Chapter 61

1777 Words
CHAPTER 61: Halos buong magdamag inisip ni Herlene kung tamang desisyon ba talaga ang kanyang ginawang pagtanggap sa alok ni Zeldris sa kanya bilang bago nitong secretary. Hindi niya magawang makuntento sa naging pag-uusap nila noong umagang magpunta siya sa opisina nito dahil nga si Camille ang nasa isip ng binata. Kaya pakiramdam niya, tila wala ring saysay ang pagtanggap niya sa posisyon iyon… tila ba, ibinigay lang iyon sa kanya na hindi manlang pinag-iisipan ng binata dahil nga sa siya ang una nitong nakita. Mula nang umalis si Zeldris noong umagang iyon ay hindi na ito nakita ni Herlene maghapon, bilang isang sekretary ay dapat siya mismo ang nakakaalam kung saan nagpunta ang mayor o kung sino ang mga kasama niya at kung ano ang gagawin niya sa lugar na iyon. Pero isa man sa mga iyon ay hindi niya alam, maging ang dapat niyang gawin sa trabaho ay hindi niya rin alam. Kaya ilang oras lang din ang itinagal niya sa Munsipyo at napagpasyahan na lang niyang umuwi na lang din bago dumating ang lunch break, dahil para talaga siyang estatwa r’on at hindi naman siya kagaya ni Shaika na nakakatagal tumunganga r’on na walang ginagawa. Nang makauwi naman ay sinubukan niyang tawagan ang mayor, ngunit walang sumasagot sa kabilang linya. Hanggang sa magdilim ay sinusubukan niya pa ring tawagan si Zeldris para muling makausap, ngunit bigo pa rin siya sa kanyang balak. Kay Shaika na lang niya nalaman na hindi na ito tuluyang pumasok dahil siya mismo ang nag-asikaso sa kanyang namatay na sekretarya hanggang sa madala ito sa kanilang bahay. Ayon pa sa kanyang kaibigan ay iyon din ang nakarating na balita sa ibang empleyado ng Munisipyo na hindi na naman nagustuhan ni Shaika dahil nga natuwa ang mga ito at sa tingin niya ay isa lang namang pakitang tao ang ginawa ng binata. Ang balitang iyon ang nagbigay kay Herlene na matulog na at ipagpabukas na lang ang pagkausap kay Zeldris. Nabanggit ng kaibigan niya na makakapasok na ngayong araw si Zeldris dahil tapos na siyang asikasuhin ang lahat ng dapat lakarin tungkol kay Camille. Kaya kahit walang kasiguraduhan ang mga sagot sa isip ni Herlene ay nagpasya pa rin siyang bumalik sa Munisipyo upang kahit paano ay makausap niya muli ang binata. Kahit ayaw ni Shaika sa kanyang trabaho lalo na kay Zeldris, siya pa rin ang pinakamaaga pumasok na bodyguard ng mayor. Personal bodyguard nga siya ngunit kahit kailan naman ay hindi niya piniling umuwi sa parehong bahay na inuuwian ng amo niya, katuwiran nito ay madami na ang bodyguard ng mayor at hindi na siya kailangan pa roon. Pero ang totoo ay ayaw niya lang talaga makasama pa ng matagal ang mayor. Dahil sa pagpasok ng maaga, alam din ni Shaika kung anong oras pumapasok si Camille bilang sekretarya. Kasama na rito ay alam din niya kung anong oras pumapasok si Zeldris. Ayon pa sa kanyang kaibigan ay mas nauunang pumasok si Camille kaysa sa kanyang amo dahil nga sekretarya ito, napapansin umano ni Shaika na inihahanda na nito ang mga papel na kailangang pirmahan o basahin ng mayor bago pa ito makarating sa kanyang opisina. Kaya bilang panimula, gusto iyong gawin ni Herlene. Kagaya ng inaasahan, si Shaika pa lang ang naabutan ni Herlene sa opisina. Mabilis siyang binati ng kaibigan na agad nakaupo sa parehong couch kung saan niya ito nakausap kahapon. Maganda ang bati sa kanya ng kaibigan niya, ngunit kahit anong pilit niya ay hindi niya ito mabait nang masigla. Iniisip niya na lang na mawawala rin ito kapag nabigyan na ng linaw ang kanilang pag-uusap ni Zeldris. “Sumobra naman ang aga mo, hindi naman ganito kaaga kung pumasok si Camille,” ani Shaika. Naupo si Herlene sa tabi ng kanyang kaibigan dahil gaya nga ng sinabi nito ay maaga siya masyado, ibig sabihin ay wala pa siyang dapat gawin—at wala naman talaga dahil hindi pa naman siya tinuturuan sa kung ano ang dapat niyang gawin. Gustuhin man niyang itanong kay Shaika ang bagay na iyon ay tiyak niyang hindi rin iyon masasabi ng kaibigan niya dahil nga wala naman itong alam sa trabaho ng isang sekretarya; idagdag pa riyan ang katotohanan na hindi naman sila malapit ng dating sekretarya. “Wala rin naman akong gagawin sa bahay, ayos na rin ito,” sagot niya na lang. Madami silang napag-usapang dalawa, sanay naman sila sa ganitong kwentuhan lang kapag nagkikita dahil dati na nila itong ginagawa. At sa totoo lang ay nahinto lang naman sila noong magsimula ang problema ni Shaika sa naging huling misyon niya at nasabayan pa ng madami pang pangyayari. Kaya aminado ang dalawa na na-miss nilang gawin ang ganitong kwentuhan na tipong hindi nila namamalayan ang oras dahil sa dami na ng napag-usapan nila. Hanggang sa napansin na lang nila ang unti-unting pagdating ng mga empleyado. Kumunot ang noo ni Herlene dahil walang pumansin sa kanila, maging kay Shaika na dati nang nagtatrabaho rito ay hindi manlang binati ng mga bagong dating. Ang akala kasi ni Herlene, kagaya sa ibang mga opisina ay nagpapalitan ng bati ang mga nagtatrabaho rito. Ngunit nang marinig niya na magbatian ang dalawa sa babaeng halos hindi naman nagkaiba ang oras ng dating ay doon napansin ni Herlene na iba nga ang trato ng mga ito kay Shaika. Hindi niya iyon inasahan, akala niya kasi ay normal na ang walang batian dahil nga hindi niya iyon nasaksihan kahapon nang dumating siya. Hindi niya rin naman maintindihan sa kaibigan nito kung bakit mas gusto ng kaibigan niyang maupo lang dito sa couch na ito gayong ang ibang bodyguard naman ay nagbabantay sa paligid ng munisipyo at tila may ginagawa. Hindi niya maiwasang hindi ma-guilty dahil nararansan ito ng kaibigan niya… ang makaramdam na tila hindi siya kasali rito. Patuloy lang sila sa kwentuhan at patuloy lang si Shaika sa pagsasalita at hindi pinapansin ang mga ibang empleyado na unti-unti nang dumadami. Habang nakikita ni Herlene ang saya sa mata ng kanyang kaibigan habang nagsasalita ay naisip niya na maaring ngayon lang ito nagkaroon ng kausap sa opisinang ito, dahil kahit si Camille na malapit ang mesa kung saan siya nakaupo ay hindi naman siya pinapansin. Hindi man sabihin ng dalaga, nakikita ni Herlene na kakaiba si Shaika kumpara sa mga ibang empleyado rito. Alam ng lahat ang totoo niyang pagkatao, kaya tiyak niya na kung hindi man takot ang mga narito ay ayaw din nila sa kanya dahil nga sa dumi ng kanyang trabaho. Maswerte na lang din si Shaika na kahit alam ng mga ito ang tungkol sa kanyang pagkatao ay walang nagtuturo sa kanya sa pulis; maharil ay wala naman silang sapat na ebidensya at hindi rin naman nila alam kung sino ang mga politikong napatay nito. Kung sakali mang alam ng mga ito ang tungkol sa ginawa ni Shaika na tangkang pagpatay kay Zeldris ay hindi rin naman nila iyon puwedeng isumbong dahil buhay, malakas, at walang kahit na anong sugat ang mayor matapos ang nangyari. idagdag pa na siya mismo ang kumuha kay Shaika na magtrabaho para sa kanya. “Sekretarya ang trabaho mo rito, hindi taong makakausap ng bodyguard ko kapag wala siyang ginagawa. Nasaan na ang mga papel na dapat kong pirmahan at ano ang schedule ko ngayong araw?” Agad-agad na napatayo si Herlene sa gulat nang marinig niya bigla ang boses ni Zeldris sa kanyang likuran. Hindi niya naramdaman ang pagdating ng mayor dahil abala siya sa pakikinig sa mga sinasabi ng kaibigan niya, maging sa pag-iisip ng maaring naging buhay ni Shaika rito sa Munisipyo mula ng maging bodyguard siya ng mayor. “P-pasensya na, Zel. Hindi ko kasi alam kung saan ako magsisimula sa trabaho kasi hindi mo naman nilinaw iyon sa akin kahapon—” “Isa akong mayor, Herlene. Siguro naman ay dapat mo akong galangin kung alam mong may ibang nakakarinig lalo na at empleyado rin dito, ‘diba? At tungkol naman sa trabaho bilang sekretarya, sa tingin mo ba talaga ay ako pa ang magsasabi sa ‘yo kung ano ang dapat mong gawin? Huwag mo ring ikatuwiran sa akin na dahil wala na si Camille ay walang magtuturo sa ‘yo. Sa tingin ko sa ‘yo ay kanina ka pa narito, ang dami na rin tao rito bukod sa inyong dalawa ng kausap mo. Hindi mo manlang ba naisip na magtanong isa man sa kanila kung ano ang dapat mong gawin?” Agad nakaramdam ng kahihiyan si Herlene nang pagalitan siya ni Zeldris sa harap ng ibang empleyado. Hindi niya man maintindihan ay rinig niya ang bulungan ang iba sa kanila, marahil ay walang nakakaalam na siya na ang bagong sekretarya ng mayor kaya wala ring nakaisip na magboluntaryong magturo sa kanya ng dapat gawin. Idagdag pa riyan na si Shaika ang kausap niya, tiyak na maiilang talaga silang kausapin siya. At ang mas masakit pa r’on, tiyak na nahusgahan na siya ng mga ito. “Ano naman kung tawagin ka niya sa pangalan mo? Hindi ba’t ganoon din naman ang tawag ko sa ‘yo, Zeldris? Saka kaibigan mo si Herlene, bakit mo siya ipinapahiya sa harap ng mga tao rito?” singit ni Shaika. Hindi lumingon si Herlene sa kanyang kaibigan, pero sa isip niya ay natutuwa siya kahit paano na nagawa siyang ipagtanggol nito. Dahil kung wala si Shaika rito, baka kanina niya pa naisip na magpalamon na lang sa lupa dahil sa sobrang hiya sa ginawa niya sa unang araw niya sa trabaho. Hinarap ni Zeldris si Shaika saka ito sumagot. “Alam na ng lahat dito na isa kang bastos at hindi marunong rumespeto, kaya hindi ko na sasayangin ang laway ko para pagsabihan ka dahil dati ko na iyon ginawa at wala namang nagbago r’on. Pero si Herlene, dahil nga kaibigan ko siya mataas ang expectations ko na malayo siya sa ‘yo dahil magkaiba kayo sa madaming aspeto. Tapos ganito ang aabutan ko? At pa malinaw lang din sa ‘yo, hindi ko siya ipinapahiya; sinasabi ko lang ang dapat niyang gawin.” Gustong magsalita ni Herlene para humingi muli ng tawad sa binata. Gusto niya ring sabihan si Shaika na huwag nang umimik pa dahil lalo lang hahaba kung hindi siya titigil. Ngunit alin man sa dalawang iyon ay hindi na niya nagawa dahil matapos magsalita ni Zeldris ay pumasok na siya sa kanyang opisina kasunod ang dalawa sa kanyang bodyguard. Nang mag-angat siya ng tingin ay tuluyan nang nakapasok sa loob ang kanyang kaibigan. Habang pinipigilan niya ang sarili na maiyak sa nangyari, isang bagay lang ang pumasok sa kanyang isipan… “Ito na marahil ang parusa niya sa nagawa kong kasalanan sa kanya at sa kapatid niya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD