Tahimik na nagdasal si Patrice. Sana naman ay hindi siya masyadong pahirapan ni Kara sa interview na ito. OJT lang naman ito.
“Take a seat. Do you want to drink anything?” sa gulat niya ay tanong ng babae sa mas masayang boses. Mula sa pagiging mala-tigre kanina ay bigla itong umamo.
“Uhmmm... Water lang po,” sabi niya.
Pinindot nito ang intercom at kinausap ang assistant. “Get her ionic water and cake as well. Brewed coffee for me.”
“S-Salamat po,” sabi niya. Mukha naman itong mabait. Siguro ay mainit lang ang ulo nito dahil sa trabaho.
Mabilis naman na rumesponde ang assistant nito. “This si Cali, my assistant,” pagpapakilala nito. “Kung may kailangan ka, sa kanya ka magsabi.”
“Hello, Pastillas Girl. Sinubukan ko rin gumawa ng pastillas para sa bitter at ibinigay ko sa ex ko. Bumula sana ang bibig niya at ng kabit niya,” sabi ni Cali.
“Nice meeting you po,” sabi niya at kinamayan ito. Ganoon ba talaga kapait ang epekto ng video niya? Parang siya ang may hawak ng sulo ng ka-bitter-an sa pag-ibig.
Binasa ni ang resume niya. “So... You are a student of Central University of Asia and a scholar. Twenty years old. Running for magna c*m laude. At hanggang ngayon ay pastillas pa rin ang business ng mother mo?”
“Opo. Malaking tulong po ang show ninyo para lumakas ang kita namin. Maraming salamat po.”
Tumango-tango ang babae at humigop ng kape. “Good. At gusto mong maging intern sa department ko?”
“You are one of the best in the business. Kahit po siguro gustong matuto sa inyo.” Lahat ng hinawakan nitong show ay pumatok. Nagka-award pa ang show nito sa Emmy’s at Asian TV awards.
“But it is not easy. You need hardwork, dedication and creativity.” Tumango siya at ngumiti ito. “I think I like you.”
“G-Gusto po ninyo akong maging intern ninyo?”
“More than that, my dear. Pwede kitang mabigyan ng mataas na grade at pwede ding magkaroon ka ng lugar sa industriya bago ka maka-graduate. You will even be compensated for your effort.”
Nagningning ang mga mata niya. “T-Talaga po? Paano?”
Sino ba naman ang ayaw na magkaroon ng ganoon kagandang pagkakataon? Mantakin mo, intern lang siya pero may tsansa na siyang makilala at kumita ng pera. Ang alam nga niya sa ibang intern ay wala namang allowance. Minsan ay ang mga ito pa ang nagbabayad sa kompanya, ayon sa ibang nakausap niya.
Tumayo ang babae at naglakad paikot sa kanya. “You see, may problema ako sa dating game na You’re the One For Me. My searcher just quit one week before the show. She got pregnant because of a one-night stand. I need to find a replacement ASAP.” Tumigil ito sa likuran niya. “How about you become our searcher?”
Kumurap siya. “A-Ako po?”
“Yes. You are single right now. Wala ka pa namang kapalit sa boyfriend mo, hindi ba?”
Marahan siyang umiling. “W-Wala pa naman po. Gusto ko pong mag-focus sa pag-aaral ko.” At hindi pa siya nakaka-recover kay Calden. Wala siyang balak na kumuha na naman ng batong ipupukpok sa ulo niya. “H-Hindi naman po ata ako bagay sa dating game na iyan. Hindi po ako sikat.”
Nag-type ito sa laptop nito. “Your video got more than five million views in a month. Marami pang nagsulputang parody at nakagawa na rin ng bitter na recipe. At nang ilabas ang segment mo ay bumaha ng messages sa amin ng mga lalaki na gusto kang ligawan at magpawala ng bitterness mo. Honey, you are popular.”
“Hindi naman po ako naghahanap ng bagong boyfriend. Gusto ko pong mag-focus sa pag-aaral ko.”
“Patrice, this is just a show. Hindi naman ibig sabihin na may napipili ka sa dating game ay magiging boyfriend mo na at pakakasalan mo na. You just need to act a little. As if you want it. Look at it this way. Hindi mo na kailangang maging intern na uutus-utusan lang na magtimpla ng kape o magpa-print ng script. You will be the star. Mataas ang grades mo at makakasama mo rin sa project ang mga kaibigan mo. At sa perang makukuha mo, matutulungan mo pa ang nanay mo na umunlad ang business mo. The money is also great. Di mo iyon basta-basta kikitain.”
Pinagsalikop niya ang palad. Masarap pakinggan iyon lalo na sa isang estudyantne gaya niya na nagnanais din makilala sa industriya. Alam din niya na malaking tulong ang pera sa pamilya niya. Pero may mga bagay na hindi niya kayang ipagpalit. “H-Hindi po ako komportableng kalkalin ang buhay ko sa publiko.”
Bumalik sa pagiging pormal ang anyo nito. “Then, I don’t know how I can help you.”
Nahigit ni Patrice ang hininga. “Ibig po bang sabihin hindi po ninyo ako kukunin na intern dito?”
“Madami nang naunang nag-apply sa inyo. They are really go-getter. At gagawin nila ang lahat ng gusto ko. After all, ano naman ang magagawa ko sa isang intern na viral nga ang video pero di ko naman magagamit sa advantage ko? This is a tough business, my dear. You must give your best shot or you will be eaten alive.”
“P-Pwede po bang bigyan ninyo ako ng chance? Kahit po ang mga kasama.”
Hindi naman niya inaasam na sumikat agad o magkaroon ng maraming pera. Handa siyang magsimula mula sa baba gaya ng ibang intern. Wala siyang planong magmukhang atat na magkaroon ng bagong boyfriend.
Isang makahulugang ngiti ang ibinigay ni Kara sa kanya. “Think about it.” Inilapag nito ang business card sa harap niya. “Call me if you change your mind.”
“ANG haba ng hair mo, girl. Kinabog mo pa si Rapunzel. On national TV ka pa liligawan. Gosh! Gusto kong ma-experience ang ganyang level,” kinikilig na sabi ni Desmond habang kumakain sila sa McDonalds na di kalayuan sa MRT station. Kagagaling lang nila sa Star Network at di maiwasang i-share ang naging usapan nila ni Kara.
“Nakakaasiwa naman kung sasali ako sa dating game. Ayokong isipin ni Calden na atat na atat akong palitan siya,” anang si Patrice at sumubo ng French fries. “Ayoko na talagang makaladkad na naman ang buhay ko.”
“Inaalala mo ba na baka madamay din si Calden dito?” tanong ni Matilda.
“Sa isang banda, oo. Kahit pa sabihing maingat kami sa pagtatago sa relasyon namin,” sabi niya at bumuntong-hininga. “Hindi mo pa rin masasabi dahil magaling magkalkal ang mga tao kung may gusto talaga silang makitang serketo mo. At ayokong isipin ni Calden o ng kahit sino na ginagamit ko siya para sumikat.”
“Pwede mo namang sabihin na trabaho lang ito gaya nang trabaho lang din ang pagiging sweet nila ni Yaya Darling,” anang si Desmond na tumirik pa ang mga mata. “Sabihin mo na lang na confidential ang tungkol sa boyfriend mo. Pwede mo namang sabihin na ako na lang ang boyfriend mo dati.”
“Eeewww! Nakakadiri,” nakangiwing sabi ni Matilda. “Kung ikaw ang ex ko, baka mamapak din ako ng ampalaya. Mas mauuna ka pang makipag-agawan sa boys kaysa sa akin.”
Hinablot ni Desmond ang buhok ng kaibigan. “Maldita ka talaga! Um!”
“May contact pa ako sa Truth Radio. Pwede naman siguro doon na muna tayo mag-OJT. Saka na sa TV station. May iba pa namang istasyon.” Isang radio station at isang TV station kasi ang kailangan nilang pasukan.
“May radio station naman ang Star Network. Number one din. Bakit sa iba pa?” tanong ni Desmond. “Kung tatanggapin mo ang project, di mo na poproblemahin saang radio station tayo magte-training. Magkakandarapa silang kunin ka.”
“Ang ibig sabihin ni Patrice, wala siyang balak tanggapin ang project.” Hinamig ni Matilda ang gamit. “Maghanap na lang tayo ng iba.”
“Pero...”
Pinanlakihan ng mata ni Matilda ang lalaki. “Humanap na lang tayo ng iba.”
Pinisil ni Patrice ang kamay ng kaibigang babae. “Salamat ha?”
Tinapik nito ang kamay niya. “Wala iyon. Hindi ko gustong pilitin ka sa bagay na di mo naman gusto.”
Bumabawi ang kaibigan sa kanya dahil ilang araw din niya itong di kinausap dahil sa paglabas ng bitter pastillas video. Habang si Desmond naman ay wala na siyang magagawa dahil ambisyoso talaga ito. Pero pag nasaway naman ay tumitigil din.
Pagdating sa bahay ay naabutan niyang nasa kusina ang nanay niya at umiiyak habang nakayukyok sa mesa. “Nay, ano pong problema?”
“N-Nawala ang perang inutang ko.”
“Ano pong ibig ninyong sabihin?”
Umutang ang nanay niya ang one hundred thousand para may maipang-down sila ng bahay na kukunin at para makabili ng bagong kagamitan sa paggawa ng iba’t ibang produkto. Dumadami na kasi ang demand sa kanila at gusto na rin ng nanay niya na magkaroon sila ng bahay na matatawag nilang kanila. Kapag naman kasi may trabaho na siya ay matutulungan na niya itong magbayad.
“Ibinuhos ko sa isang networking ang perang inutang ko.”
“Networking po?”
“Oo. Sabi nila madodoble daw ang pera ko sa loob ng isang buwan. Nang malaman ko, scam pala iyon. Wala na ang one hundred thousand na inutang ko na pambili sana ng mga bagong gamit sa paggawa ng pastillas at tart. Itinakas na nila,” anito at humagulgol.
Nanlaki ang ulo niya. One hundred thousand? Hindi birong halaga. “Nanay naman...”
“Oo na. Kasalanan ko na. Gusto ko lang naman na umunlad tayo para di ka na kailangang maliitin ng ibang tao diyan. Gusto kitang iangat.”
Niyakap niya ito. Wala nang sasakit pa sa kahit na sino kundi ang maloko. Madaling maakit sa magagandang pangako lalo na kung may gusto kang maabot. “Hindi naman po ako nagmamadali na umangat agad tayo. Kaya ko naman pong magsikap para sa atin. Konti na lang po makaka-graduate na ako at makakapagtrabaho. Hindi naman po ninyo kailangang sumugal sa ganyan.”
“Pero bilang nanay gusto ko pa ring ibigay ang lahat sa iyo, anak. Huwag kang magalit sa akin, anak. Hindi ko kakayanin kung magagalit ka sa akin.”
“Hindi po. Hindi po ako galit sa inyo.”
“Kailangan kong ibalik ang twelve thousand bago a-kinse. Kailangang mabayaran ko ang one hundred thousand sa loob ng isang taon. Lalaki ang tubo no’n kapag lumampas.” Tumingala ito. “H-Hindi ko nga alam kung saan ako hahanap ng pambayad ng upa nitong bahay. Kapag di ako nakabayad, baka palayasin tayo dito.”
Sumigid ang kirot sa sentido ni Patrice. Hindi niya inaakalang haharap sila sa ganito kalaking pagsubok. Ibig bang sabihin ay babalik na naman sila sa squatters? Nangako siya sa sarili na magtutulong silang mag-ina para manatiling maayos ang buhay nila.
Pinisil niya ang balikat ng ina at pinahid ang ulo. “Nanay, huwag na po kayong umiyak. Makakagawa tayo ng paraan.”
“Paano?”
“Huwag po ninyong isipin iyon sa ngayon. Magpahinga po muna kayo. Makakaisip din po tayo ng solusyon. May awa po ang Diyos,” aniya at ngumiti.
Nang matiyak na nagpapahinga na ang ina niya ay bumalik siya sa sala. Inilabas niya ang calling card ni Kara Montenegro at tinawagan ito. “Hello, Miss Kara. Si Patrice po ito.”
“Patrice, my dear. Nakapagdesisyon ka na ba?”
“Pumapayag na po ako na maging searcher sa dating game ninyo pero may kondisyon.”