Chapter 14

1883 Words
CHAPTER 14: Sabi nila, bulag daw ang katarungan, at ang krimen ay isang malaking misteryo kanino man. Pero ano ba talaga ang dapat mong gawin para makuha mo ang hustisyang gusto mong makamit kung sa una pa lang ay hindi mo na alam sino ang totoong dapat silingin? Mula bata pa si Shaika, iyon na ang tanong sa isip niya na hanggang ngayon ay hindi niya alam ang sagot. Ang tanging alam lang niya ay ang sinabi ni Supremo na isang politiko ang taong pumatay sa kanyang mga magulang… isang buwaya na mapagsamantala sa hawak niyang kapangyarihan. Kaya nga mula noon, matindi na talaga ang galit niya sa lahat ng politiko. Wala siyang sinasanto, wala siyang pinapatawad, at higit sa lahat… wala siyang awa. Malinaw sa kanya na ang tanging rason niya sa buhay para patuloy na bumangon ay linisin ang kanilang lugar – burahin ang mga taong latak ng lipunan na gaya ng pumatay sa kanyang mga magulang. Ang tanging paalala ni Supremo sa kanya ay, “Huwag hayaan na madaming tao pa ang pumares sa kanya na maging biktima ng maling paggamit ng tinatawag nilang… ‘upuan.’” Naniniwala siyang iyon lang ang silbi niya sa mundo, dahil hanggang ngayon, hawak niya pa rin ang salitang “paghihiganti” na hindi niya bibitiwan hanggang hindi nawawala ang lahat ng masama o hindi kaya ay siya mismo ang mawala. Nagagawa man niyang ngumiti at magbiro sa iba, nananatili pa rin ang galit sa kanyang puso. Ngunit hindi niya itatanggi ang bagay na sinabi ni Zeldris ngayon lang… dahil dalagita pa lang siya ay naglalaro na rin sa isipan niya ang bagay na iyon. Pero hindi niya magawang pagdudahan ng husto ang kanyang ama-amahan dahil sa utang na loob na meron siya rito. Hindi niya maitatanggi na kung hindi dumating sa buhay niya si Supremo noon, baka hindi niya nagawa ang mga bagay na nagawa niya noon… maaring kinain na siya ng lungkot o hindi kaya ay hanggang ngayon nasa isang sulok lang siya at umiiyak dahil wala na ang mga magulang niya. Mananatili siyang mahinang nilalang na hindi pinagmulatan ng katarungan. Alam ni Zeldris na ito lang ang tanging oras na mayroon siya para gisingin ang loob ni Shaika, maaring masama kung papakinggan ang mga salitang binibitiwan niya… pero totoo ang hangarin niyang iligtas at ilayo ang dalaga sa Dark Knight. Sa ugali ng dalaga, hindi uubra ang maging malambot o mabait na personalidad… tiyak niyang ang tanging makikita lang nito ay nang-uuto siya para makuha ang kanyang loob. Kaya ang paraan lang na sa tingin niyang uubra ay gaya nito – manipulahin ang isip niito. Ang totoo ay iyon lang naman talaga ang hawak niyang impormasyon tungkol kay Shaika – ang kanyang nakaraan. Hindi ito isang sikreto dahil mabilis na kumalat ang totoo niyang pagkatao nang makilala ang pangalan niyang ‘Sinister’ sa mundong pareho nilang ginagalawan dahil sa galing nito sa pakikipaglaban. Palusot lang niya ang tungkol sa hawak niyang impormasyon tungkol sa lalaking kasama nito. Pero hindi sila pareho ng sitwasyon ni Owen, ngayon lang kasi narinig ng binata ang tungkol sa nakaraan ng dalaga dahil nga hindi niya naman talaga ito kilala. Isa pa, hindi niya naman talaga binigyan ng pansin ang usapan ng iba niyang kasamahan sa Division 3 kapag nababanggit ang tungkol sa anak-anakan ng Supremo. Hindi siya napapahanga ng kilos nito… hindi pa hangga’t hindi niya mismo nakita. Nananatili lang sa tabi niya si Shaika na ngayon ay nanginginig na sa galit, alam niya kung saan nagmumula ang galit nito dahil halata naman iyon. Kaya lang, sa halip na pakalmahin ito o hindi kaya paalalahanan na huwag makikinig sa iba pang maaring sabihin ng mayor ay mas pinili niyang pagmasdan na lang ito. Hindi rin maayos ang kanyang nakaraan, at aminado siyang ayaw niya ring marinig ito na kinukwento ng iba. Pero nang marinig niya ang kwento ng nakaraan ng dalaga, tila unti-unti ay naiintindihan niya ang ilang dahilan kung bakit ito ganito kumilos ngayon. Pagkatapos makiramdam ni Zeldris sa reaksyon ng dalaga, muli siyang nagsalita. “Hindi ko ito sinasabi para magtanim ka ng galit sa taong kumupkop sa ‘yo, gaya nga ng sabi ko ay hindi ko alam bakit gusto nila akong patayin… at kasalukuyan pa rin akong humahanap ng impormasyon tungkol sa kanila. Ang gusto ko lang mangyari ngayon, Shaika, isipin mo kung tama pa ba ang ginagawa mo. Sinasabi nila kung sino ang dapat mong patayin at sumusunod ka na walang pag-aalinlangan. Bakit, gaano ka ba kasigurado na masamang politiko nga ang papatayin mo?” Sa bagay na iyon, hindi lang si Sinister ang tinamaan ng tanong na iyon. Tila nakatulong ang tanong na iyon para tanungin din ni Owen ang kanyang sarili kung tama rin ba ang ginagawa niya ngayon… ano ba ang nakita sa kanila ni Supremo at gusto niyang sila ang maging armas nila laban sa mga taong tinawag nilang ‘latak ng lipunan’? “Hindi ko ipagtatanggol ang sarili ko sa ‘yo at hindi ko ikakaila sa ‘yo ang bagay na sinabi nilang masamang ginawa ko. Wala akong pakialam kung kasama na ako sa listahan ng taong dapat mong patayin. Kaya lang, sa tingin mo ba ay tanging Dark Knight lang ang may kayang humanap ng katarungan? Paano kung may mga politiko rin na gustong baguhin ang mundo?” dagdag pa ni Zeldris. Nakilala ni Zeldris si Shaika dahil ikinuwento siya ng isang anak ng kapwa niya mayor. Ang dalagang iyon ay nagngangalang Herlene Ruiz. Hindi maganda ang naging simula ng pagkakakilala nina Zeldris at Herlene dahil sa mapait na sinapit ng kanyang ama na sinundan naman ng pagkamatay din ng kanyang kapatid. Pero sa kabila ng mapait na nakaraan na pinagsaluhan nilang dalawa ay pinili nilang panatilihin ang maganda nilang samahan. Nawala man ang dalawang taong naging rason bakit sila nagkalapit ay hindi naging rason iyon para paglayuin sila ng tadhana. Isa si Herlene sa nakarinig ng nangyaring pag-assasinate sa kanya, nang malaman iyon ng dalaga ay hindi siya nagdalawang isip na puntahan si Zeldris para kumustahin. Hindi nagdalawang isip ang binata na ikwento sa kanya ang buong pangyayari… hanggang sa ipakita niya pa ang naging sketch ng mga pulis sa itsura ng dalawang taong nagtangka sa buhay niya. Hindi niya inasahan na ikagugulat ni Herlene ang nakita niyang sketch, inamin niyang kilala niya ang dalaga at sinabi niya pa na matalik niya itong kaibigan. Ipinagtanggol niya si Shaika sa harap ni Zeldris, sinabi niya na hindi nito intensyon talaga na pumatay. Ginagawa niya lang ito dahil nga sa kanyang naging mapait na nakaraan. Ayon din kay Herlene, tinanggap niyang maging kaibigan si Shaika dahil pareho silang walang kinalakihang pamilya. Pareho silang pinalaki ng taong hindi naman nila kadugo. At kahit pa isang mamamatay-tao si Shaika, isa pa rin siyang mabait at mapag-alagang kaibigan. Hindi nito naikwento paano sila nagkakilala, pero sapat na ang kanyang narinig na kwento para kaawaan niya ang dalaga at gustuhing iligtas sa maling paniniwala. Iyon din ang bagay na hiniling ni Herlene sa kanya, matagal na niyang gustong gisingin ang isip ni Shaika na hindi lahat ng politiko ay masama. Pero dahil namatay ang kanyang ama, wala na siyang ibang kilalang tao na maaring magpatunay na totoo ang kanyang sinasabi. Kaya si Zeldris na lang ang maaring maging halimbawa niya. Nakiusap si Herlene sa kanya na tulungan niya si Shaika na mabigyan ng totoong katarungan ang pagkamatay ng mga magulang nito at huwag mabuhay sa maling paraan ng paghihiganti. Kaya nagdesisyon si Zeldris na para mahikayat si Shaika na umalis sa Dark Knight, aayain niya itong maging kanyang personal bodyguard. Sa ganitong paraan, hindi ito mahihinto sa kanyang misyon na hanapin ang katarungang kanyang matagal nang hinahanap. At sa puntong ito… gusto niyang makuga ang tiwala ng dalaga na siya ang tunay na makakatulong sa kanya sa bagay na kailangan niya. Hindi rin itatanggi ni Zeldris na parte ng gusto niyang gawin ang bagay na ito ay dahil nakitaan niya naman talaga si Shaika ng potensyal. Ngayong gusto siyang patayin ng Dark Knight ay kailangan niya ang isang tulad ni Shaika na kaya siyang alagaan at protektahan kahit kanino man. hindi man sadya ang naging kilos nito ay itinuring niya na ring prinotektahan siya nito sa kamay ni Owen noong gabing sumugod din siya sa loob ng kanyang kwarto. Nagkaroon muli ng ilang segundong katahimikan. Kaya kinuha ni Owen ang pagkakataon na iyo para siya naman ang kumausap sa dalaga. “Sinister, hindi ka naman siguro magpapa-uto sa mayor na ‘yan, ‘diba? Hindi masamang tao ang Supremo at alam kong ikaw ang pinaka nakakaalam niyan. Ang buong Dark Knight ay iisa lang ang misyon; gaya mo ay gusto lang din naming linisin ang bansa para sa maayos nitong pag-unlad. Hindi papatay ang iyong ama ng politikong matino, kaya sigurado akong inuuto ka lang ng Zeldris Tan na iyan!” aniya. Ayaw sana niyang mangialam sa buhay ni Sinister, dahil ang tanging rason lang naman niya kung bakit dumidikit siya rito ay para iligtas ang buhay ni Thunder na kaibigan niya. Kaya lang, ngayong nakikita niya na parang naguguluhan nga ito ay nagpasya na lang din siyang makisali. Magkaiba sila ng naging buhay at rason bakit sila sumali ng Dark Knight, pero isa siya sa naniniwala na malinis ang hangarin ng organisasyon… kaya nga kahit alam niyang mali ang ilagay ang batas sa sarili mong kamay ay ginagawa niya pa rin ang utos ni Supremo. “Alam kong hindi masama si Papa. Pero…” ani Sinister, bakit ituloy ang kanyang sinasabi ay napayuko muna siya. “…tama siya. Hindi lang tayo ang dapat gumawa nito.” Bakas sa kanyang boses na labag din sa kanya ang pagsang-ayon sa sinabi ni Zeldris. Labing limang taon na siyang miyembro ng Dark Knight, buong buhay niya ay inilaan niya sa pag-eensayo kung paano maging isang ganap na assassin. Pero hanggang ngayon, madami pa ring tanong sa kanyang isip na nangangailangan ng sagot. Sa isang biglang nagkaroon ng puwang sa kanyang puso ang bagay na laging sinasabi sa kanya ni Herlene. “Hindi lahat ng politiko ay masama,” ani Sinister, nasabi niya ang salitang dapat ay sa sarili niya lang. Tila naiintindihan na niya kung bakit ito nagawa ng kaibigan niya sa kanya. Hindi tumutol si Owen sa bagay na huli niyang sinabi, dahil may parte rin naman sa kanya na naniniwalang darating ang araw na may isang taong lilitaw sa mundo at pamumunuan ito ng maayos at malinis. Isang tao na magpapakita ng pag-asa sa mga tao para sa tunay na pag-unlad. “Tama ka, hindi lahat ng politoko ay masama…” ulit ni Owen. Bago ituloy ang kanyang sinasabi ay tumayo ito at lumantad sa gitna ng bulwagan. Pinanood lang siya ni Sinister sa kanyang balak gawin, Hinarap ng lalaki si Zeldris na hanggang ngayon ay nasa itaas na bahagi ng bahay. Humarap siya kahit pa nakapaligid ang mga tauhan nito. Diretso ang naging tingin niya sa mayor, saka niya itinuloy ang kanyang sinasabi. “…pero hindi ako naniniwala na kasama ka sa mga politikong hindi gagawa ng masama. Tigilan mo ang paglason sa isip ni Sinister para lang makuha ang gusto mo, nasa tamang grupo siya at hindi mo iyon kailanman maiaalis sa kanya!” aniya, saka buong tapang na itinutok ang baril sa kaharap na mayor.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD