Nagising akong nakahiga sa malamig na sahig, ang lumang banig ng lola ko bahagyang nakalaylay sa gilid. Masakit ang likod ko, pero mas masakit ang bigat sa dibdib.
Sa tabi ko, nakalapag sa sahig ang wedding ring ko. Mula sa pwesto ko, tila isa na lang itong bagay na walang halaga.
Hindi ko ito pinulot.
Imbes, nanatili akong nakatitig sa kisame, sinusubukang intindihin ang mga tanong sa utak ko.
“Bakit ba gumising pa ako ngayong araw? Bakit kailangan ko pang harapin ang umaga na ito?”
Mula sa kusina, narinig ko ang mga boses nina Lolo at Lola.
“Ano na bang nangyayari diyan sa apo mo? May problema ba silang mag-asawa? May sinabi ba siya sayo?”
"Wala. Hayaan mo na muna. Baka mabigat lang talaga ang pasanin niya ngayon."
Mahinang pag-uusap, habang tumutunog ang kutsarang tumatama sa tasa ng kape.
"Bumangon ka na, anak."
Napapikit ulit ako. Hindi ko kaya.
Pero kahit anong gawin ko, hindi ko kayang takasan ang umaga. At hindi ko kayang takasan ang katotohanan.
Bumangon ako mula sa sahig.
Naghilamos ng malamig na tubig sa poso, pero kahit anong kuskos ko sa mukha ko, hindi nawala ang bigat sa loob ko.
Paglabas ko ng kusina, agad akong sinalubong ni Lola.
"Anak, kumain ka na."
"Mamaya na po, La," habang umiiwas ako ng tingin.
"Gabo..." Malambot ang boses niya, pero ramdam ko ang bigat ng tanong. "Kailan mo balak sabihin sa amin kung anong nangyari?"
Hindi ako sumagot.
Sa gilid ng paningin ko, kita ko si Lolo, tahimik na nakikinig habang umiinom ng kape.
"Hindi mo kailangang sabihin kung hindi mo pa kaya," dagdag ni Lola, pero hindi ko na hinintay ang susunod niyang sasabihin.
Lumabas ako ng bahay, ang sikat ng araw tumama sa mukha ko.
"Ang sarap talagang tumira sa probinsya—payapa, tahimik, at malayo sa gulo."
Pero, pakiramdam ko, mananatili akong nakatapak sa anino ng kahapon.
Dumeretso ako sa likod-bahay kung saan nandoon ang maliit na sakahan ng pamilya namin. Doon ako nagtungo, kunwari’y magpapalipas-oras, pero alam kong nagtatago lang talaga ako sa sarili kong isipan.
Kinuha ko ang itak at sinimulang linisin ang mga damo sa paligid ng tanim na gulay.
Isa. Dalawa. Tatlong putol.
Nakakatulong dapat ang pisikal na trabaho para maibsan ang bigat sa utak ko, pero hindi. Hindi ako makawala.
Dahil kahit saan ako tumingin, kahit anong gawin ko—siya pa rin ang nakikita ko.
Nakaupo sa bench si Pia malapit sa puno ng mangga, hinahabol ang hininga pagkatapos tumulong sa pagtanim.
"Gabo, bakit hindi na lang tayo dito tumira?" tawa niya noon. "Mas gusto ko nang mag-alaga nalang ng talong kesa makipagsiksikan sa Maynila."
Gusto kong matawa sa naaalala ko. Pero paano pa—kung ang babaeng nagsabing gusto niyang manatili sa tabi ko ay siya rin ang unang lumayo?
Habang tinatanggal ko ang mga damo sa lupa, may narinig akong ingay mula sa harapan ng bahay.
"Magandang hapon po, kayo po ba si Mang Ben?"
Napahinto ako. May bumisita? Sa ganitong oras?
Narinig kong sumagot si Lolo. "Oo, ako nga. Sino ka?"
"Ako po si Carlo… dati po akong katrabaho ni Pia."
Nalaglag ang itak mula sa kamay ko. “At bakit naman niya hinahanap si Pia sa bahay ng lolo’t lola ko?”
Hindi ako agad gumalaw, hindi ko alam kung bakit. Pero pakiramdam ko, may kung anong bumaliktad sa sikmura ko.
Carlo. May nabanggit nga si Pia dati na Carlo—kasama raw niya sa isang project noon. Pero bakit siya nandito? Bakit siya biglang sumulpot?
Dahan-dahan akong lumapit, nagtatago sa likod ng pader, nakikinig.
"Nandito ba si Gabo?" tanong ni Carlo.
Natigilan si Lolo.
"Bakit mo siya hinahanap?" malamig ang boses niya.
At doon ako nakasigurado—hindi lang ito basta bisita.
"Hindi siya ganyan dati," mahina pero malinaw kong narinig ang boses ni Lola habang nagbubuhos ng tubig sa paso.
Nakasilip ako mula sa gilid ng pinto, pinapanood sina Lolo at Carlo na nag-uusap sa may hagdan.
"Noong bata pa ‘yan, hindi mo mapipigil ‘yan sa pagtakbo kung saan-saan," sagot ni Lolo. "Pero ngayon, para siyang anino na hindi mo mahawakan."
Tumingin-tingin si Carlo sa loob ng bahay, na para bang hinahanap ako.
"Kailangan ko lang po siyang makausap," sagot niya.
"Bakit? Dahil ba kay Pia?"
Nanigas ang katawan ko.
Napalingon si Carlo kay Lolo, kita sa mukha niyang hindi niya inaasahang marinig ang pangalan ni Pia mula rito.
"May gusto ka bang sabihin, iho?" tanong ni Lolo, mababa pero matalim ang tono.
Tahimik si Carlo. Halos isang minuto bago siya muling nagsalita.
"Gusto ko lang po siyang tulungan."
Carlo. Pia. Tulungan?
Parang umikot ang paningin ko. Pinilit kong huminga nang maayos, pero hindi ko mapigilan ang pagsikip ng dibdib ko.
Nakita ko ulit sa isip ko ang mukha ni Pia noong gabing umamin siya. Walang emosyon. Walang luha.
"May nangyari kagabi."
"Hindi ko alam kung paano nangyari."
Hindi niya alam? Paanong hindi niya alam?
Sa loob ng utak ko, sinubukan kong bumalik at ulitin ang gabing iyon—hinanap ko ang kahit anong senyales, kahit anong pahiwatig sa mga mata niya na nagsasabing pinagsisisihan niya ang ginawa niya.
Pero wala akong makita.
At doon ko napagtanto: Pia never looked guilty.
Ang ekspresyon niya? Para bang bumibigkas siya ng isang hindi matatawarang katotohanan—na alam niyang hindi na ako babalik pagkatapos ng gabing iyon.
Parang alam niyang… wala na talaga kami.
"Gabo, wala na tayo."
Nagulat ako.
Lumingon ako, pero wala namang tao.
Ang kamay ko, bumagsak sa may dingding para alalayan ang sarili kong hindi matumba. Nanginginig ako, hindi dahil sa lamig—kundi dahil naririnig ko ang boses niya.
Hindi ko ito iniisip. Hindi ko ito guni-guni. Narinig ko talaga siya.
"Tapos na, Gabo. Hindi mo na mababago ‘to."
Parang may pumipisil sa ulo ko. Parang may sumisigaw sa loob ng utak ko.
"Gabo, wala na tayo."
“Put*ngina!” Napalakas ang sigaw ko.
Natahimik ang paligid. Nakita kong napatingin sina Lolo at Carlo sa gawi ko.
Mabilis akong lumayo, pinilit lakarin ang pintuan papasok ng bahay, pero nanginginig ang mga binti ko. Para akong hinahabol ng multo.
At ang mas masakit—alam kong ako mismo ang naglikha ng multong iyon.
Pagpasok ko ng bahay, isinara ko agad ang pinto. Sinandal ko ang likod ko roon, pilit na hinahabol ang hininga ko.
Kailangan kong mawala. Kailangan kong magtago.
Binuksan ko ang lumang kwarto na ginagamit kong tulugan noong bata pa ako. Mabilis kong isinara ang pinto, ini-lock ito, saka bumagsak sa gilid ng kama.
Niyakap ko ang sarili ko. Hindi dahil giniginaw ako, kundi dahil pakiramdam ko, natutunaw na ako sa sakit.
Bakit siya nandito? Anong gusto niyang sabihin?
At higit sa lahat…
Bakit hindi ko matanggal sa isip ko ang boses ni Pia?
Dumaan ang ilang minuto. Hindi ako gumalaw. Tahimik lang akong nakatingin sa pader, iniisip kung paano ko patatahimikin ang utak ko.
Hanggang sa…
Ding.
Tumunog ang cellphone ko.
Pinilit kong bumangon, hinanap ang telepono sa bulsa ko. Nanginginig ang kamay ko habang binubuksan ang screen.
Muli, isang mensahe mula kay Pia: “Gabo, please.”
Napapikit ako nang mariin, halos mabitawan ang telepono.
"Ano ba'ng gusto mong gawin ko, Pia? Ano ba'ng gusto mong marinig ko?" Mahinang bulong ko.
Pero hindi ko alam kung para sa kanya ang tanong—o para sa sarili ko.
Tinitigan ko ang message ni Pia sa phone. "Gabo, please."
Dapat ko na itong i-delete. Alam kong wala na itong saysay.
Inabot ng hinlalaki ko ang delete button, pero nanginginig ang kamay ko. Hindi ko kaya.
Ano ba ang gusto niyang sabihin? Na pinagsisisihan niya? Na gusto niyang bumalik ako? O gusto lang niyang mapatawad ko siya para gumaan ang konsensya niya?
Nag-init ang ulo ko. T*ngina, Pia.
Isinubsob ko ang noo ko sa kama, pilit na pinapakalma ang sarili ko.
Alam kong wala na kami, pero bakit pakiramdam ko, hindi pa tapos ang lahat?
Pinikit ko ang mga mata ko. Hindi ko na kayang makinig sa sarili kong utak.
Pumunta ako sa may bintana, sinilip ang labas. Walang tao. Tahimik ang paligid, pero parang may bumibigat sa hangin.
Akala ko ba payapa sa probinsiya? Pero bakit parang mas lalo akong na-trap sa sarili kong multo?
Biglang—tok, tok, tok.
May kumakatok.
Napatigil ako. Sino ‘yon?
Lumapit ako sa pinto, bumagal ang paghinga ko. Muli, may tatlong marahang katok.
Dahan-dahan kong inikot ang doorknob.
Sa labas, nakatayo si Carlo.
"Gabo..." Mahina ang boses niya, pero mabigat. "Kailangan nating mag-usap."
Nanlalamig ang kamay ko. Anong ginagawa niya rito?
"Anong gusto mong pag-usapan?" malamig kong tanong.
Hindi agad sumagot si Carlo. Sinipat niya muna ako, parang may hinahanap sa mukha ko.
"Alam ko kung gaano kasakit ang nangyari," maingat niyang sabi. "Pero... may isang bagay na kailangan mong malaman tungkol kay Pia."
Nagpanting ang tenga ko.
"Wala na akong kailangan pang malaman."
"Gabo, hindi mo naiintindihan—"
"Ano pa ba?! Ano pa bang gusto mong sabihin?! Na masaya siya?! Na hindi niya pinagsisisihan?!"
Huminga nang malalim si Carlo. Pero hindi niya ako tiningnan sa mata.
"Hindi lang ikaw ang nasaktan, Gabo."
Napasinghap ako. Anong ibig niyang sabihin?
Bago ko pa siya matanong, lumingon siya sa malayo, sa madilim na kalsada.
"May isang bagay na hindi mo alam."
Hindi ako nakatulog nang gabing ‘yon.
Sinubukan kong ipikit ang mga mata ko, pero paulit-ulit na bumabalik ang mukha ni Pia—hindi ang Pia na tumatawa, hindi ang Pia na mahal ko.
Kundi ang Pia na walang emosyon.
Ang Pia na tila hindi natatakot sa pagkawala ko.
Sa panaginip ko, bumalik ako sa gabing nagkahiwalay kami. Pero sa pagkakataong ito, may isang bagay na hindi ko napansin noon.
"May nangyari kagabi."
Malamig ang boses niya. Walang luha. Pero… may saglit na pag-aalinlangan bago niya sinabi ang mga salitang iyon.
May gusto siyang sabihin. May gustong ilihim.
Napabalikwas ako ng bangon, hingal na hingal.
At sa isang iglap, naisip ko: “Ano ang hindi niya sinabi?”