Chapter 54

1802 Words
CHAPTER 54: Hindi nalalayo sa istilo ni Shaika ang paraan ni Herlene sa pagpatay. Ang pinagkaiba lang nilang dalaga ay mas gusto ni Herlene na maging malapit muna siya sa kanyang biktima na animo’y gusto niya munang makuha ang tiwala nito. “Limang gramo ang kailangan mo? Seryoso ka ba?” Sa isang bakanteng bodega natagpuan ni Herlene ang isang grupo na nagbebenta umano ng ipinagbabawal na gamot. Ayon sa kanyang narinig, ito ay mga alagad ng isang taong nagngangalang Nardong Tulak. Ang kanilang pinuno ang taong nagsisilbing tuta naman ng mga malalapit sa Vice Governor. Walang panahon ang dalaga na kilalanin pa isa-isa ang mga nasabing taong ito, ang kailangan niya lang gawin ay mapalapit sa taong iyon at kunin ang alam nito tungkol sa Vice Governor. Isang ngiti ang sumilay sa labi ni Herlene, isang ngiti ito na nangangahulugang sinusubukan niyang maging isang kaakit-akit sa mata ng limang lalaking kaharap niya ngayon. “Iyon lang kasi ang kaya kong bayaran, eh. Hindi ba puwedeng ganoon lang ang kunin ko sa inyo? Wala na kasi akong ibang alam na puwedeng bilhan dahil ayaw din ako bigyan ng isang contact ko.” Manipis ang suot na damit ni Herlene, maiksi rin ang kanyang pang ibaba. Ang dramang ginagawa niya ngayon ay isa siyang dalaga na tumatakas sa mga problema kaya nangangailangan siya ng ipinagbabawal na gamot dahil dito niya nakita ang kapayapaan. Hindi maiwasan ng mga lalaking mapatingin sa katawan ng dalaga. Para sa mga gaya nilang naiimpluwensiyahan na ng bawal na gamot, mas madali silang maakit ng mga babaeng gaya ni Herlene at iyon mismo ang pakay niya. Katawan niya ang lagi niyang ipinapain upang mahulog sa kanyang bitag ang kanyang biktima. “Wala kami rito ng ganyang kaliliit na pakete. Pero kung gusto mo talaga, sumama ka sa bahay namin at doon ka namin bibigyan ng gusto mong dami,” sabi ng isang lalaki. Tapos ay simple silang nagngitian na tila iisa lang ang tumatakbo sa isipan nila. Naramdaman ni Herlene na may balak na ang mga lalaking kaharap niya. Nababasa niya sa mga galaw nito na hindi lang ito ang unang beses na nanamantala sila ng isang babaeng gaya niya. Hindi naman problema iyon sa kanya, dahil sanay na rin naman siyang harapin ang mga gaya nito. Maaring matawag na pagbebenta ng katawan ang kanyang ginagawa para makuha ang loob ng kanyang biktima, pero wala pang kahit na sino ang nakakuha ng kanilang gusto kay Herlene. Hindi niya itatanggi na nagawa na niyang maghubad sa harap ng isang lalaki para sa misyon, pero hanggang doon lang iyon at hindi niya hinahayaang humigit pa roon. “Sa bahay ninyo? May iba bang tao r’on?” inosenteng tanong ni Herlene. Muling nagkatinginan ang magkakasama. Bago itanong ni Herlene ang tungkol doon ay alam na niya ang sagot. Sila ang uri ng grupo na sa tuwing may gaya niyang babae na naghahanap ng maliit lang na pakete ay inaaya nila itong sumama sa kanila sa bahay at doon ay naghihintay lang si Nardo para sabay-sabay nilang gawan ng hindi maganda ang babae. Ilang beses na nababalita sa kahit saang pahayagan ang mga babaeng natatagpuan ang bangkay sa kung saan na biktima ng panghahalay. Ang iba naman nilang biktima na nabubuhay ay hindi rin nagtatagal at binabawian din ng buhay, hindi na ito umaabot sa puntong masasabi niya kung sino ang may gawa ng kahalayan sa kanya. Kabisado ni Herlene ang bawat detalyeng iyon dahil kasama ito sa mga papel na ibinigay sa kanya ni Maestro. Habang binabasa niya ang mga nangyaring iyon ay kulang na lang sumabog siya sa galit dahil sa dami ng naging biktima ng bawal na gamot na iyon. Bukod sa sinsisira nito ang kinabukasan ng mga babaeng biktima ay kinukuhanan pa nila ito ng dangal at buhay. “Wala, tayo lang ang nandoon. Huwag kang mag-alala, kukunin lang naman natin ang pakete na kailangan mo,” sagot ng isa pang lalaki mula sa grupo. Nagkunyari si Herlene na tila pinag-iisipan niya kung sasama siya o hindi. Nagpalinga-linga pa nga siya sa paligid ng bodega na animo’y talagang nag-aalala siya sa maaring mangyari. Nang mapansin ng mga lalaking iyon ang kanyang kilos ay dinagdagan nila ang pangungumbinsi sa kanya hanggang sa maisip niyang iyon na ang tamang pagkakataon para pumayag siya. Dinala siya ng limang lalaking kasama niya sa isang desente at katamtaman lang na bahay. Sa itsura pa lang ng bahay ay makikita mo na puro lang lalaki ang nakatira rito at malayo pa ito sa iba pang bahay. Isang perpektong lugar para sa mga gaya nilang may krimeng ginagawa. Isang pakete ng ipinagbabawal na gamot ang iniabot ng lalaki sa kanya nang makaupo siya sa isang couch. “Sa ‘yo na ang unang pakete na ito,” aniya. Akmang kukunin na sana iyon ni Herlene pero mabilis na inilayo iyon ng lalaki. “Sa isang kondisyon…” sabi pa niya habang nakangisi sa dalaga. Nagpanggap si Herlene na nagtataka sa kung ano ang nais hinging kapalit ng lalaki. Nagpapalit-palit pa ang tingin niya sa ibang mga kasama nito at kitang-kita niya sa mga tingin ng mga walang hiya kung ano ang tumatakbo sa utak ng mga ito. “Hindi mo naman kailangang ibigay sa akin ‘yan, magbabayad naman ako,” ani Herlene. Imbes na ibigay na lang sa kanya ang nasabing pakete ay tinawanan lang siya ng limang lalaki. Kahit nangangati na ang kamay ni Herlene na gilitan ng leeg ang mga lalaking kaharap niya ay pilit niyang kinumbinsi ang kanyang sarili na hindi pa dapat… dahil ang taoong hinihintay niya na magdadala sa kanya sa Vice Governor ay hindi pa lumilitaw. “Natalie, hindi man halata pero mabait kaming lima. Lalo na sa mga gaya mo na mukhang mabait din at unang beses pa lang makakasubok. Kaya ang unang paketeng ito ay ibibigay namin sa ‘yo ng libre bukod sa order mo. At ang kondisyong gusto namin ay dito mo ito subukan kasama namin!” paliwanag ng isa pang lalaki. Ikinuyom ni Herlene ang kanyang kamao dahil sobra na ang nararamdaman niyang inip kung nasaan na ang taong hinihintay niya. Hindi niya maiwasang hindi magtaka kung bakit hindi ito lumalabas gayong may dala ng biktima ang mga tauhan niya. Ayon kasi sa impormasyong nabasa niya tungkol kay Nardong Tulak ay lumalabas na ito agad basta’t matunugan na may dala ng babae ang mga alagad niya. “S-sige. Kung kasama ko naman kayong titikim, game ako,” ani Herlene. Hindi niya alam kung paano siya lulusot sa puntong ito dahil hindi pa naman siya nakatikim ng bawal na gamot buong buhay niya. Wala siyang balak na subukan ito kahit pa gaano kabigat ang problema niya. Kaya kahit para sa misyon ay hindi niya pa rin ito gagawin. “Ayan ang gusto namin sa ‘yo, sumusunod ka,” sabi ng isang lalaki. Tumabi ang lalaking iyon sa kanya at agad na umakbay sa kanya. Hindi niya alam kung dapat ba ay pumalag siya dahil tiyak niyang kapag ginawa niya iyon ay pagtutulungan na siyang pigilan ng limang lalaking iyon at mauuwi na sa kamatayan ang grupo. Ayaw mangyari iyon ni Herlene dahil nga hindi niya pa nakukuha ang gusto niya rito. Kaya lang, sobra na ang pagtitimping ginawa niya… umabot na ito sa sukdulan dahil sa ginawa ng lalaking tumabi sa kanya. Ipinatong kasi ng lalaki ang kanyang kamay sa hita ni Herlene na nagpatindig ng kanyang balahibo na naging dahilan upang baliin niya ang kamay na iyon. Umalingawngaw sa buong bahay ang sigaw na iyon at walang nagawa ang mga kasama niya kundi ang matulala na lang dahil sa inabot ng kaibigan. Tumayo siya at naglabas ng isang balisong na nakatago sa kanyang suot na bra at mabilis na nilagyan ng sugat ang leeg ng lalaking kanina lang ay malapad pa ang ngiti sa kanya. Naging hudyat ang ginawa niyang iyon para kumilos na rin ang apat pang lalaki na kasama ng unang lalaking binawian na ng buhay. Kumalat sa couch ang kanyang dugo ngunit wala nang pumansin doon. Sabay-sabay nilang kinuyog si Herlene at siya naman itong nakangisi ngayon dahil sa nakikita niyang galit ng mga lalaki sa kanya. Walang may hawak ng baril sa apat na lalaki, kaya ang tanging nababasang galaw ni Herlene sa kanila ay dadaan siya sa lakas para mapigilan at maagaw ang hawak niyang balisong. Siyempre, buo na sa isip niya ang plano para mapigilan kung ano man ang balak ng mga ito laban sa kanya. Isang sipa ang mabilis niyang iginawad sa unang lalaking nagtangkang lumapit sa kanya. At sa sumunod na lalaki naman ay iwinasiwas niya ang hawak na balisong dahilan para umiwas ito palayo sa kanya. Nang maramdam niya ang dalawa pang lalaki na lalapit sa kanya ay itinutok niya rin doon ang hawak niyang balisong. Hindi nag-aksaya ng oras si Herlene. Sinugod niya ang huling dalawang lalaki na lumapit sa kanya gamit din ang isang sipa sa isa at kasabay ng isang saksak sa dibdib ng sa isa pang lalaki. Nang bumulagta na ang lalaki matapos niyang bunutin ang kanyang sinaksak ay isang siko naman ang natamo ng isa pang lalaki na una niyang sinipa. Nawalan ito ng balanse dahil sa kaba na nararamdaman niya. Alam ng tatlo na hindi basta-basta ang babaeng kaharap nila. Wala nang nagtaka pang lumapit sa kanya nang makita nilang maligo na rin sa sariling dugo ang pangalawa nilang kasama. Panay na ang paglunok ng laway ng tatlo habang hindi inaalis ang tingin kay Herlene na hanggang ngayon ay may ngiti pa rin sa kanyang labi. Pinahiran ng dalaga ang kanyang mukha nang maramdaman na tila may kung anong tumalsik sa kanya. Tapos ay hinarap niya ang tatlong lalaki. “Iharap ninyo ako kay Nardong Tulak, tapos ay sa inyo na ang buhay ninyo,” ani Herlene. Nagkatinginan ang tatlo na tila nagtatanungan kung gagawin ba nila ang gustong mangyari ng dalaga. Walang gustong sumagot dahil alam nila na gawin man nila iyon o hindi, kamatayan na ang naghihintay sa kanila. Kung hindi si Herlene ang papatay sa kanila, tiyak na si Nardong Tulak ang gagawa. Kaya iisa lang ang tumatakbo sa isipan nilang tatlo… ang tumakas. Pero hindi hinayaan ni Herlene na makatakas ang tatlo. Sa pagtalikod pa lang nilang tatlo ay pinalipad na niya ang hawak niyang balisong at tumama iyon sa likod ng ulo ng lalaking nasa gitna. Kitang-kita ng dalawa kung paano iyon nangyari… at alam nilang isa na iyong babala mula sa kanilang kalaban. “Pasensya na, ha. Baka hindi n’yo naintindihan ang gusto kong mangyari kaya uulitin ko sa inyo at gagayahin ko ang istilo ng pagkakasabi ng isang kasamahan ninyo,” ani Herlene, nagawa pa niyang bunutin muli ang balisong na hinagis niya. “Sa inyo na ang buhay ninyo, pero sa isang kondisyon… dalhin ninyo ako kay Nardong Tulak.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD