HINDI inaasahan ni Patrice na iyon ang bubungad sa kanya. Sa muli nilang paghaharap kay Calden, inaasahan niyang yayakapin siya nito agad. Na sasabihin nitong miss na miss na siya nito.
Gusto niyang sabihin dito na okay na ang lahat. Na nakabawi na ito sa kanya. At handa siyang makipagkomprmiso dito basta huwag na lang siya nitong kalilimutan. Gusto niyang makita ang ngiti nito, ang pagsilay ng mga biloy nito sa pisngi.
Di niya inaasahan na akusasyon ang isasalubong nito sa kanya at luha. Hindi niya maintindihan kung ano ang nangyari.
Tiningnan niya ang smartphone na hawak nito. Dumating na ang kinatatakutan niya. “N-Napanood mo ang video?” nanginginig ang boses niyang tanong.
Marahan itong tumango at sinapo ang noo habang nakayuko. “Ganito na ba tayo ngayon, Patrice? Ganyan na ba kalaki ang pagkukulang ko sa iyo para gantihan mo ako ng ganito? Kailangan mo pang sabihin sa publiko kung gaano ka nasasaktan sa ginawa ko at kung gaano ako kawalang kwentang boyfriend?”
Nilapitan niya ang binata at tumayo sa harap nito. “Sandali, Calden. Magpapaliwanag ako. Hindi iyan katulad ng iniisip mo.”
Subalit di siya nito pinakinggan dahil inangat nito ang mukha na tigmak ng uha subalit nasa mga mata ang galit at hinanakit nito. “Alam ko nagkamali ako. I was too busy, I didn’t remember our anniversary. Pero para sa akin maliit lang na bagay iyon. Alam ko mapapatawad mo ako dahil hindi ko sinasadya iyon at di ko ginustong saktan ka.” Tumayo ito at ihinalad ang kamay. “Kaya nga ihinanda ko itong celebration na ito para sa atin. Gusto kong bumawi. Gusto kong malaman mo na hindi kita nakakalimutan. Gusto kong malaman mo na ikaw pa rin ang mahal ko.”
“Alam ko iyon, Calden,” aniya at mariing pumikit.
Kinakain siya ng matinding guilt. Ayaw niyang makita itong nasasaktan dahil sa video na iyon. Nagi-guilty siya kahit di niya kasalanan. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay pagkalayo-layo ni Calden sa kanya.
“Akala mo ba sinadya kong kalimutan ang date natin? Akala mo ba nagpapakasaya ako. Nagtatrabaho ako. Kailangan ko lang magsakripisyo...”
“Para sa career mo,” anang si Patrice sa malamig na boses. “Naiintindihan ko lahat ng sakripisyo mo, Calden. Pareho lang tayong may pangarap. Masakit lang sa akin na i-date mo ang ibang babae sa mismong anniversary natin pero ako di mo man lang naalala. Ano sa palagay mo ang gusto mong isipin ko? Tapos sasabihin mo sa mommy mo na break na tayo.”
Pinunasan nito ang luha. “At ito ang gagawin mong ganti para ipaalam sa akin na hindi ka masaya sa ginawa ko? What a nice way of showing how much you hate me. Sinadya mo pang gawin ang paborito ko. Pastillas with so much bitterness and hate. This is your anniversary gift?”
“Siyempre hindi,” matapang na sagot niya. “Sino naman ang may sabi sa iyo na gusto kong lumabas ang video na iyan?”
“I don’t know. Hindi ko alam kung ano ang gusto kong isipin.” Bumuga ito ng hangin at tinalikuran siya. “Ilang araw na akong walang tulog. Anything to please my mom so she will give me this day-off. Isang araw na di niya ako pakikialaman sa kilos ko at wala akong kahit anong trabaho.” Nilingon siya nito. “Pinag-isipan ko ito para sa iyo. I want you to know that I love you and you will always be my princess. Tapos mapapanood ko na lang ang video mo na sinasabi mo sa lahat na wala akong kwentang boyfriend. Did you do this to spite me?”
“Ganoon ba ako kababaw para ipangalandakan ko ang sama ng loob ko sa buong mundo dahil lang galit ako sa iyo?” naiiling niyang sabi.
“You tell me. Ikaw ang nasa video. Hindi ka naman siguro pinilit na gawin lang iyan. Di ka rin naman umaarte. It shows how much you hate me,” humihingal nitong sabi. “You made me feel like I am the lowest scum on Earth.”
Napapitlag siya. Nang mga oras na iyon, parang siya ang masamang nobya. Parang napakababaw niya na lahat ng nararamdaman niya ay ilalagay na lang niya basta sa internet at kalilimutan na niya ang pagmamahalan nila. Maaring nabubulagan na si Calden dahil sa sakit. Gusto niyang mainis dito dahil parang nakalimutan na nito ang magagandang katangian niya. Na di niya gugustuhing masaktan ito. Pero kung sasabayan niya ang galit nito ay wala silang kauuwiang maganda.
Pumikit siya at huminga ng malalim. “Hindi iyan personal na video para atakihin ka, Calden. Dahil una sa lahat, project namin iyan. Project namin iyan na pumalpak dahil hindi ko kayang kontrolin ang emosyon ko. Dahil nasasaktan ako nang di mo naalala ang anniversary natin at di mo man lang ako gusto mong makita kahit na sandali.”
Inilahad nito ang palad. “Ito na ang project n’yo? Cooking with love? You have a funny way of showing it.”
“In-upload iyan nang hindi ko alam. May sakit ako kaya di na kami nakapag-shoot. Akala ko gagawa ng bagong video sina Matilda at Desmond pero in-upload na lang daw nila ‘yang naunang video ko dahil wala na silang oras para gumawa ng bago. Natakot sila na bumagsak o magkaroon ng mababang grade lalo na’t graduating na kami next year. Pagbalik ko sa school, kumalat na pala ang video at marami nang nakapanood. Pinag-uusapan na ng lahat. Ayaw ko din naman lumabas diyan.”
Sinapo nito ang batok. “Yeah, great! It is now viral. Di mo man lang ipinatanggal.”
“Sinubukan kong i-request na tanggalin sa professor ko pero nagustuhan niya,” aniya habang magkasalikop ang palad. “Maniwala ka sa akin na sinubukan kong makiusap sa kanya.”
“Maybe you didn’t try hard enough. Pakiramdam ko tuloy iniisip ng ibang mga tao na wala akong kwentang boyfriend. Am I that really lousy?”
“Calden, unang-una walang taong manghuhusga sa iyo dahil hindi naman alam ng mga tao na boyfriend kita. Itinago nga natin iyan. Pangalawa, malay ko rin bang magiging viral iyan. Sa palagay mo ba gusto ko ang atensiyon na ibinibigay sa akin ng mga tao? Akala ko ba gusto ko na hinuhusgahan ako bilang papansin? Kanya-kanya na nga silang hinala na wala naman talaga akong boyfriend at ginawa ko lang iyon para tumaas ang grades ko. Do you know how pathetic it makes me feel?” Pinisil niya ang ilong nang makadama ng pagod. “Wala akong planong i-share ang nararamdaman ko sa ibang tao. Pribado ang buhay ko. Pribado ang relasyon natin. At alam mo iyan. Wala pa yata sa sampung ang nakakaalam tungkol sa atin kaya huwag mong isipin na gusto kong ipahiya ka sa mga tao.”
“Pero iyon pa rin ang nararamdaman ko. Napahiya ako. Wala akong kwentang boyfriend. Na parang masaya ka na ipamukha sa akin ang mga pagkukulang ko.”
“Walang kaibahan na sweet ka kay Yaya Darling sa harap ng publiko na parang siya na ang girlfriend mo. Naisip mo rin ba kung anong nararamdaman ko kapag masayang-masaya ang lahat na makita kayong magkasama at hinihiling ng lahat na sana kayo na lang ang magkatuluyan? Di mo ba naisip na para akong pinapatay habang natuloy ang peke ninyong date at ayaw mo man lang akong makita kahit isang minuto sa mismong anniversary natin. Pareho lang ng video ko. Di mo rin sinasadya.”
Hindi na niya maiwasang sumbatan ito dahil sa sobrang sakit na. Parang paulit-ulit na pinupukpok ng maso ang puso niya. Nagsakripisyo siya para sa relasyon nila sa loob ng mahabang panahon. Inintindi niya ito. Ngayon lanng siya may nagawang pagkakamali pero kaunting pang-unawa ay di man lang nito maibigay sa kanya. Puro sarili pa rin nito ang iniisip nito.
Lumungkot ang mukha ng binata at sinabi sa malumanay na boses, “Akala ko naiintindihan mo ang trabaho ko.”
“Pero di ibig sabihin hindi ako nasasaktan. Ang tagal-tagal ko nang nasasaktan pero tinitiis ko para sa iyo. Tapos may video lang na lumabas na di ko naman ginusto, parang napakasama ko nang girlfriend sa iyo. Hindi ako ang nagkulang sa relasyon natin. Ibinigay ko ang lahat sa iyo. Lahat ng pang-unawa ibinigay ko sa iyo. Sa lahat ng pagkukulang mo inunawa kita.”
“And I am trying my best to make things right. Bumabawi naman ako.”
Umiling siya. “Hindi ka nakakabawi sa akin, Calden. Lalo mo lang akong sinasaktan.” Sinipa niya ang mga lobo sa paanan. “Ito? Hindi naman ito ang kailangan ko, Calden. Ikaw ang gusto ko. Ang konsiderasyon mo. Ang konting atensyon mo. Kahit isang minuto man lang makita kita sa importanteng okasyon. Kahit na di mo ako lapitan. At gusto ko, for once, isipin mo na hindi lang ikaw ang may karapatang masaktan. Huwag mong isumbat sa akin ang mga bagay na hindi ko kontrolado. Said na said ako.”
Sumalampak siya sa sahig na napapaligiran ng lobo at humagulgol ng iyak. Kahit sa pagluha niya ay parang wala na siyang maibibigay pa. Pagod na siya. Sa lahat ng luha at sakit na tiniis niya sa loob ng tatlong taon, ngayon na lang siya tuluyang bumigay. Wala siyang nararamdaman sa puso niya kundi kahungkagan.
Niyakap siya ni Calden. “I am sorry, Patrice. This is also hard for me. Forgive me if I accused you. Patawarin mo kung nasasaktan kita at di kita inintindi. I am sorry.”
Umiling siya at pilit na kumawala dito. “Ayoko na ng ganito, Calden.”
Manhid na siya. Di na niya maramdaman ang yakap nito. Kahit ang sorry nito ay kayang palambutin ang puso niya, ngayon ay parang wala nang epekto sa kanya.
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Never mind the video. I-I don’t care. Kahit mapanood iyan ng lahat, hindi na ako magagalit o magtatampo. Naiintindihan na kita. Kailangan mo iyon sa project mo, hindi ba? I am cool with it. But please stop crying.”
Umiling siya. “Hindi lang tungkol sa video. Ikaw, ako, ang trabaho mo. Parang hindi na natin dapat ituloy ang relasyon natin. This is not working anymore.”
Nanlaki ang mga mata ng binata. “No, don’t say that.”
“Iyon ang totoo, Calden. Hindi na ito relasyon. Hindi ito ang relasyon na gusto ko. Look at us. Ito ba talaga ang relasyon na gusto mo?”
Ayaw niyang hiwalayan si Calden. Marami na siyang in-invest na pagmamahal dito. Lumaban siya para sa relasyon nila hanggang sa huli. Pero kundi pa niya puputulin ang relasyon niya, baka wala nang matira para sa sarili niya.
Ginagap nito ang kamay niya at hinalikan. “Patrice, don’t be hasty. A-Anong gusto mong i-improve ko sa relasyon natin? Gagawin ko iyon.”
Pagak siyang tumawa at umiling. “Kahit na sabihin ko sa iyo, hindi mo kayang ibigay. Dahil mas mahalaga pa rin sa iyo ang career mo at di tayo magkakaroon ng normal na relasyon kahit na kailan. You are at the peak of your career. Saan pa ako sisingit sa buhay mo? Sa lahat ng priorities mo, ako ang nasa dulo.”
“I... I will make it up to you.”
“Paano? Sa palagay mo ba papayagan ka pa ng nanay mo na magkaroon ng free day oras na malaman niyang ako ang kasama mo ngayon? At paano tayo magde-date nang di nalalaman ng fans mo? Naka-disguise sa susunod? Kailan na naman tayo magkikita ng patago? Iyon ba ang gusto mo?”
“No,” he answered in a stiff voice. “But we don’t have a choice.”
“Iyan mismo ang punto ko. Wala tayong choice. At kahit may pagpipilian ka, ako ang huling choice mo. At pagod na pagod na akong magtago, Calden. Pagod na akong umintindi. Pagod na akong masaktan. Parang ako na lang kasi ang lumalaban sa relasyon natin. Hindi ko alam kung anong panghahawakan ko sa iyo.”
Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya at nangungusap ang mga mata siyang pinagmasdan. “Nandito pa rin naman ako. Di pa rin kita binibitawan. K-Kailangan ko lang ng panahon para ayusin ang career ko. Kapag seryosong aktor ako, hindi ko na kailangan ng ka-love team. Pwede na nating sabihin sa mga tao ang tungkol sa relasyon natin. Wala nang manghuhusga sa atin. Sa iyo.”
“Gaano katagal? Buwan? Taon? Di ko alam kung kaya ko pang maghintay ng ganoon katagal. Said na said na ako. Dahil ngayon pa lang, wala na akong maramdaman na kahit ano. Manhid na ako.”
“Patrice...”
“Baka kailangan talaga natin na maghiwalay. Gusto kong maramdaman sa sarili ko na importante pa rin ako. Hindi ito ang relasyon na para sa atin. Kung papasok ka sa isang relasyon, dapat siguro mapaglalaanan mo na ng panahon ang babaeng mahal mo. Hindi mo na siya kailangang itago. Maipagmanalaki mo siya sa lahat na siya ang babaeng mahal mo. Siguro hindi ako ang babaeng iyon. Hindi ako ang babae na maipagmamalaki mo sa lahat,” aniya at humahagulgol na tumayo.
Masakit na tanggapin na kailangan niyang pakawalan ni Calden. Mahirap pakawalan ang isang taong minahal at ipinaglaban niya sa loob ng tatlong taon. Subalit may mga bagay na kailangan niyang panindigan - para dito at para sa sarili niya.
“Mahal kita, Patrice.” Niyakap siya nito mula sa likuran. “Konting panahon na lang. Just don’t give up on me now. Sabi mo mahal mo ako. Paano mo ako nagagawang talikuran ngayon?”
Hinarap niya ito at sinapo ang pisngi ng binata. “Gusto ko na mag-focus ka sa career mo. Tama ang mommy mo. Malaking distraction ako sa iyo. Baka hindi ako ang kailangan mo sa buhay mo. At baka kailangan ko rin mag-focus sa pangarap ko gaya mo.”
“Hindi naman ako nakaka-distract sa iyo, hindi ba? You are doing just fine. You are running for c*m laude.”
“Sa ngayon. Pero nagsisimula ko nang maramdaman na naapektuhan ako. Baka mas tama kung mag-focus tayo sa mga pangarap natin. Nang magkahiwalay.”
Hindi niya magawang magsalita nang magsimula na namang tumulo ang luha sa mga mata ni Calden. Hindi ito kumikibo subalit may piping pagmamakaawa sa mga mata nito. He wanted her to stay. Subalit kailangan niyang mamili. Kung pipiliin pa rin niya si Calden, alam niyang wala nang matitira sa kanya dahil mapupuno siya ng kahungkagan. May iba itong buhay kung saan di siya kabilang. Mananatili lamang siya sa anino.
Sinapo niya ito sa magkabilang pisngi at malungkot na ngumiti. “Iisipin ko na lang na hindi pa ito ang panahon para sa akin. Kailangan ka sa trabaho mo. Kailangan ka ng pamilya mo at ayokong kompitensiyahin iyon. Mahal pa rin kita pero kailangan ko ring mahalin ang sarili ko.” Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Goodbye, Calden.”
Tumalikod siya at mabigat ang paang humakbang. Nagdasal siya na sana ay di siya nito pigilan. Mahina siya pagdating kay Calden. At inipon na niya ang lahat ng tapang niya para talikuran ito at maglakad palayo. Kung hindi niya ito gagawin, paulit-ulit lang ang mangyayari hanggang wala nang matira sa puso niya kundi galit kay Calden. Gusto niyang lumayo dito habang mahal pa niya ito.
Subalit hindi siya pinigilan kahit na ramdam niya ang mga mata nito sa likuran niya. Ito nga marahil ang pinakamainam para sa kanila. Kailangang magpahinga ng puso niya. At kung para sila sa isa’t isa, dadating din ang panahong iyon subalit di pa ngayon. Hindi pa ngayon.