"Ang aga mo naman uminom. Masakit pa ang sikat ng araw, o. " wika ni Ervin nang iabot niya kay Enrico ang alak na ipina utos niya. Alas-tres palang ng hapon pero bote na ng alak ang kanyang hawak. Nasa rooftop siya ng building, nakatanaw sa malawak na lupain na may bakas ng sunog. Mahinang napabuntong hininga si Ervin. "Kahit pilitin kita na magsalita kung ano ang problema mo hindi mo parin iyon gagawin. Kaya iwan na muna kita rito. Kapag kailangan mo ng kausap o kasama, nasa ibaba lang ako." Tinapik niya ito sa balikat bago umalis. Gusto niya munang mapag-isa ngayon. Iyong tahimik. Walang ibang iniisip habang nilalanghap ang sariwa at malamig na hangin. Ngunit ang gusto niya ay hindi umayon nang bumalik si Ervin at ibalita dito na umamin na ang mga taong nagsunog ng palayan niya.

