Chapter 32

2527 Words
CHAPTER 32: ANGER Rhys's POV Isang mabangong amoy ang gumising sa akin. Pagmulat ng mata ko, may nakahain nang pagkain sa harapan ko. Simula na naman ng isang napaka gandang araw! Nakaupo sa tapat nito si Zion, sa ibang direksyon siya nakatanaw na para bang may sinisilip. Bigla akong nailang, nakaharap ako sa kanya nang magising ako kaya malamang habang tulog ako ay ganito na ang posisyon ko. Nakakahiyang isipin na tinititigan niya 'ko habang tulog. Buti na lang pagmulat ko sa iba na siya nakatingin. Agad akong bumangon at inalis ko na lang sa isip ko ang bagay na 'yon, maaga pa at ayoko na ang unang bubungad sa akin ay stress. "Kanina ka pa gising?" basag ko sa katahimikan. "Ah, gising ka na pala!" Bahagyang kumunot ang noo ko dahil pilit siyang nakangiti sa akin. Anong meron? "Sabay na tayong kumain," may pagtataka sa boses ko. "Oo nga, tara kain!" Hindi ko na lang pinansin ang inaasal niya at nagsimula na rin akong kumain. Pagkatapos namin kumain ay agad akong nag-asikaso, nagprisinta ako kay Zion na ako na ang bahalang magligpit ng mga gamit namin habang pinapakain at pinapainom niya ang dalawang kabayo. Lumakad din kami kaagad dahil sabi ni Zion, mas mahirap bumiyahe kapag ganitong nagsisimula nang umulan. "Haie, may isa pa palang viyon na maari nating puntahan bago tayo makalampas ng tuluyan sa teritoryo ng Fundio," ani Zion. Umaandar na ang karwahe. Bago ko siya sinagot ay nakarinig pa ako ng kulog. "Sige, sa tingin ko ay mas makakabuti kung puntahan muna namin iyon dahil tingin ko ay uulan." "Huwag kang mag-alala, Haie. Hindi uulan ngayon." Agad akong napangiwi dahil sa sinabi niya. "Imposible, narinig mo naman siguro ang kulog, 'diba?" "Kapag nauna ang kulog, ibig sabihin hindi matutuloy ang ulan." "Sige nga, tingnan natin hanggang makarating tayo sa sunod na viyon kung tama nga ang hinala mo." "Pustahan ba 'yan, Haie?" "Ta-ce!" Sabay kaming tumawa, ang sarap pala sa pakiramdam na nasasabayan ko ang biro niya at sabay kaming tumawa. Parang ito yata ang unang beses na nangyari ito. Mahigit kalahating araw ang lumipas bago kami nakarating sa Igto— 'yung viyon na katabi ng Praecia. Payapa naman tingnan ang itsura ng viyon na ito, kagaya lang din siya ng Fundio na bukirin ang paligid at berde ang halos kulay na makikita mo. Pakiramdam ko tuloy babalik kami sa bahay nina Zion. Bago kami pumasok sa viyon ay iniwan na muna ng kasama ko ang karwahe at kabayo namin sa gubat. Maliit lang naman daw ang loob ng Igto kaya maari na namin iyong libutin nang naglalakad. Pero nakakailang hakbang pa lang kami pagpasok sa arko ay nakakarinig na agad ako ng mga bulungan at reklamo tungkol sa akin. Bahagya akong nakaramdam ng dismaya, ang huling beses na makarinig ako ng ganito ay sa Figne pa. Mula noon ay ngayon na lang naulit, akala ko pa naman... "Siya 'yan, 'diba?" "Oo, pati nga sa Praecia ay gumawa ng gulo 'yan." "Ay totoo ba? Iyong daw nagbato ng fire ball sa isang residente roon dahil hindi nasunod ang gusto niya?" "Oo, kawawa nga raw ang 'yung tao." Agad na napalitan ng inis ang dismayang naramdaman ko. Kahit pa anong lahi mo basta may bibig ka pa rin na nakakapagsalita ay 'di talaga maiiwasan ang ganitong uri ng ugali. Ang lakas naman ng loob nilang iparinig pa sa akin na nagpakalat sila ng maling balita. Bakit hindi na lang nila direktang sabihin sa akin ang mga bulungan nilang dinig na dinig ko naman? Pati na rin ang mga parinig nila na halata namang para rin sa akin. Wala pang imik si Zion, pero kita ko na malikot ang mata niya. Pakiramdam ko tuloy may panaksak ang tingin niya dahil lahat ng mga nagbu-bulungan tungkol sa akin na tinitingnan niya ay agad na nanahimik pagkatapos niya itong titigan. Napangiti tuloy ako bigla, parang wala naman pala akong dapat intindihin. Siguro naman alam na rin ng kasama ko na oras na makumpirma namin na walang silbi sa amin ang mga tao rito ay dapat na kaming umalis agad. Mas gugustuhin ko pang matulog ulit sa gubat kaysa makituloy sa viyon na ito, hindi ko gusto ang pag-uugali ng mga tao rito. Hindi ko na pinansin ang mga pinagsasabi nila tungkol sa akin dahil wala akong pakialam. Masalita sila nang magsalita hanggang gusto nila at mapanis ang laway nila, hindi naman ako maaano sa mga sinasabi nila. 'Wag lang nila akong sasagarin dahil kapag napikon ako sa kanila, tiyak na papalagan ko silang lahat. "Haie, huwag mo na lang pansinin ang mga sinasabi nila. Alam naman natin pareho na hindi 'yon totoo, at 'yon ang importante." Hindi ko na sinagot ang sinabi ni Zion. Tumingin lang ako sa kanya at nang makita kong nakangiti siya sa akin ay ngumiti na lang ako pabalik. Binalik ko na rin sa daan ang tingin ko pagkatapos. Tuluyan na sana kong mawawalan ng pakialam sa mga sinasabi ng bawat Espis na aming malalampasan, pero napahinto kami dahil sa pagharang ng ilang lalaki sa aming daraanan. Puro sila lalaki, may nakangisi sa amin pero meron ding masama kung makatingin. Kumunot ang noo ko, ano na naman ba ito? Halata naman sa itsura nila na mga simpleng residente lang sila ng Igto, tiyak na nagpapapansin lang ito. "Sino ang may sabi sa inyo na may permiso kayong pumunta rito?" nakangising sambit ng isa sa kanila. Pinipigilan ko ang sarili kong matawa, para siyang bata kung magbanta. Sana naman kung boboses siya, iyong nakakapangilabot naman sana. "Pasensya na po, gusto lang sana naming makausap ang Sumor ninyo rito," mahinahong sambit ng kasama ko. "Wala siya rito! At kahit nandito siya, hindi kami papayag na makalapit kayo sa kanya!" Galit ang tono ng boses nila. Bakit ganito sila? Ano bang ginawa ko sa kanila? "Mahinahon kayong kinakausap ng kasama ko, wala ba kayong respeto?" hindi ko na napigilan ang sarili ko na sumingit sa usapan. "Haie, ako nang bahala." Hindi ko pinansin ang sinabi ni Zion, bagkus ay masama kong tinitigan ang mga nakaharang sa daraanan namin. Nagsisimula na kong mapikon. Matagal na rin simula nang huli akong may nakaaway na mga mamamayan. "Respeto? Paano naman kami magbibigay ng respeto sa isang sinumpang prinsesa na gaya mo?" Agad silang nagtawanan, hindi talaga nauubos sa mundo ang mga taong gaya nila. "Ang sarili niya nga ay hindi niya nirerespeto, manghihingi pa siya sa atin?" "Akala yata niya... lahat ng tao ay uto-uto!" Asar na asar ako sa mga tingin nila sa akin, talagang nang-iinsulto sila. Hindi ko alam kung ano ang pinaghuhugutan ng mga sinasabi nila ngayon, pero sa tingin ko ay hindi lang ito tungkol sa nangyari sa Praecia... malamang ay talagang sumpa na ang tingin nila sa akin noon pa. "Ayaw n'yo naman sigurong maranasan ang masunog ng 'di oras, hindi ba?" nakangisi kong hamon sa kanila. Bahagya silang napaatras. Pero hindi sapat ang banta ko upang mapaalis sila sa kinatatayuan nila. Handa naman akong ilbas muli ang miniature sun ko kung sakali. "Isang Prinsesa, susunugin ang nasasakupan niya? Sino ang matutuwa sa gagawin mong 'yan, Haie?" pang-aasar ng isa sa kanila. At aaminin ko, naasar ako. Bakit pakiramdam ko, patulan ko man sila o hindi, ako pa rin ang masama? Bakit ba parang ako lang 'yung may kasalanan dito? Ano bang ginawa ko sa kanila? Gusto lang namin dumaan ng maayos, wala naman kaming balak manggulo o ano. Masama na ba 'yung kausapin lang namin sandali ang Sumor nila para magtanong kung mayroon ba ritong may Insigne at may nais sumama sa amin na iligtas ang Reha at Quina. Para naman sa lahat ang gagawin ko, pero bakit parang wala namang natutuwa sa gagawin ko para sa bansa? Ililigtas ko ang Kastia at ibabalik sa ayos ang Igapire, bakit parang wala silang pakialam dito? "Isa kang kahihiyan sa Kastia, Haie. Bakit ka ba naririto?" "Hindi ka na sana nabuhay. Sana pinatay ka na lang nu'ng sanggol ka pa lang." "Umalis ka na rito! Hindi ka dapat narito dahil ikakalat mo lang ang sumpa na taglay mo!" Yumuko ako, kinalma ko ang sarili ko... Sumpa... 'Yan na naman ba? Dahil na naman sa sumpa ako? Maayos na ang lahat, 'diba? Hindi pa ba sapat ang bilang ng natulungan naming viyon? Halos ibuwis na nga namin ang sarili naming buhay para lang sa mga mamamayan pero ganito pa rin ang matatanggap ko. Bakit ba ganito ang pakiramdam ko, gusto ko silang kumbinsihin na hindi ako kagaya ng iniisip nila? 'Diba dapat, wala akong pakialam? Hindi ko alam paano ako magre-react sa mga sinasabi nila, hindi ko na kayang iangat ang ulo ko. Bigla kong nanghina, ang saya ko mula kahapon pero biglang ganito... "Kung akala mo lahat ng viyon na pupuntahan mo ay ma-uuto mo, nagkakamali ka r'on! Kahit kailan hindi ka namin kikilalaning Savenis ng bansang ito!" "Kasalanan mo ang lahat ng problemang nangayari sa Igapire... Bihag ng kaaway ang Reha at Quina, walang ginagawa ang Sivenis para iligtas sila, at ang pinakamalala pa riyan ay gumagala ang Savenis sa mga viyon para ikalat ang sumpang dala niya! Wala nang pag-asa na makabangon pa sa problema ang bansang ito dahil sa sumpang dala ng babaeng 'yan!" Pagkatapos niyang magsalita, sinuportahan siya ng ibang tao bilang pagsang-ayon sa mga sinabi niya. Paulit-ulit ko na lang naririnig ang sumbat na 'yan. At paulit-ulit ko ring pinagdidiinan na hindi naman ako ang nag-utos na ipadukot ang pinuno ng bansa. Kaya bakit sa 'kin nila sinisisi ang mga nagyayari? "Tama na, wala kayong alam!" sigaw ko. Sa tingin ko, hindi sila tipo ng tao na masiindak ko sa pagpapakita ng miniature sun. "May ideya manlang ba kayo kung bakit nandito ang prinsesa? Alam n'yo ba na kahit masama ang tingin n'yo sa kanya ay handa niya pa rin kayong iligtas at tulungan? Tapos ganyan ang trato ninyo sa kanya?" pagtatanggol sa akin ni Zion. Mabuti pa siya, pinagtatanggol niya 'ko. Naniniwala siya sa akin. Hindi masama ang tingin niya sa akin. Hindi niya ko tinuturing na sumpa. Gusto kong tawanan ang sarili ko. Hindi ko alam bakit ako nanlalambot ngayon, bakit hindi ako nagagalit, hindi ba dapat sa mga oras na ito ay nagwala na 'ko? Ano bang nagbago sa akin? Napatingin ako sa kanan ko nang hawakan ni Zion ang kamay ko. "Akong bahala sa 'yo, umalis na tayo rito." Nananatiling nakayuko ang ulo ko, mas mabuti nga sigurong umalis na lang kami. Nakakainis, bakit ba hindi ko suot ngayon ang balabal ko? Sana kahit papaano ay matakpan ko ang mukha ko. Nagsimula na kaming maglakad paalis ni Zion, siguro naman kapag nakaalis na kami rito ay magiging maayos na rin ang pakiramdam ko. "Kahit ano pang sabihin o gawin mo, hindi mababago ang katotohanan na isa siyang SUMPA!" Natigil ako bigla sa paglalakad, aalis na nga kami, 'diba? Bakit hindi pa rin sila tumitigil? Bakit hindi na lang nila kami hayaang umalis? "Sumpa?" natatawa kong bigkas. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit ako malambot kanina... Naipon ngayon lahat ng nararamdaman ko... Iniangat ko ang aking kaliwang kamay. "Misphera." Sumibol ang isang fire ball. "Sumpa ako?" wala sa sariling bigkas ko. "Haie, 'wag mong itutuloy ang balak mo. Madaming inosente ang madadamay." Hindi ko na narinig ang sinabi ni Zion. Nandilim na ang paningin ko. "Rhys, tatandaan mo kahit anong mangyari nandito lang ako para sa iyo. Hindi ka sumpa para sa akin. Hindi ka man galing sa akin, anak pa rin kita." "Rhys, 'wag na 'wag kang magpapadala sa galit. Tandaan mo na kapag nakaramdam ka ng galit, hindi mo na mako-kontrol ang sarili mo at hindi mo na mapipigilan pa ang ano mang puwedeng mangyari. Lagi mong tatandaan 'yan, anak." "Rhys! Hindi ba sinabi ko na sa 'yo, 'wag kang dedepende sa xishan mo? Mabilis kang mauubusan ng evis kung palagi kang gagamit ng skill kaya ang dapat mong pagsanayan na hindi dumidipende sa xishan mo." "Rhys, tatagan mo ang loob mo palagi, ha? Paglaki mo, marami kang haharapin na pagsubok. At kapag dumating na ang araw na 'yon dapat kontrolin mo ang apoy mo. 'Wag mong hahayaan na ang apoy ang kumontrol sa 'yo." In-ma... sana nandito ka... para... pigilan ako... "RHYS!" Isang sigaw ang nagpabalik sa akin sa realidad. At isang... yakap? "Zion? anong... nangyari?" mahinahon kong tanong. "Haie, ayos lang 'yan. Tama na, tama na, tama na. Hindi ko na kayang makita kang nagkakaganyan," aniya habang mahigpit pa ring nakayakap sa akin. "Ano bang sinasabi mo—?" Apoy... sunog... nasusunog ang buong paligid! Anong nangyari? Ako ba may gawa nito? Pero bakit? "Anong—" halos hindi ako makapagsalita. Hindi... sa nangyaring ito, lalo lang nilang iisipin na ako'y— "Isa ka talagang sumpa! Walang hiya ka! Hindi ka na sana nagpunta pa rito! Ang dami mong dinamay na inosente sa sumpang dulot mo! Umalis ka na sa viyong ito at 'wag ka nang magpapakita! Salot! Sumpa!" Sabi ko na... lalo silang magagalit sa 'kin... Nagulat ako nang biglang bumitiw si Zion sa pagkakayakap sa akin at biglang sinigawan ang mga taong lumapit sa amin. "TAMA NA! Kasalanan n'yo rin kung bakit nagalit ng ganito ang Savenis! Kung hindi n'yo siya nilait at pinagsalitaan ng kung ano-ano, hindi sana ito mangyayari! Gusto lang namin dumaan ng tahimik pero kayo ang lumapit para guluhin kami, tapos ngayon may lakas pa kayo ng loob na ulitin pa ang kalapastangan ninyo? Kayo ang umalis sa harapan namin kung ayaw ninyong ako naman ang manakit sa inyo!" Palagi niya 'kong sinasabihan dati na huwag daw akong papatol sa mga tao kahit anong mangyari, pero heto siya ngayon... sobra ang galit niya sa mga tao. Parang sa oras na ito ay kinalimutan niya kung ano ang posisyon niya. Zion... salamat kasi nandiyan ka para sa akin... Umalis sa harapan namin ang mga taong may galit sa akin dahil sa takot sa kasama ko, pero hindi mabubura ng mga sinabi niya ang krimeng ginawa ko. Halos hindi ako makahinga, hindi ako makapaniwala na nagawa ko ito... Nagulat ako nang hawakan muli ni Zion ang kamay ko. "Umalis na tayo." "Paano... ang sunog na ginawa ko..." "Halika na, hindi ko maaatim na tulungan ang mga taong kagaya nila. Sa bigat ng mga sinabi nila tungkol sa 'yo tama lang 'yan sa kanila," malamig na tugon niya sa akin. Hinila na niya 'ko palabas sa viyon. Halos pumikit na 'ko para lang hindi ko makita kung ano ang ginawa ko. Gusto kong umiyak dahil naririnig ko silang umiiyak at nagrereklamo sa nangyari, at alam kong madami rin ang nasugatan. Maaring mayroon ding namatay... Oo, palaban ako sa mga taong nang-aapi sa akin... pero iba ngayon! Hindi ko intensyon na makapinsala gaya nito. Dahil sa galit, nakalimot na ako at hindi ko alam ang mga nangyari. Nakakatawa lang na ako itong nagsasalita, dati parati 'kong sinasabi na handa kong gawing abo lahat ng mang-aapak sa pagkatao ko pero ngayong nangyari na... halos natakot na 'ko sa sarili ko sa kung ano pa ang puwede kong gawin. Ngayon ko naintindihan ng husto kung bakit mahigpit ang bilin sa akin ni In-ma tungkol sa pagkontrol ng galit. Dahil iyon ang magsisilbing mitsa para sumabog ang apoy na nasa loob ng isang Espis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD