Chapter 55

532 Words
CHAPTER 55: Sa buong buhay ng magbabarkada, ngayon lang sila nakaramdam ng takot sa isang dalaga. Tila isang karma ang dumating sa kanila nang makita nila ang kanilang sarili na nakatali ang dalawang kamay sa kanilang likuran habang nakatayo sa dulo ng rooftop. Ang ganitong klase ng kaba ay hindi nila nararamdaman noon, wala silang ibang maalala na pangyayari ng buhay nila kundi ang lakas ng kanilang halakhak sa tuwing may babae silang nagiging biktima na kumukumpleto sa araw nila. Abot-abot ang kanilang pagsisisi na ginawa nila ang mga ganoong klaseng bagay, na halos kulang na lang ay umiyak sila ng dugo para maibalik ang nakaraan at itama ang kanilang mga mali. Kaya lang, alam din naman nila na huli na ang lahat… hindi na nila magagawang itama ang kanilang nagawa sa nakaraan. At ngayong nararamdaman nila ang hampas ng malamig na hangin, nakikita na nilang ito na rin ang huling pagkakataon na masisilayan nila ang paligid ng mundo. Hindi man nila kilala ng lubusan ang babaeng gumawa nito sa kanila, tiyak naman nilang mas halang ang kaluluwa nito kumpara sa kanila. At sa ilang sandali nga lang… matapos silang isa-isang itulak ng dalaga mula sa kanilang likuran… tahimik nilang natanggap ang kanilang kamatayan. *** Hindi nahirapan si Herlene na tukuyin ang lugar na itinuro sa kanya ng tatlong lalaking pinaamin niya sa lugar ni Nardong Tulak. Hindi siya nagsisisi na tinapos din niya ang paghinga ng mga taong iyon kahit pa sinabi niyang ibibigay niya sa kanila ang buhay nila sa oras na ituro nila ang lokasyon ng taong hinahanap niya. Dahil alam niya na hindi man siya nito magantihan, patuloy silang maghahasik ng kanilang kasamaan at madaming biktima pa ang tatanggalan nila ng karapatang mabuhay ng payapa. Hindi niya kayang isipin kung ano pa ang maaring mangyari sa mundo kung hahayaan niyang mabuhay ang mga ganoong klaseng tao. Dinala si Herlene ng lokasyong itinuro ng tatlong binata sa isang simpleng bahay. May kalakihan din naman ito, ngunit ang disenyo nito ay normal lang na makikita mo para sa mga bahay na mayroon sa isang probinsya. Tahimik ang bahay at ang paligid nito, walang ilaw sa loob at tanging mga poste lang ng ilaw ang tanging liwanag sa paligid. Madaling araw pa lang kaya madami sa mga tao ay natutulog pa sa ganitong pagkakataon. Madali lang napasok ni Herlene ang bakod ng bahay mula sa likuran nito. Walang kahit na anong patibong o bantay ang paligid, maski mga alagang aso bilang taga alarma kung may taong nakapasok ay wala. Tila sobra itong kampante na walang maglalakas ng loob na pasukin ang bahay niya. Nang mahawakan ni Herlene ang doorknob ng bahay, kakaiba na ang kanyang nararamdaman dahil hindi ito naka-lock. Hindi na ito dahil sa kampante ang nakatira rito na walang maglalakas ng loob na pumasok sa bahay nila, sa tingin ng dalaga ay talagang inaabangan ng lalaking pakay niya ang pagdating niya. At sa pagpasok nga niya… isang may edad na lalaki ang nakaupo sa isang single couch na nakaharap mismo sa pinto kung saan siya pumasok. Isang ngisi ang ipinakita nito sa kanya saka sinabing… “Welcome sa aking munting mansyon, hija. Anong maipaglilingkod ko sa ‘yo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD