Pagkatapos ng namagitan sa kanila ay nakatulog si Winsley na nakayakap sa kaniya. Pakiramdam niya ay nagawa niya ng maayos ang misyon niya kaya hindi maalis ang nakapaskil na ngiti sa labi niya.
Masuyo niyang hinalikan sa labi si Winsley bago siya maingat na tumayo. Kailangan na niyang umuwi dahil baka hindi na niya abutan pa ang huling biyahe ng jeep sa lugar nila. Pagtingin niya sa orasan na nasa ibabaw ng LED TV ay nakahinga naman siya ng maluwag ng makita na eksaktong alas-otso palang. Ang ibig lang sabihin noon ay may isang oras pa bago ang huling biyahe.
Pa tiptoe siyang lumakad papunta sa kabinet. Pumili siya ng isusuot doon. Dahil nasa ibaba pa ang maids room kung nasaan ang mga damit niya ay naisipan niyang gumamit nalang muna ng damit ni Winsley upang hindi naman siya maglakad ng nakatapis lang nang tuwalya. Eksaktong pagkabihis niya at papalabas na siya ng kwarto ng tumunog ang telepono niya na nasa bulsa ng hinubad niyang damit kanina na binalikan niya sa banyo. Kinuha niya iyon para sagutin. Isang nag-aalalang boses ng matanda ang agad na bumungad sa kaniya.
"Kate..."
Kahit hindi niya nakikita si nanay Madel ay naramdaman niya kaagad ang matinding nerbiyos sa tinig nito. Bigla tuloy lumakas ang t***k ng puso niya. Agad na pumasok sa isip niya ang anak niya.
"Si Khurt..." dugtong nito.
Napahawak siya sa dibdib niya. Pangalan palang ng anak niya ang narinig niya ay parang sasabog na dibdib niya dahil sa matinding kaba. Hindi niya gusto ang mag-isip ng kung ano pero ayaw namang magpa-kontrol ng utak niya kaya sa huli ay nanalo parin ang matinding pag-aalala niya para sa anak.
"A-ano pong nangyari sa kaniya?" nauutal niyang tanong.
"Magmadali ka. Nandito kami ngayon sa San Lorenzo Hospital iha. Bilisan mo."
Wala na siyang sinayang na oras. Pagkarinig niya sa pangalan ng ospital na kinaroroonan ng kaniyang anak ay agad na niyang tinapos ang tawag na iyon. Kumaripas siya ng takbo palabas ng mansion. Kahit madilim at marami pang mga bagay na tumatama sa mga paa niya habang tumatakbo ay hindi na niya iyon alintana pa dahil gustong-gusto na niyang makarating agad sa labasan kung saan dumadaan ang mga jeep na patungo sa ospital. Mabuti nalang at wala namang masyadong malala sa mga natamo niyang sugat.
Sa ospital ay muli niyang tinawagan si nanay Madel. Pinuntahan naman agad siya nito at dinala sa kwarto ng anak niyang si Khurt. Halos lamunin siya ng kalungkutan nang makita ang itsura ng kaniyang anak habang nakahiga sa hospital bed nito. Kahit mahimbing naman itong natutulog ay hindi niya makita ang kapanatagan na hinahanap niyang makita dito.
Nilapitan niya ito. Kinuha niya ang maliit na braso nito at pinisil iyon ng marahan. Parang dinudurog ang puso niya habang nakatingin sa karayom na nakasingit sa laman nito. Hindi niya naramdaman ang sakit na likha noon pero higit pa roon ang nararamdaman niya ngayon. Parang mas malaki pa doon ang nakabaon ngayon sa laman niya.
"Ang sabi ng doktor kailangan na raw niyang ma-operahan sa lalong madaling panahon." Nakayukong sabi ni nanay Madel.
Napatingin siya dito. Katulad niya ay unti-unti naring nababasa ang pisngi nito dahil sa luha na nagsisimula ng tumulo sa mga mata nito.
Batid naman niya ang tunay na kalagayan ng anak. Iniisip niya na dahil sa kapabayaan niya noong nagbubuntis pa lamang siya kaya nangyayari sa anak niya ngayon ang lahat. May sakit ito sa puso. Siguro ay dahil iyon sa pinagdaanan niyang nakaka-trauma noon. Masyado siyang naging mahina kaya nadamay ang anak niya. Alam niya kasalanan niya iyon kaya naman gagawin niya ang lahat para matulungan ito. Hindi siya papayag na habang buhay itong magdusa dahil sa mga nangyari. Ayaw niyang maging miserable din ang buhay nito katulad ng nangyayari sa kaniya.
Binitawan na niya ang kamay ni Khurt. Hinalikan niya ito sa noo at lumakad palabas ng kwarto. Pupuntahan niya ang doktor na tumitingin dito. Gusto niya itong makausap at maitanong ang lahat ng gusto niyang malaman.
"I'm sorry to say pero wala ng ibang paraan para sa anak mo. Kailangan na niyang maoperahan sa lalong madaling panahon dahil habang tumatagal ay lumalala lang ang kondisyon niya. Kapag nangyari iyon baka maging huli na ang lahat."
Kailangan nang maoperahan kaagad ni Khurt. Paulit ulit na tumatakbo sa isip niya ang sinabing iyon ng doctor.
Ayaw na niyang gawing komplikado pa ang lahat kaya kahit nahihiya ay kinontak niya kaagad si Oliver. Kailangan niya ng pera at ito lang ang naisip niyang tao na hindi mag-aatubiling tulungan siya.
Five hundred thousand pesos para sa buong operasyon ni Khurt. Wala pa roon ang mga gamot at iba pang gastusin sa ospital. Kahit pagsama-samahin pa ang naipon niya at huling sahod niya ay kulang na kulang pa iyon. Kaya naman si Oliver ang plano niyang hiraman. Kalabisan man, ay ito lang ang maaasahan niya sa ganitong sitwasyon.
"Sorry, the number you dialed is either unattended or out of coverage area. Please try your call later."
Kanina siya paulit-ulit na nagda-dial pero paulit-ulit lang rin ang naririnig niya mula sa kabilang linya. Sa hindi niya malamang dahilan ay mukhang nakapatay ang telepono ni Oliver. Nakaramdam tuloy siya ng panghihina. Wala na siyang pwedeng lapitan bukod dito kaya bagsak ang balikat niya na napatingala.
"Kate?" Nilapitan siya ni nanay Madel. May dala itong paper cup na may lamang kape at iniabot iyon sa kaniya.
Tinanggap naman niya iyon at marahang hinigop ang umuusok pang inumin. "Hindi ko po mokontak si Ollie."
"Pasensiya ka na kung wala akong maitulong sa iyo," malungkot na sabi ni nanay Madel.
Umiling-iling siya at pilit na nagtapon ng ngiti. "Hindi po. Marami po kayong naitutulong nanay. Sapat na po na palagi kayong nasa tabi ko."
Ngumiti rin ito. "Anak, alam kong masakit para sa'yo ang mga nangyayari. Ako man ay hindi ko gusto na ganito ang sapitin ni Khurt. Pero sana tatagan mo ang loob mo, ha. Kailangan mong maging malakas para sa kaniya."
Tumango-tango siya. Tama si nanay Madel. Pwede siyang lumapit kay Winsley. Sasabihin niya dito ang katotohanan tungkol kay Khurt. Kapag nalaman nito na anak niya ito ay siguradong hindi ito magdadalawang-isip na bayaran ang operasyon ng anak nila.
Hinawakan niya ang balikat ni nanay Madel. "Kayo na po muna ang bahala kay Khurt."
Nang ngumiti ito ay agad niya itong tinalikuran. Babalik siya sa mansion.
---×××---
Puyat, walang tulog, inaantok, haggard. Hindi na niya alam ang itsura niya ng tahakin niya ang daan papuntang mansion.
Malalim na ang gabi kaya wala na siyang anomang masakyan pero dahil desedido siyang makabalik agad sa mansion ay napagpasyahan niyang maglakad. Iyon nga lang, dahil sa layo niyon ay kusa ring bumigay ang mga paa niya kaya nagpasya siyang magpaumaga nalang sa kalsada. Wala na siyang pakialam sa itsura niya basta naidlip siya habang nakaupo sa isang waiting shed. Bandang alas-singko na ng marinig niya ang busina ng jeep na huminto sa kinaroroonan niya.
Ramdam niya na pinagtitinginan siya ng mga tao sa loob ng jeep pero deadma lang siya. Sa kakamadali niyang makapunta sa ospital kagabi ay hindi na siya nakapagpalit pa ng suot na damit. Iyong maluwag na polo parin ni Winsley ang suot niya. Pero dahil hindi naman iyon ang pokus niya ngayon ay wala na siyang pakialam sa mga taong nakagawa na ata ng sariling kwento tungkol sa mga nangyari sa kaniya.
"Kate, bakit ganiyan ang suot mo?" Salubong sa kaniya ni Jamaica na naabutan niyang nagdidilig sa may garden.
"Nasaan si sir Winsley?" balik na tanong niya rito.
"Nasa study room siya kanina. Ewan ko lang kung... Hoy... Sandali naman hindi mo pa sinasagot ang tanong ko."
Wala ng nagawa pa si Jamaica kung hindi ang panoorin nalang ang papalayong si Kate. Dahil may ginagawa ito ay hindi na siya nito hinabol pa. Tama lang rin naman iyon dahil sa ngayon ay hindi ito ang priority niya. Kailangang-kailangan na niyang makausap si Winsley kaya dito nakatuon ang lahat ng atensyon niya.
Pagdating sa study room ay hindi na siya kumatok pa. Basta nalang niyang itinulak ang pinto at hinanap sa loob ang pakay niya. Naabutan niya itong nakaupo sa harap ng study table habang nagbabasa ng diyaryo at nagkakape. Nang marinig nito ang pagdating niya ay agad itong napatingin sa direksyon niya. Nangunot ang noo nito ng makita siya. Pagkatingin niya sa mukha nito ay bigla siyang natigilan. Hindi niya kasi alam kung paano o saan magsisimula.
"Is that my clothes?" Turo nito sa suot niya.
Napatingin siya sa sarili niya. "Sorry. May nangyari kasi kaya hindi na ako nakapagpalit pa ng damit." nahihiya niyang sabi.
"Whatever. What do you want?" malamig nitong tanong. Muli itong yumuko at bumalik sa naudlot na pagbabasa.
Hindi naman siya makapaniwala sa inaarte nito ngayon. Ilang oras palang ang nakakalipas ay tila nakalimutan na nito ang ginawa nila. Sa hindi niya tuloy malamang dahilan ay parang may kumukurot sa puso niya.
Siya lang ba ang nakaramdam ng pagmamahal sa ginawa nila? Wala lang ba dito ang lahat? Bakit malayong-malayo sa kanina ang inaarte ngayon ni Winsley?
Dahil ba nakuha na nito ang gusto niya ay tapos na ito sa kaniya?