para bang nakaupo sa harap nya yung kumuha ng picture nyang yun. Gustong gusto ko na syang kumprontahin pero pinigilan ko ang aking sarili dahil tulog na sya at mukhang pagod. Maaga pa din akong nagising kinaumagahan kahit pa napuyat ako nung gabi. Pagkatapos kong maligo ay saka ako nagtanong sa kanya. "Kumain ba kayo sa labas kagabi?" Tanong ko. Kahit alam ko na yung sagot pero nagtanong pa rin ako dahil gusto kong malaman kung magsasabi ba sya ng totoo. "Anong kumain?" Sabi nya habang nakakunot ang noo. Mukhang wala syang balak umamin. "Hindi kayo nag unli rice kagabi?" Tanong ko ulit. Medyo nanginginig na ako sa galit habang inaantay syang sumagot dahil para bang wala syang balak umamin kaya mas lalo akong kinutuban ng di maganda.Nag isip muna sya at tiningnan ang cellphone nya bago nagsalita. "Ah oo, kumain nga kami sa labas. Kasama ko mga ktrabaho ko". "Ilan kayong kumain?" Pakiramdam ko hindi ako kumbinsido sa naging sagot nya. Para bang sinasabi ng instinct ko na parang may mali. "Apat lang kami." "Anong oras ka nakauwi kila Mama kagabi?" nagdududa ko pang tanong sa kanya. "Mga alas nwebe mahigit na ata yun" sagot nya habang nakakunot noo pa din at hindi makatingin sa akin ng diretso. "Sigurado ka na mahigit alas nwebe ka na nakauwi?" Nanginginig na ako sa galit dahil sa pagsisinungaling nya. Pano sya makakarating kila Mama ng ganung oras kung kumain sila sa labas bago ang ika sampu ng gabi? "Umalis na tayo, Jana. Mag a-almusal ka pa. Baka ma-late ka na sa trabaho." Pag iiba nya ng usapan. Pero sa halip na mag asikaso para sa pagpasok ay pinagpatuloy ko ang pagtatanong sa kanya tungkol kagabi. "Bakit hindi mo na lang sagutin ng maayos ang tanong ko? Tsaka humarap ka sa akin, tumingin ka sa mga mata ko dahil kinakausap kita." nagtatagis ang bagang kong tanong sa kanya. "Di ka makatingin ng maayos sa akin dahil nagsisinungaling ka. Alam ko kung nasaan ka ng mga oras na yan kagabi. Wala ka sa bahay nila Mama." sabay kuha ko ng resibo at kulang na lang ay isampal ko sa kanya. Kung tutuosin ay wala namang kakaiba sa nakita kong picture at resibo pero hindi ko maintindihan sa sarili ko kung bakit parang iba ang kutob ko. Tapos dagdagan pa ng pagsisinungaling nya. "Bakit ba ginagawa mong issue yan, kumain lang naman kami ng mga ktrabaho ko. Marami naman kaming magkakasama dun. Kailangan ko pa bang alamin kung anong oras ako nakauwi kagabi?" naiirita nyang sagot sa akin. Huminga ako ng malalim at kinalma ko ang aking sarili. Kailangan na naming umalis dahil baka ma-late pa ako sa trabaho. Sa buong duty ko ay hindi mawala wala ang pagdududa sa isip ko. Pinilit ko lang mag focus dahil baka magkandamali mali pa ako ng take ng order pati na din ng pagsusukli sa customer. Mahirap nang mag abono. Kailangan naming mag ipon para sa panganganak ko. Sa pitong taon naming pagsasama ay ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Hindi ko maipaliwanag pero para bang iba ang kutob ka sa mga ikinikilos nya. Noong una ay lagi syang nagdadala ng extra helmet sa trabaho, kahit medyo nagtataka ay hinayaan ko na lang yun. Malaki ang tiwala ko sa kanya. Nakikita ko naman kasi na hindi sya mahilig makipag chat kahit na nga sa mga kakilala nya. Minsan nga kapag may nangungumusta sa kanya sa chat ay halos abutin na ng dalawang araw bago nya basahin. Kung hindi ko pa sya sitahin na wag naman sana syang snob sa mga kakilala nyang nangungumusta ay di sya magrereply. Madalas nyang libangan sa bahay ay ang paglalaro ng mobile games. Nito ngang mga nakaraang araw ay halos babad sya sa paglalaro. Halos gabi gabi tuwing pagkatapos nyang kumain ay pumupunta sya sa bahay ng magulang nya para maki-wifi at maglaro. Kahit naglaro na sya sa bahay ng magulang nya minsan nagigising akong naglalaro pa din sya pagkauwi nya dito sa bahay. Kung dati tumatabi na sya sakin kahit wala pang ikasampu ng gabi, ngayon naman halos hatinggabi na sya kung matulog. Nakakatampo na sya, wala na kaming oras maglambingan bago matulog. Halos isang linggo na syang busy lagi sa online game. Magkasama nga kami sa iisang bubong pero puro laro ang pinagkakaabalahan nya, nami-miss ko na sya. Matagal tagal na din kaming hindi namamasyal. Huling beses na pumunta kami sa mall ay isang buwan pa lang ang tiyan ko. Ngayon ay pitong buwan na ang aking tiyan. Tuwing aayain ko sya ay lagi nyang sinasabi na saka na at kailangan naming magtipid at mag ipon para sa panganganak ko. May naitabi na din naman ako para sa panganganak ko pero nabawasan yun noong December dahil nagresign sya dahil may nakaalitan sa trabaho. Hindi naman daw sila tinanggal sa trabaho, kinausap lang sila at balak na paghiwalayin ng oras ng duty at department pero mas pinili nyang mag resign na lang para iwas daw sa gulo. Ayaw ko sanang pumayag dahil manganganak ako at kakaonti pa lang ang naiipon namin. Dati din naman kasi nyang kaibigan ang nakaalitan nya kaya sabi ko ay makipag ayos na lang sya pero di sya nakinig. Pinaboran din kasi sya ng kanyang ina dahil mabilis lang din naman daw syang makahanap ng trabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD