Tribo
CHAPTER 1
SHA POV
"Aaaah-ah-ah-ah-aaaahhh!"
Sigaw ko habang dumadagit ang hangin sa aking buhok, palundag-lundag ako sa mga sanga ng punong-kahoy at kumakapit sa mga baging ng kagubatan. Ang mga ibon ay nagliparan sa gulat, ang mga unggoy ay nagsihiyaw ng kanilang tunog na parang musikang kilala ko na mula pagkabata. Dinig ko ang isang matinis at matinding sigaw ng unggoy, "Howaaaaa! Howaaah-howaaa!"
"Yara! May nahulog!" sigaw ko habang bumaba ako sa isang malambot na parte ng lupa kung saan nakahandusay ang isang maliit na unggoy. May dugo sa kanyang paa at hinang-hina ito.
"Sha! Sandali lang!" sigaw ni Yara habang mabilis na bumaba mula sa isa pang punongkahoy. Pareho kaming sanay sa ganitong sitwasyon. Magkaibigan kami mula pagkabata. At pareho rin kaming may kakayahang umintindi ng wika ng mga hayop. Oo, naiintindihan namin ang kanilang mga huni, mga iyak, mga babala.
Lumapit ako sa sugatang unggoy at hinaplos ang noo nito. "Kalmado ka lang, maliit na kaibigan. Di ka namin pababayaan."
"Howaaa... howaa..." ungol nito sa sakit.
"Sinabi niya, masakit daw ang kaliwang paa niya at hindi siya makatayo," bulong ko kay Yara.
"Hawak mo 'yan, Sha. Ako ang kukuha ng gamot." Mabilis siyang naglaho sa likod ng mga punongkahoy, sanay na sanay sa likas na daan ng kagubatan.
Hinaplos ko ang balahibo ng unggoy. "Anong pangalan mo?"
"Huwuuu... howaaa..." ang sagot nito.
"Sabi niya, si Luma siya. Nalaglag daw siya habang nakikipaglaro sa mga kapatid niya."
Bumalik si Yara, may hawak na mga dahon at langis mula sa isang bunga. Piniga niya ito at inilagay sa sugat ni Luma. Napaungol ito ngunit unti-unting kumalma.
"Sha..." bulong ni Yara. "May naririnig akong kaluskos."
Tumayo ako agad at kumapit sa baging. Tumalon ako sa isang sanga at sumilip. Doon ko nakita ang isang dambuhalang ahas, gumagapang, tila gutom na gutom.
"Malaking sawa!" sigaw ko pabalik kay Yara. "Tila nagugutom 'to. Baka may balak sa atin."
"Hindi pwede! Delikado 'to sa mga hayop at sa tribo natin," sagot niya.
Mabilis akong bumaba. "Luma, manatili ka muna rito."
"Howaaa... howaa..." tugon nito. Alam kong ibig niyang sabihin ay mag-iingat daw kami.
Hinugot ko ang matalim kong sibat na gawa sa pinatigas na kawayan at bato. Si Yara ay may dalang palaso at busog. Tahimik kaming sumunod sa ahas. Gumapang ito sa damuhan, at nagkulubkob sa ilalim ng isang malaking puno.
"Yara, palibutan natin. Sa akin ang unahan, ikaw sa buntot."
"Kopya, Sha."
Mabilis akong tumalon sa sanga sa ibabaw ng ahas at ibinagsak ko ang sibat sa ulo nito. Napakabigat ng katawan ng ahas, nagsimulang gumulong at bumalibag.
"Huwag kang bibitiw, Sha!" sigaw ni Yara.
"Hindi ako bibitiw!" sigaw ko habang pilit kong itinusok muli ang sibat. Bigla akong tinamaan ng buntot ng ahas at tumilapon ako sa isang puno. Pero bumangon ako agad, hindi ako papatalo.
"Yara, tira mo na!"
Pinakawalan niya ang palaso at tumama ito sa leeg ng ahas. Isang malakas na hiyaw ang pinakawalan nito.
"HSSSSSSSSSSSS!!!"
Dinig ko ang mga hayop na nagsimulang magsigawan:
"Howaaa! Howaa-howaaa!"
"Krrrreeeee! Krrreeeeee!"
"Wakwak! Wakwak!"
Lahat ay nagbigay ng babala at suporta. Parang isang buong bayan ng kagubatan ang nagtutulungan.
Sa huling bagsak ng ahas, bumagsak ito ng tuluyan. Huminga kami ng malalim ni Yara. Pawis na pawis kami, ngunit tagumpay.
"Ang laki nito, Sha..."
"Oo, sapat para sa buong tribo."
Buhat-buhat namin ito habang hinihila ang katawan. Dumaan kami sa gitna ng kagubatan kung saan naghihintay ang ilang hayop.
"Krrreee! Tagumpay!" hiyaw ng isang uwak sa sanga.
"Howaaa! Sha! Bayani!" sigaw ni Luma na nakaupo na ngayon sa isang malaking bato.
"Ayos na pala paa mo ah," natatawa kong sabi. "Ginawan ka ng milagro ni Yara."
Pagdating namin sa nayon, sinalubong kami ng mga tao. "Si Sha at si Yara! May dala silang pagkain!"
"Isa itong malaking sawa!" sigaw ng isang matanda.
"Kaya natin 'tong hatiin para sa buong tribo," dagdag ng lider ng nayon.
Nagtipon ang lahat. Ang mga bata ay tumatakbo sa paligid namin. Ang mga matatanda ay may hawak na apoy, nagsisimulang maghanda sa pagkatay.
"Bayani na naman kayo, Sha at Yara," sabi ng isa sa mga pinuno.
"Hindi lang kami. Tumulong din ang mga hayop," sagot ko. Lumapit si Luma at umupo sa balikat ko. Hinaplos ko siya.
"Sha, paano mo naiintindihan ang mga hayop?" tanong ng isang bata.
"Ang puso nila ay may tinig na hindi lahat ay nakakarinig. Pero kung pakikinggan mo, maririnig mo rin."
"Ako rin po kaya?" tanong ulit ng bata.
"Oo. Pero dapat marunong ka ring makinig at magmahal."
Nag-umpisa na ang pagtitipon. May sayawan, may awitan. Tinugtog ang mga tambol habang ang karne ng ahas ay inihaw sa apoy. Amoy usok at damo ang paligid, pero puno ng tawanan, sigawan, at kwento.
Habang tumitipa ang gabi, umupo ako sa tabi ng apoy kasama si Yara.
"Sha..." sabi niya.
"Hmm?"
"Bakit parang nararamdaman kong may paparating na panganib?"
Napatingin ako sa langit. Tahimik. Pero may kakaibang lamig sa hangin. Sa di kalayuan, dinig ko ang tila alulong.
"Awooooooo...."
"Narinig mo yun?" tanong ko.
"Oo. Hindi yun ordinaryong hayop."
"Bukas, lilibutin natin ang silangang bahagi ng kagubatan. Kailangang malaman kung anong klaseng nilalang yun."
"Handa ako."
Habang lalong lumalalim ang gabi, nagsimula nang mag-alab ang mga tambol. DUG-DUG-DUG! Parang pusong tumitibok ang tunog. Nakapalibot kami sa apoy. Ang mga matatanda ay may hawak na kawayan na ginawang baso puno ng lambanog na halos magliyab sa tapang. Ang mga bata ay tumatakbo-takbo, sumisigaw ng:
"Sha! Sha! Hura Sha!"
Ako naman, nakaupo sa kahoy na trono na gawa sa balete at bulaklak. Syempre, prinsesa ako. Anak ako ng Hara—si Hara Lintiwa, ang reyna ng Tribung Kaladkad. Oo, Kaladkad ang pangalan ng tribo namin. Bakit? Dahil lahat dito mahilig mang-kaladkad. Kaladkad ng hayop. Kaladkad ng bunga. Kaladkad ng chismis. Lahat.
"Sha, tikman mo ‘to!" sigaw ni Yara habang iniaabot ang isang kawayan baso.
"Ano ‘to?"
"Lambanog na may siling labuyo. Tinawag nila ‘tong ‘Ala Eh Bomba.’"
"Teka"
Isang lagok lang, pakiramdam ko ay nakita ko na ang ninuno kong nagtatampisaw sa ulap.
"YARA! Ano ‘to, apoy?!"
"Hahaha! Ang arte mo talaga, Sha. Princessa pero walang panlaban sa spice!"
"Ano ba ‘tong tribu natin, puro kalokohan!"
Lumapit si Tabo, ang resident engkantong sabaw. May suot siyang sombrero na gawa sa balat ng bayawak, tapos may hawak-hawak siyang tambol na may nakaipit pang tilapya.
"Shaaaa, may bagong kanta ako!"
"Ay huwag na"
Nag-umpisa na siyang tumambol.
TUG TUG TUG
"Si Sha ay maganda,
Mukha'y di makakanta,
Pero pag siya'y uminom,
Nagiging palaka!"
Sabay pasayaw na parang uod na may rayuma.
"Tabo, gusto mo bang maging palaka? Gusto mo bang subukan ang bagong palasong may lason sa dulo?"
"Huwag po, Prinsesa! Lika na, sayaw na lang!"
Sabay hatak sa akin ni Yara. Tumayo ako, nalasing na ng konti sa lambanog, at sumayaw kami ng tinatawag naming "Rambong-Tikitik." (Tribal dance na parang pagsasayaw habang nangangagat ng lamok.)
"Sha! Sha!" sigaw ng mga tribo. "Sha tay Rakki-lu!"
Translation: “Sha ang aming ilaw!”
Oo nga pala, may sarili kaming wika. Tinatawag itong Tikkiraw. At ako, siyempre, fluent.
"Rikki-talu, Tabun-dak!" sabi ko. ("Ilawan niyo ang gabi, mga halimaw ng saya!")
Sumigaw si Lola Lung, ang pinakamatandang babae sa tribo, habang hawak ang isang bote ng lambanog na walang laman. "Shaaaa! Kailan ka mag-aasawa ha? Hindi pwedeng puro sibat lang ang hawak mo!"
"Lo, kahit magkaasawa ako, hawak ko pa rin ang sibat lalo na kung matigas ang ulo nung mapapangasawa ko!"
"HWAHAHAHA!" Hagikgikan ang buong tribo.
Sa gitna ng kasiyahan, biglang may sumigaw mula sa malayo.
"Shaaaa! May dumating na bisita!"
Napalingon kami. Isang matandang lalaking nakasuot ng balahibo ng agila ang papalapit. May kasamang ibong malaki kulay ube at may mata na parang bola ng disko.
"Si Mang Alakdan!" sigaw ng isa.
"Ay hala! Ba’t andito siya?"
Si Mang Alakdan ay dating tagapagturo sa paaralan ng kagubatan. Ngayon, nanirahan sa bundok at nagsusulat ng mga tula gamit ang dila ng kabayo at oo, literal, kinukunan niya ng laway yung kabayo.
"Sha! Anak ng hara! Dinalhan kita ng Arupak ni Kuttok!"
"Ano ‘yon?"
"Isang prutas na, pag kinain mo, magagalit ang sikmura mo sa sobrang saya!"
"Uhm… parang ayoko?"
"Basta kainin mo, princess! Para maging ganap ka na!"
"Ganap na ano?"
"Basta. Secret. May maririnig ka sa panaginip mo!"
Sumabay siya sa sayawan. Nag-twerk si Mang Alakdan.
"HUWAG NA PO! MASAKIT SA MATA!"
Sumigaw bigla si Yara, "Sha, tingnan mo si Luma!"
Si Luma, ang munting unggoy, ay nakasayaw na sa gitna ng bilog. Naka-tali pa ang balahibo ng buntot niya parang nakayoda. May hawak siyang dalawang mini tambol at umiikot.
"Huwaaa! Galing mo, Luma!" tili ng mga bata.
"Ano yang sinasabi niya?" tanong ni Tabo.
"Wait, may sinasabi siya"
"Haraki! Haraki! Talum-pok sha rakki!"
Translation: "Ang lambanog ay masarap, pero nakakalito!"
"Lasing na 'to," sabi ni Yara.
"Eh parang ikaw din ah, Yara, tawa ka nang tawa!"
"Aba, hindi pa ako lasing! Medyo lang!"
Lumapit ang batang si Kayo, may hawak na palaka.
"Sha! Tinuturuan ko siya magsalita!"
"Yung palaka?"
"Oo! Sabi niya, ‘Krrrok!’"
"Anak, tunog lang ‘yon. Hindi ibig sabihin marunong siyang bumigkas ng Tikkiraw."
"Eh sabi mo, kausapin lang sila ng may puso?"
"... Touché."
Naglabas ng bagong palaso si Yara. "Sha, tingnan mo ‘to palaso na may gatas ng niyog sa dulo."
"Bakit?"
"Pag natamaan ka, magugutom ka agad. Pampadali ng interogasyon."
"YARA. Anong klaseng utak meron ka?"
"Yung likot pero matalino."
Nagpatuloy ang kasiyahan. Kumakanta na ang buong tribo ng "Kalagkag Luwan" (Anthem of Celebration):
"Takkalu takkalu, waggi ni pungo,
Sha sa gitna, dala'y apoy na bago!" (“Takbo ng gabi, sigaw ng puso, Sha sa gitna, may dalang panibagong sigla!”)
Lumapit si Hara Lintiwa sa akin, suot ang koronang gawa sa dahon ng banaba at batong kumikislap sa ilaw ng apoy.
"Aking anak. Isa ka na ngang ganap na tagapagmana."
"Talaga po, Ina?"
"Oo. Dahil sa pinakita mong tapang, galing, at ang abilidad mong kumanta ng palaka."
"Uy, di ako ‘yon! Si Kayo ‘yon!"
"Sabagay. Pero proud pa rin ako."
Nag-ikot ang mga matatanda, sabay sabay nilang winagayway ang kanilang baston na may kampanilya.
"Sha-taki! Sha-taki!" sigaw nila (“Bumangon, Prinsesa!”)
Sabay sabay ang sigawan:
"SHA-TAKI! SHA-TAKI! SHA-TAKI!"
Bigla akong tinapik ni Yara. "Sha, parang... parang hindi lang kasayahan ang hatid ng gabi."
"Bakit?"
"Tingnan mo ang langit."
Nakita ko ang isang ulap na kulay itim na tila gumagalaw. Hindi normal. Parang buhay. Parang... nagmamasid.
"Tekkirak... Yara, may kakaiba nga."
Bigla kong narinig sa malayo ang isang tinig...
"Awooooo..."
At sa tono ng alulong, hindi ito hayop. Hindi rin tao. Parang halimaw na may balak.
"Bukas. Silangang bahagi ng gubat. Sabi mo nga kanina."
"Oo. Kailangan natin makita kung anong nilalang ‘yon."