Habang nakaupo at nanunuod ako sa bahay ay kumakain na rin ako subalit, halos masamid ako sa kinakain ko at halos huminto ang takbo ng mundo.
“How is that possible?” ilang beses kong kinurap kurap ang aking mga mata dahil baka namamalikmata lang ako sa aking nakikita. Paanong nangyaring parang kamukha siya ni Liam?
‘Hindi, impossible.’
Matagal na akong walang balita sa kaniya simula noong maghiwalay kaming dalawa. Kaya impossibleng sa loob ng dalawang taon ay matupad niya ang pangarap niya. Ilang beses ko mang kumbinsihin ang sarili ko na hindi siya yan pero bakit parang kilala siya ng buong sistema ko?
Itinutok ko ng maigi ang atensyon ko sa tv at pinakinggan ang pinag-uusapan nila.
“Good afternoon Mr. Gozon.” Kahit na narinig ko na ang dating apilido kong gamit ay ayaw ko pa ring maniwala dahil ibang iba siya sa noon at ngayon. Hindi siya kagwapuhan noon pero ang nakikita ko ngayon sa TV ay sobrang gwapo at malinis sa katawan.
“Good afternoon.” Pormal niya lang na saad. Maging ang boses nila ay parehong pareho.
“So thank you for your cooperation at pumayag ka sa pag-interview namin sayo. Isa ka ng kilalang businessmen sa ating bansa at nangunguna na rin ang iyong kompanya. Anong masasabi mo sa tagumpay mong ito?”
“Kung ang tatanungin niyo ay ang aking paghihirap bago maabot ang lahat ng ito, baka abutin tayo ng bukas kung iisa isahin ko pa. Marami akong hirap na pinagdaanan, dugo, pawis, puyat ang pinuhunan ko dito. Hindi ko rin naman mararating ito kung hindi dahil kay Mr. Garcia, na nagbigay ng pang-invest ko.”
Pormal na pormal ang kaniyang pagkakasalita, malayong malayo kay Liam kaya impossible, magkamukha at magkaapilido lang sila. Pinakinggan ko pa ang interview niya at marami na rin ang naitanong sa kaniya ng host.
“Huling tanong na lang Mr. Gozon. Maaari ba naming malaman kung sino ang naging inspirasyon mo sa iyong tagumpay?”
Matagal siya bago nakapagsalita, para bang pinag-iisipan ng mabuti kung sino nga ba ang inspirasyon niya. Ilang beses akong napapalunok sa tuwing pakiramdam ko ay nakatitig siya sa akin. Humugot pa siya ng malalim na hininga saka muling humarap at ngumiti sa kausap niya.
Pinagsalikop niya ang dalawa niyang kamay.
“Well, siya ang inspirasyon ko dati pero wala na akong balita sa kaniya. Mabuti ng huwag na nating pag-usapan pa.” pilit ang ngiting iginawad niya at para naman akong sinaksak ng ilang libong karayom sa dibdib ko.
Nginitian naman siya ng host at nagpasalamat, mas lalong tumigil ang mundo ko ng mabasa ko sa screen ang buo niyang pangalan.
‘Liam Gozon’
Nabitawan ko ang hawak kong plato at napatakip sa bibig ko.
“Aayy kabayo! Candice ano bang ginagawa mo?!!” narinig kong nagsalita ang kaibigan ko pero hindi ko naintindihan iyun. Papaanong sa ganung kabilis na panahon ay natupad mo ang lahat ng iyan? Limang taon kitang sinuportahan sa pangarap mong iyan pero bakit natupad mo noong nawala ako sa buhay mo?
Ang mga ngiti niya, ngiting tagumpay dahil ang pangarap na matagal niya ng inaasam ay natupad niya na.
“Ano bang ginagawa mo?! Bakit nabasag ito?!” dahan dahan kong nilingon ang kaibigan kong nakakunot ang noo habang nakatingin sa akin pero unti unti rin iyun nagbago ng makita niya ang reaksyon ng mukha ko.
“Anong nangyari sayo? hoy Candice okay ka lang?” nag-aalala niya ng tanong. Hindi ako makapagsalita, ang daming tanong sa utak ko pero hindi ko alam kung paano sagutin iyun lahat. Matagal na akong walang balita sayo pero sa pagbabalik mo ito ang bubungad sa akin.
Napakuyom ang dalawa kong kamao dahil sa inis! Matalim kong tinitigan ang malaking TV dito sa sala dahil nandun pa si Liam!
“Hoy ano bang nangyayari sayo?!” nagtataka niyang tanong. Sinundan niya naman ang tinitingnan ko.
“Oh my God! Is this real? Si.. si Liam ba yan?” gulat niyang tanong habang nakaturo sa TV.
“Paanong naging si Liam yan?” nilapitan pa niya ang TV saka maiging tinitigan si Liam na nasa loob ng TV! Humanda ka saking lalaki ka. Pagkatapos ng paghihiwalay nating dalawa hindi ka nagparamdam sa akin, ni hindi mo ako kinamusta tapos ngayon, ngayon makikita kita sa loob ng Tv’ng yan?!
“Hoy bakit ganiyan reaksyon ng mukha mo?” kumaway kaway pa siya sa harap ko pero tinampal ko ang kamay niya.
“Sinong hindi maiinis?! Pagkatapos ng paghihiwalay naming dalawa hindi siya nagparamdam sa akin, hindi niya man lang ako kinamusta! Pagkatapos ko siyang suportahan ng limang taon sa pangarap niyang yan, tapos ngayon makikita ko siya jan na maganda na ang buhay habang ako nandito?! Nandito at naghihirap!”
“Eh ano naman ngayon? hindi ba at ikaw ang nakipaghiwalay sa kaniya? bakit mo siya hahabulin? Hindi ba at nainis ka rin dahil sa walang sawang tigil niya sa kakahabol sa pangarap niya. Bakit ka ngayon magtatanong?! Candice umayos ka! May mga sarili na kayong buhay ngayon, dalawang taon ng walang bisa ang kasal niyo, ikaw na ulit si Candice, Candice Addison at hindi ka na si Candice Gozon. Tandaan mo yan!” sinamaan ko naman siya ng tingin at napaatras naman siya habang kakamot kamot sa batok niya.
“Sa tingin mo ganun na lang? Matinding hirap din ang pinagdaanan ko! Malaking pera din ang ininvest ko dun! Nanatili ako sa tabi niya kahit na ilang beses siyang napalpak!”
“Nanatili ka nga ba sa tabi niya? kahit na ilang beses na siyang pumalpak?”
Hindi ako nakasagot sa sinabi niya, napaiwas ako ng tingin at kakamot kamot na lang sa batok ko. Hindi lang kami magkakaintindihang dalawa.
Tinalikuran ko siya at nagtungo na lamang akong kusina.
“Hoy Candice kahit kelan ka talaga, itong binasag mong pinggan!” rinig kong sigaw niya nanaman pero hindi ko na siya pinansin pa. Kumuha na lamang ako ng maiinom sa fridge at saka inis pang ininom iyun.
Humanda ka talaga sa akin kapag nagkita tayo.
Matagal kitang hindi nakita tapos sa TV pa kita makikita ngayon. Ilang pera din naibigay ko sayo para lang matupad mo ang pangarap mong iyan kaya dapat bayaran mo yun kahit na hiwalay na tayo! Pagod, puyat at pawis din pinuhunan ko para sayo!
“Ano ba Candice?! Ano nanaman balak mo ngayong nakita ko nanaman ang asawa mo este yung dati mong asawa.”
“Sisingilan ko siya, hindi pwedeng wala siyang ibibigay sa akin. Ako ang nagpakain sa kaniya ng ilang taon, ako ang nagbibigay sa kaniya ng pera kapag pumapalpak siya. Ako naghihirap para mabuhay kaming dalawa pero siya?! Sobrang busy sa kakahabol sa pangarap niya! nakalimutan niya na ring may asawa siya!”
“Alam ko naman yun, pero ikaw ang nakipaghiwalay sa kaniya dahil sinabi mong hindi mo na kaya, tapos ngayon hahabol habol ka? Ano na lang sasabihin ng pamilya niya?”
Napabuntong hininga naman ako sa sinabi niya. Ano naman ngayon kung nakipaghiwalay ako sa kaniya? dapat niya akong bayaran tutal naman barya na lang yun sa kaniya ngayon.
Naglakad ako patungong sala.
“Candice, huwag mo ng ituloy kung anong binabalak mo.” Sunod niyang saad sa akin. Hindi ko siya sinagot at pabalik balik akong naglalakad sa sala habang kagat kagat ang daliri at nag-iisip.
“Candice naman, hayaan mo na yung tao. May sarili ka ng buhay at ganun din siya.” Inis kong hinarap si Emma at napaatras naman siya.
“Emma hindi mo ako naiintindihan eh, hindi ko siya guguluhin. Sisingilin ko lang siya sa kaunting halaga.”
“Bakit mo pa siya sisingilin? Eh asawa mo pa siya noong ibinigay mo ang lahat ng iyun.”
“Look Emma, siya ang lalaki sa aming dalawa noong mag-asawa pa kami pero ako ang nagpapakain sa kaniya, ako ang bumubuhay sa aming dalawa.” Inis kong saad sa kaniya. Wala naman siyang nagawa kundi ang mapasapo na lamang sa kaniyang noo.
“Bahala ka, gawin mo gusto mo. Ito lang sasabihin ko sayo, hindi na katulad ng dati si Liam. Hindi mo na siya malalapitan ng ganun kabilis dahil makapangyarihan na siyang tao. Kapag ipinagpilitan mo pa ang lapitan siya, baka hindi mo pa siya nakakausap, pinigilan ka na ng mga bodyguard niya.” huling mga salita niyang sinabi bago niya ako talikuran. Hindi naman ako nagpadala sa mga sinabi niya. Ibigay niya lang ang gusto ko at hinding hindi ko na siya guguluhin kahit kailan.
Pumasok na ako sa kwarto ko at naligo, kailangan ko siyang puntahan. Kailangan ko siyang kausapin.
Pagkatapos kong maligo ay naggayak na ako at kinuha ko na ang bag kong nakasabit. Nakasalubong ko pa sa sala si Emma na iiling iling.
“Hindi ka na ba talaga mapipigilan jan sa gusto mo?”
“Hayaan mo na ako Emma, buhay mag-asawa to.”
“Yun na nga eh, pero hindi na kayo mag-asawa. Dalawang taon ng wala ng bisa ang kasal niyo.”
Napairap na lamang ako at hindi na siya pinansin pa. Nilampasan ko na siya at lumabas ng bahay. Rinig ko pa ang pagtawag niya sa akin pero dumiretso na ako at lumabas ng bahay.
Kung makapigil akala mo naman ay gyegyerahin ko si Liam. Kakausapin ko lang naman ang mokong na iyun.
Nag-abang na ako sa labas ng taxi saka sumakay.
“Saan po kayo ma’am?” napaisip naman ako, napasapo na lang ako sa noo ko dahil hindi ko nga pala alam kung saan ang kompamya niya. Kung saan nakatayo, maging ang pangalan ng kompanya niya ay hindi ko alam.
“Ma’am saan po kayo?” tiningnan ko naman si Kuya na nakatingin na sa akin sa salamin.
“Ah alam niyo po ba kung saan ang kompanya ni Mr. Liam Gozon?”
“Ah yung sikat na binatang CEO ngayon? Oo ma’am alam ko kung saan yun.” Pinatakbo niya naman na yung taxi niya. Itinuon ko naman ang atensyon ko sa labas. Napatitig pa ako sa isang malaking bulletin board na nakapaskil ang mukha ni Liam, kilala na ba talaga siya ngayon at sikat? Bakit ngayon ko lang nalaman kung hindi ko pa napanuod sa TV.
“Ah Kuya sikat na po ba talaga si Mr. Gozon?” kuryoso kong tanong kay kuyang driver.
“Oo naman ma’am, kilala siyang pinakabatang CEO sa ating bansa. Marami nga ang nagkakagusto sa kaniya dahil nga naman sa napakagwapo niyang mukha.”
Muntik pa akong masamid sa huli niyang sinabi. Kung alam niyo lang kung anong itsura niyan noon, paniguradong pagtatawanan niyo. Nagmukha na siyang tao ngayon.
“Mukhang hindi niyo po masyadong kilala si Mr. Gozon ha?”
“Ha? ah ano, hindi naman sa ganun gusto ko lang makasiguro hehehe.” Tanging nasabi ko na lang bago ko ituon ang paningin ko sa labas. Mga nagtataasang building na lang ang tiningnan ko. Nakakapagtaka man kung anong nangyari sa kaniya, hindi ko maikakailang matutupad niya rin ang pangarap niyang yan.
Pangarap naming dalawa dati, iniwan ko nga lang. Tssss. Ikaw ba naman kalimutan ng asawa mo dahil sa pangarap niya.
“Nandito na po tayo ma’am.” binayaran ko naman na si Kuya saka bumaba ng taxi. Inilibot ko pa ang paningin ko sa harap ng building na ito. Masyadong malaki naman yata ang kompanya niya? Tiningnan ko ang mga taong naglalakad, may papasok at may lalabas ng building. Inayos ko naman ang sarili ko maging ang magulo kong buhok saka ako pumasok sa loob.
THIRD PERSON POV
Habang naglalakad si Candice ay inililibot niya ang paningin sa paligid at nagbabakasakaling makita niya ang dati niyang asawa. Pinagtitinginan din siya ng ibang empleyado kaya napapayuko na lamang siya at aayusin ang sarili.
“Kailangan ko ang lahat ng mga papeles na sinabi ko sayo kahapon secretary Kim.” Saad sa kaniya ni Liam habang naglalakad sila sa Lobby ng kompanya.
Nalampasan naman na nila Liam si Candice na lilinga linga.
Napakunot pa sa noo si Candice at tinitigang mabuti ang lalaking naglalakad na nakasuot ngayon ng pang-amerikanong damit kasama ang tatlong lalaking nakaitim din.
“Mukhang si Liam na nga ito.” usal niya sa kaniyang sarili, sinubukan niyang habulin ang apat na lalaki subalit nakaliko na ang mga ito at hindi niya na alam kung saan sila pumasok. “Alam kong si Liam iyun, sa tagal naming dalawa impossibleng hindi ko masaulo ang lahat sa katawan niya.” naiinis pang saad ni Candice habang inililinga ang mga mata upang hanapin si Liam. Nagpatuloy siya sa paglalakad at sumisilip naman sa ibang kwartong nadadaanan niya pero hindi niya makita si Liam.
Inilinga pa niya ang paningin hanggang sa makita niya na nga ang apat na lalaki at ang dati niyang asawa na naglalakad sa unahan habang kausap ang katabi nitong sekretarya.
“Gusto kong bukas na bukas din ay matapos na ang pinapagawa ko sa marketing department secretary Kim.” Saad ni Liam sa kaniyang secretary. Naglalakad na sila patungong elevator habang si Candice naman ay tumatakbo at sinusubukang habulin ang kaniyang dating asawa.
Pinindot na ng isa sa mga bodyguard ni Liam ang number ng floor na pupuntahan nila, bago pa ito magsarado ay may narinig silang sigaw.
“LIAAAAAAM.” Malakas na sigaw ni Candice subalit bago siya makarating sa tapat ng elevator ay kaunti na lang para magsarado. Nasilip pa niya ang dati niyang asawa ngunit hindi ito nakatingin sa labas kundi sa hawak niyang papel.
“Did you hear someone calling my name?” tanong ni Liam sa kaniyang tatlong tauhan.
“Baka guni guni niyo lang po iyun Sir, wala naman pong mga empleyado ang magtatawag sa una niyong pangalan.” Usal naman sa kaniya ng secretary niya. Napataas naman ang kilay ni Liam bago uli itinuon ang atensyon sa papel niyang hawak.
Inis na napahampas na lamang si Candice sa elevator ng hindi niya maabutan ang dating asawa.
“Bakit ba napakahirap nun hagilapin! Busy’ng busy! Bwesit!” inis niyang saad saka pinagsisipa ang nakasarado ng elevator. Tiningnan niya naman ang number na binibilang ng elevator. Pinagtitinginan na rin siya ng mga empleyado dahil sa ginagawa niyang pagsipa dito.
“Excuse me Miss. Sira ba ang elevator?” takang tanong sa kaniya ng isang lalaki.
“Ah hindi po.” Nakayuko niyang saad.
“Hindi ko alam kung anong pinagdadaanan mo pero huwag mo sanang idamay ang elevator sa galit mo. Ayusin mo rin ang buhok mo.” Saad ng lalaki.
“Pasensya na. Pero pwede magtanong?” tinanguan naman siya ng lalaking kumausap sa kaniya.
“Saan ko pwedeng makausap si Liam, este si Sir Gozon?”
“Hindi niyo po siya basta basta makakausap ma’am, kailangan po ninyo na may appointment talaga kayo sa kaniya, mga pamilya niya lang ang pwedeng kumausap sa kaniya ng walang appointment na kailangan.”
Sasagot na sana si Candice at sasabihing dati siyang asawa pero itinikom niya na lamang uli ang kaniyang bibig dahil ayaw naman niyang pag-isipan siya ng mga tao na baliw lalo na at kilala nilang single ang dating asawa, inisip niya ring baka hindi siya paniwalaan ng mga ito.
“Salamat.” Tanging nasabi niya na lamang. Yumuko naman na sa kaniya ang lalaki saka siya tinalikuran at naglakad palayo. Minsan pang tiningnan ni Candice ang elevator bago naisipang lumabas ng building.
Inis niyang pinagsisipa ang mga nadadaanan niyang bato sa gilid ng building ng kompanya ni Liam sabay titingin sa taas.
“Maghintay ka lang. Magkikita rin tayo.” Aniya habang nakatingin ito sa taas ng building. Naglakad naman na siya patungong hintayan ng mga bus saka sumakay dito at umuwi.
Naabutan pa niya ang kaibigan niyang nakakrus ang dalawang kamay habang nakasandal sa pintuan ng bahay niya.
“Oh anong napala mo?” bungad na tanong sa kaniya pero dumiretso na lang sa loob si Candice at pabagsak na iniupo ang sarili sa sofa.