Chapter 12

1804 Words
CHAPTER 12: Malambing at mahina ang tono ng boses ng binata, tila naging musika sa tainga ni Sinister ang boses na iyon… para bang napakalma siya ng boses na iyon at nagawa niya itong pakinggan. Hindi niya alam kung ano ang pakay ni Owen sa kanya kung bakit siya nito gustong makausap, pero dahil sa pagpigil nito sa kanya sa pag-atake at sa pagkakaroon nila ng ganitong pagkakataon na matitigan ang isa’t isa… nabigyan din ng pagkakataon ang dalaga na makilatis ng malapitan ang mukha ng binata. Hindi na gaanong aninag ni Sinister ang mukha niya dahil nga nakatalikod ito kung nasaan nakapwesto ang ilaw, isinandal kasi siya nito sa isang haligi na hindi niya napansin nang sugurin niya si Owen. Pero dahil wala itong galaw at ang tanging ginagawa lang naman nito ay makipaglaban ng tingin sa kanya, malugod niya itong pinagbigyan… gumanti siya ng pakikipagtitigan sa binata, dinidiktahan siya ng kanyang isip na huwag siyang bibitiw sa titig na iyon hanggang hindi nauuna ang lalaki. Habang nangyayari ang malalim na titigan na iyon ay pakiramdam niya, matagal na ang ilang segundo. Nangawit siyang panoorin ang pagkurap ng mata ng binata, kaya inilipat niya ang tanaw niya sa noo nito… dahil wala namang makikitang kakaiba sa parteng iyon dahil nga sa hindi niya ito masyadong naaaninag ay bumaling agad ang tingin niya, napunta ito sa ilong na pansin ang katangusan nito. At agad ding bumaba ang tingin ni Sinister sa labi ng lalaki, na kung kanyang ilalarawan ay mahilig itong magbasa ng kanyang labi. Napalunok siya nang makita rin niya ang pagbaba at taas ng adam’s apple nito. Ilang beses na siyang nakakita ng ganito sa ibang lalaki, pero ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na makita ito ng ganito kalapit. Kabado naman si Owen dahil hindi pumapalag ang dalaga, lalo siyang nabahala nang mapansin niya ang pagbaba ng tingin nito sa kanyang leeg. Hindi niya alam kung ano ang balak nitong gawin para alisin nito ang pagpipigil na ginagawa niya… pero bago pa man ito makakilos ay kailangan na niyang gisingin ito sa hindi nila pagkakaintindihan. “Sinister, malinaw naman sa ‘yo kung bakit naroon din ako ng gabing iyon, ‘diba? Pero maniwala ka, hindi ko talaga alam na ikaw ‘yung babaeng kinupkop ni Supremo, at hindi ko rin alam na gusto mo ring patayin si Mayor Tan. Kasi kung alam ko–“ Hindi niya nagawang tapusin ang bagay na gusto niyang sabihin dahil sa pagbaling ng masamang tingin ng dalaga sa kanyang mata… kung nakakamatay lang talaga ang isang tingin ay malamang patay na siya dahil sa talim nito. “Hindi na mahalaga kung alam mo o hindi, dahil kahit anong sabihin mo… nangyari na ang nangyari. Tanggapin mo na lang na may mga magkakasama talaga sa grupo na nagkakaroon ng alitan!” Isang suntok ang muling pinakawalan ni Sinister gamit ang kanyang kaliwang kamay. Dahil hindi siya sanay gamitin ang kaliwang pwersa niya ay mabilis itong napigilan ni Owen, ngayon ay dalawang kamay na niya ang hawak ng binata. Hindi nagpadaig ang dalaga, ginamit niya ang pagkakataong iyon para gamitin ang kanyang tuhod laban sa lalaki. Matagumpay niyang natamaan ang sikmura nito, pero hindi sapat ang atakeng iyon para bitiwan siya nito. “Bitiwan mo nga ako!” utos niya. Nananatili siyang nakasandal sa haligi at nananatili naman si Owen sa posisyon niya. Buo ang kanyang desisyon na hawakan lang ang dalaga hanggang sa pakinggan siya nito sa kanyang paliwanag. Nasabi na niya ang side niya kanina, pero dahil sarado pa rin ang isip ng dalaga ay handa siyang ulitin ang sinabi niya kanina kahit pa ilang ulit, magkaayos lang silang dalawa. “Bakit ba ang hirap mong kausapin? Ang simple lang naman ng sinasabi ko sa ‘yo, ‘diba? Bakit hindi ka na lang muna makinig?” tanong ng binata. Wala naman sanang pakialam si Owen kung hindi sila magkaintindihan na dalawa, hindi naman sila personal na magkakilala at wala namang rason para magkaroon sila ng mabuting samahan sa labas ng kanilang trabaho. Isa pa, kahit manatili na may galit sila sa isa’t isa ay wala naman itong magiging problema sa araw-araw nilang pamumuhay kahit pa magpunta sila sa Dark Hotel dahil sa lawak ng gusaling iyon ay imposibleng magkita sila. Dahil lawak din ng lugar na iyon ang rason bakit ngayon lang sila nagkakilala kahit pa alam niyang may anak-anakan ang Supremo. Kaya lang, hindi niya puwedeng basta na lang hayaan na maging ganoon na lang ang lahat sa pagitan nilang dalawa. Si Sinister ang anak ni Supremo, kaya kung hindi sila magkaka-ayos ay mapapahamak ang kaibigan niyang si Thunder – ang assassin na kasama niya sa Division 3 na tunay na may hawak sa misyon na patayin si Mayor Zeldris Tan. “Bakit ba hindi ka rin makaintindi? Hindi ba halatang ayoko nga makipag-ayos sa ‘yo at isa lang ang gusto kong mangyari? Bakit ba pilit ka nang pilit na makipag-ayos, ano bang mapapala mo riyan?!” singhal naman pabalik sa kanya ng kausap. Natigilan si Owen nang marinig niya ang tanong na pinaka iniiwasan niyang itanong sa kanya ng dalaga. Bago niya mapagdesisyunang harapin ito, sinabi na niya sa sarili niya na hinding-hindi niya sasabihin kay Sinister ang totoong rason kung bakit gusto niyang makipag-ayos, dahil kapag nalaman nito… lalo lang magiging komplikado ang lahat. “Kailangan bang may mapala ako para makipag-ayos? Malamang, buhay ko ang nakasalalay dito! Kung hindi kita pipigilan, baka mamatay na ako bago ko pa magawa ang misyon ko!” pagdadahilan niya. Ang nangyari sa pagitan nilang dalawa ay malinaw naman na hindi sila nagkaintindihan, maaring matawag ito na maliit lang na bagay… pero hindi ito maliit lang na bagay. Dahil buhay ng kaibigan niyang si Thunder ang nakasalalay dito. Isang ngisi ang sumilay sa labi ng dalaga. “Hindi ako kasing tanga na gaya ng iniisip mo. Para ipaalala ko sa ‘yo, bago pa man kita sugurin ay todo na ang paliwanag mo sa akin na isang malaking pagkakamali lang ang nangyari, isang malinaw na patunay iyon na may kapalit ang ginagawa mong ito!” Hindi naman niya itatanggi ang bagay na sinabi ng kaharap, dahil wala namang saysay kung ikakaila niya ang totoo. Hindi naman sikreto ang totoo niyang rason, pero dahil ganito ang pag-uugali ng dalaga ay alam niyang lalo lang siyang gugustuhing patayin nito kapag nalaman niya na ang kapalit ng pag-aayos nila ay kaligtasan ni Thunder sa parusang kamatayan bilang hatol ng Dark Knight sa nagawa niyang kasalanan sa organisasyon. Hindi mahigpit si Supremo pagdating sa resulta ng misyong ibinigay sa ‘yo. Nagagawa niyang patawarin ang mga Assassin na hindi nagagawa ang trabaho niya, ang tanging parusa lang naman na matatanggap ng mga taong pumalpak ay tatlong buwan siyang hindi maaring tumapak sa Dark Hotel, katumbas nito ay suspindido siya at wala siyang sweldong matatanggap mula sa grupo. Kung iyon lang sana ang kasong inabot ng kaibigan niya, hindi sana iyon malaking problema. Kaya lang, hindi kayang tanggapin ni Thunder na sa unang pagkakataon ay hindi niya nagawang patayin ang target niya, para sa binata ay hindi lang tatlong buwang sweldo ang nawala sa kanya dahil sa nangyari… kundi pati na rin ang dignidad niya at pangalan niya bilang isa sa magagaling na assassin ng Dark Knight. Iyon ang dahilan kaya nakiusap siya kay Owen na siya ang tumapos ng misyon niya, upang pagtakpan ang pagkakamali niya. Dahil sa pagmamadali nilang matapos ang misyon, nawala na sa isip nilang maaring makarating din agad kay Three ang nangyari. Galit na galit si Supremo sa mga taong nagsisinungaling, sa mga taong hindi tapat sa kanilang samahan. Sa paniniwala nito, ang hindi nagsasabi ng totoo o naglilihim ay walang pinagkaiba sa isang traydor. Kaya dahil sa ginawa ni Thunder na pagtatago sa pagkakamali niya, hinatulan siya ng Judiciary ng kamatayan. Ang Judiciary ay ang nagpapatupad ng batas sa loob ng Dark Knight, katulad din sila ng Information Desk na may espesyal na trabaho sa loob ng organisasyon. Sila ang naghahatol sa isang assassin na nagkakaroon ng kasalanan sa loob ng samahan, at sila rin ang nagsasabi kung ano ang katapat na parusa sa nagawa mong kasalanan. Kahit anong gawing pagmamakaawa ni Thunder ay hindi siya pinatawad ni Legal, hindi ito pumayag na basta na lang palampasin ang isang malaking pagkakamali na nagawa nito. Ayon sa kanya, walang kapatawaran ang ginawa nitong pagdudungis sa pangalan ni Sinister. Agad na umapila si Owen sa naging hatol sa kaibigan niya, giit niya, siya ang nagkamali dahil hindi niya nakilala ang anak ng Supremo kaya siya ang dapat parusahan. Walang ideya ang binata na kaya hindi siya kasama sa parurusahan ni Legal ay dahil si Sinister mismo ang papatay sa kanya, dahil wala ring kapatawaran ang ginawa niya. Kaya para mapadali na lang din ang balak ni Sinister, nagbigay ng pabor si Legal… kapag nagawa niyang kumbinsihin ang dalaga na patawarin siya sa kanyang nagawa, hindi mamamatay si Thunder. Tinanggap niya ito na walang kaalam-alam sa patibong na ginawa ni Legal para sa kanya, wala mang ideya si Sinister sa naging kasunduan nilang dalawa ay malinaw pa rin sa dalaga kung ano ang dapat niyang gawin ngayon… ang bigyan ng panghabangbuhay na katahimikan si Owen. Ilang segundo ang lumipas bago nakaisip ng idadahilan si Owen kay Sinister. “Baka nakakalimutan mo rin, bago ako nagpaliwanag ay nauna ka nang nagbanta sa akin. Natural lang na iyon ang maging reaksyon ko dahil ayokong magkaroon ng problema sa misyon ko rito. Saka, bakit ba kailangan ko pang ipaliwanag iyon sa ‘yo?” Napalunok ang binata nang makita ang pagkawala ng ngisi sa labi ng kaharap niya, napalitan iton ng kunot sa kanyang noo… sa naging reaksyon nito ay hindi niya alam kung dapat ba niyang ituring iyon na naniniwala ito sa paliwanag niya o nag-iisip na naman ito ng paraan para gipitin siya. “Sinister, nangangako ako sa ‘yo, hindi ako hahadlang sa balak mong patayin si Mayor Tan. Kung gusto mo, hindi ako manghihimasok sa gulo ninyo at ikaw na ang trumabaho lahat. Handa akong makatanggap ng parusa ulit kay Legal mapatawad mo lang ako…” pakiusap muli ni Owen. Sa sinabing iyon ng binata, bumaling sa kanya ang tingin ni Sinister. Nakakunot pa rin ang kanyang noo, at aminado si Owen na isang pag-asa na para sa kanya na tiningnan siya nito. Kaya lang, ilang segundo pa lang siyang umaasa ay agad na itong maglaho nang ngumisi muli ang kaharap niya. “Sinabi ko na sa ‘yo, hindi ako uto-uto!” Pagkatapos niyang banggitin ang paalalang iyon ay mabilis niyang iginalaw ang kanyang ulo para iuntog doon si Owen. Naging dahilan iyon para bitiwan siya ng binata at mawalan ito ng maayos na balanse. “Tapos ka na!” iyon na lang ang isinigaw ni Sinister bago niya muling sugurin ang binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD