Chapter 22

2547 Words
CHAPTER 22: THANK YOU Rhys's POV "Bakit naman, hindi ba narinig n'yo naman ang sinabi ni Safara... para rin sa ikabubuti ninyo ang ginagawa niya, ano namang masama kung hindi siya rito nakatira? Ang mahalaga r'on ay tinutulungan niya kayo," sabi ko. Alam kong lalo silang maiinis kapag narinig nila iyon mula sa akin. "Sinungaling ang babaeng 'yan! Palaging ganyan ang rason niya pero wala namang pinupuntahan ang perang iniaabot namin sa kanya! Puro pa siya perwisyo rito!" "Oo nga! Saka totoo naman ang sinabi ng Savenis, maraming bulung-bulungan na hindi talaga taga-rito ang babaeng 'yan!" "Kapag may gusto siyang kunin, gagawa pa siya ng kwento para makuha niya. Sinungaling ka! Manloloko!" "Manloloko!" "Sinungaling!" "Umalis ka na rito sa Igare! Ikaw ang malas!" Sa totoo lang, gusto kong tumawa... gusto ko siyang harapin at gusto ko siyang tawanan sa mukha pero pinipigil ko ang sarili ko para mapanatili ang ganyang hinaing ng mga tao, mas gusto ko ang ganitong klaseng paghihiganti sa babaeng 'yon. "Tumahimik kayo! Wala kayong alam!" sigaw ni Safara. "At ikaw babae ka, isa kang sumpa! Huwag kang gumawa ng kwento at huwag mong iparanas sa mga nandito ang pagiging sumpa mo!" Ako ang pinagsasabihan niya pero hindi pa rin ako humaharap sa kanya. "Ikaw ang manahimik! Ikaw ang dapat tawaging sumpa, hindi ang Savenis!" sigaw naman ng isa pang Tindero. Hindi nawawala ang ngisi sa mga labi ko. Wala naman akong balak na makipagtalo pa rito, hindi ko rin intensyon na sumali sa gulo nila, gusto ko lang talaga asarin si Safara. Inayos ko ang sarili ko at seryosong humarap sa kanya. "Kung sinasabi mong gumagawa ako ng kwento, ibig bang sabihin ay kaya mong patunayan sa mga tao rito na talagang may pinupuntahan ang perang iniaabot nila sa inyo? Kaya mo rin bang patunayan na taga-rito ka talaga? May nakakakilala ba sa 'yo na kahit isang Tindero rito na makapagsasabi na talagang dito ka lumaki?" Muling umapila ang mga tao, halos hindi ko na naintindihan ang mga sinasabi nila dahil magkakaiba sila ng sinasabi. Basta ang alam ko lang, sang-ayon sila sa sinabi ko. "Bakit mo ba ito ginagawa, Sumpa? Ano bang mapapala mo sa pagpunta mo rito?!" pasigaw pa rin ang boses niya sa akin. Ngumiti ako at pa-inosenteng tumingin sa kanya. "Wala, bumili lang naman ako ng pulot at tinawag ako ng kakilala kong Tindero para makipagkumustahan. Hindi ko naman akalain na nandito ka pala at... naniningil." "Kung tapos ka na sa ginagawa mo, umalis ka na rito! Kapag nasa paligid ka, nag-iiba ang nangyayari—" "Para bang nabubunyag ang baho mo?" singit ko. Hindi na siya nakasagot sa akin, matalim ang tingin niya at kung puwede lang akong makain ng mga mata niya... baka wala na 'ko ngayon sa kinatatayuan ko. "Huwag mong hintayin na makarating pa ito sa Am-pa ko." "Tinatakot mo ba 'ko?" Tumingin ako sa mga tao. "Matatakot na ba 'ko?" Sila naman ang tumatawa ngayon. "Hindi ako nagbibiro, Sumpa. Maraming kilala ang Am-pa ko na may impluwensyang tao, maari niyang gamitin ang mga koneksyon niya laban sa 'yo. At ikaw, ano bang laban mo sa amin?" Unti-unting bumabalik ang kumpiyansa niya sa sarili, nakaisip na siya ng bagong lusot niya. Naningkit ang mata ko, hindi niya 'ko basta mapapatumba o matatakot sa ganoong salita lang. "Sige, kung 'yan ang gusto mo. Ang sa akin lang, nakikiusap lang naman ang mga tao rito na malaman ang progreso ng proyekto niyo para rito sa Pamilihan, hindi naman sila naghahanap ng gulo." "Hindi nga kayo naghahanap ng gulo pero inaabala mo naman kami. Sa halip na nakatapos na sana kami sa trabaho namin dito, heto ako at pinipilit kang umalis na para matapos na ito." "Para hindi na kayo maabala, sundin mo na lang ang hiling ng taong bayan mula sa iyo, anak ng Sumor." "Prinsesa, pinipigil ko lang ang sarili ko... kapag ako napikon talaga sa 'yo mapipilitan akong—" "Ano? Sige nga, ano ba ang kayang gawin ng isang anak ng Sumor sa Savenis ng Igapire?" Lalong bumibigat ang tensyon, ang simpleng paniningil lang sana at pagtanggol sa mga tao ay nauwi na sa pagbabanta. Balak ko lang naman ay asarin siya, hindi ko alam bakit humantong na sa ganito ang lahat. Ganito nga yata talaga ang mangyayari kapag wala si Zion sa tabi ko, napapasubo ako lalo sa gulo. Hindi na muling sumagot si Safara, sa tingin ko ay nag-aalangan din siya dahil sa sinabi ko. Pareho lang kami na walang halos alam sa isa't isa. "Safara, wala akong balak na pahabain ang usapang ito. Simple lang naman ang solusyon sa problema nating ito, kung hindi mo kayang ipakita sa kanila ang hinihiling nila, mas mabuti siguro kung itigil mo na ang paniningil mo. Tiyak na kahit hindi mo 'yan ihinto, hindi na rin sila magbibigay sa 'yo lalo pa't kilala ka na nila." Hindi niya 'ko sinagot, nakita kong binulungan siya ng isa sa mga alipores niya. "Ibalik mo ang kinolekta mo sa amin ngayong araw!" Isang Tindero na naman ang umapila. Sumunod sa pag-apila ang iba bilang pagsang-ayon sa unang nagsalita, wala na lang nagawa si Safara kundi utusan ang mga tauhan niya na ibalik ito sa kanila. "Hindi pa tayo tapos, Prinsesa. Nanalo ka muli ngayon, pero sinisiguro ko... may araw ka rin!" Tumalikod na siya sa akin at tuluyang naglakad palayo. "Huwag ka nang babalik!" Hindi ko alam kung sino ang sumigaw na 'yon, basta nang hindi na lumingon muli sina Safara sa amin ay nagdiwang na ang mga tao. Tila ba nanalo sila sa isang laban. "Haie, maraming salamat sa ginawa mo sa amin. Kung wala ka rito, baka natangay na naman ng babaeng 'yon ang kinita namin." Halos sabay-sabay nila akong nilapitan at walang ibang sinabi kundi salamat. Sa totoo lang, hindi ko naman intensyon na tumulong, gusto ko lang maasar si Safara sa akin. "Ayos na 'yon, kailangan ko na rin umalis dahil may naghihintay pa sa akin." Hanggang sa paglalakad ay madami pa rin ang nagpapaabot ng pasasalamat sa akin. Hindi ko na lang ito pinansin dahil nakatuon na ang atensyon ko sa paglalakad. Maaring nandoon na sa pinag-usapang naming tagpuan ang dalawang kasama ko. Gusto ko na makauwi kaagad para ibalita kay Zion na nakaya kong pumunta sa Igare mag-isa na walang nangyayaring gulo. Tiyak na matutuwa siya kapag nalaman niya na hindi na sinumpang prinsesa ang tingin sa akin ng mga residente dito. "Prinsesa..." Napabuntong hininga na lang ako nang makita kong nasa harapan ko na naman si Safara, kasama pa ang kanyang Am-pa. "Ang lakas pala talaga ng loob mo na magpakita pa sa akin," bati sa akin ng hambog na Sumor ng Figne. "Kung puwede lang na hindi, bakit pa 'diba?" sagot ko. "Hindi ko mapapalampas ang ginawa mong pamamahiya sa anak ko!" Agad na umikot ang dalawang mata ko, hindi talaga titigil ang babaeng 'to hanggat hindi siya nananalo. Pagod na 'kong kaharap ang mag-amang ito. "Kung inaakala mong panalo ka na kanina, nagkakamali ka," ani Safara. "Ano naman ang paandar ninyong dalawa ngayon?" Hindi na nila 'ko sumagot, pinalibutan na lang ako ng limang tauhan na kasama nila. Lumikot ang mata ko at agad na nakiramdam sa gagawin nila. "Huwag kang mag-alala, hindi ka nila papatayin. Ipaparamdam lang nila sa 'yo kung paano magalit ang anak ng Sumor." "Sigurado ka ba riyan? Nakalimutan mo na ba ang miniature sun ko? O baka, gusto n'yo na itong matikman ngayon?" Hindi natinag ang mga alipores niya, tila handa sila sa mga susunod na mangyayari. Napukaw ang atensyon ko nang tumawa si Safara. "Lahat ng kaharap mo ngayon ay may Insigne, Prinsesa. At alam mo ba kung ano?" "Ossu or meis: Elascondam." Nasagot ang tanong ni Safara nang sabay-sabay na gumamit ng xishan ang mga wayim na kaharap ko. Quaerash lizard ang Insigne nila, aminado akong mahihirapan akong mapatumba sila dahil sa paggamit nila ng skill na hindi sila basta masasaktan. "Igsis." Bukod sa xishan, binigkas pa nila ang incantation para sa flame sword. Tumingin ako kay Safara, nakangiti siya na parang nakamit na ang tagumpay. Nakakaawang babae, 'di baleng gumawa ng madumi basta manalo lang. "Digus li cien: Igsis," banggit ko sa incantation para lumabas ang spear ko. Wala 'kong balak na aksayahin ang oras ko para labanan ang mga ito, tatapusin ko agad ang laban para makaalis na. Agad na may umatake sa likuran ko kaya mabilis akong umikot at sinangga iyon gamit ng weapon na hawak ko. Sinundan pa ito ng atake sa harap kaya sinangga ko rin iyon at tinulak ang umatake. Hindi ko sila masasaktan dahil sa xishan nila pero hindi rin nila ako basta malalapitan, sinimulan kong balutin ang katawan ko gamit ang sarili kong apoy. Nagtuloy lang ang laban namin, isa-isa sila kung sumugod at bawat isa ay may lakas para tamaan ang spear ko. Tulak lang palayo ang nagiging ganti ko sa kanila. Nakakahingal ang laban, pero kailangan ko itong tiisin dahil may pinaplano ako... Nang palibutan nila 'ko, mabilis kong binanggit ang incantation para sa xishan ng Insigne ko. "Ossu or meis: Fugio." Naramdaman ko ang init ng Insigne ko bilang tanda na narinig nito ang pagbigkas ko sa incantation at agad na lumitaw ang pakpak sa likod ko. Umangat ako sa lupa, hindi man nangyari ang inaasahan ko na magsasaksakan silang lima ay napangiti pa rin ako dahil alam kong naisahan ko sila. Hindi ko na nilingon sina Safara, tumuloy na ako papunta sa pwesto kung saan kami magkikita ng mga kasama ko. *** Pagdating sa tagpuan, nandoon na nga ang dalawang kasama ko at naghihintay sa akin. Nagulat pa sila nang bumaba ako sa harapan nila. Hindi na sila umimik pa at agad na hinanda ang karwahe. Pagsakay ko sa loob, nakita ko kaagad na marami pala silang pinamili. "Pasensya na kayo sa dami ng aming bitbit, Haie," sabi ng isa sa kanila. "Ayos lang, kayo na nga ang naabala ko," sagot ko. Hindi na sila umimik pa at pinatakbo na nila ang kabayo. Sa tagal ng byahe, naisipan ng dalawa na makipagkwentuhan sa akin. Hindi naman ako tumanggi at kinausap ko na rin sila, naiinip na rin kasi ako at ito lang ang maaring magawa sa ngayon. Napag-usapan namin ang nangyaring gulo sa Igare, nasaksihan daw nila ang naging sagutan namin ni Safara. Nagbigay sila ng mga opinyon nila sa nangyari, nasabi rin nila sa akin ang komento ng iba tungkol sa babaeng 'yon. At ang pinaka nagustuhan ko sa usapan namin ay... "Sabi ng isa sa mga Tindera, may usapan daw na gusto ni Safara maging Quina ng bansa... gusto niyang mapangasawa ang kakambal mo, Haie." Humagalpak talaga ako ng tawa nang marinig ko ang kwentong iyon, akalain mong may pangarap pa pala siyang maging hipag ko. Nang wala na silang makwento, nagpasya akong matulog. Mas gusto ko nang matulog sa umaga at sa gabi ay gising para makapagbantay sa paligid, mahirap na at baka samantalahin pa ito ng mga taong may balak pumatay sa akin. Alam kong hinahanap pa rin nila 'ko at kapag nakita nila 'ko, tiyak na hindi sila magdadalawang isip na patayin ako lalo pa at magandang pagkakataon ito para mapatumba ako dahil wala si Zion sa tabi ko. Kagaya sa bilang ng araw na lumipas papunta ng Igare, tatlong araw din ang binilang ko pauwi sa viyon ng Sivol. Sobrang saya ko kasi pagkatapos ng mahabang byahe ay nakarating din kami. Paghinto ng karwahe, bumaba ako kaagad na bitbit ang bote ng pulot na binili ko at patakbo akong pumunta sa kwartong tinutuluyan namin. Pagbukas ko ng pinto, naabutan ko si Silvia na pinupunasan si Zion. "Nandito ka na pala," bati niya sa akin. "Kumusta na siya?" Lumapit ako sa natutulog na Flame Knight, mula nu'ng iniwan ko siya ay ganoon pa rin ang itsura niya. Salamat naman at hindi lumala ang kalagayan niya. "Ayos lang siya," ani Silvia. Umalis siya bitbit ang maliit na palanggana na may lamang tubig at tuwalya na ginamit niya pampunas sa binatang kaharap ko. Hindi na 'ko nag-aksaya ng oras, kagaya ng ibinilin ng Doktor ay ipinahid ko sa itim na marka sa katawan ni Zion ang pulot na binili ko. Ito raw ang magbubura sa marka at kapag tuluyan na itong nawala ay magigising na siya. Mula nang bumalik ako, hinayaan na 'ko ni Silvia sa pagbabantay at pag-aalaga kay Zion. Pinupunasan ko rin ang katawan niya gaya ng nakita kong ginagawa ng babaeng 'yon. Wala namang taglay na kapangyarihan ang pulot, kailangan pa ring maghintay na mabura nito ang marka. Basta kailangan lang ay palagi itong papahiran. Paglipas ng dalawang araw, medyo nabawasan na ang itim ng marka, nakakabuti ang pulot kay Zion... hindi nasayang ang pagbyahe ko ng malayo. Kinabukasan, nabanggit sa akin ng Sumor na may lugar daw sa gubat nila ang maaring makunan ng halamang gamot. Pagkatapos kong punasan si Zion at pahiran ng pulot ang marka sa katawan niya ay pinuntahan ko ang lugar na itinuro niya. Ibinilin ko na lang muna ulit siya kay Silvia. At sobra akong nasiyahan nang marating ko ang lugar, may mga halamang gamot doon na hindi ko nakita sa ibang gubat. Kinolekta ko ang lahat ng nakita ko, tiyak na matutuwa nito si Zion 'pag nakita niya ito. Inubos ko muna ang oras ko sa pagpitas ng mga halamang gamot habang hinihintay ko ang paggising ng kasama ko. At paglipas ng limang araw... Dumating na ang araw na pinakahihintay ko... Pag-uwi ko mula sa gubat, naabutan kong gising na si Zion! "Zion!" Agad akong tumakbo at niyakap siya. Hindi ko na ininda kung nasa kabilang gilid si Silvia. "Salamat naman at gising ka na," dugtong ko pa. Naramdaman ko ang pagtugon niya sa yakap ko. "Na-miss mo ba 'ko, Haie?" Agad akong bumitiw sa pagkakayakap sa kanya. "Wayim! Nag-alala lang ako sa kalagayan mo—" "Kasi?" aniya, ayan na naman siya sa nakakaloko niyang ngisi. "Kasi ano... maluwag turnilyo ng utak mo, eh! Sino bang baliw na kagaya mo ang isasangga ang sarili niya para iligtas ang iba?" "Ako lang ang kaya gumawa n'on, Haie. Kaya dapat lang na ingatan mo 'ko." Kumindat pa siya sa akin. Balak ko na sanang maglabas ng apoy pero sumingit bigla si Silvia. "Bago kayo maglandian, hayaan n'yo munang makalabas ako... puwede?" Sabay kaming tumawa ni Zion. "Salamat sa tulong mo, Silvia. Salamat din sa pagsama mo sa aking Haie," ani Zion habang nakaharap kay Silvia. "Bahala na kayo riyan, aalis na 'ko." Tuluyang lumabas ng kwarto si Silvia at iniwan na kaming dalawa. "Kumusta ka, Haie?" Nabaling ang tingin ko kay Zion nang magsalita siya. "Ayos lang ako, naghanap at nag-ipon ako ng halamang gamot habang natutulog ka riyan." "Hindi mo 'ko inasikaso?" "Bakit pa? Inaasikaso ka naman ni Silvia, 'diba?" "Haie, ikaw ang gusto ko mag-asikaso sa akin. Binilisan ko na nga ang paggaling kasi akala ko nag-aalala ka na sa akin." Pinipigilan ko ang sarili kong ngumiti, nakasimangot kasi si Zion at talagang dismayado sa sinabi ko. "Tapos si Silvia, walang kinuwento sa akin na kahit ano... ikaw na lang daw ang tanungin ko, at sigurado naman ako na hindi ka magkukwento sa akin." Nang hindi ako sumasagot, tumingin siya sa akin. "Haie, baka naman puwedeng—" "Zion... salamat. Maraming salamat, sa lahat." Sa unang pagkakataon, nabanggit ko rin sa harapan niya ang salitang 'yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD