Chapter 21

2523 Words
CHAPTER 21: SAVE ZION Rhys's POV Natuwa ako nang magpatawag ng doktor ang Sumor kinabukasan matapos ng nangyari kay Zion. Pinuri niya 'ko nang malaman niya na mga halamang gamot na ginawa ko ang nagpagaling sa mga taong nakagat ng insekto. Pero hindi ko magawang ngumiti dahil mga residente lang ang napagaling ko, hindi nito napagaling ang taong pinakagusto kong mapagaling. Ipinaliwanag sa amin ng doktor kung anong insekto ang naminsala sa Sivol. Ayon sa kanya, ang tawag sa mga ito ay Invo; mga insektong namumugad sa mga liblib o tagong lugar. Delikado raw talaga ang mga insektong ito dahil sa dala nitong lason, hindi man nakamamatay pero ilang araw ka namang hindi tatantanan ng lagnat, pagsusuka, at hirap sa paghinga. Ayon sa kanya, dahil sa kaunti lang ang taong naninirahan sa Sivol, naramdaman ng mga Invo na maari silang tumira rito. Iyon din ang tingin niyang dahilan bakit umatake ang mga ito, gusto nilang masolo ang lugar. Siyempre, tinanong ko ang doktor kung bakit hindi napapagaling ng mga gamot na sinubukan ko ang kagat ng reynang insekto kay Zion. Ang sabi niya, pinakamalala raw talaga ang epektong dala ng lason galing sa reyna ng mga Invo. Bihira lang ito kung mangagat pero doble o triple naman ang pinsala nito sa biktima. At sobra naman akong nagsisi dahil sinunog kaagad namin ang pugad, sabi kasi niya ay pulot ng Invo ang tanging gamot sa kagat ng reyna nila. Sinubukan namin balikan ni Silvia ang pugad pero abo na lang ang naabutan namin, ginawa na rin naming maghanap kung may iba pang pugad bukod doon sa nasunog pero wala talaga, at wala na ring mga Invo na nagkalat. Hindi ko tuloy alam kung dapat ba kong sumaya dahil d'on o hindi. Pagbalik namin galing sa paghahanap ng pugad, ibinalita namin ang nangyari sa mga insekto at tuwang-tuwa ang mga residente dahil sa wakas ay wala nang peste sa viyon ng Sivol. Sobra silang nagpapasalamat sa mga nagawa raw namin para sa kanila, hindi na rin galit ang pamilya ni Silvia sa kanya nang sinabi ko na siya mismo ang sumunog sa pugad dahil iyon naman ang totoo... reyna lang ang napatay ko pero siya ang tumapos sa mga pesteng 'yon. Nagpasalamat siya sa sinabi ko, pero hindi ko iyon pinansin kasi may sama ako ng loob sa kanya pagkatapos ng mga sinabi niya sa akin nu'ng gabing 'yon. Kahit sinamahan niya 'ko hindi ko pa rin makakalimutan 'yon, habangbuhay. Sinabi rin ng doktor na epekto lang din daw ng lason kaya hindi pa rin nagigising si Zion, kagaya sa normal na Invo ay hindi rin nakamamatay ang kagat ng reyna nila kaya wala raw akong dapat ipag-alala. Ang problema lang, kapag hindi ito nagamot ay buwan ang bibilangin para magising siya at siyempre ayaw ko 'yun mangyari dahil siya lang ang kasama ko at nasa kalagitnaan pa kami ng misyon. Inirekomenda sa akin ng doktor na makabibili raw ng pulot ng Invo sa sentro, kaya heto... agad akong gumayak at nagpasama sa ilang residente papunta rito sa Igare. Ibinilin ko kay Silvia na bantayan si Zion bago ako umalis, umaasa kasi ako na pagbalik ko ay may himalang mangyari at magugulat na lang ako gising na siya... at sana nga, mangyari 'yon. Hindi ko na inusisa pa kung bakit may nagbebenta ng pulot nito at kung paano nila ito nakukuha sa kabila ng lason na dala ng insekto, ang mahalaga sa akin ay may paraan na 'ko para iligtas ang kasama ko. Tatlong araw ang naubos ko sa paglalakbay papunta rito, napabuntong hininga na lang ako nang sa wakas ay inanunsyo ng Hinete na nakarating na raw kami sa Igare. "Hintayin n'yo na lang ako rito, sandali lang naman ako dahil bibili lang ako ng pulot para kay Zion," sabi ko sa dalawang Hinete pagbaba ko sa karwahe. Hindi sila sumagot, nagtinginan lang sila kaya kumunot ang noo ko. "May problema ba?" tanong ko. "Haie, maari ba kaming mag-ikot din sa Pamilihan? Gusto lang namin bumili ng pasalubong sa pamilya namin... kasi—" "Ah, ayos lang, sige. Magkita na lang tayo rito sa pinag-iwanan n'yo ng karwahe." Nauna akong umalis sa kanilang dalawa, hindi ko gustong magtagal sa lugar na ito dahil nu'ng unang beses kong punta rito... may hindi magandang nangyari. Dahil umiiwas ako sa gulo, nagsuot ako ng may talukbong na balabal para itago ang mukha ko, at hindi na rin ako magtatanong o kakausap ng tao kahit mahirapan pa akong maghanap sa tindahan na nagbebenta ng pulot. Ito ang unang beses na malayo ako kay Zion, hindi ako sanay na hindi siya kasama. At isa pa, nag-aalala na rin ako sa kalagayan niya, sana inaalagaan siya ng mabuti ni Silvia dahil kung hindi... susunugin ko rin siya gaya ng ginawa niya sa pugad ng mga bwisit na insektong 'yon. Kagaya ng una kong punta sa viyon na ito, marami pa ring tao. Kabi-kabila ang ingay at bentahan ng mga tinda nila, halos siksikan din ang mga tao na naglalakad. Iba-iba ang mga bagay na nandito, tingin ko pa nga ay lahat na nandito. Sumasabay lang ako sa agos ng tao na naglalakad sa unahan ko, habang gumagalaw ang paa ko pa-abante ay sinisilip ko ang bawat tindahan na madadaanan ko kung may binebenta silang pulot. Mahaba ang hilera ng mga tindahan dito, habang nadagdagan ang nakikita kong pwesto ay mas naiintindihan ko ang posisyon nila—nakaayos sila sa kung anong uri ng binebenta nila at sa kapareho ng kategorya. Kaya alam ko na kung paano mahahanap ang nagbebenta ng pulot, maaring ka-helera niya ang mga nagbebenta ng halamang gamot o 'di kaya ay mga pagkaing matatamis. At sa wakas, nakita ko na rin ang hinahanap ko! Tama ako na katabi nga ito ng mga halamang gamot. "Pabili nga nga tatlong bote ng pulot ng Invo," sabi ko pagharap sa tindera. "Dalawang tanso ang presyo ng isang bote, sigurado ka bang tatlo ang bibilhin mo?" aniya. Tumaas ang kanang kilay ko. "Bakit, tingin mo ba hindi ko kayang bayaran? Baka—" Napahinto ako nang maalala ko si Zion, ayaw niya nga pala ng nakikipagtalo ako. "Bigyan mo na lang ako ng kailangan ko para makaalis na 'ko," sabi ko na lang. Hindi na siya sumagot pa, iniabot na lang niya sa 'kin ang binili ko at inabot ko rin sa kanya ang bayad dito. Siguro hindi niya 'ko nakilala dahil sa balabal na suot ko kaya nagduda siya sa binili ko, mabuti na rin 'yon at wala akong magiging problema. Paalis na 'ko dahil nabili ko na ang kailangan ko, wala 'kong dapat aksayahin na oras dahil bibilang na naman ng tatlong araw para makabalik ako sa Sivol, kailangan na ni Zion ang gamot. "Makinig ang lahat!" Napatingin ako sa unahan kung saan ko narinig ang sigaw na iyon, isang babae ang nagsalita at hindi ko talaga gusto ang nakikita ko... "Bakit kung sino ang ayaw kong makita, sila ang nakikita ko..." bulong ko, yumuko ako ng bahagya kasi ayokong mapansin ni Safara na nandito ako. Si Safara, ang babaeng gumawa ng eksena para lang kainisan ako ng mga tao rito, dinamay niya pa noon si Zion. Hindi ko alam kung bakit napadpad siya rito sa Igare gayong taga-Figne siya. Napukaw ang atensyon ng lahat ng mamimimili at mga tindera sa sigaw ng babaeng 'yon, napansin ko rin na parang ayaw siya makita ng mga nagbebenta rito, kung ano-anong bulungan pa ang naririnig ko. "Nandito na agad siya, wala pa akong benta." "Ano ba 'yan, ang aga-agang malas naman nito." "Wala ba siyang ibang alam na gawin kundi mamerwisyo ng kapwa niya?" "Kulang na nga ang kita ko, mababawasan pa." Napakunot muli ang noo ko, nabasa ko na ang laman ng mga sinabi nila, at hindi na 'ko magtataka kung ganoon ang maging reaksyon nila. Bakit sila magbibigay ng pera kay Safara? Oo anak siya ng Sumor, pero hindi naman nila tungkulin ang manghingi ng pera sa mga tindera rito lalo na't hindi naman siya taga-rito. Sa pagkakaalam ko, sa Munisipyo ng Viyon dapat magbayad ang mga may pwesto rito dahil iyon ay buwis nila sa pagpapatakbo ng negosyo rito. Nabago na ba ang batas na 'yon? Gusto kong magtanong o umapila sa nangyayari pero hindi ko naman magawa dahil tiyak na mapapansin ako ng demonyitang babaeng 'yon. Kaya habang abala pa siya sa paniningil sa kada tindahan, aalis na talaga 'ko. "Teka, parang kilala ko 'yun... Haie? Ikaw ba 'yan, Haie?!" Bumilis ang t***k ng puso ko, may nakakilala sa akin?! Tumingin ako ng pasimple sa likuran ko kung saan ko narinig ang tumawag sa akin. Nanlaki ang mata ko nang makilala sila, mga residente ng Epiya; ang viyon nila Freya... ang mga biktima ng lakiavis na tinulungan namin ni Zion na bigyan ng bagong trabaho. Oo nga pala, pinagbenta namin sila ng halamang gamot dito sa Igare, bakit hindi ko naisip 'yun?! Nakahinto lang ako, hindi ko alam kung dapat ko ba silang pansinin o dapat na talaga akong umalis. Nakakainis naman itong paa ko, dapat umalis na 'ko kung ayaw ko talaga ng gulo pero ayaw niya lumakad, may kung ano sa utak ko na nagdidiktang lapitan ko sila at kumustahin sa naging kalagayan nila pag-alis namin. Gusto ko rin malaman ang lagay ni Freya. Tumingin ako kay Safara, malayo pa naman siya sa posisyon ko ngayon dahil abala pa siya sa pakikipagtalo sa mga tinderang tingin ko ay ayaw na magbayad. May panahon pa 'ko para lapitan ang mga taong 'yon. "Haie, ikaw nga!" ani lalaki, naalala ko siya... isa siya sa pinakamatiyaga na makinig sa mga bilin ko. "Mabuti naman at sinunod ninyo ang mga utos ko," bati ko sa kanila. "Haie, gusto namin magpasalamat ng sobra sa iyo. Kung hindi dahil sa inyo ni Zion, baka wala kaming makain araw-araw. Maraming salamat sa tulong ninyong dalawa," sabi naman ng babaeng kasama niya. Ngumiti lang ako sa kanila. "Nasaan ang ibang mga kasama ninyo? Si Freya, kumusta?" "Nasa ibang pwesto lang ang iba, Haie. Si Freya, nakatira siya sa bahay ng bagong Sumor ng aming viyon. Malagim man ang nangyari sa kanya ay nakikita namin na nagsisikap din siyang bumangon para sa kanyang sarili, nabanggit din niyang gusto ka niyang makita ulit." Masaya akong malaman na nasa mabuting kalagayan na siya, at kampante na akong marinig na inaalagaan siya ng bagong Sumor. "Sabihin na rin kasi natin." "Ano ka ba, wala ka bang hiya sa Savenis?! Tumigil ka nga." Kumunot ang noo ko, nag-uusap silang dalawa sa harap ko at kahit mahina lang 'yon ay rinig ko naman. "May problema ba?" tanong ko. "Wala naman, Haie. Huwag ninyong intindihin ang babaeng 'to," aniya. "Haie..." singit ng babae, sumisimple siya ng tingin kay Safara. "Sila kasi, bukod sa buwis na ibinabayad namin sa pwesto rito, naniningil pa sila ng dagdag. Ang sabi nila, donasyon daw para sa ikagaganda ng pamilihan pero hanggang ngayon wala naman kaming nakikitang pagbabago rito." Siniko ng lalaki ang babaeng kasama niya dahil sa sinabi nito sa akin, hindi ako agad sumagot at tiningnan lang sina Safara, malapit na pala sila sa pwestong ito. "Noon pa, sugo na talaga ng ignium 'yang babaeng 'yan," komento ko. Kung kanina, ayokong mangialam at ayokong magsimula ng gulo, ngayon ay parang tumibay ang loob ko na harapin ang babaeng ito. Umakyat na naman ang dugo sa ulo ko at gusto ko siyang pagbuntunan ng inis. "Aba, mayroon pala tayong espesyal na bisita rito," malanding bati sa akin ni Safara. Naramdaman ko na natuon na sa aming dalawa ang atensyon ng lahat. Tiyak na alam na nila kung sino ako. Inalis ko ang talukbong sa ulo ko, matapang ko siyang hinarap. "Baka ngayon nakatadhana ang kamatayan mo, Safara." "Tinatakot mo ba 'ko?" sarkastikong sabi niya, tumingin siya sa mga kasama at muling nagsalita. "Dapat na ba 'kong matakot?" Tawanan ang naging tugon nila habang nakatingin sa akin. Hindi ko nakakalimutan ang ginawa niya sa akin at kay Zion, kulang ang madaling kamatayan sa babaeng ito kapalit ng mga kasalanan niya pero hindi lang iyon ang dahilan bakit ako nagpasyang magpakita sa kanya; pinaghirapan naming dalawa ng kasama ko ang pagtulong sa mga residente ng Epiya at tinuro ko sa kanila lahat ng alam ko sa paggawa ng gamot kahit labag sa loob ko, pagkatapos magbibigay na naman siya ng panibagong problema sa mga taong 'yon? Kung nandito si Zion, malamang dagdag intindihin na naman 'yon kaya bago pa makarating sa kanya ay tatapusin ko na ito ngayon. "May nakarating na balita sa akin, at nasaksihan ko rin ngayon... naniningil ka ng donasyon sa mga nagtitinda rito para mapaganda ang Pamilihan," panimula ko. Sumeryoso ang mukha niya. "Oo, bakit? Masama ba ang humingi sa kanila ng tulong kung sila rin naman ang makikinabang?" Ngumisi ako. "Sila ba talaga?" Nilibot ko ang tingin sa paligid. "Sa huling punta ko rito, ganito rin ang itsura ng lugar na ito. Kung mula noon ay naniningil ka na, hindi ba dapat may pagbabago na rito? Bakit parang... wala naman akong nakikita..." Binalik ko ang tingin sa kanya at hindi nawawala ang ngisi sa labi ko. Umugong ang bulungan ng mga tao na nakiki-usisa sa usapan namin, hindi ko sila inintindi dahil nakatutok ang atensyon ko sa kausap ko. Napalitan ng gigil ang ekspresyon ni Safara. "Ano bang pakialam mo sa pagpapatakbo ko sa Viyon na ito?! Anak ako ng Sumor, wala naman sigurong masama kung tutulungan ko siya sa pag-ayos ng lugar na 'to?!" "Anak ka nga ng Sumor, pero hindi ito ang viyon mo. Sa pagkakaalam ko, sa Figne kayo nakatira ng Am-pa mo. Doon ko kayo nilampaso, 'diba?" Gulat na reaksyon ng mga tao ang umalingawngaw. Hindi ba nila alam iyon? Napatingin si Safara sa mga tao, umiwas naman sila ng tingin sa babaeng 'yon. Maharas na bumaling ang tingin niya sa akin. "Alam mo, hindi naman dapat pansinin ang opinyon mo, isa ka lang namang sinumpang prinsesa. Baka masumpa rin ang mga maniniwala sa 'yo." Ayan na naman siya, sinisimulan na naman niya ang kasinungalingan niya. Gagawa na naman siya ng eksena para mapahiya ako at siya ang maging bida. Inilagay ko sa bag na dala ko ang binili ko saka sumagot, "Wala naman akong pakialam kung walang maniwala sa sinabi ko. Nakikita naman nila ang ginagawa mo, ano ba naman 'yung sila na lang kumilos para sa sarili nila. Ayos 'yon, hindi ko kailangang mag-aksaya ng pagod para sa iba. May ginagawa ka mang mali o wala, hindi naman iyon makakaapekto sa akin kaya bahala na kayo rito." Tumalikod ako at muling isinuot ang talukbong sa aking ulo para magsimulang maglakad palayo, ihahatid ko na ang gamot na binili ko para kay Zion. "Sandali, Haie!" "Pakiusap po, tulungan mo kami." "Ayaw na po namin sa ginagawa niyang paniningil sa amin." "Ikaw na lang ang pag-asa namin, ikaw lang ang maaring lumaban sa kanya." "Haie..." Napahinto ako dahil sa hinaing ng mga tao, agad akong napangisi dahil tiyak na asar na asar ngayon ang kawawang Safara na iyon dahil sa reklamo ng mga Tindera rito. Tapos na ang pagrereyna-reynahan niya rito... Zion, hintayin mo lang ako. Ilalampaso ko lang ang babaeng ito sa paraan na gusto mo...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD