Salina
"Bekzbi, bili ka na ng ulam! Ulam niyo ni ganda!"
Napalingon ako sa sumigaw. Dali-dali akong lumabas ng bahay at malapad na ngumiti kay Aling Taga. Ang aling nagbebenta ng tanghalian at gabihan dito sa aming lugar.
"Sandali lang ho! Naliligo pa si papang!" sigaw ko.
Bingi kasi si Aling Taga. Hindi naman binging-bingi, hybrid ba. Iyong kalahating bingi kalahating hindi. Natutunan ko iyon kay Wendy Dimatatak, ang bestfriend kong nagtuturo sa akin ng ingles. Ganoon daw ang tamang pagla-label. English daw dapat para hindi nakakabastos pakinggan. Magaling nga akong mag-ingles. Tuwing magsasalita ako sa klase at sasagot ay walang masabi ang teacher ko. Nag-aral kasi ako ng 2 year Computer Secretarial sa TESDA. Kahit mahirap kami, napagtapos ako ni papang!
"Sino ang may alam dito kung ano ang ibig sabihin ng secretarial? Anyone?" tanong ng teacher namin na nasa unahan.
"Ma'am ako! Ako ho!" pagtaas ko ng kamay. Ayaw pa ako nitong tawagin. May isang linggo na rin niya akong estudyante. Dismayado pa si ma'am na tinawag ako. Masaya naman akong tumayo at sumagot.
"Secretarial means assistant of the president. Because accordingly in the principal of Google, in the pyramid there is president, vice-president, and secretary. Secretarial in televisioning dramas is always the kabit. They kandirat–"
"Ms. Matuwid, get out! Lumabas ka ng klase ko! Huwag ka nang mag-search kay Google kahit kailan! Kainaman kang bata ka!"
"Hoy Ineng, ano ba iyan at tulala ka na naman!?" paghuli ni papang sa aking atensyon. Napalabi naman ako at sumunod sa kaniya papalapit kay Aling Taga.
Nakasilip lamang ako sa bayong na dala ni Aling Taga. Sila ni papang ang nag-uusap. Nanonood lamang ako habang namimili si papang.
"Magkano ba ang pinakamura dine? Tagtipid kami ngayon. Wala na akong raket, sarado na ang salon ni Puring. Bihira na lang ang nagpapa-rebond sa akin. Ala eh, kay hirap ng buhay!" Mahaba pang napabuntong hininga si papang. Hindi ko naman naiwasang malungkot.
"Ano ga iyan, Bekzbi. Kay mura na nga ng aking paninda! 25 pesos sa gulay, 40 sa may laman. Kapag halagang kwarenta pesos ang nabili ay may libreng sabaw!" sabi naman ni Aling Taga.
"Taga, isa na lang nitong langka. Pahingi naman ng sabaw. Para ka namang others, sige na. Dati lang ay naghahabulan tayo sa putikan ngayon matanda na tayo," hirit naman ni papang. May halong pambobola pa kay Aling Taga.
Napabuntong hininga naman si Aling Taga at walang nagawa kung hindi ang pumayag. Halagang 25 pesos ay may ulam na kami. Nakapag saing na rin ako kanina ng dalawang gatang na bigas. Para na iyon sa buong araw namin ni papang. Kumakain din kami ng saging kapag kulang sa kain. Kay sarap nga ng aking adobong saging! Matamis na maalat-alat.
"Salamat Taga! Sa uulitin!" masayang sabi ni papang.
"Tse, habang buhay akong may tampo sa iyo! Ikaw na sana ang trulab ko! Hmp!"
Sabay kaming napangiwi ni papang. Hindi maikakalang gwapo si papang kahit na bakla ito. Naikwento ni papang na nanligaw sa kaniya si Aling Taga ngunit ang crush daw ni papang dati ay ang asawa ni Aling Taga na si Mang Doti. Kaya iyon, hindi sila nagkatuluyan. Tumandang binata este dalaga si papang.
Pumunta kami ni papang sa kusina. Maliit lamang ang aming kubo. Dalawang hakbang ay nasa kusina ka na, saktong pagtagilid ay pinto papunta sa kwarto. May dalawang silid itong aming kubo na tanging kama na lamang ang kasya. Hindi pala kama, papag ito kung tawagin. Wala kasi kaming pambili ng kutson.
Naghain na ako at kumain kami ni papang. Tahimik lamang kaming kumakain. Pansin ko na tipid na tipid si papang sa ulam maging sa sabaw. Hindi ko naman maiwasang malungkot.
"Papang naman, huwag ka naman masyadong magtipid. Kumain ka pa rin ng tama," pag-agaw ko sa kaniyang atensyon.
"Echos ka, ineng. Wala na tayong pera, wala na talaga. Bente pesos na lang ang laman ng aking bulsa. Bukas pa ang raket ko kay Bireng na pa-rebond. 500 pesos ang kikitain ko roon. Bukas na ako babawi sa iyo! Naku, bibili tayo ng gulay at atay! Magpapansit tayo!" masayang sabi ni papang.
Napangiti ako dahil sa sinabi ni papang. Kahit hindi kami magkaano-ano ay itinuring niya akong sarili niyang anak. Hamog lamang ako dati na napadpad dito. Wala akong alam na kahit ano, walang maalala at hindi pa nga alam kung ano maski ang sarili kong pangalan. Para akong bagong panganak.
Pinangalanan ako ni papang na Maria Salina. Matuwid din ang kaniyang apelyido. Ang buong pangalan ni papang ay Reymundo Ashong Matuwid. Napakatikas ng pangalan ngunit baluktot si papang. Kilala siya sa tawag na Bekzbi. Ang parloristang bakla na magaling mag make-up.
"Ahuh– ehem! Naku, nasakit na naman ang dibdib ko. Kuhanin mo nga ang serpentina ko na pinainit, ineng. Iinumin ko at sumasakit ang lalamunan ng magandang are," utos sa akin ni papang. Napaubo ito at napapahimas pa sa kaniyang dibdib.
"Papang, go see the doctor. Sabi ko naman sa inyo apple ang gamot eh," inis kong sabi kay papang at sinunod ang utos niya. Inilapag ko ang mansanas sa kaniyang harap. Bigay ito ng kapitbahay namin na si Basha.
"At paano naman naging apple? Ubo ito, ineng! Hindi lagnat! Kailangan nga rin naging gamot ang mansanas? Ibabato ko are sa iyo!" Napakunot pa ang noo ni papang. Nagtataka pa sa akin.
"Kasi nga po 'di ba an apple a day keeps the doctor away? Kaya para hindi kayo mapadoktor, kumain kayo ng apple! O kaya ng mata. Mata ng baka o kaya baboy," sabi ko.
"Ha?" kunot-noong tanong ni papang.
"Kasi po 'di ba you are the apple of my eye? Papang, mag-aral ka nga! Magkakakonekta lahat iyon!"
Napatakbo naman ako dahil sa pagbato ni papang ng tsinelas. Nasermunan na naman ako. Saan ko raw iyon natutunan at puro sala. Huwag ko na raw ipagmalaki na magaling ako sa ingles dahil mana raw ako sa bestfriend ko na si Wendy. Pareho raw kaming kulang sa pihit. Hindi naman ako naniniwala kay papang. Best in english kaya ako! Lagi iyon sinasabi sa akin ng mga manliligaw ko. Iyon nga lang, masungit ako.
"Ineng, magpapahinga na muna ako dahil sumama kasi ang aking pakiramdam. Huwag kang lalayas at kekerendeng. Ika'y maisusugo ko sa damuhan! Siya ka!" banta ni papang at pumasok sa kaniyang silid.
Ubo ito nang ubo. Lagi niya na ring daing na masakit daw ang kaniyang dibdib. Naaawa na nga ako kay papang. Kahit na may sakit siya, tuloy pa rin ang kaniyang paghahanapbuhay. Samantalang ako ilang buwan nang tambay sa amin. Wala kasi akong mapasukan dito sa probinsya. Kailangan kong lumuwas ng Maynila dahil doon daw maraming trabaho.
Nilinis ko muna ang kinainan namin ni papang bago ako lumabas ng bahay. Suot ang aking paboritong tsinelas na Birkenslacks, pumunta ako sa bahay ng bestfriend kong si Wendy. Ang babaeng iyon ay mayaman. Bilyonarya ang tiyahin niya ngunit lowkey lang ang kanilang pamilya. Ngunit ayaw kong humingi ng tulong sa kanila dahil kaya ko namang magtrabaho. Makiki-wifi na lamang ako. Magpapatulong na rin ako kay Wendy.
Kumatok ako at agad naman na binuksan ni Wendy ang pinto. Kaharap ang aking bestfriend na dambuhala, bigla akong nanliit sa sarili ko. Sa taas kong 5'5 ay para lamang akong unano sa tabi niya. 5'9 kasi itong si Wendy.
"Napadalaw ka, Salina? Bukas na ang wifi. Alam kong kokonekta ka na naman," masayang bungad sa akin ni Wendy.
"Ito, makiki-connect nga sa wifi ninyo. Magpapatulong akong maghanap ng trabaho, kailangan ko na kasing makahanap ng pagkukuhanan ng pera. Nalala na ang sakit ni papang. Hindi pwedeng habang buhay kaming ganito," malungkot kong sabi.
"Hay, I feel yours, Salina. I knowing na mahirap ang buhay, kasi life is poor talaga. Hindi rin madali ang lahat, kasi nothing is easy. Kaya tutulungan kita maghanap ngayon at hindi tayo papayag na wala tayong mahanap na trabahong para sa iyo. Work hard, magtrabaho ka ng matigas," words of wings naman ni Wendy. Napangiti ako sa mga salitang sinabi ng aking bestfriend. Siya talaga ang inspirasyon ko. Pareho na kaming best in english, pareho pa kaming maganda. Hay, same mammals bond with each other talaga.
Binuksan naman ni Wendy ang laptop niya. Nag-search kaming dalawa ng trabaho sa Fbook. Habang naghahanap kami ng jobs ay may nakita kami ni Wendy na malaki ang sweldo. 100,000 pesos isang buwan!
"Iyan! Pindutin mo!" masaya kong sabi habang nakaturo sa link na nakalagay.
Pinindot ni Wendy ang link. Habang naghihintay kaming mag-loading ito ay bigla na lamang akong napasigaw at nanlaki ang mata nang may malaki, matigas, at maugat na tarugang lumabas sa screen.
"Wahh moby d**k!" sigaw ni Wendy.
"Wow, so big!" gulat ko ring sigaw.
Marimar, virus pala iyon! Sino ba naman ngang maniniwala na 100,000 pesos ang sweldo para sa pagsasala ng asin!? Pero ang laki ha. Nakakatakot iyon!