Chapter 62

1777 Words
CHAPTER 62: Hindi rin naman natiis ni Zeldris ang kaibigan, matapos niya itong kausapin nang ganoon ay maayos niya naman itong ipinakilala sa ibang empleyado bilang kapalit nga ng nasira niyang sekretarya. Kalmado na ang kanyang boses habang nagsasalita siya, naniniwala si Herlene na nakapagsalita lang ang binata ng ganoon dahil hindi pa ito tuluyang nakakalimot sa nangyari sa kanyang sekretarya. Maaring hindi man niya alam kung gaano kahalaga si Camille para kay Zeldris… iginagalang niya naman kung ano ang pinagdadaanan ng binata. Minsan na itong nawalan ng mahal sa buhay, at ang maulit ang parehong sakit na iyon na wala siyang nagawa upang iligtas ito ay tiyak niyang mas higit na masakit. Kaya kahit nakakaramdam siya ng selos ay hindi niya na lang pinapansin bilang paggalang na lang din sa namatay. Malaki ang pagsisisi ni Herlene na huli na niya nalaman na may nararamdaman din pala siya sa binata. Ngunit may rason din naman siya kung bakit hindi niya ito agad nakita, dahil nang mga panahon na naging malapit sila sa isa’t isa ay iyon din ang panahon na nagluluksa siya sa pagkamatay ng kanyang ama. Laging nariyan ang binata upang damayan siya sa bawat araw at gabi ng kanyang kalungkutan, at aminado siyang nakatulong ng malaki ang ginawa nitong pagdalaw sa kanya para mabilis niyang makalimutan ang sakit ng nangyari. Kahit sinabi niya na sa binata na maayos na ang kanyang kalagayan at tanggap na niya ang nangyari ay hindi pa rin tumigil ang binata sa pagbisita sa kanya. Hindi pa siya mayor ng mga panahon na iyon kaya’t madami itong oras para bisitahin siya. Kaya lang, nang umamin ang binata ng totoong rason bakit hindi ito humihinto sa pagbisita sa kanya ay agad niya itong tinanggihan. Dahil nang mga panahon na iyon ay hindi pa siya handang magmahal… dahil nga ang nasa isip niya ay mahanap ang taong pumatay sa kanyang ama. Lalong naging imposible na maging sila nang malaman na ni Herlene kung sino ang taong pumatay sa kanyang ama. Noong una ay halos parang ayaw niyang gawin ang balak niya dahil nga sa ipinakitang kabaitan ni Zeldris sa kanya ng mga panahong kailangan niya ng karamay. Ngunit hindi niya naman kayang isantabi ng tuluyan ang isang kasalanan na nagawa ng kapatid ni Zeldris… at iyon na rin ang araw na nasabi niyang tama lang na hindi niya tinanggap ang binata upang hindi na siya makasakit pa ng husto. Ngunit may kakulitan si Zeldris, patuloy siyang lumapit kay Herlene. Handa na sanang tanggihan muli ng dalaga ang binata ngunit nilinaw nito na ang gagawin niyang patuloy na pagbisita sa kanya ay hindi dahil gusto niyang subukan ulit na manligaw… kundi para ituloy ang namuo nilang pagkakaibigan. Sa puntong iyon ay hinayaan na ni Herlene ang binata, kaya lalong lumalim ang kanilang samahan. Ngunit nang mga panahon na naging mayor na si Zeldris, naging abala na ito at hindi na siya halos madalaw ay doon niya lang nalaman na nagbaliktad na ang kanilang mundo. Nangungulila siya sa binata, halos maya’t maya ay tumitingin siya sa gate ng kanyang bahay kung nariyan na ba ang kaibigan niya. Ngunit kahit namuti na ang kanyang mata ay hindi na talaga ito nakadalaw. Naiintindihan naman ni Herlene ang binata sa lagay na iyon, at alam din naman niyang hindi nito obligasyon na laging makipagkita sa kanya dahil nga wala naman silang naging relasyon. Sadyang nasanay lang siya na hindi matatapos ang linggo ay dadalawin siya ni Zeldris. Iyon na ang naging simula ng minsan niyang pagdalaw sa binata sa Munisipyo para lang makita ang binata. Hindi niya pinigilan ang kanyang nararamdaman, itinuloy niya ang lihim niyang pagtingin sa binata dahil naniniwala pa rin siyang hindi pa rin nawawala ang nararamdaman nito para sa kanya. Sa isip niya, maaring wala lang talaga itong oras na umamin sa kanya dahil nga sobrang abala niya sa kanyang trabaho bilang alkalde ng kanilang bayan. Kaya maituturing ni Herlene na isang biyaya para sa kanya na kinuha siyang sekretarya nito kahit paano. Dahil mula ngayon, hindi niya na kailangang magtiis na isang beses lang halos sa isang buwan niya bisitahin ang binata para lang makita o makasama ito… dahil ngayon ay puwede niya na itong makasama at makausap ng araw-araw na hindi kailangan ng mahirap na dahilan. Matapos ipakilala ni Zeldris si Herlene ay may isang empleyado na binilinan ng mayor na maaring magturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin bilang sekretarya. Ayon sa binata ay madami itong alam sa trabaho ni Camille dahil ito ang minsang naiiwan sa trabaho ng dalaga kapag lumiban ito sa trabaho. Hindi naman naging mahirap para kay Herlene ang itinuro sa kanya ng babaeng empleyado na inutusan ni Zeldris. Ang tanging napuna lang naman niya sa trabahong ibinigay nito sa kanya ay kailangan ka lang laging matandain o hindi kaya ay aktibo sa bawat nangyayari sa paligid dahil kung hindi ay maari na naman siyang mapagalitan ng mayor. Seryoso si Herlene sa kanyang trabaho. Kung papanoorin nga siyang kumilos, tila hindi mo makikita sa kanya na siya si Viper na nanlilingkis muna ng biktima bago niya ito tuklawin. Dahil ang babaeng makikita mo ngayon ay tila isang normal lang na dalagang gustong kumita ng marangal para sa kanyang sarili. Isang babae na matagal na rin niyang pinarangarap na maging. Ngayong wala nang kinakatakutan si Herlene, wala na rin siyang rason para magtiis pa sa Dark Knight. Maaring pumalpak nga siya sa kanyang naging huling misyon, ngunit wala siyang pakialam doon dahil nga wala na rin naman siyang natitirang rason para lumaban pa… tapos na ang kanyang problema. Samakatuwid, itakwil man siya o tawaging traydor ng organisasyon ay wala na siyang pakialam dahil nga mas gusto na niyang kasama sina Zeldris at Shaika. Matapos ang naging pagpapakilala sa kanya at matapos din na maituro ang mga dapat niyang malaman sa trabaho ay wala nang naging problema pa si Herlene. Mabilis niyang naintindihan kung ano ang mga kailangan niyang gawin at masigasig talaga niyang tinandaan at inilista ang lahat ng ibinilin sa kanya ng babaeng nagturo sa kanya sa takot na baka mapagalitan na naman siya ng ganoon. Hanggang sa dumating ang lunch break at doon lang napansin ng dalaga na madami na pala siyang nagawa. Kasama na sa bagay na iyon ay ang patg-aayos ng kanyang mga gamit upang palitan ang mga gamit ni Camille. Habang nagliligpit siya ay hindi niya maiwasang hindi malungkot na siya pa mismo ang nag-alis ng mga gamit ng dalagang nakaranas ng pang-aabuso. “Viper, tara kain!” aya ni Shaika sa kaibigan. Halos nakalimutan na ni Herlene na kasama niya nga pala sa trabaho ang best friend niya. Halos hindi niya rin pala namalayan na sa sobrang tutok niya sa kanyang ginagawa ay hindi niya na napansin kung ano na ang ginawa ng kaibigan niya nang mga oras na iyon. Tinawag man siya nito sa kanyang codename ay hindi nagawang magalit ni Herlene, nginitian lang niya nag kausap. “Huwag mo nga akong tawaging ganyan dito! Herlene na lang ang itawag mo sa akin!” aniya, sinaway man niya ang kaibigan ay nasa tono pa rin niya ang saya. Agad na nagtaka si Shaika sa inasta ng dalaga. Wala siyang ideya sa ginawa nito mula nang pormal siyang ipakilala ni Zeldris sa harap ng ibang empleyado bilang bagong sekretarya. Dahil nang matapos ang tagpong iyon ay agad siyang inaya ng mayor para sa kanyang meeting. Tumagal ng dalawang oras ang meeting na iyon at may iba pang pinuntahan ang binata na kailangan niyang samahan kaya ganitong oras na sila nakabalik ng Munisipyo. “Wow, bago yan, ah? Sinasaway mo ako sa tawag ko sa ‘yo pero hindi ka nagsusungit, nakangiti ka pa! Anong meron?” tanong ni Shaika sa kanya. Mabilis na napaiwas ng tingin si Herlene sa kanya dahil nahihiya siya sa kaibigan sa naging asta niya. Naging matandain siya sa mga bilin sa kanya ng katrabaho at tagaturo sa mga kailangan niyang gawin, ngunit nakalimot naman siya sa kanyang mga naging kaugalian kasama na ang sinabi ng kaibigan niya. At ayaw niyang may kakaiba pang bagay sa kanya na mapansin ni Shaika. Itinuloy ni Herlene ang naiwang ginagawa bago dumating ang kaibigan. “W-wala! Masaya lang ako kasi magaan ang trabaho at mabait ang mga tao rito,” sandali siyang nahinto at saka tumingin sa kaibigan. “At higit sa lahat, nagawa ko na ‘yung dati ko pa gustong gawin na maging isang normal lang na tao gaya ng iba.” Agad na natikom ang bibig ni Shaika sa narinig na huling sinabi ng kaibigan. Hindi niya maiwasang hindi mainggit sa kaibigan niya dahil tila natutuwa ito sa kanyang bagong ginagawa ngayon, at hindi niya itatanggi na minsan din niyang pinagnarap na mamuhay ng normal kagaya ng sinabi nito. Ngunit sa paglipas ng panahon ay kinalimutan niya na iyon dahil sa pag-aakalang hindi iyon mangyayari. “Pero mag-iingat ka pa rin, Viper. Hindi mo alam ang iniisip ng mga narito, hindi mo sila kilala. Malay mo ba kung iniisipan ka na rin ng masama at matulad ka pa sa sinapit ni Camille? Huwag kang magpakampante, ilang beses ko na sinabi sa ‘yong huwag kang magtiwala nang lubos sa mayor na ‘yon!” paalala niya na lang. Buntong hininga ang isinagot na una ni Herlene sa kanya. Hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi dahil alam niya naman na inaalala lang siya ng kaibigan niya dahil nga narito na rin siya sa lugar na itinuring niyang pugad ng kanyang kaaway. Hindi niya masisisi si Shaika na ganoon pa rin ang kanyang isipin kahit pa madami nang nagawang patunay si Zeldris na hindi siya masamang politiko kagaya ng iniisip ng kaibigan niya. Dahil kung titingnan naman talaga ang nangyari kay Camille, isang nakakabahalang pangyayari nga iyon. “Oo na ho manang Shaika! Saka uulitin ko lang ho, huwag mo na akong tawaging ganyan dito! Alam kong inamin ko kay Zel ang tungkol sa totoo kong pagkatao, pero ayoko naman na sa ‘yo pa mismo malaman ng mga empleyado rito ang tungkol doon. Gusto kong maging normal lang ang buhay ko, Shai. Hayaan mo na lang ako, please?” Napairap na lang si Shaika dahil sa ginagawang pagpapaawa ng kaibigan niya sa kanya para lang gawin niya ang gusto nitong mangyari. “Oo na nga, sige na—” Hindi niya kaagad nagawang sagutin ang kausap dahil sa biglang pagtunog ng kanyang telepono na hindi nangyayari sa tuwing kasama niya si Herlene, dahil ito lang naman ang madalas na kumilit sa kanya sa telepono gamit ang text. From: Unknown Number Sinister, magkita tayo. May kailangan kang malaman tungkol sa pagkamatay ng sekretarya na si Camille Sanchez.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD