Chapter 9

3354 Words
“THAT is so classy and so perfect, my dear. You got the heart of the press. Hindi talaga ako nagkamali sa desisyon ko na piliin ka. You are pretty smart,” sabi ni Kara na nagniningning ang mga mata. Animo’y nakakita ito ng diamante sa katauhan niya. “Thank you po,” kiming sagot ng dalaga. Katatapos lang ng press conference para sa show at bukas na ang simula ng taping nila para sa search. Sa ngayon ay wala pang ipinapakitang mukhang ng mga lalaking mag-aagawan sa puso niya. Puro lower-half lang ng mukha o ang pangangatawan ng mga ito pati ang iba’t ibang activities na hilig ng mga ito ang ipinakita sa trailer. Kinakabahan tuloy siya. “Even our host Vhon likes you. You are very professional at hindi ka daw nagfa-fan girl sa kanya, unlike other searchers.” At umikot ang mata ng babae. “Hindi pa man nagsisimula ang program, they are already asking to hook up with him.” “H-Hindi naman po ako ganoong klaseng babae.” Pinisil nito ang balikat niya. “Don’t worry. Marami kang guwapong admirers. Makikilala mo na sila bukas. Ready ka na bang tumira sa mansion?” Pinagsalikop niya ang palad. “Ma’am Kara, uhmmm... Hindi ko lang po alam. Di po ako sanay na malayo po ako sa bahay namin. Parang di po natural.” Kumunot ang noo nito. “Our dating game is grand. You will be depicted as a princess. Like Cinderella. We can’t afford to see you living in a small apartment. Mahihirapan ang mga staff natin sa pag-shoot. How about this? You will still live a normal life. Kasama mo naman ang nanay mo sa bahay, di ba? And the staffs will take care of you. Makakalabas ka pa rin kasama ang mga kaibigan mo kung walang shoot.” Di naman 24/7 na may nakasunod na camera sa kanya dahil ang mas focus ay ang mga “suitors” niya. Kailangan kasing makita ng mga tao kung ano ang ginagawa ng mga ito. One month ang itatagal ng programa. Sa pagitan nito ay pwede daw siyang mag-OJT sa radyo at iko-cover din ng programa. Two birds in one stone. Pati ang mga kaibigan niyang sina Desmond at Matilda ay secured na rin sa OJT at manaka-naka pa niyang makakasama sa programa kahit interns ang mga ito. Pero ngayon pa lang ay di na siya makahinga. Di totoong normal pa rin ang buhay niya. Public property na siya ngayon. Kailangan niyang maging maingat sa mga kilos niya. Mas malala pa ito kaysa noong lumabas ang pastillas video niya dahil araw-araw na siyang makikita sa national TV. “Pwede po bang lumabas po muna kami ng mga kaibigan ko ngayon? Kakain lang po kami,” pagpapaalam niya kay Kara. “Of course, my dear. Isama mo si Abegail,” anito at ngumuso sa researcher dati na ngayon ay tumatayong PA niya. Magkasundo kasi sila ng babae at dahil mas matagal na niyang kilala ay mas komportable siya dito. Sa isang Italian restaurant sa Tomas Morato sila kumain na magkakaibigan. Di kasi sila gaanong nakakain sa presscon dahil na rin sa dami ng ginagawa. Subalit nasa kabilang mesa si Abegail kasama ang driver para may privacy silang magkakaibigan. “Ang bongga mo, girl. Kalalabas lang ngayon ng trailer ng You Are the One For Me. Gosh! Kinikilig ako,” anang si Matilda na cake agad ang binanatan dahil kailangan daw nito ng sugar matapos ang maraming trabaho sa presss con. “Para kang prinsesa habang nasa garden at parang pati ang sun rays sumusunod sa iyo.” “Mukhang yummy ang mga boys kahit di pa ipinapakita ang buong mukha nila. Akin na lang ‘yung mga aayawan mo, friend,” ungot ni Desmond. “Pahati din ako ng biyaya,” pakiusap ni Matilda. “Mga sira talaga kayo,” aniya at umiling-iling. Pagdating talaga sa mga lalaki ay alerto ang mga ito. “Okay na ba si Tita dito sa show mo? Wala siya dito ngayon,” anang si Matilda at lumingon sa paligid. “Nagtatampo pa rin ba?” “Ayaw sana niya pero wala naman siyang magagawa dahil nasa tamang edad na ako. Parte daw ito ng mundong pinasukan ko. Gusto ko sana na kasama siya sa press con pero gusto niyang bumalik sa trabaho. Kailangan niyang ibilin ang paggawa ng pastillas sa mga tauhan niya at may mga delivery pa.” Nakabayad na sila sa utang sa tulong na rin ni Kara. In-advance ang bahagi ng talent fee niya para daw di na mamoroblema ang nanay niya pagkapirma ng kontrata. Pero mukhang di tanggap ng nanay niya ang paraan niya. In-assure ito ng grupo ni Kara na iingatan siya ng programa. Mas subtle ang concept ng naturang dating game kumpara sa The Bachelor o The Bachelorette ng Amerika dahil na rin sa mas konserbatibong audience sa Pilipinas. Si Calden nga ay ilang buwan din siyang niligawan bago niya sinagot. Hindi iyon nagbabago sa kanya. Kahit pa sabihing nasa legal siyang edad, di naman niya kalilimutan kung paano siya pinalaki ng ina. Iba’t ibang challenges ang haharapin ng mga manliligaw niya para makuha ang puso niya. Ihinahanda na rin niya ang sarili sa mga mangyayari sa likod ng camera. She was working with a team now. “Alam na ba ni Calden ang tungkol dito?” tanong ni Matilda. “Magre-react tiyak iyon. Wala pa kayong three months na break,” paalala ni Desmond. “Lalo naman ang nanay niya. Tiyak na titirik na naman ang mata ng ex-biyenan mo.” “This is my life. Break na kami ni Calden. Ano pang kailangan nila sa akin?” ngitngit niya. Three months ngang di nagpaparamdam sa kanya si Calden. Wala nga itong panahon sa kanya noon, lalo naman ngayong hiwalay na sila. “Ibahin na lang natin ang usapan. Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng netizens tungkol sa program mo. Gusto mo unahin natin ang reaksiyon ng mga bestfriend mong sina Sari at Chynna?” nakangising tanong ni Matilda. “Kunyari ipinagmamalaki ka ng mga bruha. Friends daw kayo at sa kanila ka kumuha ng pagiging classy lalo na’t galing ka daw dati sa squatters.” “As if may kontribusyon siya sa improvement mo. Sila nga ang kontrabida sa buhay mo. If I know, inggit na inggit sa iyo,” sabi ni Desmond. “Ngayon naman sumasakay sila sa kasikatan mo. Ang kapal ng face.” Nag-ring ang cellphone ni Patrice at nagulat siya nang makitang si Calden ang tumatawag. Anong kailangan nito? “Pupunta muna ako sa restroom.” Nanginginig ang kamay niya nang sagutin iyon. “Hello, Calden.” “Patrice, pwede ba tayong magkita?” “What for?” tanong niya sa malamig na boses. “I think we need to talk. Nakita ko ang commercial ng show mo. Y-You are joining the dating game?” “Ngayon mo lang ako naisipang kausapin dahil sa dating game? Ano ito? Aawayin mo ba ako dahil sasali ako sa dating game?” Sinapo niya ang noo. “Kung aawayin mo ako dahil diyan, never mind. I am busy. At sa palagay ko mas busy ka sa akin.” Break na sila. Wala na itong karapatan na komprontahin siya kung anuman ang gusto niyang gawin. “Patrice, I want to see you. Please. H-Hindi mo ba ako gustong makita?” Mistulang marshmallow na nadarang sa apoy ang puso ni Patrice. Akala niya ay kaya niyang magmatigas pagdating kay Calden. Pero oras na makiusap na ito ay hindi niya alam kung paano humindi. Isa na lang siyang mahinang babae. Huminga siya ng malalim. “Fine. Let’s talk.” “Nasa cafe ako sa Maghinhawa Street.” Ibinigay nito ang address ng naturang cafe. “Hihintayin kita dito.” “Guys, pwede bang umalis na ako?” tanong niya sa mga kaibigan pagbalik sa mesa. “Saan ka pupunta?” tanong ni Desmond. “Uuwi ka na?” “Tumawag si Calden. Gusto niyang makipagkita,” pabulong niyang sagot at luminga sa paligid. “Akala ko ba wala ka nang pakialam sa ex mo?” tanong ni Matilda at pinanlakihan siya ng mga mata. “Kailan ba naman nawalan ng pakialam iyan sa ex niya?” sabi ni Desmond. “I think... I think inaalala niya ang pangalan niya na posibleng madamit sa pagsali sa dating game.” “Wag kang mag-alala, friend. Susuportahan ka namin. Kahit naman di kayo happy ending, Team Calden pa rin ako,” sabi ng lalaki at tumango naman si Matilda. Nagpaalam siya kay Abegail pero pinasama nito ang driver para daw may maghahatid sa kanya. Wala naman siyang choice dahil baka magkahinala pa ito kung ipipilit niyang mag-isa. Nag-taxi na lang ito at ang mga kaibigan niya. Alas dos pa lang ng hapon kaya mangilan-ngilan pa lang ang bukas na tindahan sa compound na iyon sa Maginhawa Street na puro kainan. Mas buhay daw iyon kapag gabi na. “Manong, magkape po muna kayo dito.” Ngumuso siya sa store sa bungad. “Papasok po muna ako sa loob,” sabi ni Patrice sa matandang lalaki at pumasok sa compound kung nasaan ang cafe. Parang walang tao at sarado pa ang Green Cafe dahil may close sign na nakasabit sa loob pero naririnig niya na may musika mula sa loob. Nang itulak niya iyon ay bumukas naman kasabay ng pag-ring ng bell. Walang tao sa loob. Di masyadong mukhang restaurant ang lugar. Mas mukha iyong bahay. Napaka-cozy. May yellow na couch sa gilid, gawa sa hardwood floor ang sahig at may mat para sa low table kaya pwedeng sumalampak. Nang lumingon siya sa kaliwa ay nakita niya si Calden na tumutugtog ng piano. Hindi siya agad nakagalaw sa kinatatayuan. Isa sa mga talento ng binata ang pagkahilig sa musika na madalang naman nitong maipalabas sa telebisyon. Sa iilang pagkakataon lang nito naipakikita ang talento. Tinutugtog nito ang Since You’ve Been Gone ni KC Concepcion. She realized that she was holding her breath. Watching him play was the most beautiful sight. At tinutugtog pa nito ang paborito niyang kanta. She must stop this. Baka mabaliw na naman siya dito. Kailangan na niyang maging handa para sa dating game bukas. She couldn’t afford to mess it up just because she saw her ex-boyfriend. Na mahal pa rin niya ngayon. “Calden,” untag niya dito. Tumigil ito sa pagtugtog at nagniningning ang mga mata nang lingunin siya. “Patrice!” Tumayo ito at nilapitan siya. “I am glad you came.” Niyakap siya ng dating nobyo at di niya inaasahan iyon. Hindi siya makahinga. Sobrang higpit ng yakap nito sa kanya na parang miss na miss talaga siya nito. And she wanted this feeling. She wanted the feel of his arms around her. She missed him. Dalawang buwan na niyang di nararamdaman ang init ng yakap nito. Patrice, move! Bukas na ang date mo kasama ang sampung guwapong lalaki. You can’t keep on doing this. Di lang ikaw ang masisira kundi ang lahat ng may kinalaman sa show. They will have your head on a platter. Biglang natauhan si Patrice. Iyon ang realidad. Hindi sila ni Calden. Hindi ang mga yakap nito. “Calden, baka may makakita sa atin,” paalala niya. Hindi man lang lumuwag ang pagkakayakap nito sa kanya. “This is my ninang’s place. Kabubukas lang last month. Pinagkakatiwalaan niya ang lahat ng mga tauhan dito. I... I just want to hold you for a bit. Please.” Pumikit siya at hinayaan ang sarili na manatili sa mga bisig nito. Fine. One minute. Pero hiniling niya na hindi na siya nito pakawalan. At ang isang minuto nito ay umabot ng magpakailanman. Calden, please don’t let me go. TAHIMIK lang si Patrice habang kumakain siya ng pesto pasta na in-order ni Calden para sa kanya. Nakatitig lang siya dito habang masigla itong kumakain. Ayaw niyang magsalita. Ni ayaw nga niyang kumurap man lang sa takot na maglaho ito. Nabubuhay pa rin siya sa masayang mundo ng ilusyon kung saan masaya pa rin sila ni Calden at di pa sila nagbe-break. Kahit sandali lang ay gusto niyang ibigay ang kaligayahan na iyon sa sarili niya. “How are you?” sa wakas ay tanong ng binata. “You look tired. Parang ilang araw ka nang walang tulog.” “It has been a busy week.” Mistulang rollercoaster ride ang buhay niya nang nagdaang mga araw. Mula sa pagkaka-scam sa nanay niya hanggang sa pagtanggap niya sa pagiging searcher sa dating game, hindi pa napapahinga ang katawan at ang isipan niya. Mabuti na lang at magaling daw ang make up artist na hahawak sa kanya. “Alam ba ng mommy mo na nandito ka kasama ako?” “Ang alam niya nasa gym ako ngayon.” Sarkastiko siyang ngumiti. “Pwede mo na naman pala akong makita kung gugustuhin mo. Kung gusto mo.” Saglit itong hindi nakakibo dahil na rin marahil sa guilt. Magagawan naman kasi ng paraan kung gusto talaga siya nitong makita noon. Pero di naman kumontra sa kanya ang binata subalit nakita niya ang kaseryosohan sa mga mata nito. “Importante na makausap kita tungkol sa show. Sa dating game mo.” “What is the problem with the dating game? I am single.” Naningkit ang mga mata ng binata. “Pero bakit ka pumayag? Do you really want to replace me so badly?” Natigagal si Patrice. Sa tono nito, parang pagkasama-sama niyang babae. “Calden, break na tayo. May karapatan akong gawin kung anuman sa buhay ko. Nakita mo ba akong nag-react sa inyo ni Darling? Wala naman, di ba? May kanya-kanya na tayong buhay.” “Pero kakalkalin naman nila ang buhay mo. Hahanapan ka nila ng kahit anong kontrobersiyal sa buhay mo hanggang sa brand ng tissue mo para lang may maipalabas sila at... At tiyak na malalaman ng lahat ang tungkol s akin.” “Iyon ba ang inaalala mo? Na ibubulgar kita sa publiko para sa ratings?” Umiling siya. Isang malaking sampal ito sa kanya. Asang-asa siya na nami-miss siya nito at sasabihin na mahal pa siya nito. Subalit ito ang malupit na realidad. Nandoon lang ito dahil gustong protektahan ang sarili. “You have nothing to worry. Pumirma na ako ng kasunduan na hindi ko babanggitin kung sino ang ex-boyfriend ko. Not even a hint about you. Happy now?” “No. It is not about me. This is about you. Bakit ginagawa mo ito samantalang mahal mo pa ako?” Nahigit niya ang hininga. “Calden...” “Why are you doing this? Naiintindihan ko ang tungkol sa pagkalat ng video mo. Pero ang sumali sa dating game, this is not you. May problema ka ba sa pera? Sabihin mo lang sa akin para matulungan kita huwag mo lang ituloy ito.” “Matutulungan mo ako? Calden, kontrolado ka ng mama mo,” nausal niya. “May investment ako sa stock exchange mula nang mag-sixteen ako. Twenty-one na ako ngayon at matagal na akong may kontrol doon. Magkano ba ang kailangan mo. Sabihin mo lang para di ka na tumuloy sa dating game. Don’t do this. Kahit di ka bumalik sa akin, basta huwag ka lang tumuloy sa dating game. Nararamdaman ko na hindi mo ito gusto.” Mataman niyang pinagmasdan ang dating nobyo. “Bakit ginagawa mo ito?” “Because I still love you. At hindi kita hahayaan na gawin ang mga bagay na pwede mong pagsisihan sa huli. Iba ang mundo ng showbiz, Patrice. Nandito ka sa mundo kung saan nabubuhay ang mga tao sa ilusyon at katotohanan ang sisira sa iyo. Hindi ka pa handa para sa mundong ito. This might ruin you. Ayokong mangyari iyon sa iyo. At gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka lang. So tell me why you are doing this. Handa akong tulungan ka kahit na maubos man ang ipon ko.” Parang may bikig sa lalamunan niya habang pinagmamasdan ang lalaking mahal niya. Mahal pa rin siya ni Calden. Nararamdaman niya ang sinseridad nito. Handa itong solusyunan ang mga problema niya. Pero dahil nabubuhay niya sa mundo ng realidad, kailangan niyang harapin ag mga responsibilidad niya. Nakapirma na siya ng kontrata. At di niya gugustuhin na sukuan ang mga taong tumulong sa kanya kung kailan kailangan siya ng mga ito. Ayaw din niyang ipapasan kay Calden ang mga problema niya. Pinaghirapan nito ang perang iyon. Para iyon sa kinabukasan ni Calden at hindi para sa kanya. Kapag tinanggap niya ang tulong nito, parang pinatunayan niya na pera lang ang habol nito sa kanya. At kahit na bumalik pa sila sa isa’t isa ay di rin mawawala ang mga problemang kinaharap nila dati na nagbunsod kung bakit sila naghiwalay. Wala pa ring magbabago. Malungkot siyang ngumiti. “Calden, may kanya-kanya na tayong buhay ngayon. Salamat sa alok mo pero mag-focus ka na lang sa career mo.” Tumayo siya. “Hayaan mo na lang ako.” Kung anuman ang problema niya ng pamilya niya, ayaw na niyang idamay pa si Calden. Pangangatawanan niya ang mga desisyon niya. Pinigilan nito ang braso niya. “Anong kailangan kong gawin para bumalik ka ulit sa akin? I want you back.” Pwede ba niyang habambuhay na tanggihan si Calden? May pag-asa pa ba para sa kanila. “Ligawan mo ulit ako. Ipakita mo sa akin kung gaano mo talaga ako kagusto.” “What?” bulalas nito. Tinaasan niya ito ng kilay. “Kaya mo bang makipagsabayan sa mga manliligaw ko?” Tumayo ito. “I am Calden Faulkner.” Of course, he was the hottest leading man now. Nagkakandarapa nga ang mga babae dito. Pinapalabas nito na dahil mahal pa niya ito ay kailangan niyang tanggapin na lang ito basta nang walang kahirap-hirap. “And you being Calden Faulkner doesn’t mean much to me now. Single ako ngayon at lahat ng gustong maging boyfriend ko ay kailangang manligaw. Kasama ka na. Kung gusto mo, sumali ka sa dating game.” Pagak itong tumawa. “That is absurd. Alam mo na imposibleng mangyari iyon.” Nagkibit-balikat siya. “Then it is goodbye, Calden. Wish me luck?” “Sure.” Hinawakan ni Calden ang pisngi niya at nanlaki ang mata ni Patrice nang angkinin nito ang labi niya. It was not a timid and light kiss that he used to bestow her. She was being kissed by an expert. Saka niya naalala na isang magaling na artista ang nobyo niya at di na bago ang kissing scene dito. Hindi lang nito ginagamit sa kanya. But now, he was branding her with that sizzling kiss that was enough to fry her brains. Muntik nang bumigay ang tuhod ni Patrice sa panlalambot nang putulin ni Calden ang halik at bitawan siya. There was a satisfied smile on his lips. “There. I am your poison, Patrice. Tingnan ko lang kung magka-interes ka pa sa ibang lalaki. You will always think of me. Maaalala mo lagi ang mga yakap at halik ko.” Totoo. Mahihirapan talaga siyang maka-get over sa halik na iyon. But she still had self-preservation. May mga bagay na di niya pwedeng talikuran para sa yakap at halik o kahit pa para sa pag-ibig ni Calden. “But that is not enough to make me stay. Not enough for me to take you back. Ipapaalala ko lang sa iyo na kung gusto mo, ligawan mo ako. See you around, Calden Faulkner.” Sinadya niyang idiin ang pangalan nito bago ito tinalikuran at naglakad palayo. Oo nga at ito si Calden Faulkner. Pero siya naman si Patrice Santorino. Meron o walang dating game, gusto pa rin niyang paghirapan ni Calden kung gusto nitong bumalik siya dito. Ito ang bagong kabanata ng buhay niya. Kung gusto siya ni Calden, he must step up. Hindi na siya ang Patrice na lagi na lang maghihintay dito. She won’t be a doormat girlfriend anymore. If he wants her, he must work for it.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD