Biyernes santo noon at napaka tahimik ng paligid. Yung ibang tao kasi sa mga kapit bahay ay nagbabakasyon. Nasa Legazpi pa rin ako at ang kasama ko lang noon ay ang panganay kong kapatid na syang may-ari ng bahay at yung isang pamangkin ko na dalawang taon pa lang. Yung kuya ko naman na asawa ni ate ay nasa work so kami lang talaga.
Bandang three pm no'n at maganda ang araw. Siguro dahil sa sobrang pagkabagot, naisipan ng kapatid kong maglaba. Nung nakapag sampay na sya nakita nyang hindi naaarawan yung mga damit na sinampay dahil nahaharangan ng mga dahon.
Yung mga puno na yun ay tumubo na sa loob mismo ng katabing bahay na hindi natapos at naging abandonado na.
Sa inis siguro ng kapatid ko, ginawa nya ay kumuha sya ng itak at pinagtataga yung mga puno para mawala na yung mga harang sa sampay nya.
Kinagabihan, dumadaing na si ate na masakit daw yung leeg nya. Para daw syang sinasakal. Binale wala lang din namin kasi keri naman nya yung sakit at hindi naman sunod-sunod. Hanggang sa nakatulog na kami.
Kinaumagahan, lahat kami ay nagulat ng lumabas ng kwarto ang ate ko. Yung kaliwang side kasi ng leeg nya ay lumaki at lumaylay. Mangiyak-ngiyak ang kapatid ko sa hitsura nya lalo at sumasakit pa rin iyon.
Natulog kami ng kinatanghalian at nung pagkagising namin pati yung kabilang side ng leeg nya ay lumaylay na din. Nung pagabi na, bigla na lang sabi nya, mas sumasakit pa daw at ang nakakatakot pa non ay pati yung mukha nya ay nagsisimula na ding magbago. Nagiging kulubot na at nagsisimula na syang mag-mukhang matanda.
Kinabukasan pa sya nadala ng asawa nya sa doctor. At nung dinala sya, lalo pang lumala ang hitsura nya. Mas lumaki na kasi ang laylay ng leeg nya at kulubot sa muka nya. Hindi rin iyon nadala sa mga gamot na nireseta ng doctor at parang mas lalo pa ulit lumala dahil kinabukasan pa ulit, parang hindi na sya ang ate ko.
Yung pagka kulubot nya kasi, dati ay malambot iyon, ngayon ay nagsisimula na daw tumigas. Totoo nga dahil nung hinipo ko, matigas na nga yung balat na kulubot. Para na syang murang kahoy.
Isa sa mga kapitbahay namin ang nakapagsabi na dalhin na daw si ate sa albularyo lalo nung ikinwento nya yung ginawa nyang pagtabas ng mga punong kahoy sa abandonadong bahay.
Maging ang bayaw ko ay kinilabutan at nagkwento rin na dapat daw ay sya talaga ang magtatabas ng mga iyon nung umaga pa lang. Inutusan din kasi sya ni ate. Pero nung iitakin pa lang daw nya yung isang puno hindi nya daw alam bakit nabitawan nya at nalaglag pa sa likuran nya. Nung pinulot daw nya ay sira na iyon at natanggal ang hawakan. At dahil mahuhuli na sya sa trabaho ay iniwan na nya iyon.
Hindi pa rin gumaling ang kapatid ko sa unang albularyong pinagdalhan sa kanya. Ang sabi, galit na galit daw ang nakatira sa punong iyon kaya hindi sya mapapatawad. Hindi raw sya kayang pagalingin ng albularyong iyon at inirekomenda sya sa mas magaling pa daw na albularyo.
Malayo ang lugar niyon sa amin kaya ipinagpabukas pa ulit ang pagpunta. Awang-awa na ako sa kapatid ko dahil kita kong nahihirapan na sya. Ang bigat daw ng nakalaylay nyang leeg na umabot na sa dibdib nya. Pati paghinga nya ay apektado na.
Nung dinala na si ate sa sinasabing magaling na albularyo, napakaraming tao don. Mga galing pa sa malalayong lugar. May mga naka wheelchair pa at mga taong may sari-saring karamdaman na marahil ay hindi rin mapagaling ng mga medical doctors. Naisip ko, siguro ay magaling nga ito at sana ay mapagaling nito ang ate ko. Nagdasal din ako.
After lang ng isang session ng gamutang iyon, guminhawa daw ang pakiramdam ni ate. Hindi na sya gaanong hirap sa paghinga at parang ng-stop na din sa paglaki ang leeg nya. Kinagabihan halatang medyo umimpis na iyon.
Ibinilin ng manggagamot na sa sunod na punta daw nila para sa pangalawang gamutan ay magdala daw ng buhay na manok para ialay sa engkantong nagambala ni ate at sinunod naman nila iyon.
Pagkatapos ng pangalawang punta nila sa manggagamot ay pansin ang unti-unting pag-impis ng leeg ni ate.
Umabot iyon ng tatlong gamutan at pagkatapos ay tuluyan na syang gumaling. Bumalik na sa dati ang ganda ng mukha nya at di na mababakasan ng minsang muntikan na syang magmukhang matandang kahoy.