CHAPTER 1:Unlucky Fate
AIRA THARISMA GALVON's POV
“MAGKANO po ba ang renta sa isang buwan, ma’am?” tanong ko sa landlady.
“Mura lang naman ang renta ko rito, hija. Two thousands five hundred pesos lang sa isang buwan. Kasama na ang kuryente pero ikaw ang kukuha ng tubig doon,” sabi niya at na sabay itinuro sa akin kung saan daw na puwedeng mag-igib ng tubig. Sinunod naman nito ng mga mata ko.
Nasa pangalawang palapag kami ng apartment at mula sa kinatatayuan namin ngayon ay makikita ang isang balon na puwedeng pag-igiban ng tubig.
“Ganon po ba? Sige po, kukunin ko na po ang isang kuwarto,” nakangiting sabi ko.
”Kapatid mo ba ang dalawang batang iyan, hija?” Nagulat ako sa tanong niya.
Hindi naman mukhang nanghuhusga ang landlady dahil makikita ang amusement sa mga mata nito. Habang nakatingin sa mga anak ko.
“H-Hindi po, anak ko po sila,” sagot ko at sa himig ng boses ko ay may pagmamalaki na anak ko ang mga batang kasama ko.
“Talaga? Gandang lahi niyo, hija. Nasaan ang asawa mo kung ganoon?” tanong niya ulit sa akin at hindi na ako makakahanap pa ng sagot diyan. “Huwag mo nang sagutin ang tanong ko. Pasensiya na,” aniya. Nahalata marahil ang pagkabalisa ko sa katanungan niya.
Nagbayad ako kaagad ng pang-isang buwan na renta namin. Tiningnan ko ang anak kong si Deni, halata sa mukha niya ang pagod at paghihirap. Maputla rin siya at namamayat na ang kanyang katawan.
Sa tuwing nakikita kong ganito ang anak ko ay para akong binubuhusan ng malamig na tubig at parang pinagbagsakan ng langit at lupa. Pero kahit ganoon pa man ay hindi ako nawalan ng pag-asa at sumuko. Mas nagsisikap ako para sa mga anak ko.
Nilapitan ko siya na ngayon ay nakahiga sa maliit na kama at katabi niya ang kuya Deno niya. Hinawakan ko siya sa pisngi at masuyong hinaplos ito.
“Pagod ka na ba, anak? Gutom ka na?” malambing na tanong ko sa kanya.
“A-Ayos lang po ako, Mama. Puwede po bang makainom ng tubig?” magalang na tanong niya at tipid na ngumiti.
“Siyempre naman, anak. Sandali lang, ha?” Tumayo ako at binuksan ang traveling bag namin at kinuha ang tumbler niya. Bumalik ako sa tabi niya at inalalayan siyang makainom ng tubig.
“Ako rin po, Mama!” masiglang sabi naman ni Deno.
“Oo naman, anak!” natatawang sagot ko at pinainyum din siya ng tubig.
“Ano’ng gusto niyong panghapunan natin ngayon?” kapagkuwan ay tanong ko sa kanila habang pareho kaming nakaupo sa kama.
“Okay na po ako sa kanin at gulay,” nangingiting sagot ni Deni.
“Kanin at pancit po, Mama, okay lang po ba?” nag-aalalangang tanong naman ni Deno.
Simula nang kinupkop ako ni Nanay Linay ay nasasanay na ang mga anak ko na kumain ng gulay, minsan naman ay walang ulam. Asin o tuyo lang, okay na sa kanila basta nakakakain sila ng tatlong beses sa isang araw.
“Siyempre, may pinabaon kaya ang Nanay Linay natin. Dito lang kayo, ha? Bibili lang ako sa baba. May karinderya si Ma’am Inay.” Tukoy ko sa landlady.
“Salamat po, Mama!” sabay na pagpapasalamat nila at hinalikan ko sila pareho sa noo.
Tumayo ako lumabas para makabili na ng pagkain namin. Binuksan ko ang pitaka ko. Limang libo ang binigay sa akin ni nanay Linay at tatlong libo naman ‘yong pocket money ko.
Bukas dapat ay nasa Children’s Hospital na si Deni, at dapat bukas din ay may trabaho na ako. Para kay Deni at magpapa-list naman ako sa hospital para kay Deno naman. Malaking obligasyon ang kakaharapin ko ngayon.
Kaya ko ito, kakayanin ko at hinding-hindi ko susukuan ang mga anak ko hangga’t nabubuhay pa ako.
Pumasok ako sa karinderya ni Ma’am Inay. Medyo may kalakihan ang karinderya niya at marami-rami rin ang mga kumakain. Sa isang banda nito ay naka-display ang iba’t ibang gulay, isda at letsong manok.
“Oh, hija? Bibili ka ba ng ulam?” tanong niya sa akin nang makita ako.
“Opo, magkano po ba ang ulam ninyo dito?” magalang na tanong ko habang tinitingnan ko ang bibilhin kong pagkain.
“Mura lang, sampung piso lang ang mga ulam dito maliban sa adobong manok, pritong manok at ‘yong nasa itaas ay dalawampu’t piso lang at ang kanin naman ay sampung piso lang din,” pagpapaliwanag niya at sinabayan pa nang pagturo sa mga ito.
“Pabili po ng pancit uh... dalawampu’t piso po, isa naman iyong gulay at kanin na pang-apat po,” sabi ko.
“Sandali lang, hija,” aniya, tiningnan ko ulit ang buong lugar. Parang kulang sila sa waitress dahil sa dami ng customer nila.
“Heto, hija.” Sabay abot sa akin ng supot at agad na binayaran ko siya.
“Uh, Ma’am Inay...kumukuha pa po ba kayo ng waitress dito?” nag-aalangang tanong ko, oo na makapal na ang mukha ko. Kahit sa karinderya ay papasukan ko talaga. Kailangan na kailangan na kasi, eh.
“Uh...bakit gusto mo bang magtrabaho rito?” tanong niya at tumango ako. “Sige! Kukunin kita bilang waitress. 8:00 ng umaga kami nagbubukas at 2:30 ng madaling araw rin kami nagsasara nito,” paliwanag agad niya.
“Puwede po ba na gabi na lang po ako papasok?” tanong ko naman.
“Okay lang naman, kasi alam ko may inaalagaan kang mga bata. Mga 6pm ka na papasok, kung ganoon.” Bakit ang bait yata niya? Dahil ba naaawa siya sa kalagayan ko? Pero sa ngayon iyon na muna hindi ko pagbibigyan ng pansin.
“Maraming salamat po.”
“Inay, pa order nga--oy ganda! Sino ka?” Nagulat naman ako sa lalaking bagong dating. Siguro mga mid-30 na siya, payat at hindi rin kaguwapuhan.
“Naku, Peding tigilan mo siya! Ikaw talaga, makakita lang ng magandang dalaga ay nahuhumaling na kaagad! Naku!” bulyaw sa kanya ni Ma’am Inay at sinabayan pa nang mahinang batok sa ulo nito.
Hindi ko na lamang pinansin ang lalaki at nagpatuloy na sa paglalakad. Pagkapasok ko sa loob ng apartment na nirentahan namin ay naabutan kong nakahiga pa rin sa kama ang mga anak ko.
“Mama?” tawag sa akin ni Deno nang maramdaman niya ang presensiya ko.
“Yes, anak?” tanong ko at kumuha ng plato saka kutsara. Mabuti ay may mga kagamitan na rito. Kung kaya’t hindi na ako bibili ng iba pang mga gagamitin namin.
Kinuha ko lang ang maiit na mesa at nilagay sa paanan ng kama.
“Kakain na tayo,” sabi ko at inalalayan kong makabangon si Deni.
Napangiti ako nang nilagyan ni Deni ng kanin ang plato ng Kuya Deno niya at inilagay sa kamay ang kutsara nito.
“Salamat, Deni,” nakangiting pagpapasalamat ni Deno sa kapatid na may matamis na ngiti ang nakaguhit sa mga labi niya.
“Walang ano man, Kuya Deno,” nakangiting sagot din niya.
Pinanood ko lang ang anak kong si Deno na maingat na kumakain.
Parang sinasaksak ang puso ko sa tuwing ganito ang eksena namin, minsan gusto ko ako na lang ang mahirapan. Huwag na ang mga anak ko. Gagawin ko talaga ang lahat para sa kanilang dalawa.
“Kain ka na rin po, mama,” sabi naman ni Deni sa akin nang mapansin niya na hindi man lang ako gumagalaw.
“O-Oo anak.” Naluluhang sumubo ako ng kanin.
Nakatatlong subo pa lamang ako ng kanin nang magsalita si Deni. “Hindi ka po ba kakain ng ulam, Mama? Share po tayo, ‘di ba ng ulam?” inosenteng tanong niya sa akin.
Minsan na rin kasi, kanin lang ang kinakain ko at ibinibigay ko lang sa kanila ang ulam ko.
“S-Sige anak, uh... Deni. Okay lang ba na roon ka muna sa Children’s hospital? Maganda ro’n anak at magagamot ka nang maayos,” paliwanag ko.
“Okay lang po, Mama. Bibisita naman po kayo ro’n kay Kuya Deno, ‘di ba?” mahinang tanong niya.
”Oo naman, bibisita kami,” sagot ko.
”Eh, si K-Kuya Deno po ba ay magpapalista na rin siya sa hospital, Mama? Para maoperahan na rin po siya?" tanong niya at sumulyap sa kapatid. Nasa mga mata niya ang kagalakan sa malaman na magpapa-list na rin ang kakambal niya.
“Oo, anak,” sagot ko.
“Mama, okay lang po kung si Deni muna ang magpapaopera. Makakapaghintay po ako at saka, ‘Ma, si Deni po ang mas nangangailangan sa amin,” aniya.
“Okay lang iyon, Deno. Maghahanap ng trabaho si Mama rito at kaya ko kayong pagsabayin sa gastos ninyo sa hospital. Kaya si Mama ang bahala,” sabi ko nang nakangiti. Pinapangako ko iyan.
“Salamat po, Mama,” si Deno.
“Anak ko kayo, kaya gagawin ko ang lahat gumaling lang kayo at mabigyan ko kayo ng magandang buhay,” naiiyak na sambit ko. Nagiging emotional ako pagdating sa mga anak ko.
“Napakasuwerte namin sa ‘yo, Mama!" masiglang wika ni Deni.
“Siyempre naman anak ko kayo, eh. Kayo na lang ang mayroon ako at kayo ang buhay ko,” sagot ko at lumapit sa kanila. Niyakap naman nila ako pabalik.
Minsan parang ang malas-malas ko, kasi sa dinami-rami ng tao sa mundo ang bigyan nang ganitong kabigat na problema at sitwasyon ay ako pa talaga ang napili. Ang malas ko kasi hindi ko man lang mabigyan ng magandang buhay ang mga anak ko pero sa kabila ng mga pinaghirapan ko at lahat-lahat ay wala akong rason para sumuko at sukuan ko ang mga anak ko. Mas magiging malakas ako para sa kanila at sila rin ang pinagkukunan ko nang lakas ng loob.