Chapter 1: Ang Araw na Nagbago ang Lahat

1611 Words
Nakaupo ako sa madilim na kwarto, walang ibang liwanag kundi ang malamlam na sinag mula sa ilaw sa labas. Tahimik. Napakatahimik. Pero sa loob ng utak ko, parang sirang plaka ang paulit-ulit na tunog ng boses niya. "May nangyari kagabi." "Wala akong excuse." "Alam kong sinira ko ang lahat." Mahigpit ang hawak ko sa phone, pero hindi ko maigalaw ang daliri ko para buksan ang message niya. "I’m sorry." Iyon lang. Isang salita na parang pako sa dibdib ko. Narinig kong bumukas ang pinto ng kwarto. "Gabo," tawag ni Lolo mula sa labas. "Kain na. Huwag mong hayaang patayin ka ng gutom." Hindi ako sumagot. "Anak, kaya mong daigin ang sakit. Pero hindi mo kayang takasan 'to." Kung alam mo lang, Lo. Kung alam mo lang... "Wala kang matinong sinasabi, Pia," natatawa kong sabi noon, tinutukso siya habang namimili kami ng kape sa isang maliit na café sa La Union. "Hindi ko kasalanan kung pangit panlasa mo sa kape, Gabo," sagot niya, nakakunot-noo siya pero may pilit ang tawa. "Paano naman naging pangit? Ikaw kaya ang umubos ng caramel macchiato ko!" "Kasi hindi mo naman iniinom! Sayang!" Pinanood ko siyang humigop mula sa tasa ko. Ang mata niya ay nagniningning, parang batang tuwang-tuwa sa simpleng bagay. Noon, akala ko wala nang hihigit pa sa kanya. Siya na 'yon. Siya na ang lahat. Pero ngayon, nakatingin ako sa parehong mga kamay na minsang humawak sa kanya. Nanginginig, at malamig. Hindi ko alam kung anong mas masakit—ang pagkawala niya, o ang pagkawala ko sa sarili ko dahil sa kanya. Dahan-dahan kong iniikot ang wedding ring sa daliri ko. Parang ang bigat. Parang hindi na dapat sa akin. "Alam mo kung anong pinakapangit sa lahat, Pia?" tanong ko sa kawalan. "Hindi mo na kailangang magpaliwanag, kasi kahit anong sabihin mo, tapos na." Biglang bumukas ang pinto ng kwarto. "Gabo, anak," si Lola naman ang tumawag. "Kumain ka muna." "Mamaya na po, La." "Hindi pwedeng mamaya! Walang mamaya-mamaya sa taong nasasaktan! Isa lang ‘yan, Gabo: kakain ka, o magpapakain ka sa lungkot." Tumawa siya nang mahina, pero hindi ko nagawang tumawa. Dahil sa loob-loob ko, hindi ako sigurado kung gusto ko pang lumaban. Binuksan ni Pia ang pinto ng apartment, dahan-dahan, halos parang ayaw niya akong istorbohin. Hindi ko agad napansin. Nasa harap ako ng laptop, nagta-type ng kung anong report para sa trabaho. "Late ka na naman," sabi ko, hindi tumitingin. "Ano, overtime na naman? Pagod ka na naman?" Wala siyang sagot. Sinulyapan ko siya. Pagod ang mukha niya, oo, pero may kakaiba. Hindi ko maipaliwanag. Parang… walang laman ang tingin niya. "Okay ka lang ba?" tanong ko. Huminga siya nang malalim, sumandal sa dingding. Ilang segundong katahimikan bago siya ngumiti, mahina, halos peke. "Oo naman," sagot niya. "Maliligo lang ako." At bago ko pa siya matanong ulit, pumasok na siya sa banyo, iniwan akong nakakunot ang noo, nag-iisip kung anong mali sa gabing ito. O kung may nagawa na naman akong kasalanan na hindi ko alam. Minsan, bumabalik sa'yo ang alaala nang hindi mo inaasahan. Nakatitig ako sa laptop screen, pero hindi ko nakikita ang ginagawa ko. Bumabalik sa isip ko ang mga lumang eksena—ang araw ng kasal namin, kung paano siya tumawa habang naglalakad sa aisle. Ang unang beses naming nag-travel nang magkasama, kung paano siya humawak sa kamay ko sa eroplano, na parang batang kinakabahan. Mga simpleng bagay. Yung mga bagay na akala ko, pang-habang-buhay. Bumukas ang pinto ng banyo. Lumabas siya, nakabalot sa tuwalya, basa pa ang buhok. Nagkatinginan kami. May sasabihin siya, alam kong meron. Kita ko sa mata niya. "Pia?" tanong ko. Umupo siya sa harapan ko, sa kabilang side ng dining table. Hinawakan niya ang sarili niyang braso, parang giniginaw. Tumingin siya sa'kin, at sa isang saglit, alam kong tapos na ang lahat. "May nangyari kagabi." Napapikit ako saglit. Mali ba ang narinig ko? Hindi pwedeng iyon ang sinabi niya. "Ano?" tanong ko, pero hindi ko yata gustong malaman ang sagot. Huminga siya nang malalim. "Nagkamali ako, Gabo." Hindi ako gumalaw. Hindi ko naramdaman ang katawan ko. Parang hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin. "Pia, anong ibig mong sabihin?" Lalo siyang hindi makatingin sa akin. Nakayuko siya, nanginginig ang mga daliri niyang nakapatong sa mesa. "May nakilala akong lalaki sa bar. Uminom kami. Sinubukan kong umiwas, at umuwi—pero hindi ko nagawa." Tumingin siya sa'kin, pero hindi ako makatingin pabalik. "Hindi ko alam kung paano nangyari." Hindi ko na siya pinakinggan. Kasi sa loob ng utak ko, may sumabog na. "Ano'ng pangalan niya?" malamig kong tanong. Nag-angat siya ng tingin. "Hindi ko alam." Natawa ako—hindi dahil nakakatawa, kundi dahil napakapakla ng sagot niya. "Hindi mo alam?!" "Gabo—" "Anong klaseng sagot 'yon, Pia?! Isa ka bang bata?! Ano 'to, laro lang?!" Hindi ko alam kung sumigaw ako o hindi. Ang tanging sigurado ako, ang kamay ko—naka-flat sa lamesa, nanginginig. "Hindi ako lasing!" putol niya, bigla siyang napatingin sa'kin. "Hindi niya ako pinilit! Alam kong mali! Pero ginawa ko pa rin!" Tumingin ako sa kanya. Nakita ko ang luha sa gilid ng mata niya, pero hindi bumabagsak. At doon ko naisip. Hindi siya umiiyak. Hindi siya nagsusumamo. Hindi siya humihingi ng tawad. At parang doon ko tuluyang nawala ang lahat ng natitirang respeto ko sa kanya. "Wala akong excuse, Gabo." Ang tahimik ng boses niya, pero ang bigat. "Alam kong sinira ko ang lahat." Tumayo ako. Hindi ko kaya. Hindi ko na kayang marinig 'to. "Hindi mo man lang ba ako pipigilan?" tanong ko, matigas ang boses ko. Pero, hindi siya sumagot. Tumalikod ako. Dumiretso ako sa kwarto, kinuha ang susi ng sasakyan. Hindi ako nagpaalam. Hindi niya ako pinigilan. Bago ako lumabas ng pinto, lumingon ako sa kanya. Nakita ko siyang nakaupo pa rin sa mesa. Tahimik. Hindi gumagalaw. Parang tinanggap na niya ang lahat—at parang wala siyang balak lumaban para sa’min. Bakit? Bakit parang mas gusto pa niya akong mawala? Nasa kotse na ako bago ko pa namalayan. Walang direksyong nagmaneho ako. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, pero alam kong hindi ako pwedeng manatili roon. Paulit-ulit ang boses niya sa utak ko. “Wala akong excuse. Alam kong sinira ko ang lahat.” Pinikit ko ang mata ko saglit, pero lalo lang bumalik ang imahe niya—ang tahimik niyang mukha, ang paraan ng pagsasabi niya na parang wala siyang magagawa. Hindi ko na kinaya. At habang tinatahak ko ang kalsada papunta kung saan mang lupalop, nararamdaman kong unti-unti na akong nawawala. Nagmaneho ako nang walang direksyon. Walang destinasyon. Walang plano. Wala na rin namang halaga ang kahit ano. Pinikit ko ang mga mata ko sandali, pero ramdam ko pa rin ang bigat ng singsing sa daliri ko—parang tanikala na hindi ko matanggal. Hinila ko ito, pilit na tinatanggal, pero nanlalagkit ang mga palad ko, nanginginig ang kamay ko. Sa halip na tuluyang maalis, lalo itong dumikit sa balat ko, na para bang sinasakal ang pagkatao ko. "T*ngina naman, Pia..." Mahina kong bulong habang dinidiin ang palad sa manibela. Bumigat ang dibdib ko. Minsan, sa sobrang sakit, hindi mo na mararamdaman kung galit ka o wasak lang. Tumingin ako sa side mirror. Ang sarili kong mga mata—pula, pagod, walang buhay. At doon ko biglang naisip: Ganito na ba ako habang buhay? Hindi ko na ba kaya pang bumangon mula rito? Hindi ko alam kung paano ako nakarating sa probinsya. Basta sa isang iglap, nasa harap na ako ng lumang bahay nina Lolo at Lola. Tahimik ang paligid. Wala ni isang ilaw sa kalsada. Tanging mga alitaptap lang ang naglalaro sa dilim. Bumuntong-hininga ako, pinatay ang makina, pero hindi ako agad bumaba. Hindi ko alam kung anong hinahanap ko rito. Solitude? Linaw? Sagot? Baka wala akong makuha ni isa. Isinandal ko ang ulo ko sa upuan, ipinikit ang mga mata, pero imbes na kapayapaan, bumalik sa akin ang imahe ni Pia—ang itsura niya habang sinasabi ang mga salitang hindi ko matanggap. "Wala akong excuse, Gabo." Napamulat ako, mabilis na binuksan ang pinto ng sasakyan, halos madapa sa pagmamadaling lumabas. Hindi ko kaya. Kailangan kong makahinga. Pero kahit ang hangin sa lugar na ito, hindi kayang hugasan ang bigat ng kasalanan niya. Humakbang ako papunta sa harapan ng bahay, ang bawat apak ay parang mabigat na hakbang papalapit sa isang realidad na hindi ko pa rin matanggap. Bumukas bigla ang pinto. "Gabo?" Si Lolo. Nasa hagdan siya, hawak ang maliit niyang flashlight. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Alam kong kita niya kung gaano ako kagulo. "Anong ginagawa mo rito, anak?" Hindi ako sumagot agad. "Lo..." Napalunok ako, hindi ko alam kung paano sasabihin. "Pwede bang... dito muna ako?" Tahimik siyang tumango. Walang tanong. Walang sermon. Pinanood ko siyang bumalik sa loob ng bahay. Pero hindi pa ako gumalaw. Hinayaan kong lamunin muna ako ng malamig na simoy ng gabi—dahil doon ko lang naisipang huminga muli. Papasok na sana ako sa loob ng bahay nang biglang may dumaan na kilabot sa batok ko. Tumunog ang phone ko. Si Pia. Natigilan ako. “I’m sorry.” Isang salita. Walang kasamang paliwanag. Walang kasamang pagsusumamo. Tinitigan ko ang screen ng phone ko. Nanginginig ang daliri ko sa ibabaw ng Reply button. Pero ano ang sasabihin ko? Na hindi sapat ang sorry niya? Na binasag niya ang buhay ko? Na hindi ko alam kung kaya ko pa siyang tingnan? Bumuntong-hininga ako. Pinatay ko ang phone. Hindi pa ngayon. Humakbang ako papasok sa bahay, binagsak ang sarili sa lumang sofa, at ipinikit ang mga mata. Sa dilim ng kwarto, may bumubulong sa utak ko: “Wala na siya.” Pero ang tanong—ako ba, nandito pa?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD