Chapter 26

2542 Words
CHAPTER 26: CHORES Rhys's POV "Zel! Sinabi ko na sa 'yong bata ka, kunin mo lahat at lalabhan ko 'yan! Puro ka na naman laro!" Sigawan ng mag-ina ang gumising sa akin sa umaga. Naalala ko tuloy bigla noong bata pa ako, madalas din akong sigawan ni In-ma kapag hindi ko kaagad nasunod ang utos niya. Pagkatapos ng hapunan namin kahapon, agad akong pinagpahinga ng In-ma ni Zion. Binigyan niya ako ng bukod na kwartong aking tutulugan, sabi niya ay kwarto raw ito dati ni Zion noong bata pa siya tapos nu'ng naging binata na siya ay ipinaayos nila ang bahay at ginawa na lang itong guest room. Madami pa raw siyang gustong ikwento sa akin tungkol kay Zion, at ihanda ko raw ang araw ko ngayon dahil bubusugin niya 'ko ng maraming impormasyon tungkol sa anak niya. Tumapat ako sa malaking salamin na narito sa loob ng kwarto, pinagmasdan ko kasing maigi ang ipinahiram sa aking damit ng kanyang nanay. Sabi niya, damit pa niya ito nu'ng dalaga pa siya at itinabi niya dahil umasa siyang magkakaanak siya ng babae at ipapamana niya ito. Ang kaso dalawang lalaki ang ipinagkaloob sa kanya at hindi na nila binalak na mag-anak pa ng isa. Paglabas ko sa kwarto, nagkagulatan pa kami ni Zion. "Gising ka na pala, Haie." Napaiwas ako ng tingin dahil iba ang suot ni Zion kumpara sa suot niya palagi sa gubat, nag-iiba pala ang itsura ng indibwal kapag nasanay ka na sa madalas niyang suot. Hindi ako sanay na makita siyang nakapambahay lang. "Ano bang ginagawa ng In-ma at kapatid mo? Narinig ko kasi silang nagsisigawan sa labas," usisa ko. "Naku, iyon pa ang rason bakit ka nagising? Sera, Haie... hayaan mo pagsasabihan ko sila. "Ah, hindi... napansin ko lang naman." Ang totoo, wala lang akong masabi kaya ko iyon pinansin. Ayoko lang maging awkward ang harapan namin. "Kalalabas mo lang ba sa kwarto mo, Haie? Gusto mo bang sabay tayong magkape?" Dahil wala rin naman akong gagawin, pumayag na lang ako. Pinaupo niya lang ako at pinagbigyan ko siya sa gusto niyang ipagtitimpla niya raw ako. "Ganito pala sa viyon ninyo, maaga pa pero gising na halos lahat ng tao." "Naku, oras na sumikat na ang araw... tanghali na iyon dito." Natawa na lang kami dahil d'on. "Ilang taon na ang kapatid mo?" tanong ko. "Pitong taon, kaya lalong naging makulit. Araw-araw pinapasakit ang ulo nina In-ma at Am-pa. Pero kahit ganyan 'yang batang 'yan, sobrang lambing niyan lalo kapag may nagawa siyang kasalanan." Ngumiti na lang ako sa kanya, gusto ko lang maranasan magkaroon ng ganitong usapan... 'yung normal, simple lang, at parang walang ibang intindihin sa buhay. Ito naman talaga ang pinangarap kong buhay, malaya lang at magagawa kong maupo sa isang tabi habang umiinom ng kape kung gusto ko. Pero minsan iniisip ko rin, bakit iyon? Nabuhay naman ako na iyon ang ginagawa ko. Napatingin ako sa kaharap ko saka naisip na baka kaya gusto ko ng simple at tahimik na buhay ay dahil alam kong balang araw... mawawala na iyon sa 'kin. Mawawala nga ba? Darating ba talaga ang oras na magiging prinsesa ako? Talaga bang gagawin ko 'yun? "Zion..." "Bakit, Haie?" "Minsan ba, dumating ka sa punto na may bagay kang gustong gawin pero isinantabi mo para piliin na makasama ang isang taong mahalaga sa 'yo kahit ayaw mo 'yung gagawin mo r'on?" Huh? Bakit iyon ang nasabi ko? Tumingin ako sa kanya, nakatulala lang siya sa akin at parang pinoproseso pa ang sinabi ko. "Ayos lang kung ayaw mong sagutin—" "Hindi, Haie... sasagutin ko. Hindi lang ako sanay na malumanay mo 'kong kausapin," aniya, malumanay ang kanyang boses na para bang pinaparamdam niya sa akin na mayroon talaga kaming normal na usapan kumpara sa dati. Sumama na naman ang tingin ko sa kanya, akala ko pa naman kung ano nang mali sa sinabi ko. Binawi ko ang tingin ko at pilit akong ngumiti. "Alam mo ba kung bakit? Kasi nandiyan ang nanay mo sa labas, baka kapag pinatulan kita rito mawalan kayo bigla ng bahay. Gusto mo ba 'yon?" "Haie naman, hindi ka na talaga mabiro." Pinandilatan ko siya ng mata saka umirap. Napahigop na lang ako ng kape para mabawasan naman ang inis ko sa taong 'to, lalo kasing malakas ang loob mambwisit dahil nadito kami sa bahay niya. Alam niyang hindi ko siya masasapak dito. "Tungkol nga pala sa sinabi mo, 'yan ba ang dahilan bakit balisa ka na ng ilang araw?" Agad akong napatingin sa kanya, akala ko hindi niya mapapansin kapag kinausap ko siya... marunong bang mabasa ng isip ang taong 'to?! "Hindi ako balisa! Ano lang..." Napaiwas ako ng tingin habang nag-iisip ng ipapalusot pero dahil alam naman naming pareho na wala na 'kong malulusutan hinarap ko na lang siya ulit. "Sagutin mo na nga lang ang tanong ko, dami mo pang sinasabi." Agad na tumawa ang loko, sinadya niya siguro na hindi pansinin ang inaasal ko ng ilang araw para sa pagdating ng pagkakataon na ito na mako-corner niya 'ko. "Maraming bagay akong gustong gawin pero hindi ko ginawa para sa taong sobrang mahalaga sa akin, at naniniwala akong walang masama r'on kasi ang pinili ko ay 'yung desisyon na alam kong dalawa kaming sasaya." Kapag talaga seryoso siya sumagot, tumatatak sa isip ko ang sinasabi niya. "Haie, hindi importante kung ayaw mo ngayon 'yung isang bagay. Ang dapat mong bigyan ng pansin ay kung saan ka mas sasaya... sa bagay ba na gusto mo lang kasi iyon na ang nakasanayan mo, o sa bagay na akala mo ayaw mo pero magugustuhan mo pala dahil sa taong sinasabi mong mahalaga sa 'yo." Napabuntong hininga ako. "Bakit ba lahat ng bagay na sinasabi mo, gusto mo laging masaya? Sa tingin mo ba talaga lahat dito sa mundo ay nakadipende sa kasiyahan lang? Hindi lahat ganoon, Zion. May bagay na kahit gusto mo ay hindi ka mapapasaya, kasi alam mo na walang ibang bagay para sa 'yo kundi iyon lang. Wala kang ibang choice kundi gustuhin iyon." "Tama ka, hindi lahat ng bagay sa mundo ay tungkol sa kasiyahan. Pero 'diba, normal lang naman na gustuhin mo ang bagay na mapapasaya ka? Kaya kung may pagpipilian ka naman para sumaya, bakit ka pa lalagay sa bagay na sinasabi mong gusto mo lang?" "Hindi naman sa ganoon, masaya rin naman ako kung pipiliin ko 'yon dahil may importanteng tao rin naman para sa akin na makakasama ko r'on. Ang akin lang—" Napayuko ako, ayoko na... hindi ko na gustong magsalita pa dahil baka ano pa ang masabi ko. "Ang sinasabi mo ba, Haie... may ibang tao pa na bukod sa kanya na importante rin sa 'yo ang hindi mo makakasama sa bagay na gusto mo kaya nasabi mong hindi ka nito mapapasaya?" Kitang-kita ko ang ngiti sa kanyang labi, kasama pa nito ang kanyang mata... lalo tuloy naging guwapo ang mukha niya. Napatingin ako sa kape ko, hindi ko pa pala ito nauubos. Malamig na ito pero pinilit kong inumin 'yon, makaiwas lang ako sa tanong ni Zion. "Haie—" "Oh, gising na pala kayong dalawa. Oo nga pala... pinakialaman ko na ang mga gamit ninyo sa karwahe, lalabhan ko kasi ang mga damit ninyo at pinalinis ko na rin kay Zel ang mga kasangkapan doon." "Saka, may pagkain diyan. Kumain na kayo kung gusto n'yo, 'wag n'yo na lang kaming intindihin dahil tapos na kaming kumain." Laking pasasalamat ko na sumingit sa usapan ang nanay niya. Agad akong tumayo para mag-asikaso na rin. "Halika na, baka may iutos ang In-ma mo sa atin tapos nakaupo lang tayo rito." "Haie." Ayokong tumingin, baka kasi banggitin niya na naman ang tanong niya kanina. "Kung sakaling nahihirapan kang magdesisyon kung ano ang dapat piliin, isipin mo lang na may mga taong handang magsakripisyo para sa mga mahal nila mapasaya lang ito. Puwedeng sila na ang mag-a-adjust para sa 'yo. Baka kasi 'yung taong 'yon, kagaya mo rin na kahit ayaw niya man ang isang bagay... pipiliin niya pa rin makasama lang ang taong mahalaga sa kanya." Hindi na 'ko nakaimik nang nilampasan na 'ko ng loko, hindi ko nakita ang mukha niya pero napansin kong nakapamulsa ito na para bang kampante siyang nasabi na niya lahat ng gusto niyang sabihin. *** Wala akong magawa, hindi na ko lumabas dahil iniwan ako ng lokong lalaking 'yon. Paano naman ako kikilos sa bahay na ito kung alam kong nandito ang pamilya niya, siyempre mahihiya ako at kailangan niya 'kong samahan para hindi ako mailang. Incommo! Napatingin ako sa pinto ng kwarto nang may kumatok dito. Kapag 'yan si Zion, pauulanan ko talaga siya ng sermon! "Bukas 'yan," sagot ko. Nakakatamad tumayo baka nga siya 'yan, maibalibag ko pa sa kanya ang pinto. "Ah... Haie..." Agad akong napatayo nang makita ko na ang kumatok pala ay ang In-ma niya. "Pasensya na, akala ko kasi... ano..." hindi ko maituloy ang sinasabi ko, alangan namang bastusin ko ang anak niya sa harap niya. "Nabanggit sa akin ng anak ko na baka raw mahiya kang gumalaw dito sa bahay kapag wala siya, kaya naisipan kong silipin ka. Naistorbo ba kita?" "Ah, hindi. Saan ba siya nagpunta?" "Sa bayan, inutusan ko kasi." "Ah." Ano ba Rhys, magsalita ka nga ng maayos! "Wala ka bang ginagawa? Gusto mo bang sumama sa akin?" Nakangiti siya sa akin, siguro gusto niyang matanggal ang ilang ko sa kanya kaya tumango ako at sumunod sa kanya. Pumunta kami sa likuran ng bahay nila, nandito ang mga damit namin ni Zion. Oo nga pala, nilalabhan niya ito. "Pasensya ka na, wala kasi kong alam kung paano ka maaaliw dito sa amin dahil wala namang magandang pasyalan dito kaya ang maibabahagi ko lang sa 'yo ay kwento. Kaso, may trabaho pa ako kaya isasabay ko na lang kung ayos lang sa inyo 'yon, Haie." "Naku, hindi na sana kayo nag-abala. Ayos lang naman ako kahit mag-isa lang sa kwarto. Baka maka-istorbo pa ako rito." "Haie, bisita ka namin. Dapat lang na asikasuhin ka namin." Sinisimulan na niyang ayusin ang mga labahin, hindi ko maintindihan ang ginagawa niya pero pinaghihiwa-hiwalay niya ang mga iyon. Pare-pareho lang naman iyong lalabhan bakit pa niya iyon ginagawa? Napalunok ako, nahihiya ako pero hindi ako mapapakali kung hindi ko ito sasabihin. "Maari ba kong tumulong sa paglaba? Ah... ibig kong sabihin, maari ba kong magpaturo sa 'yo kasi hindi ako marunong maglaba. Sa gubat kasi, si Zion ang naglalaba ng damit namin dahil hindi ako marunong kaso hindi rin siya marunong kaya mabaho pa rin. Kung matututo ako, mababawasan ang trabaho niya at maiiwasan ang magsuot kami ng mabahong damit." Agad na natawa ang may edad na babae. "Oo nga pala, isa kang prinsesa. Talagang natural na hindi ka marunong maglaba, tama lang na siya ang naglaba pero ang hindi tama ay 'yung paraan niya ng paglalaba! Ilang beses ko 'yon tinuruan hindi rin pala natuto! Hayaan ninyo babatukan ko ang batang 'yon pag-uwi dahil hindi niya inaayos ang trabaho niya." "Hindi, 'wag... ayos lang 'yon, maniwala ka sinabi ko lang 'yon para maintindihan mo ang sitwasyon namin. Nakakahiya man pero hindi naman talaga ako prinsesa, hindi naman ako lumaki sa Kastia tapos hindi ako marunong maglaba. Ang In-ma ko na umampon sa akin, ayaw akong turuan ng gawaing bahay." "Kasi nga, isa kang Maguim. Ang isang dalaga na gaya mo ay dapat pinagsisilbihan, kahit ako ay hindi ko hahayaan na magkasugat ang magandang kamay mo sa paglalaba." "Kaso, unfair 'yon para kay Zion. Siya ang gumagawa ng lahat, minsan akong nagbenta ng halamang gamot para kahit papaano ay makabawas sa intindihin niya pero sa huli inintindi niya pa rin ako dahil sa mga maling sinasabi ng mga tao tungkol sa akin." Hindi siya kaagad sumagot kaya tumingin ako sa kanya. Nagulat na lang ako na parang nakita ko si Zion sa kung paano siya ngumiti. "Tama nga ang anak ko, hindi ka isang sinumpang prinsesa. At napaka swerte niya na nakilala ka niya." Kumunot ang noo ko dahil hindi ko maintindihan kung ano ang sinasabi niya. "Maari mo na ba kong turuan?" pag-iiba ko sa usapan. "Ah, oo nga pala! Muntik ko nang makalimutan. Halika, ituturo ko sa 'yo isa-isa. Ang unang step sa paglalaba ay ganito..." Seryoso lang akong nakinig sa lahat ng sinasabi niya, kahit madami akong tanong kung bakit dapat gawin 'yon mas pinili ko pa ring makinig ng tahimik. Ako na ang nagprisintang maglaba pagkatapos niyang ituro sa akin ang unang step na gagawin. Binantayan niya na lang ako para makita kung tama ba ang ginagawa ko at kung kaya ko na nga bang maglaba. Nang matapos kami, sumakit talaga ang kamay ko at ang likod ko. Tapos hindi pa raw iyon tapos, isasampay ko pa ang mga damit na nilabhan ko. Habang nagsasampay,hindi ko lubos maisip na sa amin lang ni Zion ang mga damit na nilabhan mo pero grabe na ang pagod ko, paano kaya ang iba na labandera ang trabaho? O kaya, mga gaya ni In-ma na Sela sa Kastia? Tiyak na lahat ng gawain d'on ay ginagawa nila. Pagkatapos maglaba, pumasok na ako sa kwarto para magpahinga. Ngayon ko lang naramdaman na ang sarap pala ilapat ang likod sa malambot na higaan, pumikit ako para madama ang pamamahinga. May kumatok na naman sa pintuan ng kwarto, alam kong nanay lang ni Zion 'yan kaya kaswal akong sumagot, "Tuloy!" Masyado akong niyayakap ng kama kaya hindi ako makatayo para salubungin siya sa pinto, alam naman niya ang ginawa ko kaya ayos lang siguro 'yon. "Anong nangyari sa 'yo, Haie?" Agad akong nagmulat ng mata at mabilis na bumangon nang marinig ang boses na 'yon. Nakakahiya na nakita niya pa akong ganito ang itsura. Bakit gan'on... kung sino 'yung hindi ko inaasahan na papasok dito, siya 'yung dumadating. "Wala, nagpaturo lang ako sa In-ma mo kung paano ang maglaba." "Bakit pa? Ako naman ang naglalaba ng damit natin, 'diba?" Sinamaan ko siya ng tingin, hindi ko alam paano sasagutin ang tanong niya. "Bakit ka ba nandito? Ano bang kailangan mo?" tanong ko pabalik. "Wala, masama bang bisitahin lang kita? Saka, aayain sana kitang mamasyal sa labas para makita mo naman ang paligid ng aming viyon." "Puwede ba 'yan bukas? Nangako kasi ako sa nanay mo na magpapahinga lang ako sandali pero tutulungan ko siya sa pagluluto. Tapos mamaya naman ay maghuhugas ako ng plato at maglilinis ng bahay. Tapos kukunin ko naman ang sinampay ko at tuturuan niya rin ako magtupi ng damit. Tapos—" "Haie! Nagpapakamatay ka ba?!" Kumunot ang noo ko. "Huh?" "Nasaan ba si In-ma?! Bakit ka ginaganyan?" "Kumalma ka kaya! Ako ang humiling nito sa kanya, gusto ko lang matuto ng gawaing bahay dahil hindi ako tinuruan ng In-ma ko." "Dahil isa kang Savenis. Natural lang na hindi ka gumagawa ng gawaing bahay!" "Bakit hindi? Wala naman ako sa Kastia, nasa paglalakbay tayo. Ano naman masama kung sumubok ako ng ibang bagay bukod sa paggawa ng gamot?" "Haie, hindi mo naiintindihan. Ang punto ko rito—" "Anak, Zion... hayaan mo ang ating Haie kung nais niyang matuto paano maging isang ganap na babae. Mabuti na rin 'yon para kapag kinasal kayo, may mag-aalaga sa 'yo." Sabay kaming nagulat ni Zion nang biglang sumingit ang nanay niya. Sabay din kaming napasigaw ng... "KASAL?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD