Chapter 11

1812 Words
CHAPTER 11: Tahimik ang paligid ng lugar, isang tipikal na sitwasyon para kay Sinister. Alam niya na kapag ganito ang nangyayari sa paligid ay may kung anong inihandang patibong ang kalaban o hindi kaya ay alam nito ang pagdating niya. Noong mga unang beses niya sa ganitong trabaho, nababahala pa siya kung saan maaring nakatago ang mga kalaban. Pero ngayon, tila isang natural na lang sa kanya ang maranasan ang ganito katahimik na paligid. Maraming bagay ang sinabi ni Maestro tungkol kay Zeldris at sa mga tauhan niya, mahina ang binata kapag siya lang mag-isa. Mas nauuna sa kanya ang takot kapag nalalagay ito sa panganib at walang kasamang bodyguard. Iyon din ang rason kung bakit ganoon na lang ang takot niya nang magharap sila ni Owen at alam niyang pareho silang may balak na pumatay sa kanya. Kaya kung ikukumpara siya sa ibang politikong nakaharap niya at naging parte ng misyon niya, mas madami ang bodyguard ng binatang mayor. Bukod pa riyan ay may mga pulis at sundalo pa siyang kinukuhang dagdag bantay, tila daig pa niya ang isang presidente na haharap sa mga tao para sa isang pampublikong pahayag. Ibig sabihin nito, tiyak na nakatago lang kung saan-saan ang mga alagad ni Zeldris at naghihintay ng tamang pagkakataon para sugurin siya. Kasama sa mga itinanong ni Sinister kay Maestro ang tungkol sa mga tauhan ngayon ni Zeldris, at doon niya nga nakumpirma na lahat ng kinukuhang alaga nito ay ‘yung tipo ng taong walang daga sa dibdib at tila hindi takot mamatay. Iyon na rin marahil ang rason bakit gusto siyang idagdag ng binata sa koleksyon niya. Ang lugar na pinuntahan niya ngayon ay isa na naman sa mga bahay na pagmamay-ari ng mga Tan. Sa lagay pa lang na iyon, halata mo nang mayaman talaga ang kanilang pamilya, kaya hindi na rin nakakapagtaka na mayroon siyang marami at magagaling na tagapagbantay. Ugali na talaga ng binatang mayor ang maglagi sa iba’t ibang bahay niya para hindi mapabayaan umano ang ari-arian ng kanilang pamilya. Ang bayan na talagang pinamumunuan ni Zeldris ay ang City L – ang siyudad na katabi lang ng siyudad kung saan nakatira si Sinister, ang City A. Sa City A din ipinanganak at lumaki ang dalaga, at nang mangyari nga ang insidente ng pagkamatay ng magulang niya ay wala na siyang naging balita sa naging bahay nilang mag-anak. Ang naaalala na lang niya ay iniuwi siya ni Supremo sa bahay na tinitirhan nito sa kaparehong siyudad. Hanggang sa dumating nga ang araw na dinala na rin siya nito sa gusaling pagmamay-ari ng Dark Knight – o mas kilala nila sa tawag na ‘Dark Hotel.’ Pero ngayong gabi, wala sila sa City L o sa City A. Ang bahay na tinuluyan kasi ni Zeldris ngayon ay matatagpuan naman sa City J. Kung titingnan sa mapa ang posisyon ng tatlong lugar na ito, nasa kaliwa ang City A at nasa kanan naman ang City L. Habang ang City J ang nasa kanang ibaba ng mapa. Samakatuwid, magkakalapit lang din ang lugar na pinupuntahan ng tusong mayor na iyon. Isa rin sa nakikitang rason ni Sinister kung bakit hilig ng mayor na mag-iba lagi ng lokasyon ay para matakasan o mataguan ang mga taong many tangkang masama sa buhay niya. Kasama na na sina Sinister at Owen sa mga taong iyon. Hindi naging mahirap para sa dalaga ang akyatin ang bakod ng mansyon ni Mayor Zeldris. Kung ikukumpara ito sa Rest House kung saan sila unang nagkita ay mas maluwag ang seguridad ng bahay na ito. Bagay na mas nakakapagduda para sa kanya dahil nga malaki ang lugar at alam niya ang dami ng tauhan nito, tila iniimbitahan talaga siyang papasukin sa loob para sa isang nakaabang na patibong. Pero walang pakialam si Sinister kung ano man ang plano sa kanya ng mayor, dahil ano pa man ang balak nitong gawin ay titiyakin na niya ang kamatayan nito ngayong gabi. Mula sa binabaan niya pagtawid ng bakod ay agad na lumikot ang mata ni Sinister sa paligid, nagbabaka sakali na may makikita siyang bantay at mabubuhayan na siya ng loob na lumaban. Pero sa kasamaang palad ay wala pa ring lumabas na bantay. Dahil walang bantay o kahit na sinong tao, malayang naglakad ng prente si Sinister sa bakuran ng bahay. Madilim ang paligid, pero sapat naman ang ilang poste ng ilaw para magawa niyang makita ang daan papasok sa loob. Bago siya tuluyang makapasok ay saka niya lang napansin na sa pool side pala siya dumaan. Habang papalapit siya na makapasok sa loob ay lalong nakakaramdam ng pagkasabik ang dalaga sa kamatayan ng mayor, napangisi na lang siya sa pag-iisip nito. Mula sa daan na pinanggalingan niya sa pool area, dalawa ang puwede niyang lusutan. Ang kailangan na lang niyang gawin ay alamin kung saan sa dalawang daan na iyon ang masasabi niyang may patibong, o hindi kaya ay doon naghihintay ang mga kalaban. Sa huli, walang naging basehan si Sinister sa pagpili niya sa kanang daan. Hindi niya alam ang lugar na pinasok niya, hindi siya pamilyar at idagdag pa na kanina pa siya nababahala sa katahimikan ng paligid. Kaya sa tingin niya, mas mabuti nang makakita siya ng ibang tao ngayon at makaharap na ito bago pa man niya makita si Zeldris. Sa pagtawid niya sa daang napili niya, isang malawak na bulwagan ang bumungad sa kanya. Agad na kumunot ang noo ng dalaga dahil bukod tangi lang ang bulwagan na iyon na may nakabukas na ilaw. Ibig lang sabihin, iyon na ang patibong na naghihintay sa kanya. Habang nakatitig siya sa malawak na espasyong iyon, nakarinig siya ng tunog ng sapatos mula sa kabilang banda nito. Agad na bumaling ang tingin ni Sinister sa gawi kung saan niya ito narinig, hindi pa rin nawawala sa noo niya ang kunot nito… naglalaro sa isip niya ang tanong na, “Sino kaya ang taong inihanda ni Zeldris para iharap sa akin ngayong gabi?” At sa ilang sandali pa… nasagot kaagad ang tanong niya. Gulat ang una niyang naging reaskyon nang bumungad sa kanya ang isang pamilyar na mukha. Aminado ang dalaga na isa ang taong iyon sa laging gumugulo sa isipan niya ilang araw na… pero hindi niya inasahan na sa gabing ito ay talagang magpapakita ito. Isang ngisi ang agad na sumilay sa labi ng dalaga nang tuluyang lumagay sa gitna ang binatang sisingilin niya sa lahat ng gulong idinulot nito sa kanya. Maaring magkasama sila sa iisang samahan at organisasyon, pero kailanman ay hinding-hindi niya ituturing na kakampi ang isang kagaya ni Owen Abalos. “Tamang-tama lang ang labas mo, hindi na ako mahihirapan na hanapin ka. Sabay na kayong mamamatay ng mayor na iyon,” bati ni Sinister kay Owen. Hindi tuminag ang binata kahit pa pinagbabantaan na siya nito. Gaya ng dalaga, pumunta rin siya kay Maestro para magtanong naman tungkol kay Sinister. Pareho nilang alam na lehitimo ang mga impormasyong sinasabi sa kanila ng matandang iyon, kaya ngayon ay kilala na niya kung sino ang babaeng nakabangga niya. Seryoso ang tingin ni Owen kay Sinister habang inaalala ang ilang bagay na sinabi sa kanya ng Maestro tungkol sa ugali ng dalaga; kung may balak daw siyang humingi ng tawad dito ay huwag na niyang subukan dahil hindi raw ito marunong makinig ng paliwanag o magpatawad sa taong nakagawa ng kasalanan sa kanya. Ibig sabihin, kapag nagkiita silang muli ay tiyak na papatayin na siya nito at hinding-hindi nito palalampasin ang nagawa mong kasalanan. Salungat ang ugali niyang iyon sa ugali ni Owen, kahit gusto siyang patayin ni Sinister ngayon ay wala naman siyang balak na lumaban. Nang gabing iyon, lumaban siya sa dalaga dahil may misyon siyang kailangang gawin at iyon lang ang tanging bagay na inisip niyang tama. Pero ngayong naiintindihan na niya ang sitwasyon, wala na siyang rason para patulan ito. Pumapatay siya para sa trabaho, at kahit kailan ay hindi niya ito inihalo sa personal niyang buhay. Tapos na ang gabing iyon kaya tapos na rin ang away sa pagitan nilang dalawa. “Makinig ka, Sinister. Pumunta ako rito para tapusin si Zeldris Tan, at alam ko naman na iyon din ang pakay mo. Hindi ko alam kung ano ang rason mo bakit gusto mo siyang patayin, pero alam mo kung ano ang rason ko. Ang punto ko lang, pareho man o magkaiba ang rason na iyon ay iisa lang ang gusto nating mangyari. Isa pa, pareho tayong miyembro ng isang organisasyon. Puwede naman nating pag-usapan mamaya kung ano ang hindi natin pagkakaintindihan, ‘diba? Sa ngayon, harapin na lang muna natin ang totoong kalaban,” suhestiyon ni Owen. Nanatiling walang imik at seryoso ang tingin ng dalaga sa kanya, hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng tingin nito sa kanya… kaya agad na kumunot ang noo niya habang naghihintay ng pagsang-ayon o kahit manlang pagbati mula sa kausap. “Sino ka ba para utusan ako sa gusto kong gawin?” maangas na tanong ni Sinister kay Destroyer. Agad na napailing ang binata, sa tono pa lang ng boses nito ay alam na niya ang mangyayari… at hindi talaga iyon maganda. Hindi niya akalain na ganito pala kakitid ang pang-unawa ng dalaga at halatang matigas din ang ulo nito. “Pinalaki ka ba ni Supremo na nasusunod lahat ng gusto? Makinig ka, hindi kita pinagbabawalan na gawin sa akin ang gusto mong gawin, hahayaan kita manahimik ka lang. Pero ngayon, unahin muna natin–“ Hindi na nagawang tapusin ng binata ang kanyang sinasabi dahil nauna nang sumugod si Sinister sa kanya. Mabilis siyang kumilos para ilagan ang bawat suntok at sipa na ginagawa nito, naiintindihan niya kung saan nanggagaling ang galit nito… pero hindi ibig sabihin na sumugod ito sa kanya ay papatama na lang siya basta-basta ngayong nahaharap pa silang pareho sa laban. Idagdag pa na hindi ito ang oras para patulan niya ito, kailangan niyang makumbinsi ito na makinig sa kanya para sa ikakaayos ng lahat. “Sandali! Bakit ba padalos-dalos ka?!” tanong ni Owen, tuloy pa rin ang pag-ilag niya dahil tuloy lang din ang pag-atake ni Sinister sa kanya. At sa lagay na ito, alam niyang hindi matatapos ang kalokohan ng dalaga kung hahayaan na lang niya ito hanggang sa mapagod. Nasa kampo sila ng kalaban, kaya ano mang oras ay maari nitong samantalahin ang pagkakataon na ito para mapatay silang pareho. Kaya bago pa mangyari iyon, agad nang kumilos si Owen… Sa muling pagsuntok ni Sinister sa kanya ay sinalo niya ito gamit ang kanyang kaliwang kamay, pagkatapos ay hinila niya ito palapit sa kanya. Bago pa man ito makabawi ay mabilis ding inikot ni Owen si Sinister dahilan para maisandal niya ito sa pinaka malapit na haligi… Nakahawak pa rin si Owen sa kamay ni Sinister, nagtama ang tingin nilang dalawa habang pareho nilang habol ang kanilang hinga. “Pakiusap, pakinggan mo muna ako, Shaika.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD