Chapter Five

2556 Words
HINDI makapag-concentrate si Patrice sa klase niya. Iniisip niya kung dapat nga niyang  sabihin sa professor niya na iba na lang ang ipapasa nilang project o bigyan ng konsiderasyon kung babaguhin man nila ang in-upload na video. She couldn’t live like this. Hindi na siya makahinga. Parang lahat ng kilos na lang niya ay binabantayan. Ultimo yata lamang-loob niya ay nakikita na ng mga ito. Sikat nga ang video niya pero napaka-sensationalize ng dating. Hindi man lang niya maipagmalaki. Cooking with Love ang tema pero mas usap-usapan pa ang pagiging bitter ng video. Oo na, bitter na siya sa nangyari sa relasyon nila ni Calden. Pero wala siyang planong i-share iyon sa publiko. Gusto niyang alisin na ang video bago pa makarating sa ibang tao gaya ng nanay niya at sa kampo ni Calden. Baka kung anong isipin ng mga ito sa kanya. Ayaw niyang mag-alala ang nanay niya sa kanya. Ayaw din niyang magalit sa kanya ang campo ni Calden at sabihan siyang naghahanap ng atensyon. Nakasalalay nga ang grades nila dito, maaring magalit sa kanya ang dalawang kaibigan pero umaasa siya na mauunawaan din ng mga ito sa huli na katahimikan at  privacy niya ang nakasalalay dito. Siguro naman ay bibigyan siya ng tsansa ng professor nila. Kung sasabihin siguro niya na out of context naman ang video na iyon at sasabihin niyang may sakit siya nang gawin ay pagbibigyan siya nito. Kahit ano ay gagawin niya para lang mapigilan ang pagkalat ng video. Matapos ang klase ay nilapitan agad niya ang professor na isang babae na nasa early thirties. Istrikta at may kasungitan si Professor Teves kaya kinakabahan siya. Naramdaman niya na nakasunod sa likuran niya sina Desmond at Matilda. Tatangkain siguro ng mga ito na pigilan siya pero di siya magpapapigil. Kailangan niya ito para sa katahimikan niya. Kung ayaw ng mga ito ng g**o, sana noong una pa lang ay humingi na ang mga ito ng permiso mula sa kanya. “Ma’am, pwede po ba kayong makausap tungkol sa latest episode na in-upload ng grupo namin?” malumanay niyang tanong habang magkasalikop ang nanlalamig na mga kamay.   “Oh! Miss Santorino, congratulations with your latest video. Pangatlong araw pa lang video ay pumalo na ng three hundred thousand views. I think it will even reach one million in a week or two.” Pinisil nito ang balikat niya. “That is good. Congratulations sa inyo ng mga kagrupo mo.” At inilahad pa nito ang palad sa direksyon nina Desmond at Matilda. “For sure mataas ang grades ninyo.” Hindi ito ang inaasahan niyang sasabihin ng guro. At makakasama sa kanya ang pagiging positibo nito sa video. “Pero out of context po ang video. Tungkol po iyon sa love. Very positive po ang gusto naming approach sa program,” apela naman niya. “But that is love, my dear. Walang kaibahan sa pagluluto. Hindi laging matamis o kaya ay masarap. Minsan ay mapait ang lutuin o kaya ay maasim. And it captured the heart of the viewers. Nakaka-relate sila dahil nasasaktan sila. Nakaka-relate sila dahil niloko sila.” Kinuyom nito ang palad at puno ng damdamin habang ipinapaliwanag ang impact ng video niya. “ You captured your audiences that way.  At nakikita ko rin naman na madami ang magagandang comments para sa iyo.” “Naku, Ma’am! May nagtatanong pa nga po sa amin na producer ng isang TV station kung gusto daw pong magpa-interview ni Patrice sa magazine show nila,” excited na sabi ni Desmond. “That is exactly the reaction that I need!” anang guro. “Naiintindihan ko na sinabi ng mga kagrupo mo na di maganda ang pakiramdam mo nang i-shoot ito. But you did great. I am looking forward to the next episode of Cooking with Love. See you on Friday,” anang guro at lumabas na ng room. Hinabol niya ito. “Ma’am, sandali po...” “We will discuss your concerns on Friday. Keep up the good work,” sabi nito at patakbong tinalunton ang corridor. Lulugo-lugo si Patrice na pinagmasdan ang guro palayo. Anong gagawin niya ngayon? Nakabalandra pa rin ang video niya sa buong mundo at parang malabo na maalis niya iyon. Kung alisin na lang kaya niya basta at sabihin niya na nasira ang video o kaya ay may problema ang Youtube? Makakalusot kaya kaya siya? “Ayan! Natuwa si Ma’am sa video natin,” excited na sabi ni Desmond. “Narinig mo iyon, Matty? Sisikat na tayo.” At my expense. Oo, sino ba naman ang ayaw sumikat? Pero sana naman ay di sa ganitong paraan na kailangan niyang iladlad ang personal niyang buhay. Mukha niya ang nakaprenda sa harap ng mga tao. “Ano kaya ang gagawin natin sa next video?” tanong ni Matilda. “Recipe ng yema na bitter?” “Pwede! O kaya paano magluto ng ampalay omelette with feelings?” anang si Desmond at narinig niyang pumalakpak. “Mukhang mabenta ang ampalaya ngayon.” Nilingon ni Patrice ang mga ito. “Kung gusto ninyo na gamitin ang trend na iyan, spare me. I’d rather work behind the camera.” Bumuntong-hininga si Desmond. “Patrice, ikaw lang ang makakaharap sa camera sa atin. You are the face of Cooking with Love. Di ka pwedeng mawala ngayon pang may mga fans ka na at inaabangan na ng lahat ang next episode.”                                                                                                    “No. Kung hindi tayo mag-stick sa original theme ng Cooking with Love, hindi ako papayag sa gusto ninyong mangyari. Wala akong planong kumuha ng atensiyon habang ibinubunyag sa mundo ang nararamdaman ko. Kung gusto ninyo kayo na lang.” At iniwan ang mga ito. Maninindigan talaga siya. Sobra-sobrang pagbibigay na ang ibinigay niya sa mga ito. Huwag naman sanang abusuhin ng mga ito. Di pa siya nakakalayo ay hinarangan siya ng mga kaklaseng sina Sari at Chynna. “Wow! Congratulations! What a success. Isang babaeng nagkaroon ng viral video dahil lang sa pag-iyak habang gumagawa ng pastillas. Very clever, Patrice,” anang si Sari. “Thank you,” aniya kahit na halata naman ang sarkasmo sa boses ng mga ito. Kahit kailan ay di naging malapit sa kanya ang dalawang babae. She would always be that girl from the slums. At kung di lang kailangan ay ayaw niyang kausapin ang mga ito. Lagi kasing nakikipagkompitensiya ang mga ito sa kanya. “So who is your boyfriend?” nakahalukipkip na tanong ni Chynna. “Wala naman kaming nakikitang sumusundo sa iyo dito o naghahatid. Di ka rin nagkukwento.” “Hindi naman kayo close para i-share ang buhay niya at ipakilala sa iyo ang boyfriend niya,” kontra naman ni Desmond dito. “Hindi naman kasi mayabang si Patrice di gaya ninyo na ultimo brand ng dental floss ipinagkakalat pa.” “Of course. Galing France ang dental floss namin,” nanlalaki ang matang sabi ni Chynna. “And besides, wala namang maipagmamalaki ang kaibigan ninyo. Parang boyfriend lang, wala naman yata siyang maipagmamalaki.” “Baka ayaw niyang ilabas dahil hindi naliligo ang boyfriend niya at walang manners,” hula ni Sari. “Hoy! Guwapo at mabango ang boyfriend ni Patrice. Baka nga mamatay kayo sa inggit pag nalaman ninyo kung sino siya,” anang si Desmond na ayaw magpatalo. “Desmond!” saway niya sa kaibigan at hinawakan ang braso nito. Baka masyado itong madala ng emosyon at maibulalas ang relasyon nila ni Calden. “O baka naman wala ka talagang boyfriend. Baka gawa-gawa mo lang ang dramang iyan para makakuha ng atensiyon sa video mo,” sabi ni Sari. “Excuse me?” bulalas niya. “Sinasabi mo bang desperada ako? Ngumisi si Sari. “It was a brilliant strategy to get attention really. Kung dati nilalangaw ang video ninyo, ngayon ay viral na.” “Hindi ko naman alam na magiging viral video na iyon.” Pinost nga iyon nang wala siyang kaalam-alam. Siya pa ngayon ang masama at may masamang intensiyon. “What got your panties in a twist?” tanong ni Desmond sa dalawang kontrabida. “Di ninyo matanggap na may mas sikat sa inyo ngayon. Kumain na lang kayo ng pastillas para mabahaginan naman kayo ng kasikatan ng video namin. We don’t mind.” “Excuse you!” anang si Sari. “Hindi kami bababa sa level ninyo. Our video got quality and very classy. Babawi ang variety show namin. Just wait!” Tumalikod ang babae. “Let’s go, Chynna. We will give them a show.” “E paano? Kumain na lang kaya tayo ng pastillas habang nakabitin sa ere?” suhestiyon ni Chynna. “Shut up if that’s all you can come up with.”    PARANG pagod na pagod ang pakiramdam ni Patrice nang makaalis na sina Chynna at Sari. Bagamat may natutuwa sa video niya, mukhang may haters na rin siya. “Huwag mo nang pansinin ang mga iyon. Mga insecure lang sila,” sabi ni Matilda. “Ang gusto nila, sila lang ang maganda, sikat at magaling. Hmp!” “Kaya dapat i-push lang natin nang i-push itong pag-viral ng video natin. Gusto mo ba yemang bitter naman o ampalaya recipe para sa ultimate bitterness,” nakangising tanong ni Desmond. Mahina siyang umiling. “Ayoko na, Desmond. Pagod na pagod na ako.” “Ilang araw na lang bago ang next deadline ng video natin. Ganito na lang. Kami ni Desmond ang gagawa ng script at wala ka nang poproblemahin. Magpahinga ka na lang ngayon at mag-relax. I-check mo na lang kung may idadagdag ka,” sabi ni Matilda at nag-thumbs up. “Okay na tayo?” “Hindi. Hindi lang dahil sa pag-aaral o dahil galing ako sa sakit. Pagod na ako sa ginagawa natin. Pagod na ako dahil sa video na iyan. Napagod ako sa ginawa ninyo sa akin. Napapagod ako na parang isa akong clown na pinagtatawanan,” masama ang loob niyang sabi. “Hindi ka talaga masaya na sikat ka?” tanong ni Desmond. “Achievement ito.” “Hindi kailanman magiging achievement na ang kamiserablehan ko ang pinagpipiyestahan ng mga tao. Di ako ganoong klaseng tao. At lalong hindi ito makakatulog sa amin ni Calden. Kapag nalaman niya ito, ano na lang ang sasabihin ko sa kanya?” tanong niya. “Ang tanong, babalikan ka pa ba ni Calden? Magpapakita ba siya sa iyo?” tanong ni Desmond. “Pwedeng oo. Iyon ay kung di pa niya makikita ang video na ito. Pwedeng hindi na.” Dahil nagpakalunod na ang binata sa trabaho na parang ang buhay nito ay uminog na lang sa ka-loveteam nito. “Kung babalik sa akin si Calden at gusto niyang bumawi, bibigyan ko siya ng pagkakataon. At sana lang, di niya makita ang video na ito sa sobrang pagka-busy niya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa inyo.” “Pero kaibigan mo kami. Dahil lang sa video...” angal ni Desmond pero itinaas ni Matilda ang isang kamay ay natahimik ito. “Kung magkakaproblema kay Calden, kami mismo ang magpapaliwanag sa kanya na project lang natin iyan. Na umarte ka lang. Hindi naman kailangang masira ang pagkakaibigan natin,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Matilda. “Bigyan n’yo muna ako ng dahilan na pagkatiwalaan kayo sa susunod. Pero sa ngayon, hayaan muna ninyo ako na mag-isa.” Saka niya tinalikuran ang dalawa at naglakad palayo. Hindi niya alam kung anong dapat maramdaman sa mga kaibigan. Ang tingin ba ng mga ito sa kanya ay walang pakiramdam? Tama nang pinagbigyan niya ang mga ito minsan. Huwag naman sanang gawing bisyo ng mga ito. Nag-ring ang cellphone niya at tumigil siya sa paglalakad para sagutin iyon. “Hello.” “Good afternoon, Ma’am. Ito po ang driver ni Sir Calden.” “Mang Rodolfo, bakit po sila napatawag?” tanong niya.   “Ipinasusundo po kayo ni Sir. Gusto daw po niya kayong makita.” Mariin siyang pumikit. “Pwede po bang sa ibang araw na lang?” Dati ay excited siya na makita agad ang nobyo lalo na’t isang buwan na silang di nagkikita. Pero hindi ngayon na masyado siyang maraming iniisip. Hindi ngayong magulo ang emosyon niya at inaalala pa niya ang video. Pagod na pagod ang puso niya. Hindi pa niya ito kayang harapin. Pagod na pagod na siya na makipagtalo. “Ito lang po kasi ang available niyang araw, Ma’am. Nandito po ako sa labas ay naghihintay po sa inyo,” anang driver ng nobyo. Ayaw ni Patrice na ma-stress. Pero maganda nang magkaharapan sila ni Calden. Oras na para malaman niya kung saan patungo ang relasyon nila. “Sige po. Papalabas na po ako,” aniya at may munting sayang naramdaman sa puso sa kabila ng pagkahapo. Kahit ano pang sama ng pakiramdam niya o kahit may project pa siyang importante, di niya mapapalampas ang pagkakataon na makita si Calden. Nami-miss pa rin niya ito. Kahit pa nga mas malaking bahagi ng puso niya ay puno ng pangamba. “Saan po tayo pupunta?” pansin niya nang nasa Taguig area na sila. Ang alam niya ay bandang Quezon City ang bahay ng binata. “Sekreto na lang po, Ma’am. Basta may sorpresa po si Sir Calden sa inyo,” nakangiting sabi ng driver. At may mumunting pag-asa pa puso niya na kaya pa nilang isalba ang relasyon nila. Isang beses pa ay handa niya itong pagbigyan kung hihilingin nito. Dahil sa kabila ng mga pagkukulang nito sa kanya ay mahal pa rin niya ito.   Malakas ang kaba sa dibdib niya nang pumasok sa eleganteng lobby ng isang condo building sa Bonifacio Global City. Matapos kumpirmahin na bisita nga siya ay ibinigay sa kanya ni Mang Rodolfo ang susi. “Umakyat na lang po kayo sa thirty-second floor, Ma’am.” “H-Hindi mo ako sasamahan?” tanong niya. “Iyon po ang bilin ni Sir. Good luck po, Ma’am.” Itinapik niya ang mga paakyat ng elevator. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya. Nanlalamig ang mga kamay niya at tinitigan ang susi. Paano kung hilingin ni Calden na maghiwalay na sila nang tuluyan? Kakayanin ba niya? Huminga siya ng malalim nang nasa harap na siya ng condo unit. Bumilang muna siya ng sampu bago isinuksok ang susi. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Pagbukas niya ng pinto ay narinig niya ang malamyos na musika mula sa acoustic guitar. It was really romantic. Iyon ang hilig pakinggan ni Calden. At mula sa pagiging fan ng Aegis at April Boy Regino ay nakadagdag iyon sa hilig niyang musika. Pagtapak niya sa loob ay naramdaman niya na parang may natapakan siyang kalat. Bumukas ang ilaw nang kusa at  sa paanan niya ay nakita ang mga talulot ng pink na rosas na nakasabog sa daan. Sinundan niya iyon at pagdating sa dulo ay biglang nagliwanag at punong-puno ng pink at pulang lobo ang sahig. Maging sa kisame ay may lobo rin. Sa gitna ay may mesa at nakaupo doon si Calden habang nakatalikod sa kanya. Pakiramdam niya ay nasa gitna siya ng isang fairy tale at naghihintay sa kanya ang kanyang prinsipe. Nang nakakaraan nilang anniversary ay simple lang ang selebrasyon nila kung saan dadalaw ito sa bahay habang naka-cap pa at nagtatago sa mga tao. Tapos ay magkukwentuhan lang sila sa kusina habang nakabantay ang nanay niya. Simple pero masaya. Hindi niya inaasahan na mag-e-exert ng ganito katinding effort para sa kanya. Marahil ay bumabawi ito sa pagkukulang sa kanya. Nag-evaporate ang lahat ng sama ng loob at tampo niya sa binata. Gusto niya itong yakapin habang nakatalikod ito subalit di niya magawang kumilos dahil sa pagkamangha. Nandito pa rin ito. Pinahahalagahan pa rin nito ang anniversary nila kahit na huli na. Siya pa rin ang mahal nito. Sapat na iyon para sa kanya. Maluha-luha ang mga mata nito nang lumingon sa kanya. “Bakit mo nagawa ito sa akin, Patrice?” Hello, everyone! This is a VIP story. You can read the first five chapters for free but you have to use coins to read the other chapters until the end. There are two ways to get coins:1. Free coins - Go to Earn Rewards and do the tasks to get coins. Go to Youtube and search Dreame Free coins if you want to watch the tutorial on how to get free coins. 2. Buy coins - go to Store and buy coins via load (Smart or Globe billing), Paypal, Gcash, credit card. This varies on the phone model and country. Go to Youtube and search Dreame Buy Coins if you want to watch the video tutorials and read this story hassle-free. Thank you and happy reading!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD