Chapter 13

1835 Words
CHAPTER 13: Sinalo ni Owen ang kanyang ulo, ramdam niya ang pagkahilo mula sa natamo niyang pagkaka-untog sa ulo ng dalaga. Bukod sa pagkahilo ay sumakit din ang parte kung saan siya tinamaan. Hindi niya lubos akalain na gagawin iyon sa kanya ni Sinister. Nang makabawi na ng kaunting lakas ay agad siyang tumingin sa kausap na may malalim na kunot sa kanyang noo. “Ano ba talagang problema mo?! Nakikipag-usap naman ako sa ‘yo nang maayos, ‘diba?!” singhal niya. Sa halip na mabahala sa naging reaksyon ng binata ay nanatiling walang pakialam si Sinister sa kanya, walang nagbago sa reaksyon ng kanyang mukha. At sa isip niya, tila nagpaplano na siya kung ano ang susunod na gagawin niyang pagsugod. Hindi rin ito sumagot sa sinabi ng kaharap niya, nakatayo pa rin siya kung saan siya huminto mula sa paglayo kay Owen. Nakikita na ngayon ng binata kung bakit ganoon na lang kabilis pumayag si Legal na bigyan siya ng pagkakataon na makipag-ayos kay Sinister. Tila hindi sumagi sa isip niya na ang babaeng haharapin niya pala ay gaya ng isang bata anak mayaman na nasusunod lahat ng gusto. Ganoon pa man, hindi siya nawawalan ng pag-asa na mababago niya pa rin ang nararadaman nito patungkol sa nangyari. Maaring hindi ito nakikinig sa kanya ngayon, pero lahat ng paraang alam niya para lang mapasunod ito sa gusto niya ay handa siyang gawin. Napabuntong hininga si Owen. “Sige, kung ganyan talaga katigas ang loob at ulo mo… bahala ka na,” aniya saka bumaling ang tingin sa kanyang likuran, tanda na babalik na siya kung saan siya nanggaling kanina. Balak niyang hanapin na muli si Zeldris. Hindi niya pa alam ang tunay na rason ni Sinister kung bakit gusto nitong patayin ang mayor na iyon mula pa nu’ng umpisa, pero tiyak niya na kapag ipinakita niya sa dalaga na uunahan niya ito sa balak niyang gawin ay tiyak na makikinig na ito sa kanya mapigilan lang siya sa gusto nitong gawin. Agad na napansin ni Sinister kung ano ang balak nitong gawin, at hinding-hindi siya papayag na makatakas pa ang lalaking iyon. Sa kilos pa lang ng lalaki na pagtalikod sa kanya ay nabasa na agad niya kung ano ang binabalak nitong gawin, at malamang ay hindi niya hahayaan na unahan siya nitong mahanap si Zeldris para patayin ito. Kaya bago pa ito maging hadlang sa mga gusto niyang gawin ay agad siyang kumilos… Tunog ng ikinasang baril ang tuluyang nakapagpahinto kay Owen sa paglakad. Mabilis na bumaling ang tingin niya sa dalaga na ngayon ay seryoso at diretso lang ang tingin sa kanya, kitang-kita sa mata nito na wala itong alinlangan na iputok ang hawak niyang baril oras na kumilos ng hindi maganda ang binata. Kusang tumaas ang kamay ni Owen, halos kulang na lang ay pigilan na rin niya ang paghinga maipakita lang kay Sinister na wala siyang balak na tumakas o ano pa man. “Talaga bang kailangan pang umabot sa ganito? Ayaw mo ba talagang magpa-awat? Kung ayaw mong makipag-ayos, bayaan mo na lang akong gawin ang kailangan kong gawin dito bago pa may makapansin sa atin–“ Isang putok ang nagpatahimik sa kanya, bagay na sobra niyang ikinagulat na ginawa ni Sinister. Hindi niya akalain na ang isang tulad nito na inakala niyang responsable at taong titingnan niya bilang isang susunod na Supremo ay aasata na parang bata makuha lang ang kanyang gusto. “Isang maling galaw mo pa, sa ‘yo na tatama ang bala ko. Alalahanin mong nasa kamay ko ang buhay mo at ako ang masusunod sa ating dalawa. Kaya huwag mong sagarin ang pasensya ko–“ Bago pa man matuloy ni Sinister ang kanyang gustong sabihin ay inulan na sila ng bala. Mabilis na yumuko ang dalaga at nagtago sa unang pwesto na nakita niya. Habang si Owen, walang ibang pinagpiliang gawin kundi ang tumakbo papunta sa kanya. Maaring pinagtangkaan siya nitong patayin, at isang kahangalan na ang nasa isip niya ngayon ay masigurong ligtas ito, peron iyon mismo ang gagawin niya… dahil hindi niya puwedeng hayaang mamatay ang taong magsisilbing susi para mailigtas ang buhay ni Thunder. Isang masamang tingin ang agad na iginawad ni Sinister nang lumagay na sa kanyang likuran si Owen. “Anong ginagawa mo?” naguguluhang tanong ng dalaga sa kanya. Lumingon pa ito sa kanya na may kunot sa kanyang noo, hindi nga lang iyon masyadong pansin ni Owen dahil sa madilim ang parte kung saan sila nakatago ngayon. Bago siya sagutin ng binata ay bumunot muna siya ng baril niya at agad na pinaputukan ang dalawang lalaki na nakita niyang nakatutok ang baril sa kanilang pwesto. Hindi niya pa alam kung ano ang sitwasyon ng paligid, at maaring ang ginawa niyang pagpapaputok ang magbibigay ng sagot sa mga kalaban kung nasaan ang pwesto nila. Pero wala siyang ibang pagpipilian kundi ang gawin iyon kaysa magkamali na naman silang dalawa ng kilos at pareho na silang tutumba rito. “Mas gusto ko naman na ikaw ang makasama ko kaysa sa mga tauhan ng mayor na iyon,” iyon na lang ang isinagot ni Owen sa kanya. Puno ng pagtataka ang mukha ni Sinister dahil sa kakaibang ikinikilos ng binata. Naiintindihan niyang may pakay ito sa kanya kaya gusto nitong makivag-ayos, pero itinutiring niyang kakaiba ang ginawa nitong lumapit pa talaga sa kanya na hindi iniintindi ang magiging kaligtasan niya sa tabi ng dalaga. “Kumusta naman ang reunion ng dalawang taong muntik nang magpatayan sa harap ng taong papatayin nila?” Agad na naramdaman ni Sinister ang pagkulo ng dugo niya nang marinig niya ang pamilyar na boses na iyon… sigurado siyang si Mayor Tan ang nagsalita dahil ito lang naman ang may kayang bumoses ng ganoon sa sarili niyang pamamahay. Idagdag pa na kilala na niya ang tono ng boses nito. Akmang tatayo na sana siya para lumantad at harapang labanan ang mayor. Pero bago pa man siya makalitaw ay napiglan na siya ni Owen. “Huwag kang magpadalos-dalos, hindi mo alam kung anong patibong ang maaring inihanda ng lalaking ‘yan laban sa ‘yo,” paalala niya. Hindi pumalag si Sinister sa babala ng binata sa kanya, gaya ng sinabi nito ay hindi na nga siya lumitaw. Ayaw man niyang makasama si Owen sa pwestong ito ay wala siyang magagawa kundi ang magtiis, lalo pa’t alam niyang ito lang ang bukod tanging tao rito na hindi siya babalakin patayin. Ang bulwagan kung nasaan sila ay isang malawak na espasyo, pero bukod sa ilang hallway dito ay may hagdan ito papunta sa ilang kwarto pa sa itaas. Mula sa dinaanan ni Sinister hanggang sa kung nasaan siya ngayon ay hindi manlang sumagi sa isip niya na sobrang ng lugar na ito… isang tunay na mansyon na alangan maging ari-arian ng isang gaya ni Zeldris na isa lang mayor sa murang edad. Nasa itaas nakapwesto si Zeldris, napapalibutan siya ng kanyang mga tauhan kung saan siya nakatayo r’on. Bukod pa sa mga kasama niya sa itaas na bahagi ng mansyon ay nagkalat na rin sa ibaba ang iba pa niyang tauhan. Ang tanging pwesto na lang na hindi nito nasasakop ay ang pwesto kung saan nagtatago sina Sinister at Owen. Gumala ang mata ni Zeldris, tila hinahanap niya kung nasaan banda ba talaga nakatago ang dalaga, malawaka pa ang lugar na sakop nila… pero wala ni isa sa mga tauhan niya ang may laks ng loob na lumapit pa ng husto kung nasaan ang dalawa. Kaya wala siyang magagawa kundi ang gumawa ng paraan para sila mismo nag lumabas. “Hindi ko alam kung ano ang kasalanan ko sa organisasyon ninyo para ipadala nila kayo rito at patayin ako. Wala rin akong alam kung bakit ganoon ang naging kilos ninyo noong unang araw na magkaharap tayong tatlo. Pero… kayong dalawa, kilalang-kilala ko kayo. Inalam ko ang lahat ng tungkol sa inyo,” ani Zeldris. Agad na naikuyom ni Sinister ang kanyang kamao nang marinig ang pagbabanta ng mayor. Sapat na ang salitang iyon para makumbinsi siya nitong paniwalaan ang sinasabi niya dahil subok na niya ito, aminado siyang napahanga siya nito nang magawa nilang ma-corner ang dalaga noong araw na papunta siya kay Herlene. Nagpatuloy ang mayor sa pagsasalita, “Sinister, alam mo naman siguro na hindi kita papatayin dahil kailangan kita. Pero alam ko naman na hindi ka matutuwa sa bagay na iyon. Hayaan mong patunayan ko sa ‘yo na isa akong kakampi at hindi kalaban,” aniya. Mabilis na bumaling ang tingin ni Owen kay Sinister, isang kunot sa kanyang noo ang ipinakita niya sa dalaga. Sa pananalita ng mayor ay tila nahiwagan siyang lalo sa pagkatao nito. Gaya ng natuklasan niya, ang tanging alam lang niya tungkol sa babaeng kasama niya ay gusto lang nitong patayin si Zeldris, pero hindi talaga malinaw kung ano ang rason. At dahil sa sinabi ni Zeldris, tila hindi na tugma iyon sa bagay na alam niya. “Ang totoo mong pangalan ay Shaika Luna, ang mga magulang mo ay pinatay sa sarili ninyong bahay labing limang taon na ang nakakaraan. Hindi ka nakasama sa insidenteng iyon dahil noong araw na iyon ay nasa eskwelahan ka, at nang umuwi ka… akala mo, pinarusahan ka ng kung sino dahil sa ginawa mong pagpatay sa mga batang nang-aaway sa ‘yo. Limang taon ka palang noon at wala ka pang alam sa mga nangyayari. Kaya ang unang bagay na pumasok sa isip mo ay bumalik sa eskwelahan para humingi ng tawad sa guro mo, sa pag-aakalang iyon ang paraan para mailigtas mo ang mga magulang mo. Pero bago ka pa man makaalis, lumitaw sa harapan mo si Supremo at sinabi niyang siya na ang bago mong magulang,” kwento ni Zeldris. Walang nagawa si Sinister kundi ang ikuyom na lang ang kanyang kamao, kung kanina ay gusto niyang sugurin si Zeldris, ngayon ay tila ba hinigop na ng mga sinabi niya ang kanyang lakas… sa pagkabunyag ng nakaraan niya kay Owen at sa ilang tauhan ng mayor na narito, pakiramdam niya ay para na rin siyang nahubaran. Pero kahit tumayo siya ngayon at mapatay niya na si Zeldris, hindi naman nito mababawi ang nasabi na. Habang si Owen naman, nanatili na lang ding tahimik. Gusto niyang paulit-ulit na humingi ng tawad sa kasama niya dahil sa ginawa niyang panghuhusga kanina. Ang tanging alam niya lang sa dalaga ay inampon ito ni Supremo, pero bukod doon ay wala na siyang alam tungkol sa dalaga. Kaya nang marinig niya ang kwentong iyon ay nakaramdam na siya ng awa sa dalaga. Muling nagsalita si Zeldris, “Sinister – ah, hindi… Shaika. Ngayong dalaga ka na at may isip, hindi ka ba nagtataka sa nangyari sa mga magulang mo? Bakit sila pinatay at bakit sa mismong araw na iyon ay lumitaw agad si Supremo at biglang gusto ka na niyang ampunin? Hindi kaya… siya ang –“ Umalingawngaw sa buong paligid ng mansyon ang sigaw at hikbi ni Sinister. “Tama na! Ayoko nang marinig ang mga susunod mong sasabihin!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD