Chapter 63

1766 Words
CHAPTER 63: Noon pa man ay sarado na ang tainga at pikit na ang mata ni Shaika sa kasong kinasangkutan ni Camille. Wala siyang pakialam kung ginamit man ang dalaga upang makuha ng kahit na sino ang kanyang gusto. Hindi ito dahil sa galit siya sa sekretarya ng mayor, nagpasiya siyang huwag mangialam dahil ayaw niyang masangkot sa gulo na wala naman siyang mapapala. Maaring iniligtas niya nga si Camille ng isang beses at sa puntong iyon ay nabigyan niya ng pagkakataon ang dalaga na makapagsalita muna ng kanyang mga nalalaman tungkol sa ilegal na negosyo ni Darwin. Ngunit hindi niya naman sinasadyang magawa iyon, nagkataon lang talaga na hinahanap niya si Camille nang araw na iyon at nakita niya ito sa ganoong sitwasyon kaya’t tinulungan na rin niya. Pinagsisihan niyang hindi niya nailigtas sa kamatayan ang dalaga, ngunit iyon ay dala lang ng awa. Galit siya sa politiko at sa mga taong sumasamantala sa kanilang hawak na kapangyarihan at kayamanan, ngunit hindi naman siya isang pulis para humuli ng mga taong may sala. Ang tanging kaya niya lang gawin ay patayin ang taong gumawa ng kasalanan at hindi ang hulihin ito. Kung hindi niya naman lubos na kilala ang mga taong gumawa nito sa kaawa-awang sekretarya, wala rin siyang magagawa dahil hindi niya naman trabaho ang mag-imbestiga. Kaya malinaw ang dahilan bakit ilag siya sa kaso ni Camille. Ngunit ngayong may kung sino ang nagpadala sa kanya ng isang mensaheng ni sa panaginip ay hindi niya inasahan, dinala na naman siya ng kuryosidad sa pag-iisip kung bakit hindi siya nilalayuan ng babaeng iyon kahit na patay na ito. Tila ipinapahiwatig ng taong nagpadala sa kanya ng mensahe na siya lang ang makakapagbigay ng katarungan sa pagkamatay ni Camille. “Besty, huwag mong sabihin talagang katitigasan mong huwag pansinin ‘yung message?!” hindi makapaniwalang tanong ni Herlene sa kanya. Lunch break, narito ang magkaibigan sa Cafeteria ng Munisipyo na ngayon lang nagawang bisitahin ni Shaikla. Naalala niya pa ‘yung unang beses na nakausap niya si Camille na hindi sila nauuwi sa away, bukod sa nagkaroon sila ng normal na pag-uusap ng araw na iyon ay inaya rin siya ng dalaga sa lugar na ito para tumambay lang. Ngunit naging madiin ang kanyang pagtanggi dahil sa pag-iisip na hindi niya ito dapat basta na lang pagkatiwalaan. Naningkit ang mata ni Shaika sa kaibigan. “Alam mo, iyan mismo ang dahilan kung bakit ayaw din kitang pumupunta sa bahay ko; napaka pakialamera mo! Ako ang pinadalhan ng message at hindi ikaw, kaya choice ko kung papansinin ko iyon o hindi. At sa madaling salita, pabayaan mo na ‘yon!” Alam ni Herlene na kapag sinabi ng kaibigan niya na ayaw niya ay ayaw niya na talaga. At sa tuwing may ganitong pagkakataon na inaayawan ng dalaga ang gusto niyang gawin nito ay umiisip kaagad siya ng paraan para mapapayag ito. Kagaya na lang ng ginawa niya para maging bodyguard siya ng mayor, gumawa siya ng mga paraan para madala ito sa kanyang gustong mangyari. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi niya alam kung paano niya ba ito makukumbinsi dahil mahirap talaga itong gawin para sa kanya. “Shai, alam mo naman kung gaano ko gustong magpa-good shot kay Zel, ‘diba? Kaya kung papayag kang makipagkita sa taong nag-message sa ‘yo at nalaman natin kung ano ang alam niya, chance ko na iyon para gumaan kahit kaunti ang loob niya sa akin. Alam kong gusto niyang mabigyan ng katarungan ang nangyari kay Camille at ito na ‘yun! Kaya sige na, pumayag ka na!” pilit ni Herlene. Irap ang unang naging sagot ng dalaga sa pagpupumilit ng kaibigan niya. Alam niya na hindi siya nito titigilan sa kakapilit sa bagay na iyon dahil nga siya ang may mapapala kung gagawin ni Shaika ang nasa mensahe. At ang totoo, kung si Herlene lang naman ang may mapapala ay wala namang kaso iyon sa kanya kahit ang lumabas ay maging tulay lang siya sa gusto ng kanyang kaibigan. Ang tanging pumipigil lang kasi sa kanya ay alam niyang bukod kay Herlene ay gusto rin ni Zeldris ang bagay na iyon—at ayaw niyang tulungan ang lalaking iyon. “Kung gusto mo talaga magpa-good shot sa kanya, kausapin mo na lang siya na hanapin kung sino ang taong nag-message sa akin. Huwag n’yo na lang akong idamay!” Inabala ni Shaika ang kanyang sarili sa pagkain dahil ayaw niya nang bigyan pa ng pansin kung ano man ang sunod na sasabihin ng kaibigan niya. Nagsasawa na siyang magpa-uto sa dalaga at sa huli ay siya lang ang nagsisisi na ginawa niya ang gusto nito. Dahil isa pang rason kung bakit ayaw niyang pagbigyan ang hiling nito ay dahil hindi niya pa nakakalimutan na ang pagsunod din sa request nitong siya ang gumawa ng misyon para kay Herlene ang naging mitsa bakit siya natawag na traydor sa Dark Knight ngayon. “Paanong hindi ka madadamay, sa ‘yo kaya nag-message! Saka isa pa, trabaho mo iyon bilang bodyguard niya!” Akmang sisigawan na sana ni Shaika ang kanyang kaibigan na tumigil na ito sa kakakulit nito sa kanya ngunit nagawa niya pang pigilin ang sarili dahil naisip niyang hindi lang sila ang tao rito sa Cafeteria. Sadyang hindi lang talaga ganoon kadaling patahimikin ang kaibigan niya na desperado nang makuha ang gusto. Malumanay na sumagot si Shaika, “Una sa lahat, sa akin lang siya nag-message pero hindi ko siya kilala kahit pa tinawag niya ako sa codename ko. Pangalawa, ilang ulit ko bang sasabihin na hindi nga ako pulis para sumama sa pag-iimbestiga na gusto n’yong gawin? Saka hindi ako ang pamilya ng namatay, kaaway niya pa nga ako, ‘diba?! At pangatlo, sabi mo nga ay bodyguard ang trabaho ko, hindi katulong o kung ano pa mang gusto mong itawag sa ipinapagawa mo sa akin!” paliwanag niya. Sandaling natahimik si Herlene sa mga bagay na sinabi sa kanya ng kaibigan. Hindi niya maitatanggi na tama naman lahat ng sinabi nito at naiintindihan niya rin naman kung bakit ayaw nitong kumilos na ayon sa gusto niya. Ngunit bukod kasi sa gustong maipakita ni Herlene kay Zeldris na gusto niyang makatulong upang bumalik ang kanilang dating samahan ay gusto niya talagang matulungan si Camille at ang pamilya nito na makuha ang hustisya para sa kanyang pagkamatay. “Sige, kung talagang hindi mo kayang tulungan ang best friend mo, okay lang,” ani Herlene saka iniwan si Shaika. Hindi na siya pinigil pa ng kaibigan niya, alam ng dalaga kung gaano kadrama at kaarte si Herlene. Tiyak niyang maya-maya lang ay papansinin din siya ulit nito o hindi kaya ay hindi niya matitiis ang hindi pansinin si Shaika dahil may bago siyang kailangan sa kaibigan niya. Kaya walang rason si Shaika na isipin kung galit ba ang dalaga o hindi. Isang tao lang naman ang pupuntahan ni Herlene: si Zeldris. Alam niya na hindi niya magagawang pilitin si Shaika na siya lang ang kumakausap dito kaya hihingin niya ang tulong ng binata para makumbinsi ito sa gusto niyang mangyari. Maaring may sama ito ng loob sa kanya at kitang-kita niya naman iyon, gusto man niyang pag-usapan muna nilang dalawa ang tungkol sa inamin niya ngunit alam din naman niyang wala pa itong oras sa ganoong bagay. Kaya para magawa niya na iyon, kailangan matuldukan muna ang kaso ni Camille. At sa puntong ito, tiyak niyang gusto rin iyon mangyari ng binata. Nakikita niya naman kay Shaika na gusto rin nitong tumulong sa kaso, dahil alam niya na nalulungkot din ito sa nangyari kay Camille lalo na’t pinatay ito sa isang walang kwentang rason. Galit si Shaika sa politiko, pero mas galit siya sa mga taong kagaya ng pumatay sa dalaga. Ang kailangan lang gawin ni Herlene ay isang tao na magpapalinaw ng isip ni Shaika upang magbago ang kanyang isip at minsan nang nagawa ni Zeldris iyon sa kanya. Habang palapit sa opisina ni Zeldris ay unti-unti nang bumibilis ang kabog ng dibdib ni Herlene. Hindi niya maiwasang hindi isipin kung ano ba ang magiging trato ng binata sa kanya ngayong isa na siyang sekretarya nito pagkatapos pa ng nangyaring panenermon nito sa kanya kaninang umaga. Ayos lang naman sa kanya na ituring siya nitong isa lamang sekretarya kung oras ng trabaho, ang ayaw niya lang naman maranasan ay ang manlamig ito pagkatapos ng kanyang inamin. Nang makarating sa pinto ng opisina ni Zeldris ay bumuga muna siya ng malakas na tila ba inilabas niya rito ang kanyang kaba. Bago kumatok ay gumala muna ang kanyang mata, napansin niyang wala pa halos tao sa paligid at ang iilang empleyado pa lang ang nasa kanilang pwesto; tulog pa nga ang iba. Sa pagbalik ng kanyang tingin sa pinto ng opisina ay saka niya napansin na hindi ito nakasara at bahagya pa itong nakaawang. Hindi niya ugaling makinig sa pag-uusap ng ibang tao na tipong harap-harap niya itong pakikinggan ng akwal. Ngunit hindi niya maintindihan kung ano ang tumutulak sa kanya na ilapit ang kanyang tainga sa awang ng pinto upang pakinggan kung ano man ang nangyayaring ingay sa loob. Lalong bumilis ang kabog ng kanyang dibdib nang tuluyang niyang maipwesto ang kanyang sarili para makinig. “—iyon lang muna ang gusto kong gawin sa ngayon. Ayoko siyang mawala sa akin bilang kaibigan, pero hindi ko rin kayang kalimutan ang ginawa niya sa aking pagsisinungaling at pagpatay sa kapatid ko! Buong buhay ko na nakilala ko siya, akala ko iba siya sa lahat… at alam mo ba kung ano ang mas masakit? Minahal ko siya, Rafael. Minahal ko ‘yung babaeng pumatay at sumira sa buhay ko! Pinagmukha niya akong tanga!” Nang marinig niya ang sinabing iyon ni Zeldris sa kung sino mang kausap nito, tila nawala ulit ang lakas ng loob niya na harapin ang binata. Sa buong buhay niya, iyon na yata ang pinakamasakit na salitang narinig niya. Hindi niya kilala magalit ang binata, ngunit sinabi nito ay isa ng magandang halimbawa na hindi na sila maibabalik sa dati nilang samahan. Tumakbo palayo si Herlene sa opisina ng mayor, hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa. Ngunit habang tumatakbo ay walang sawa ang kanyang luha sa pagtulo sa kanyang pisngi at wala rin naman siyang balak na pigilan iyon… alam niya na dapat niya lang iiyak ang kanyang nararamdaman. Habang palayo siya nang palayo… isang tanong na lamang ang namuo sa kanyang isipan… “Mali bang inamin ko ang totoo sa kanya kaya ako nasasaktan ng ganito? Tama lang ba na nanatili na lang akong ibang tao sa paningin niya?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD