Seafoods na bagong huli ang mga nakahain. Hindi naman kami gaanong napagod sa biyahe dahil hindi naman sobrang tagal. At isa pa, hindi nakakasawang makita ang magandang tanawin na nakikita ng mga mata ko ngayon.
Ang alon sa dagat na para bang musika sa pandinig ko. Ang mga sumasayaw na dahon ng matataas na puno ng niyog ay nakikiayon sa magandang view. Ang puting buhangin na kay sarap hawakan at ang tubig ng dagat na ang sarap paliguan. Idagdag pa ang sariwang hangin na hindi ko nalalanghap sa Manila.
Nasa bahay kami ngayon ng Lolo ni Grace para sa lunch. Inihaw na pusit, lobster, shrimp at iba’t ibang klase ng isda na magkakaiba rin ang luto. Lahat daw ng mga nakahain ay sa dagat nakuha kaninang umaga. Lahat sila ay masasarap sa paningin kaya tiyak na gano’n din ang lasa.
“Kumain kayo ng marami,” nakangiting sabi ni Lola.
Naupo kaming apat sa bangkong upuan. Sa tabi ko ay si Dave na para bang kanina pa ayaw humiwalay sa akin. Binibigyan naman ako ng kakaibang titig ng mga kaibigan ko at kakaibang ngiti. Hindi ko na lang pinansin dahil natatakam na ‘ko sa mga pagkaing nakahain.
“Ako na ang magbabalat para sa ‘yo,” wika ni Dave sa tabi ko nang abutin ko ang malalaking hipon. Kinilig naman ang dalawa kaya napailing na lang ako.
Hindi pa ‘ko pumapayag pero pinagbalat na ‘ko ni Dave ng hipon. “Crabs?” he asked. Isang beses akong tumango.
“Sana ako rin may gan’yan,” naiinggit na ani ni Marielle.
“Sana may Dave rin ako,” ani naman ni Grace.
“Single naman si Dave,” wika ko. Napalingon agad si Dave sa akin na para bang may nasabi akong bawal o masama kaya tumawa ako.
“Hindi naman niya ‘ko nililigawan kaya may chance pa kayo,” makahulugang dugtong ko.
Ngumiwi naman si Grace. “Ikaw ang gusto niyan eh!” wika niya kaya mas lalo akong natawa.
Nilingon ko si Dave na kunwaring busy sa paghihimay ng seafoods para sa ‘kin pero halatadong apektado sa mga naririnig.
“Ako raw ang gusto mo?” tanong ko sa kaniya. He look at me. Iyong titig na nahihiya pang umamin pero halata namang oo ang sagot niya.
“Iyong kanta niya sa ‘yo noong debut mo, on the spot ‘yon at ikaw talaga ang tinutukoy niya ro’n!” malakas na wika ni Marielle. Namula pa ng sabay ang mga mukha nila ni Grace nang maalala ang pagkanta ni Dave sa debut ko. Kinikilig na naman sila.
“Grabe, bihira na lang ang gano’n ngayon. I-keep mo na ‘yang si Dave,” wika naman ni Grace habang nagbabalat ng hipon para sa kaniya.
“You like me?” baling ko kay Dave sa tabi ko. Mas lalo siyang nahiya at namula pa ang mukha. Tinawanan ko naman siya.
“Umamin ka na, Dave. Naku, maraming manliligaw ‘yang si Faye. Sige ka, baka maunahan ka,” wika ni Grace.
Ngumiti naman si Dave. “Ayos lang. hindi naman kailangang magmadali at hindi ko rin kailangang madaliin si Faye na magustuhan niya ‘ko. Kung marami siyang manliligaw... ipagpapasalamat kong kasama ko siya ngayon kahit hindi pa ‘ko nagpapaalam na liligawan ko siya.” Lalong kinilig ang dalawa sa sinabing ‘yon ni Dave.
“Hindi mo naman kasi kailangang pwersahin ang tao para mahalin at magustuhan ka niya. Minsan, it takes time talaga. At sa relationship... win or lose din talaga sa huli. Manalo man o matalo, gusto ko pa ring matupad ‘yong pangarap kong makayakap ka, Faye,” wika niya at nginitian ako.
Hindi ako nakaimik dahil naalala ko bigla si Ninong. Love can wait. It takes time para magustuhan ka ng taong gusto mo. But in the end... you will know if you’re the winner or the loser. Masakit kapag talo sa bandang huli. Lalo na kapag binigay mong lahat magustuhan ka lang niya. Tulad na lang ng ginawa ni Mama. Ang ibig pa lang sabihin ay talo na siya. How sad.
“Aww...” sabay na wika nina Grace at Marielle.
“True love ang tawag doon,” wika naman ni Dave at saka maayos na nilagay sa plato ko ang mga nabalatan niyang mga hipon at lobster.
“Natural at walang halong kalokohan,” dugtong niya habang sa akin nakatingin.
“Nambobola ka lang eh,” biro ko sa kaniya.
“Try me,” naghahamon niyang sabi.
“Ewan ko sa ‘yo.”
Nabusog kami sa masarap na tanghalian. Ngayon lang ako nakakain ng seafoods na sobrang dami. Sinusubuan pa ‘ko ni Dave kanina kaya nangingisay ang dalawa habang nakatunghay sa amin. Nakakain naman sila at ginawa kaming panooran ni Dave. At ang sabi pa nila ay may new love team na raw silang susuportahan.
“Daye!” Ito raw ang new love team na susuportahan nila.
“Ang corny niyo,” labas sa ilong kong sabi.
“Saan niyo naman nakuha ‘yan?” tanong ko pa.
“Dave at Faye…Daye,” paliwanag ni Grace.
“Mga sira!” wika kong pailing-iling.
Hindi muna kami nagbalak na mag-swimming kahit gustong-gusto na namin. Masasayang lang kasi ang magagandang swimsuit na isusuot namin kung mga bundat kami. Tinawanan lang kami ng Lola ni Grace nang marinig kami.
“Pwede naman kayong maligo nang nakadamit,” wika ng Lola niya.
“Hindi pwede, Lola. Magpi-picture kami eh,” ani naman ni Grace.
“Kayo talagang mga kabataan...” wika ng Lola niya.
Pinaghiwa niya rin kami ng hinog na mangga. Kung gusto raw namin ng fresh na buko ay magpapaakyat siya sa katiwala nila. Hindi pa kami sumasagot ay nagpakuha na siya kaya wala rin kaming nagawa pa.
“Grabe... ang bigat ng tiyan ko,” ani ni Marielle habang hinihimas ang tiyan niyang maumbok.
Busog na busog na kami at inaantok sa sobrang kabusugan. Si Dave ay nasa tabi ko pa rin. Nag-selfie na lang kami habang nasa balcony ng kubo para may mai-post sa social media. Kasama si Dave sa picture at nakadikit sa ‘kin. Kaya nang mai-post ‘yon ay inulan ng comments galing sa mga kaklase namin.
“Who’s that?”
“Ang cute naman no’ng guy.”
“Boyfriend mo, Faye?”
“Selos na ‘ko, Faye.”
“May nagseselos na sa comment section,” ani ni Marielle at sinulyapan si Dave.
Hindi naka-tag si Dave kaya hindi nila kilala at hindi rin nila masisilip ang profile niya. Pwera na lang kung may makakilala sa kaniya.
“May balak ka bang sagutin ang isa sa kanila?” seryosong tanong ni Dave sa tabi ko.
“I don’t know. Gaya nga ng sabi mo kanina, it takes time,” sagot ko.
“I’m willing to wait, Faye. Win or lose,” nakangiting sabi niya. Hindi ko ‘yon nasagot dahil hindi ko rin alam at wala akong maisip na maisagot sa kaniya.
Kinuha niya ang gitara niya sa kwarto kaya nagkantahan na lang kami habang pinapanood ang magandang dagat ng Palawan. Maganda ang boses ni Dave at ang sarap pakinggan. Kung ganito siya palagi ay baka maibaling ko sa kaniya ang pagtingin ko.
“Kailan ka natutong mag-gitara?” tanong ni Grace.
“I mean, ilang taon ka. Matagal ka na bang tumutugtog?” paglilinaw niya.
“Nine years old ako natuto. Bata pa lang ako at music na talaga ang nakahiligan kong gawin,” sagot naman ni Dave.
“Ilang taon ka na ba ngayon?” tanong ni Marielle na hawak-hawak pa rin ang buko. Hindi pa rin niya nauubos at kahit busog na siya ay hindi niya pa rin tinitigilan. Matamis kasi kaya masarap inumin.
“Twenty,” nakangiting sagot niya.
“Kaya pala nagtatrabaho ka na at pinagkakakitaan mo ang pagkanta,” ani naman ni Grace. Nasa legal age na pala si Dave. At mas matanda sa ‘kin ng dalawang taon.
Mahina namang tumawa si Dave. “Baka iniisip niyo... ‘yong nakita niyo sa bar,” wika niya.
“Hindi ba?” tanong ko. Binalingan niya ‘ko ng tingin at umiling.
“Ako ang may ari ng bar na ‘yon at trip ko lang kumanta sa stage noong araw na ‘yon,” wika niya kaya namangha kaming tatlo.
“Wow! Twenty years old ka pa lang pero may sarili ka nang business,” wika ni Marielle.
“Uncle ni Grace ‘yong manager doon eh,” wika ko.
“Yup. Nabanggit nga niya sa ‘kin dahil madalas sina Grace ro’n,” wika naman ni Dave.
“Hindi halatang ikaw ang may ari. Ang bata mo pa pero may negosyo ka na,” mangha namang saad ni Grace.
“Para sa ‘kin, mas maaga... mas maraming mararanasan. Maikli lang ang buhay at hindi natin alam kung hanggang kailan tayo dito sa mundo. Kaya mas better na gawing makabuluhan ang buhay habang bata pa,” makahulugang saad niya.
Masiyadong malalim at mature pala kung mag-isip si Dave. Nagustuhan ko agad ‘yon sa kaniya. Napatango naman kaming tatlo.
“Tama ka naman. Pero nakakapagsaya ka pa ba? Gaya ng gala o kung ano pang gimik?” tanong ko.
“Yup. Kaya nga nakasama ako sa inyo eh. Nagagawa ko pa naman ang mga gusto kong gawin kahit na may negosyo ako,” wika niya.
I’m impressed. Kung paano niya i-handle ang sarili niyang buhay na para bang walang stress na dinadala... gusto ko rin no’n. Gusto kong gumaan ang buhay ko at makabuluhan tulad nang kay Dave.
“Paano mo nama-manage ang negosyo mo kung nasa malayo ka?” tanong ni Marielle.
“Nandoon naman ang manager ko. Pinagkakatiwalaan ko siya dahil siya ang pinaka-matalik kong kaibigan,” he answered.
Napatango na lang kaming tatlo. “Pwede mo ba ‘kong turuan niyan?” tanong ko sa kaniya.
“Sure! Come here,” wika niya.
Pinaupo niya ‘ko sa kandungan niya. “Paraan mo lang yata ‘to para manantsing eh!” Sinimangutan ko siya pero tinawanan niya lang ako.
“Mas madali kasing magturo kapag ganito,” wika niya.
“Palusot mo,” angil ko sa kaniya.
Sina Grace at Marielle naman ay kinikilig na naman habang nakatunghay sa amin ni Dave. Kaming tatlong magkakaibigan ay walang nobyo ngayon. At ako lang ang hindi pa nagkakaroon. Sila ni Grace ay nakakailang palit na. Sila kasi, basta manliligaw... sinasagot din nila makalipas ang ilang linggong panliligaw. Pero ako, wala pang balak. Hindi ko alam kung bakit ayoko pa. O baka dahil masyado akong masunurin sa bilin ni Ninong at Mama kaya wala pa.
“Ilagay mo ang isang kamay mo rito,” turo niya at maingat na nilagay ang kamay ko sa string ng gitara.
“Basic chords ka muna pero mas better kung mag-aaral ka ng isang kanta na basic lang ang chords. Mas mabilis ka kasing matututo kapag gano’n,” wika niya.
Nakikiliti ako dahil tumatama ang mainit niyang hininga sa leeg ko. Parang nakayakap na siya sa ‘kin dahil sa posisyon namin. Malaki ang gitara niya kaya nahihirapan akong i-handle. Pero hindi naman ako pinababayaan ni Dave at nakagabay lang siya.
“Hoy! Ano ‘yan?” tanong ko nang marinig ang pag-click ng camera.
“Uhm, n-nothing,” tanggi ni Marielle.
“Ang ganda kasi ng view,” wika niya pero alam kong kami ni Dave ang kinuhanan niya ng litrato.
“Ganito ang chords na G,” ani ni Dave kaya naputol ang atensyon ko kay Marielle.
“Okay,” wika ko. Pagkatapos ay tinuruan niya ‘ko ng strumming.
“Ganiyan ang tunog niya. Dapat sakto lang ang diin at hindi naman kailangang diinan ng sobra,” paalala niya. I nodded once.
“This is the E-minor,” turo niya. Nadalian ako sa part na ‘yon. Dalawang daliri lang ang nakalapat kumpara sa G.
“And this is the chord A,” turo niya uli. Madali lang din kaysa sa G.
“Last chord is C,” wika niya. Medyo mahirap ang C-chord dahil malalayo. Malaki kasi ang gitara niya kaya kailangang magkakalayo ang daliri ko.
“Ang sakit sa kamay ha,” usal ko.
“Ganiyan talaga kapag nagsisimula pa lang. Masasanay ka rin,” nakangiting sabi niya.
Malambing din siyang magsalita at mahinahon. Wala kang mararamdamang yabang o ano. Mabuting tao siguro si Dave.
Paulit-ulit kong inaral ang chords sa gitara na itinuro niya sa ‘kin. Hanggang sa nasanay ang kamay ko sa paglipat-lipat ng chords. Nang makabisado ay tinuro niya sa ‘kin kung paano ang strumming no’ng kanta. Doon ko pa lang napagtanto ang kanta nang mapakinggan ko ng buo.
“Ang dali lang pala,” nakangiting saad ko nang makuha ko na ang tugtog.
“Ang bilis mo pa lang matuto,” wika niya.
Umalis siya sa likuran ko at hinayaan na ‘kong mag-isa. Nakaramdam ako ng kakulangan sa katawan ko nang mawala ang init ng balat ni Dave sa akin. Hindi ko ‘yon pinahalata at nag-focus sa gitarang hawak ko.
Nagpa-picture pa ‘ko kay Marielle at nagpakuha na rin ng video para may remembrance ako sa first lesson ko sa guitar. Na-enjoy kong mag-aral mag-gitara hanggang sa mapagod ako at sumakit na ang dulo ng mga daliri ko.
Inabot ko na kay Dave ang gitara niya. “Thank you,” I said.
“Nakakatuwang mabilis kang matuto,” wika niya.
“Willing ako eh,” wika ko at sinang-ayunan naman niya.
Nag-post ako ng pictures sa social media ko na hawak ang gitara ni Dave. Pero nagulat ako sa naka-tag na picture sa ‘kin…litrato naming dalawa ni Dave habang tinuturuan niya ‘kong mag-gitara. Nakapatong ang baba ni Dave sa balikat ko habang hawak niya ang magkabilang kamay ko habang ako ay nakaupo sa kandungan niya. Pareho pa kaming nakangiti. Balak ko sanang ipabura kay Marielle pero sayang naman. Totoo ang sinabi niyang maganda nga ang view. Ngayon lang yata ako napangiti ng ganito.
“I like you, Faye. Balak sana kitang ligawan kung papayagan mo ‘ko,” wika ni Dave nang ihatid niya ‘ko sa kwarto namin nina Marielle at Grace.
“Huwag,” tanggi ko. Nagulat siya sa naging sagot ko. Marahil ay basted na agad siya sa ‘kin kaya nagulat siya.
“I mean... let’s be friends muna. Ang sabi mo noon, gusto mo ‘kong kilalanin muna. Doon muna tayo. Para sa ‘kin, iba ka sa mga nanliligaw sa ‘kin kaya ayaw kong ihanay ka sa kanila. Gusto rin kasi kitang makilala pa, Dave,” nakangiting paliwanag ko.
Tila nakahinga naman siya ng maluwag at ngumiti ng matamis. Mas lalo kong nakikita ang kagwapuhan niya kapag ngumingiti siya. Well, hindi talaga siya makitaan ng pangit kahit saang parte. Lalo na sa nakikita kong ugali niya.
“Good night, Faye,” nakangiting sabi niya.
“Good night, Dave.”