Chapter 31

2556 Words
CHAPTER 31: BATTLE FOR THE DESIRE Rhys's POV "Laban? Talaga bang gusto mo pang magkasakitan tayo para lang kumalma ka?" Seryoso at diretso akong tumingin sa kanya, hindi naman talaga kailangan na humantong pa sa laban ito pero kung hindi ko ito gagawin tiyak na tutuloy siyang umalis para pumunta kay Alicia. Dapat pangatawanan kong galit talaga 'ko at gusto kong makipaglaban. "Kapag nanalo ka, magagawa mo na ng malaya lahat ng gusto mo. Wala ka nang madidinig na kahit ano sa akin. Pero kapag ako ang nanalo, hindi ka na puwedeng makipag-usap sa kahit na sino!" "Huh?! Anong klaseng kondisyon 'yan? Paano kung may makita akong Espis na may Insigne at kailangan ko siyang kumbinsihin na sumama sa atin sa misyon na iligtas ang Reha at Quina?" "Sino bang may sabi sa 'yo na kailangan pa natin ng makakasama na iligtas sila? Sa lason nga na dulot ng kagat ng insekto nagawa mong manalo n'on, sa tao pa kaya?" "Haie, ibang bagay ang kagat ng insekto sa insigne ng isang Magnis. Sana ayos ka lang." Tumalikod siya, kung gan'on pala ay hindi siya kumbinsido sa rason ko at talagang gusto niya pa ring puntahan ang babaeng 'yon! Hindi na 'ko nakapagtimpi pa. Pikon na pikon na talaga ko sa inaasal niya. "Misphera!" Binato ko siya ng fire ball, 'yung tipong ilang metro lang ang layo nito sa kanya. Agad na nagsigawan ang mga tao at nag-panic na ang iba. Oo, alam ko... nababaliw na 'ko. Pero kasalanan ito ni Zion! "Ano bang trip mo?!" galit na galit siya nang lumingon siya sa akin. "Kung hindi mo lang din iintindihin ang misyon na ikaw mismo ang bumuo, hindi ka na dapat mabuhay. Kasalanan mo kung bakit ako nandito, kasalanan mo kung bakit ako nagkakaganito!" Malamig ang boses ko. Buo talaga ang desisyon kong palalain ang away na 'to. Sobrang galit talaga ang nararamdaman ko ngayon. "Maari ba?! Kung gusto ninyong magpatayan na dalawa, huwag dito sa lugar na maraming puwedeng madamay! Umalis kayo!" Lumingon si Zion sa lalaking nagsalita saka binalik ang tingin sa akin. "Kung talagang 'yan ang gusto mo, sige pagbibigyan kita. May alam akong lugar na maaring maglaban." *** Akala ko naman 'yung lugar na tinutukoy niya ay gaya ng arena sa tournament. Gubat lang din naman pala ang pinuntahan namin. "Haie, sabihin mo nga sa akin... ano ba talagang nangyayari sa 'yo at nagkakaganyan ka? Maayos naman tayong nag-usap kanina at pinayagan mo naman akong gawin ko ang gusto ko. Bakit humantong tayo sa ganito?" Ayoko siyang sagutin, kasi tama siya! At mas lalong ayokong sabihin niya na ang posibleng rason na naiisip niy ay si Alicia. Alam ko namang alam na niya 'yon pero dahil siraulo rin ang lalaking 'to, mas gusto niyang marinig 'yon mula sa akin. Umasa siya sa wala dahil hinding-hindi ko 'yon sasabihin! Mas pinili kong bigkasin ang incantation para sa spear ko kaysa sagutin ang tanong niya. "Digus li Cien: Igsis." Bago pa siya makapag-react sa paglabas ng weapon ko ay mabilis na 'kong sumugod palapit sa kanya. Sa bawat wasiwas ko ay naiilagan niya, hindi pa nga siya naglalabas ng sword niya. Alam ko namang hindi ko siya matatalo, alam ko rin na pinaglalaruan niya lang ako. Ano bang laban ko sa isang Flame Knight? Isa lang akong sinumpang prinsesa. Nakakainis, bakit siya ganito? Pagkatapos ng lahat ng sinakripisyo kong prinsipyo para sa misyon na 'to, para sa kanya, at para sa gusto niyang gawin ko... ganito lang ang igaganti niya sa akin? Sa ilang buwan na kasama ko siya, alam ko naman na talagang tinitiis niya lang ang ugali ko. Napipilitan lang siyang pakisamahan ako dahil ako lang ang nakita niyang makakasama niya para makamit ang gusto niya. Tama, ginagamit niya lang ako. Pero heto ako, nadadala sa ginagawa niya! Naisip ko pa ngang tanggapin ang pagiging prinsesa ko dahil sa kanya! 'Yun naman pala, hindi rin siya seryoso sa mga ginagawa namin. Una pa lang, duda na talaga 'ko sa rason niya bakit gusto niyang iligtas ang Reha at Quina. At kung bakit niya tinanggap ang utos sa kanya ng Sivenis na protektahan ako at huwag iwan. Iniisip ko ng paulit-ulit, bakit gan'on na lang ang intensyon niya na pagmukhain akong mabuti sa paningin ng lahat. Lahat 'yon, tinanaw kong mabuting bagay at tinuring ko siyang mabuting tao. Sobra kong nag-alala sa kaligtasan niya, tipong pumunta pa 'ko sa malayong viyon makabili lang ng gamot niya kahit pa alam kong puwede akong mapahamak d'on. Siya ang kauna-unahang tao na inisip kong bigyan ng konsiderasyon bukod sa In-ma ko. Ganoon na kalalim ang nahuhukay niya sa buhay ko, ganoon na katibay ang kapit niya sa puso ko. Ano ba talagang papel niya sa buhay ko?! Hanggang sa napansin ko na lang na tumutulo na pala ang luha sa mga mata ko. Umiiyak ba 'ko dahil naiinis ako na hindi ko pa rin siya matamaan kahit anong atake ang gawin ko? O dahil ba alam kong sa isang babae lang sa nakaraan ang puwedeng maglayo sa akin sa kanya? Hindi ko alam kung ano d'on, palagi na lang ganito. Lahat ng tanong ko hindi ko alam ang sagot. Mula sa pagkakakilala ko sa sarili ko, hindi na 'ko nagkaroon ng kasagutan. Lahat, nangangapa na lang ako. Inisip ko pa dati, puwede niya kong samahan sa madilim kong mundo at ituro sa akin ang daan papunta sa maliwanag na landas. Pero ngayon, sa isang iglap... pakiramdam ko sinamahan niya 'ko ng sandali pero nang makakita siya ng ibang puwedeng alalayan, iniwan niya na lang ako basta-basta. Hindi na niya 'ko naalalang balikan. "Misphera!" Ako lang ang galit, ako lang ang umaatake, ako lang ang may gustong maglaban. Pero gusto ko na kahit ganito, ako ang manalo! Ayoko na kumausap siya ng iba. Ayoko na may iba siyang nilalapitan. Ayoko na may iba siyang sinasamahan. Ayoko! Kasi gusto ko, ako lang! "Ako lang dapat!" Hindi ko alam bakit ko 'yon sinigaw. Ano bang tawag sa gan'on? Nasasambit mo 'yung bagay na dapat nasa isip mo lang. Wala pa rin siyang imik, napapagod na 'kong sumugod pero wala pa ring nangyayari. Kahit manlang galos ay hindi ko siya mabigyan. Bakit gano'n, ako 'yung nasasaktan? Wala 'kong sugat, hindi niya ko inaatake pero pakiramdam ko may mahapdi sa bandang dibdib ko? Ano bang ginawa niya sa akin? Bakit ba sa isang pangyayari, pakiramdam ko nawala na sa akin ang lahat? Ayoko ng ganito, ayoko ng nababalewala ako... "Gusto ko ako lang..." Nanghihina na 'ko, bago ako bumagsak ay agad niya 'kong nasalo. "Ikaw lang naman talaga, wala nang iba." Sa malambing na boses na 'yon, nakalimutan ko na naman lahat. Lalong lumabo ang paningin ko at agad na bumaha ng luha sa mukha ko. Para bang hudyat na ito na patuloy kong iiyak ang lahat. Sobra nang dami ng iniisip ko, hindi ko alam saan ako magsisimula para banggitin 'yon lahat. Pero sa isang yakap, gusto ko nang hayaan na lang 'yon lahat. "Walang iba, Rhys..." Bumuhos ang malakas na ulan. Hindi ko alam kung anong posisyon ko ngayon pero unti-unti ay dumilim ang paligid. *** Nagising ako na may naririnig pa rin akong buhos ng ulan. Pagdilat ng mata ko, nakita kong nasa kanan ko si Zion. Nakasandal pala 'ko sa balikat niya. Nag-angat ako ng ulo. "Nasaan tayo?" "Sa kuweba, malapit kung saan ka bumagsak." "Ah, oo nga pala." Tumingin ako sa labas ng kuweba. Tinitigan ko lang ang patak ng ulan. "Natakot ka bang iwan kita kanina para kay Alicia kaya mo ginawa 'yun?" Nagitla ako sa sinabi niya, hindi ko alam paano ako sasagot. Pinikit ko ang mata ko at agad na napakagat ng labi. Ayokong magsalita, ayokong magsabi ng kahit ano. "Kung hindi mo alam ang sagot, o kung talagang ayaw mo lang sabihin... ayos lang. Nararamdaman ko naman kung ano ang gusto mo." Mahinahon na ang boses niya, bumalik na sa dati ang pakikitungo niya sa akin. Ganyan siya kapag ako lang ang kasama niya, pero kapag may ibang babae na... sigurado akong mag-iiba ulit 'yan. "Sa susunod, isasama na kita kahit saan ako magpunta. Para hindi ka na mag-isip ng kung ano." Nagulat ako nang may inabot siya sa aking bagay na nasa loob ng maliit na plastic. Kinuha ko 'yon sa kamay niya at agad itong binuksan. Isang purselas... isang magandang purselas... "Sabi nila, kapag daw nagbigay ka ng purselas sa isang tao... ayaw mo siyang mawala sa 'yo. Ganon ang nararamdaman ko sa 'yo, Haie... hindi ko hahayaang mawala ka o 'di kaya ay hindi kita iiwan. Kahit sinong kasama ko, kahit sinong kausap ko. Lagi ka lang nasa isip ko. Lagi kong bibigyan ng pansin kung nasaan ka." Kinuha niya mula sa kamay ko ang purselas kaya sinundan ko ito ng tingin, tinanggal niya ang lock nito at hinawakan niya ang kaliwang kamay ko para isuot ito sa akin. "Hindi kita pinilit sumama kanina kasi ramdam kong masungit ka na bago pa tayo kumain, baka lalo kang magsungit kapag nakita mong magkasama kami ni Alicia. Wala kaming ibang ginawa, tinulungan niya lang akong maghanap ng bagay sa 'yong disenyo ng regalo." Nanlaki ang mata ko nang maalala kong binanggit niya na may gusto lang siyang bilhin tapos aalis na kami... Tumingin ako sa kanya nang ma-realize ko 'yon... "Sobrang saya ko nu'ng mayakap ko ulit si Am-pa, lalo na nu'ng narinig ko ang mga sinabi niya sa akin. At dahil 'yon sa 'yo, Haie. Gusto kong magpasalamat sa 'yo sa lahat..." Nakatingin kami sa isa't isa, tapos bigla na namang tumulo ang luha sa mga mata ko. Kung hindi sana 'ko nagsungit... baka kasama niya 'kong bumili nito, baka ako pa mismo ang pumili ng disenyo na gusto ko. "Huwag ka nang magalit, ha?" aniya saka pinahiran ang luha sa mata ko. Napaiwas ako muli ng tingin. Hindi ko alam bakit walang kahit anong salita ang gustong lumabas sa labi ko. Tinuon ko na lang muli ang mata ko sa labas ng kuweba para tingnan ang buhos ng ulan. Kung kanina ang sakit ng dibdib ko, ngayon naman para itong sasabog... Bahagya akong napa-iktad nang kumulog. Hindi ako takot sa kulog o kidlat, naglalayag lang talaga ang isip ko kaya 'ko nagulat. Pero hindi ko inaasahan ang sunod na nangyari... "Puwede bang gawin ko 'to? Bayad lang sa pang-aaway mo sa akin kanina..." Mula sa aking likuran, niyakap niya ko. Nakadukdok din ang ulo niya sa kanang balikat ko. Pakiramdam ko, hindi ako puwedeng gumalaw kasi baka alisin niya ang ulo niya r'on at ayokong mangyari 'yon. Napangiti na lang ako bigla, puwede bang huwag nang tumila ang ulan? Puwede bang dito na lang kami habang buhay? *** Muli pala 'kong nakatulog, paggising ko nakahiga na 'ko sa dibdib ni Zion at nakayakap siya sa akin. Sa tingin ko tulog din siya kaya hindi muna ko gagalaw, ayos lang naman siguro na ganito pa rin ang posisyon namin hanggang magising siya. Kahit hirap, sumilip ako ng dahan-dahan sa labas para tingnan kung tumigil na ba ang ulan. Hindi ko man ito makita ay ginawa ko na lang basehan ang pakiramdam ko sa paligid, wala na 'kong naririnig na patak ng ulan kaya tingin ko ay tuluyan na itong tumila. Tiningnan ko rin ang kaliwang braso ko, sinilip ko kung talaga bang binigyan ako ni Zion ng purselas at nakita ko namang meron nga... ramdam ko naman ito sa kamay ko, gusto ko lang manigurado baka kasi mamaya ay panaginip lang 'yon. Biglang gumalaw si Zion, sa tingin ko gising na siya. Kaya bago pa siya tuluyang magising ay mabuti nang umalis na 'ko sa pagkakahiga sa kanya. Bigla ko lang naisip na hindi ko pala kakayanin ang hiya kapag nagmulat siya ng mata na nakahiga pa 'ko sa kanya. Lumabas ako sa kuweba, maaliwalas na ang labas kahit basa ang paligid. Siguro ay maari na naming ipagpatuloy ang— Agad akong napaiwas nang biglang umakbay sa akin si Zion. "Anong ginagawa mo?!" "Huh? Ah, nangawit kasi ang kamay ko sa pagyakap sa 'yo dahil nilalamig ka kaya ni-re-relax ko lang. Damot mo naman." Lumihis siya ng tingin sa akin na parang natural na lang 'yon sa kanya. Bakit ganoon na lang kadali sa kanya na banggitin ang mga gan'ong bagay?! "Haie, tara kain tayo lugaw," aniya pagharap sa akin. Bumusangot ako. "Ikaw na lang, hintayin na lang kita—" "Sa iba tayo kakain, hindi ko na siya kakausapin at pupuntahan." Agad ko siyang tiningnan. "Talaga?" "Oo, kaysa awayin mo ulit ako at habulin ng sibat— ng literal... iiwas na lang ako." Napangiti ako kaya agad kong tinakpan ang bibig ko. "Halika na, nagutom ako ulit dahil sa pagod," sabi ko. "Pagod? Ikaw nga 'tong masarap ang pagkakahiga—" "Ta-ce! Tara na!" Hindi talaga siya marunong mag-isip minsan kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin. *** Pagdating namin ulit sa palengke, ako na ang pinapili ni Zion kung saan kami kakain. Alam ko namang batang lugaw siya kaya sa lugawan na lang kami nagpunta. Habang kumakain, hindi naaalis ang tingin ko sa suot kong purselas. "Bakit? Ayaw mo ba ng disenyo? Puwede naman natin—" "Hindi, gusto ko siya. Ikaw ba ang pumili nito o 'yung Alicia na 'yon?" "Ako! Sinamahan niya lang ako." Buti naman... "Salatias," sabi ko. Tapos ngumiti ako sa kanya. Ngumiti siya pabalik sa akin tapos tinuloy niya ulit ang pagkain niya, ganoon din ang ginawa ko. "Gusto mo bang namamasyal? Bago tayo umalis?" aniya. Ayos lang naman ito, 'diba? Isang araw lang... sandali lang... gusto ko lang sulitin ang pagkakataon. Nilibot namin ang palengke, para kaming nasa pasyalan kung mag-ikut-ikot kami sa paligid. Ito yata ang unang beses kong mamasyal na kasama si Zion. "Haie, gusto mo ba— may problema ba?" Agad akong ngumiti nang mapansin niya na nakatulala ako. "Naalala ko lang si In-ma, ni minsan hindi ko pa siya na-i-pasyal. Kailan ko kaya magagawa 'yon?" Muli na naman niya 'kong inakbayan. "Hayaan mo, Haie... tatapusin natin ng mabilis ang misyon para madala mo na sa pasyalan si Sela Amanda. Sigurado akong makakalabas na kayo ng magkasama n'on dahil wala na kayong dapat pang itago." Hindi na 'ko makapaghintay na mangyari 'yon... kaunting tiis lang In-ma, magkakasama ulit tayo. "Oo nga pala, Zion. Saan mo binili 'yung purselas?" "Doon sa bandang kanan na una nating pinuntahan. Bakit, Haie?" "Gusto kong makita, tara!" Hinila ko siya sa kamay, nagulat ako nang pagdaupin niya ang kamay namin. Hindi na 'ko umangal pa. Pagdating namin, sinilip ko ang mga purselas at napansin kong puro lang pala ito pambabae. "May binebenta ba kayo na para sa lalaki?" tanong ko sa tindera. "Meron, kaso hindi purselas kundi singsing." Agad ko itong sinilip. Ang disenyo ng purselas na binili niya sa akin ay buwan at bituin. Kaya gusto ko sanang bumili ng kahawig nito, kaso wala naman akong makita. Pero napangiti pa rin ako na may nakita kong singsing na may disenyo ng infinity, isang magandang simbolo ng sinabi niya na hindi niya 'ko iiwan. Nakatingin sa ibang direksyon ang lalaking pagbibigyan ko pero hinablot ko pa rin ang kaliwang kamay niya para isukat ito sa kanya. "Huh? Bakit? Aalis na ba—" Napangiti na lang ako nang magkasya ito sa kanya. Para akong sira na itinapat pa sa daliri niya ang suot kong purselas. "Walang katapusang magandang alaala para sa ating dalawa."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD