“Azalea, anak, sige na… magpahinga ka na riyan. Ako na ang bahala dito,” mahinahong sabi ni Papa habang inaabot ang tray ng mga bagong balot na lumpia. Pawisan na ako nang matapos ang huling balot. Ramdam ko ang bigat ng aking tiyan bilog, mabigat, at puno ng buhay. Mula nang lumubo ito, konting kilos ko lang ay agad nang tumutulo ang pawis sa aking batok at noo. Minsan ay napapangiti na lamang ako sa sarili, dahil sabi ni Mama Sonia, normal lang daw iyon. “Ganito raw talaga kapag malusog ang dinadala mo,” madalas niyang banggit habang inaabot sa akin ang malamig na tubig o pinapahiran ng bimpo ang aking mukha. Sa bawat kilos niya, dama ko ang malasakit,hindi man siya ang tunay kong ina nararamdaman kong may busilak itong puso na kinilala kong pangalawang ina ang tunay na asawa ni Papa.

