Chapter 10

1898 Words
CHAPTER 10: Halos madilim na nang makauwi si Sinister galing sa pakikipag-usap kay Maestro. Ibinagsak na lang niya ang sarili sa kama na para bang sobrang napagod siya sa ginawa niya ngayong araw, kahit na wala naman siyang kahit anong mabigat na ginawa. Gusto niyang pagsisihan na lumapit pa siya kay Maestro para kumalap ng impormasyon tungkol sa kilos ngayon ng kaibigan niya. Nang marinig niya kasi kung ano ang ginagawa nito, tila ibang tao na si Herlene… hindi na ito ang babaeng nakilala niya na masayahin at makulit na kaibigan niya. Nabura na ang palaasar nitong pagkatao at napalitan ng ugaling malayong-malayo sa inakala niya. Ayon sa ibang taong nakalapit na sa Information’s Desk, lehitimo ang impormasyong hawak ng Maestro. Pero may kutob siya na ang sinabi nito sa kanya ay walang katotohanan o hindi kaya ay dinagdagan lang nito. Hindi niya alam kung may rason ba ang ginoo para gawin iyon sa kanya o para siraan si Viper sa kanya, pero pansin niyang may ilang bagay itong sinabi na hindi tugma sa iba pang nasabi niya. Kilala niya ang kaibigan niya at mas matagal na niya itong nakasalamuha kaysa kay Maestro, kaya mas may tiwala siya kay Herlene na matagal na niyang nakakausap kaysa sa taong ngayon lang naman niya nakausap. Samakatuwid, parang wala ring saysay ang paglapit niya rito dahil hindi niya ito kayang lubos na paniwalaan. Nasayang lang ang punta niya at idagdag pa na lalo lang siyang nadismaya sa mga nalaman niya, totoo man iyon o hindi. Tumatak sa isip ni Sinister ang bagay na sinabi ni Maestro tungkol sa mayor umano na ka-partido ni Mayor Tan. Kung totoo man na ito ang target ng kaibigan niya sa pagkakakataong ito ay hindi naman sasama ang loob niya kung sakaling gamitin nga siya ng kaibigan niya laban dito, dahil pareho naman sila ng target. Ang pinagtataka niya lang ay kung bakit hindi na lang nito sinabi ng diretso ang plano niya kung iyon nga ang balak niyang gawin… “Bakit kailangan niya pang magsinungaling? Dahil ba hindi niya alam na napalitan ang misyon ko dahil sa pagkikita namin ni Three?” tanong ni Sinister sa kanyang sarili. Sa lahat ng sinabi ni Maestro sa kanya, iyon ang sa tingin niyang totoo. Ang ipinagtataka niya na lang ngayon ay bakit inililihim ito sa kanya ni Herlene, gayong dati naman ay alam niya ang plano nitong pagpatay sa dalawang salarin sa kamatayan ng kanyang ama. Umayos siya ng upo nang paulit-ulit na bumalik sa isip niya ang tanong na iyon. Inalala niyang muli ang tungkol sa nakaraan ng dalaga na minsan nang naikwento nito sa kanya. Sa pagkakaalam niya, ang taong pumatay sa naging ama-amahan ni Herlene ay isang mayor din na ka-partido ng nakalaban nito sa pwesto. Pareho silang nakatikim ng kamandag ni Viper. “Mula nang mamatay ang dalawang iyon ay sa trabaho na nabuhos ang oras niya. Tapos ay ngayon lang ito nangyari… hindi kaya may nakaalam ng ginawa niya at iyon ang gusto niyang balikan ngayon?” Dahil walang makausap ang dalaga, mas pinili na lang niyang kausapin ang sarili kaysa mabaliw sa pananahimik dahil sa laman ng kanyang isip. Kung iyon nga ang totoong sitwasyong kinalalagyan ni Herlene ngayon ay alam na niyang wala siya sa posisyon na mangialam sa personal nitong problema dahil kailangan niyang respertuhin iyon gaya ng pagrespeto ni Herlene sa personal din niyang problema. Napatango siya sa kawalan nang maintindihan niya ang bagay na iyon, hindi siya magtatampo sa kaibigan kung sakaling iyon talaga ang rason. Pero may isang tanong pa rin ang hindi niya mabigyan ng sagot, “Bakit kailangan niya pa akong pilitin na pumasok bilang bodyguard ni Zeldris Tan kung gusto niyang manatiling solo niya ang laban niya?” Naglaro na naman sa isip niya ang sinabi ni Maestro na gagamitin siya ni Herlene sa mga balak nitong gawin – bagay na hinding-hindi niya paniniwalaan dahil hindi ganoong tao ang kaibigan niya. Naniniwala siyang hindi iyon gagawin ni Herlene sa kanya, at malamang ay mas malalim pang rason bakit kailangan niya iyong gawin. At ang bagay na iyon ang gusto niyang alamin… gusto niyang malaman kung ano ang kinalaman ni Mayor Tan sa pagkamatay ng ama ni Herlene at bakit naisipan ng kaibigan niya na ipaglapit silang dalawa. Ang tanong na iyon ang nagbigay sa kanya ng dahilan para bumangon at umalis ng bahay. Mahaba pa ang gabi… at hindi siya papayag na matapos ang gabing ito na hindi niya nalalaman ang sagot sa kanyang tanong. Bukod doon ay wala nang iba pang gustong alamin si Sinister, dahil gaya nga ng usapan nilang dalawa ay may kanya-kanya silang laban sa buhay. Isa pa, hindi naman siya nag-aalala sa magiging resulta ng plano ni Herlene, dahil malakas at magaling din na assassin ang dalaga… hindi ito ganoon kadaling mapatumba kahit sino pa ang iharap sa kanyang kalaban. Wala siyang balak na sundin ang gusto ni Herlene na pumasok siya bilang bodyguard ni Mayor Tan, dahil isinumpa niya na siya ang magdadala sa taong ito sa impyerno… hindi bagay sa kanya ang maging tagapagligtas nito. Lalo na kung ililigtas niya ito sa lalaking gaya ni Owen. Bukod kay Herlene, nagawa na ring itanong ni Sinister kay Maestro kung ano ang alam nito tungkol kay Owen. Doon nga ay napag-alaman niyang ‘Destroyer’ ang gamit nitong codename. At hanggang ngayon, hawak niya pa rin ang misyon na patayin si Mayor Tan. Ibig sabihin, hadlang din ang lalaking iyon sa plano ng kaibigan niya. “Kung hindi man ako ang makakapatay sa mayor na iyon, mas lalong hindi ako papayag na ang lalaking iyon ang makakuha ng ulo niya!” ani Sinister, mas gugustuhin niya pang si Herlene na lang ang makapatay sa mayor kaysa kay Owen. Naikuyom niya ang kanyang kamao nang maalala na naman ang mukha ng lalaking iyon. Hindi masusukat nino man ang galit niya sa lalaking naging rason kung bakit sa unang beses ay pumalpak siya sa misyon niya. Kahit pa sabihing hindi pagkakamali ni Sinister ang rason bakit iyon nangyari ay hindi pa rini ito maitatago ang katotohanan na pumalpak pa rin siya. Lalong tumindi ang galit niya sa binata nang sabihin sa kanya mismo ni Supremo na si Owen na ang tatapos sa misyong patayin si Mayor Tan. Hinding-hindi niya makakalimutan ang naging reaskyon ng mukha ng kanyang ama nang makaharap niya ito at hawak na nito ang balita na hindi siya nagtagumpay sa kanyang misyon. Pakiramdam niya tuloy ay bigla siyang nawalan ng silbi sa paningin nito at tila mahirap nang ibalik ang tiwala nitong muli sa kanya. Kahit may parusa nang naka-abang para kay Owen, at kahit siya na ang naatasang pumatay dito, hindi nito mabubura ang nangyari na. Hanggang sa wakas ay nakarating na siya sa rooftop ng kanilang gusali na madalas niyang tambayan kapag gusto niyang maglabas ng galit o sama ng loob. “Sisiguraduhin kong makakarating kayong dalawa sa impyerno sa lalong madaling panahon!” sigaw ng dalaga, nakakuyom ang kanyang kamao at halata sa kanyang mukha ang gigil habang sinasabi ang mga salitang iyon. Mula nang umalis siya ng bahay ay walang ibang laman ang isip niya kundi ang lalaking sumira sa kanyang pangalan. At kung hindi niya ilalabas ang inis niya ay baka sumabog siya sa galit. Hangin mula sa itaas ng gusali na ito ang nagbibigay sa kanya ng sandaling kapayaan. Kapag nandito siya, pakiramdam niya ay nakakahinga na rin siya ng maayos. Para bang ito ay ang pangalawang mundo niya. Ngayong gabi rin niya balak na balikan si Mayor Tan. Kung hawak ni Owen ang misyon para patayin siya, may pakiramdam siyang babalik din ito ngayon. Isang magandang pagkakataon na magkaharap-harap ulit silang tatlo para matapos na ang paghihirap nilang lahat. Hindi man malinaw ang totoong balak ng kaibigan niya at maaring pangingialam ang gagawin niya ngayon, pero hindi niya kayang hayaan na lang kung ano ang puwedeng mangyari sa tagpong ito… dahil pakiramdam niya naisahan siya ni Owen kung matapos niya ang misyon niya. Mas mainam nang siya na ang makapatay sa mayor na iyon kung mahuli man si Herlene. Labag din sa batas ng kanilang samahan ang gagawin niyang pangingialam sa misyon na hawak ng iba kung walang pahintulot ni Supremo o hindi kaya ay hindi alam ito ng mismong assassin na may hawak sa kaso. Pero hindi alintana ng dalaga kung anong parusa ang maaring matanggap niya kapag sumaway man siya. Alam niya rin naman kasing malabo na magamit niya ang pagiging isang anak ng Supremo para takasan ang nagawa niyang kasalanan. Ganoon siya ka-seryosong bawiin ang dangal niyang naputikan dahil lang sa iisang pagkakamali. Hindi siya matatahimik hangga’t buhay ang lalaking iyon. Oras lang ang hinihintay ni Sinister bago siya umalis sa kanyang kinatatayuan, kailangan ay sumakto sa dilim ang pag-alis niya para hindi siya mahirapang pasukin ang bahay na kasalukuyang tinitirhan ni Mayor Tan ngayon. Kung seryoso siyang patayin si Owen, ganoon din ang pakiramdam niya sa kaso niya kay Mayor Tan. “Kapag nawala ka, tapos na ang problema ko sa ‘yo at tapos na rin ang problema ni Herlene tungkol sa ‘yo. Kaya dapat ka lang mamatay,” ani Sinister, tila kausap niya ang hangin. Hindi labag sa prinsipyo niya ang kanyang gagawin, dahil bata pa lang siya ay gusto na niyang maubos ang lahat ng masasamang politiko rito sa mundo. Tinitiyak niyang isa si Mayor Tan sa masasamang politiko na iyon dahil madaming hawak na ebidensya ang Dark Knight tungkol sa kanya. Hanggang sa dumating na ang tamang oras na pinakahihintay niya… ang pagkagat ng hating-gabi. Mabilis na kumilos si Sinister palabas ng kanilang gusali, gaya ng mga nakaraan ay nanatili siyang walang imik sa bawat kasamahan na makakasalubong niya. Maaring nahahalata niya naman na nagtataka na ang mga taong nakakakilala sa kanya sa loob, pero mas pinili niyang huwag nang pansinin iyon dahil sayang lang sa oras. Mas importante ang gagawin niya ngayon… Nangako siya sa kanyang sarili na babalik siya sa dati niyang ugali na pakikipagngitian sa kapwa niya assassin kapag napatay na niya si Owen. Gusto niya munang matapos ang trabaho niya at mawala ang lalaking sumira ng diskarte niya bago bumalik ang dati niyang trato sa mga ito. Pakiramdam niya kasi, kung makikipangitian siya ngayon, parang kasama na sa mga nginingitian niya ang mga kasama ng lalaking iyon sa Division nila. Ayaw niya munang makipag mabutihan sa mga taong iyon sa ngayon. Itim na sasakyan ang gamit ni Sinister papunta sa kanyang target, gaya ng dala niyang sasakyan ay nakaitim din siya mula sa kanyang damit pang-itaas hanggang sa pantalon nito. Tumerno ang kanyang itim na damit sa sinuot niyang sapatos na kulay itim din. Kadalasan siyang nakasuot ng short kapag may misyon siya, pero bilang paghahanda sa kalaban niyang isang assassin din ay mas minabuti niyang magpantalon na lang. Nakalugay lang din ang kanyang buhok, hindi niya alintana kahit minsan ay kumukubli ang mahaba niyang buhok kapag nakikipaglaban siya. Pakiramdam niya kasi, mas kumportable siyang may nagtatakip sa kanyang batok. Hanggang sa nakarating na nga siya sa lugar kung saan matatagpuan ang tinutuluyan ng Mayor na target niya ngayong gabi. Nag-park siya ng kotse hindi kalayuan sa lokasyon nito. Nang masiguro na niyang ligtas na ang kotse niya rito at handa na rin ang sarili niya para sa pagsugod, lumabas na siya na may ngisi sa kanyang mukha. “Ito na ang katapusan mo, Mayor Zeldris Tan…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD