Chapter 53

2394 Words
CHAPTER 53: Madaming bagay ang gustong ipagpasalamat ni Shaika na ginawa niyang sabihin sa mga kasama kung ano ang gumugulo sa isipan niya ngayon. Hindi man niya direktang inamin o ipinaliwanag kung ano iyon, nasagot naman ito lahat dahil lang sa isang salita o bagay na sinabi ni Herlene sa kanya. Sa mga salitang iyon nagawang tukuyin ng dalaga kung anong daan ba ang dapat niyang tahakin. Ngayong may ideya na si Herlene kung ano na ang lagay ng kanyang kaibigan sa puder ni Zeldris, kampante na siyang muling ituloy ang pagkilos sa paghahanap sa mga taong nakakaalam ng tungkol sa sikreto niya at tungkol na rin sa ibang tao pa na may kinalaman sa pagkamatay ng kanyang ama. Sa mga oras na ito ay alam niyang hindi mapapansin ni Shaika ang kilos niya dahil kasalukuyan pa itong abala sa problemang kinakaharap nila sa Munisipyo. Sa totoo lang ay hindi nawawala sa isipan ni Herlene si Zeldris, lalo na kung nakikita niya si Shaika na ang tanging bukambibig ay ang trabaho nito bilang isang bodyguard ng kaibigan niyang mayor. Tila ba ito ang nagpapaalala sa kanya na wala siyang karapatang isipin ang kalagayan ng kaibigan niya dahil may sarili rin siyang problema na tiyak niyang kapag hindi niya nagawan ng paraan sa lalong madaling panahon ay ito ang sisira sa lahat. Hindi natatakot si Herlene kung sakali man na balikan siya ng mga kasamahan ng mayor na pinatay niya. Kahit pa umabot sila sa harapan na p*****n ay hindi niya ito aatrasan… kahit isang beses ay hindi nanindig ang balahibo niya sa mga masasamang taong kagaya nila. Pero ang kinakakakutan niyang mangyari ay ang malaman na may alam si Zeldris sa katotohanan. Hanggang ngayon kasi ay wala siyang lakas ng loob na itanong sa kaibigan kung may ideya ba ito o kung may ginagawa man ito para kilalanin o hanapin ang taong pumatay sa kuya niya. Alam niyang imposibleng wala itong ginagawa, pero ang hindi niya alam ay kung saan na dinala ang binata sa kanyang paghahanap. Kaya bago pa man nito maisipang ituro siya bilang salarin ay dapat na niyang mapatahimik ang mga kasamahan ni Zacarias. Sa tingin naman ni Herlene ay sapat lang ang panahon na mayroon siya para matapos ang kanyang problema. Swerte siya na ang partido ni Zacarias ay iba sa partido ni Zeldris—isang patunay na imposibleng nagkikita o nagkakausap ang mga ito dahil nga magkaiba sila ng grupo. Higit pa rito, magkaaway ang dalawang partidong ito. Humiwalay si Zeldris ng partido sa grupo ng kuya niya dahil nalaman nga nito na may hindi maganda sa samahan na iyon, at tinatawag ng binata na blessing in disguise ang pagkamatay ng kapatid niya dahil iyon ang naging daan para makilala niya ang totoong pagkatao ng mga ito. Kaya nang tumakbo siyang mayor ay sa kabilang partido na siya sumama. Ibig sabihin, wala talagang oras ang mga taong iyon para masabi kay Zeldris ang totoo. Dahil kung sakaling sabihin nila ng diretso sa binata ang tungkol sa alam nila, tiyak nilang hindi sila paniniwalaan ng binata dahil nga masama ang tingin nito sa kanila at kaibigan niya si Herlene. Kaya tiyak ng dalaga na kaya wala pa ring kilos ang partidong iyon kahit tiyak nilang siya talaga ang pumatay sa kapatid ng mayor ay dahil naghahanap pa rin sila ng matibay na ebidensyang magpapatunay na siya nga ang pumtay. Kaya nga ganoon na lang ang pagpupursige niyang maunahan ang mga ito bago pa sila makahanap ng pruweba. Kasama sa swerteng mayroon si Herlene ay tanging sina Shaika at Owen lang ang itinuring na traydor ng Dark Knight. Hindi ito alam ni Shaika, dahil nga noong mga oras na iyon ay tanging si Owen lang ang nakaharap niya at hindi naman nagkaroon ng pagkakataon na mapag-usapan ang tungkol doon. Kaya kailangan niyang itago kay Shaika na malaya pa rin siyang nakakapunta sa Dark Hotel. Dahil sa oras na malaman ng kaibigan niya na hindi siya natawag na traydor at hindi niya sinabi ay magkakaaway na naman silang dalawa. Sinabi ni Herlene kay Shaika na gawin na lang nito ang gusto niya dahil kilala niya ang dalaga, alam niyang nag-iisip na ito kaya ito napatanong ng ganoon, pero halata niyang hindi pa ito tunay na naniniwala dahil nga wala pa itong tiwala kay Zeldris. Kaya para matulungan itong malinawan ang isip at magkaroon ito ng pagkakaabalahan habang naghahanap si Herlene ng sagot sa kanyang imbestigasyon ay napakagandang istilo ang sinabi niya sa dalaga na dapat gawin. Problema rin ni Herlene si Owen, abala man ito sa ginagawang pagtulong sa kanyang kaibigan na si Dave ay alam niyang nasa paligid lang ng Dark Hotel ang bahay nito—nangangahulugang maari siyang magkamali at makita siya nito ng hindi sinasadya na papasok sa loob. Isang bagay na tiyak niyang magiging daan para makarating din iyon kay Shaika. Kaya wala siyang ibang magagawa kundi ang bantayan ang kilos ng binata para malaman kung kailan ito wala sa bahay ni Dave para iyon din ang araw ng punta niya sa Dark Hotel. Sa totoo lang ay kung may pagpipilian lang si Herlene, gusto niya na lang din maging gaya nila Shaika na itinuring na lang na traydor dahil hindi na niya gusto sa puder ng Dark Knight lalo pa ngayon sa ginawa nito sa kaibigan niya. Pero dahil wala siyang matatakbuhan para sa paghahanap ng imporsmasyon tungkol sa partido ni Zacarias ay nagtitiis siya rito. Ngayon ay sa madaling araw niya kinailangang pumunta sa Dark Hotel dahil ito lang ang oras na alam niyang wala na si Owen sa bahay ni Dave. Hindi naman problema sa kanilang organisasyon ang oras, dahil sa tuwing may nangangailangan kay Maestro ay naroon naman siya. “Viper! Hinihintay ko ang pagdating mo!” bati ni Maestro, nakaupo na ito sa paborito nitong upuan na tila naghihintay talaga siya sa pagdating ng dalaga. Agad na kumunot ang noo ni Herlene dahil nakikita niyang nakangiti si Maestro sa kanya. Sa ilang beses nilang pag-uusap ay ngayon lang ito nangyari na hinintay siya nito sa upuang iyon at ngayon lang din ito nagpakita sa kanya ng ngiti. Kakaiba ang kutob ng dalaga sa ipinapakitang ngiti ng lalaking kaharap niya, pero hindi niya ipinahalata na nagdududa siya dahil ayaw niyang masira ang mood nito lalo na ang kanyang sariling plano. “Ibig bang sabihin niyan ay may maganda kang balita para sa akin?” sagot ni Herlene nang makaupo na siya sa tapat ng kausap. Hindi nawawala ang ngiti ng kanyang kaharap, kaya hindi rin nawawala ang kakaiba niyang kutob sa ngiti nito sa kanya. Ayaw niyang mag-isip ng hindi maganda dahil naninindigan siyang ayaw niya ring masira kung ano ang plano niyang tapusin. Sa mga oras na ito ay buo na ang kanyang desisyon na kung ano man ang dahilan ng ngiting iyon ay sasakyan na lang niya. “Balita? Para sa ‘yo? Wala akong balita para sa ‘yo!” sagot ni Maestro, humalakhak pa ito na tila sinasabi niyang naisahan niya ang kaharap. Hindi nagpadala sa inis na nararamdaman si Herlene. Ngumiti pa rin siya upang malaman niya ang totoong dahilan bakit ito nakangiti sa kanya at bakit siya nito hinihintay. Pero sa totoo lang, may ideya naman na siya kung tungkol saan ang magandang ngiti nito sa kanya. “Ikaw ang may dapat ibalita sa akin!” sabi pa ni Maestro. “Kalat na kalat ang balitang kabayanihan ni Sinister sa buong siyudad at sa lahat ng balita. Talaga bang pinapatunayan ng kaibigan mo na totoong traydor siya at nasa mayor na iyon ang katapatan niya?!” Agad na ikinuyom ni Herlene ang kanyang kamao na nakapatong sa kanyang hita. Nagpapasalamat na lang ang dalaga na hindi niya naisipang ilagay sa mesa ang kanyang mga kamay, dahil kung nagkataon na hindi nakatago ito ay hindi niya magagawang pakalmahin ang kanyang sarili sa pagkakataong ito. Nagagalit siya na inaakusahan ng hindi tama si Shaika, pero kailangan niyang magpanggap na wala lang ito sa kanya. “Hindi kita maintindihan, Maestro. Anong ibig mong sabihin? Alam mo namang hindi ako naniniwalang traydor si Sinister, ‘diba?” ani Herlene, ginawa niya ang kanyang makakaya para hindi mahalata ng kaharap ang kanyang inis. Ngayon ay alam na niya kung saan nanggagaling ang ngiti sa kanya ni Maestro. Ang ngiting iyon ay isang ngiti ng inis dahil sa balita, hindi ngiti na masaya siya o may nangyaring maganda na gusto niyang ibalita. Kitang-kita sa mata ng lalaki ang galit at irita sa nabalitaan na kulang na lanrg ay siya na mismo ang sumugod kay Shaika para pagsabihan ito sa kanyang ginagawa. “Wala akong pakialam sa opinyon mo, Viper! Kapag sinabi kong traydor siya, traydor siya! Huwag ka nang magkamali pang ipilit ang katwiran mo kung ayaw mong magaya sa kanya at mawalan ka na ng malalapitan tungkol sa problema mo!” Lalong dumiin ang kuyom ni Herlene sa kanyang kamao. Naiinis siya sa kanyang sarili na wala siyang magawa para ipagtanggol ang kaibigan niya kahit pa harap-harapan na itong sinisiraan sa kanya. Higit kanino man, siya ang nakakaalam na hindi kailanman naging traydor si Shaika sa Dark Knight. Dahil buong buhay nito ay ibinigay na niya sa organisasyon. Kaya sobrang sakit sa kanya na dahil sa kahinaan niya ay hindi niya manlang magawang magsalita para sa iisang taong natitirang nagmamahal sa kanya. Ngayon ay naiintindihan na ni Herlene kung bakit hindi siya isinali ni Maestro sa tinawag niyang traydor. Ngayon ay nakikita na niya ang dahilan bakit malaya pa rin siyang nakakalabas at nakakapasok sa Dark Hotel kahit pa kaibigan siya ni Shaika at kahit kitang-kita naman na maaring isa na rin siyang traydor kung traydor man ang kaibigan niya. Ito ay dahil ginagamit siya ni Maestro… siya ang nagsisilbing tulay para malaman pa rin ng Dark Knight ang ginagawa ni Shaika kahit wala na siya sa organisasyon. Hindi pa rin nila inaalis ang mata nila sa dalaga. At ang mas kinaiinisan pa ni Herlene sa lagay na ito ay… hindi niya alam kung paano siya kikilos… hindi niya alam kung dapat ba niyang ipagtanggol ang kaibigan niya at igiit na hindi totoo ang bintang sa kanya kung nakikita niyang kapag ginawa niya iyon ay maaring mawala sa kanya ang kaisa-isang daan niya para makuha ang gusto niya. Isang sampal para kay Herlene na kahit manlang kay Shaika na best friend niya ay hindi niya magawang makapagsumbong. Dahil sa nakaraan na pilit niyang tinatakasan, tuluyan nang nagapos ang kamay niya para ituro ang katotohanan. Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Herlene bago siya nagsalita. “Ano nang balita sa pinapahanap kong impormasyon sa ‘yo?” pag-iiba niya sa usapan. Gaya niya ay napabuntong hininga na lang din si Maestro. Ngayong nakikita niya ang ginagawa ng dalaga na pagpigil sa kanyang emosyon para lang sa impormasyong kailangan niya ay wala na siyang magawa kundi ang manahimik na lang din. Alam niya sa sarili niyang talo siya sa pagkakataong ito dahil hindi niya napasabog ang kaharap niya. Isang litratro at ilang dokumento ang biglang inabot ni Maestro kay Herlene. “Siya si Samuel Encarnacion, ang Vice Governor ng Province 2. Isa siya sa mga matatalik na kaibigan ni Zacarias Tan, siguro naman ay pamilyar ka sa kanyang mukha. Siya ang isunod mong target.” Nanliit ng mata ng dalaga nang makita niya ang mukha ng lalaking sinabi ni Maestro. Ngayon niya naalala kung sino ang lalaking nasa litrato, nakita niya na ito sa bahay din ni Zacarias noong mga oras na inimbitahan sila nito kasama ang kanyang ama para dumalo sa munti nilang salo-salo na nauwi nga sa pamababastos sa kanila. Hindi niya na masyadong matandaan ang naging kilos ng lalaking iyon noong araw na iyon, kaya hindi siya makapaniwala na kasama ito sa partido ng dating mayor. Sa nasabing kainan sa bahay ng mga Tan, halo-halo ang mga taong naroon. Wala siyang ideya kung sino-sino ang totoong magkakasama at magkakaibigan dahil nga madaming magkakaibang politiko ang naroon. Iyon ang pinakadahilan kaya nahihirapan siyang kilalanin kung sino nga ba ang mga kasamahan ni Zacarias na buhay pa hanggang ngayon ang nagkakalat tungkol sa taong pumatay sa nasirang Tan. Hindi naman kasi sumagi sa isip niya nang mga oras na iyon na mangyayari ito kaya wala siyang tinandaan sa mga iyon. “Alam na ba ni Supremo ang tungkol sa susunod kong misyon?” tanong ni Herlene, naging seryoso na ang kanyang boses. Hindi na makapaghintay ang dalaga na puntahan at patayin ang lalaking iyon, dahil bukod sa trabaho itong ibinigay sa kanya ng Maestro ay isa rin siyang sagot sa impormasyong kailangan niya. Dahil sa wakas… malalaman niya na ang linaw sa likod ng kinatatakutan niyang mangyari. “May basbas na ni Supremo ang misyong ito, dahil ang taong ‘yan ay sangkot sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.” Biglang sumagi sa isipan ni Herlene ang tungkol sa nangyari sa bodyguard ni Zeldris na ikinuwento sa kanya ni Shaika. Hindi niya maiwasang isipin na baka sa pagkakataong ito ay maling akusasyon na naman ang sinasabi ni Maestro… na baka ang bise na papatayin niya ay nagiging biktima lang din ng panggagamit ng mga taong totoong may sala gaya ng nangyari kay Zeldris. Pero alam niyang hindi siya dapat magdalawang isip sa pagkakataong ito, nagdududa man siya sa ipinapagawa sa kanya ay wala naman siyang pagpipilian… ito lang ang tanging paraan niya para mahalungkat ang tungkol sa misyon niya sa buhay. Samakatuwid, kailangan nitong mamatay bilang sagot sa mga tanong niya sa kanyang isipan. “Mag-iingat ka sa taong ‘yan, Viper. Hindi uubra ang kamandag mo sa gaya niya,” paalala ni Maestro. Ang dahilan bakit naging viper ang codename ni Herlene ay dahil magaling siyang magpanggap na maamong babae sa simula. Kapag nakuha na niya ang kiliti ng kanyang biktima ay saka niya ito tutuklawin. Kaya madalas na ibinibigay sa kanyang misyon ay iyong epektibo ang ganitong isitilo. Pero dahil may kinalaman sa personal na misyon ni Herlene ang taong iyon ay sa kanya pa rin ito binigay kahit pa alam nilang alanganin siya rito. Isang ngiti ang ibinigay ni Herlene kay Maestro nang tumayo siya. “Huwag kang mag-alala, wala akong inaatrasang laban. Sabi nga sa kasabihan, ‘Ang sundalo ay lalong tumatapang kapag nasusugatan.’ Kaya tinitiyak ko sa ‘yong matitikman ng lalaking ito ang kamandag ko,” aniya saka umalis bitbit ang mga dokumentong ibinigay sa kanya ng kausap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD