Chapter 60

1765 Words
CHAPTER 60: Hindi alam ni Herlene kung saan niya nahugot ang lakas ng loob para sadyain ang kaibigan niyang mayor sa opisina nito at aminin ang buong katotohanan. Sa oras na mabigyan siya ng permiso ni Zeldris na sabihin kung ano kailangan niya ay hindi na siya nag-aksaya pa ng oras, dire-diretso na niyang inamin ang matagal na niyang tinatago sa binata. Ang unang bagay na inasahan niyang maging reaskyon ng binata ay gulat o galit. Mula kanina pang umaga ay kinukumbinsi niya ang kanyang sarili na walang alam ang kaibigan niya na isa siyang assassin… na hindi rin nito alam na siya mismo ang pumatay sa kuya nito. Pero iba sa inaasahan niya ang naging sagot at reaskyon ni Zeldris. “Herlene, kaya mo bang maging isang secretary ko?” tanong nito. Agad na kumunot ang noo ng dalaga, blangko lang ang mukha ng binata ngunit diretso ang tingin nito sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit wala itong ipinakitang kahit na anong reaskyon sa sinabi niya; tila sa isang iglap, matapos niyang itago ng matagal na panahon ang sikretong iyon, wala naman pala siya dapat ipangamba… sa mata niya ay walang pakialam si Zeldris sa sinabi niya. Dala ng gulat, ilang segundo muna ang lumipas bago sumagot si Herlene sa kanya. “H-huh? Secretary? P-puwede naman, kaya ko naman iyon… kasi sa tingin ko ay isa na rin akong traydor sa Dark Knight pagkatapos ng kapalpakan ko sa huli kong misyon at iniligtas pa ako nina Shaika. Hindi na rin ako makakapasok sa Dark Hotel kagaya ng dati. Ayos lang din iyon dahil nasabi ko na rin naman sa ‘yo ang sikreto ko. Pero teka lang… bakit, hindi ba’t may secretary ka na?” usisa niya. Dismayado man si Herlene na hindi manlang pinansin ni Zeldris ang ginawa niyang pag-amin ay isinatabi niya na lang muna iyon. Kung hindi pa man mababanggit ang tungkol sa secretary na iyon ay hindi niya pa mapapansin na tila may hindi nga tama sa kaibigan niya, naabutan niya iton tahimik at tila matamlay. At ngayon ay mukhang alam na niyang kung bakit… may kinalaman ito sa babaeng sekretarya niya. Napayuko si Zeldris nang marinig niya ang tanong ng kanyang kaharap, tila hindi niya pa rin matanggap na sasabihin niya ang bagay na ito… “Wala na siya, Herlene. P-pinatay siya.” Napaawang na lang ang bibig niya nang marinig ang masamang balitang iyon. Naalala niya ang babaeng sekretarya ni Zeldris, ayon kay Shaika ay Camille ang pangalan nito at ilang beses nang inirelakmo ng kaibigan niya ang babaeng iyon na kesyo hindi niya ito kasundo at wala itong ginawa kundi ang asarin siya sa oras ng kanyang trabaho dahil sa pangingialam nito sa kanya. Hanggang sa kamakailan lang ay naikwento rin ni Shaika ang kwento sa likod ng maling gawain ng dalaga. Sa kwentong iyon ay nabanggit ng dalaga na natapos na rin ang problema nito dahil sa pagkakahuli ng kaibigan niya sa bodyguard ni Zeldris na pasimuno ng katiwalian. Napatay ni Shaika ang lalaki at nakatakas si Camille, nagawa rin nitong masabi sa pulis ang buong katotohanan. At dahil sa nangyari, humingi ng payo si Shaika sa kanya na kung ano ang mainam niyang gawin tungkol sa bagay na iyon… kung dapat ba niyang tulungan si Zeldris na kilalanin pa ang ibang maaring kasabwat ng bodyguard na iyon nang sa ganoon ay tuluyan nang matuludukan ang nasabing katiwalian. Pero wala ni isa sa kanila na nakaisip ng kalagayan ni Camille… na dahil sa ginawa niyang pagsumbong ay lalo pa siyang napahamak. “S-sorry, Zel. Kung kailangan mo ang tulong ko, puwede naman akong pumalit—” “Salamat, puwede ka na magsimula ngayon.” Nang matapos sabihin ni Zeldris ang bagay na iyon ay tumayo na lang ito nang walang pasabi kung saan siya pupunta. Ni hindi nga inasahan ng dalaga na sasabayan siya nito sa kanyang pagsasalita. Hanggang sa pinanood niya na lang ang binata na tuluyang lumabas ng kanyang opisina. Nang makaalis ito ay agad niyang tinanong ang kanyang sarili kung ano ang sisimulan niya bilang isang sekretarya dahil nga wala namang ibinilin sa kanya ang mayor bago ito umalis, kaya kasunod ng binata ay lumabas na lang din siya. Maswerte siyang makita si Shaika na nakaupo sa isang couch. Nilapitan niya ang dalaga at pilit siyang ngumiti. “Hello!” bati niya. Isang kunot sa noo ang unang naging reaskyon ni Shaika sa paglapit ng kaibigan niya. Alam niya naman na pupunta ito sa opisina ni Zeldris ngayong araw dahil nga may naging usapan sila kagabi tungkol sa problema ng dalaga… at iyon na nga ay ang tapusin na niya ang lahat sa pamamagitan ng pag-amin kay Zeldris ng buong katotohanan. “Tapos na ba kayong mag-usap? Anong sabi? Saan pupunta iyon?” sunod-sunod na tanong ni Shaika sa kanya. Naupo muna si Herlene sa tabi ng kanyang kaibigan. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong ng kaibigan niya dahil siya mismo ay hindi maintindihan ang nangyari. “Umalis na ang amo mo pero hindi ka sumunod? Kakaiba ka talagang bodyguard,” ani Herlene, gusto niyang subukan kung kaya ba niyang ibahin ang usapan. Ngunit hindi si Shaika ang uri ng tao na kaya niyang lokohin, sa tono pa lang ng kanyang boses ay halata na agad ng dalaga na may hindi magandang nangyari sa pagitan ng kanyang pakikipag-usap kay Zeldris. Inasahan niya naman na ang bagay na iyon dahil sino ba ang hindi magagalit kung ganoong balita ang malalaman mo? Pero sa totoo lang, inakala niyang ibang bagay ang dahilan bakit lumabas ng opisina ang mayor. “Hindi ko siya amo, at wala akong pakialam kahit sa impyerno pa siya magpunta. Kung galit siya sa ‘yo, pabayaan mo siya dahil mawawala rin ‘yan. Ang isipin mo na lang, tapos na ang problema mo at wala ka nang aalalahanin pa!” sabi na lang ni Shaika. Ngumiti si Herlene sa kanya. Alam ng dalaga na sinusubukan lang ng kaibigan niya na pagaanin ang loob niya dahil sa nangyari, pero ang hindi niya kasi matanggap ay hindi niya alam kung ano ang iniisip ng binata tungkol sa kanya. Sandali lang ang kanilang naging pag-uusap at tila wala pa ito sa kanyang sarili, kaya hindi niya alam kung talaga bang alam na nito ang totoo o sadyang wala lang itong pakialam sa sinabi niya dahil nga may ibang laman ang kanyang isip. “Alam mo na ba ang nangyari sa secretary niya?” Si Shaika naman ang natigilan nang marinig niya ang tungkol kay Camille. Hindi niya inasahan na darating pala ang araw na pagsisisihan niyang hindi siya nakipag-ayos sa babaeng iyon, sa isip niya ay tila ilang pagkakataon ang sinayang niya para magawa iyon at tuluyan nang huli ang lahat ngayon. Nakakalungkot isipin na isang babae na naman ang naging biktima ng pananamantala ng mga taong nang-aabuso sa kanilang hawak na kapangyarihan. Umiwas siya ng tingin kay Herlene, tumango rin siya at sinabing, “Sabay-sabay naming nalaman ang totoo bago ka dumating. Iyon din ang dahilan bakit lumabas ng opisina si Zeldris, hinarap ka lang talaga niya pero ang totoo ay nakagayak na talaga siya para puntahan si Camille. Sorry, ha… palagay ko ay wrong timing ang punta mo.” Lalong nakaramdam ng lungkot si Herlene dahil sa kanyang narinig. Ngunit sa kabilang banda ay nagpapasalamat na lang siya na narinig niya ang totoong nangyari, kahit paano ay naintindihan na niya ang naging reaskyon ni Zeldris sa kanya. Alam niya kung paano magpahalaga ng kasama si Zeldris, at kitang-kita niya kung gaano kasakit sa binata ang sinapit ng kanyang sekretarya dahil nakita niya na rin ito noong namatay naman ang kuya niya. “Ayos lang, puwede pa naman kaming mag-usap sa mga susunod na araw dahil inalok niya akong maging secretary niya.” Isang nakakagulat na balita na naman ang sumalubong kay Shaika. Gusto niyang matuwa dahil sa wakas ay may iisang tao na sa opisinang ito ang makakasundo niya at isang magandang dahilan iyon para magustuhan na niya ang kanyang trabaho. Ngunit sa tuwing sasagi sa isip niya na nakuha lang naman ni Herlene ang posisyon na iyon dahil sa pagkamatay ni Camille, hindi niya na magawang maging masaya. “Mabuti naman, may katabi na ako sa upuang ito at may makakausap na ako,” ani Shaika. Hindi niya itatago na nanghihinayang siya sa mga nangyari. Nasa kamay na niya ang kaligtasan ni Camille ngunit masyado siya nagpadala sa inis niya sa dalaga dahilan para mabalewala niya ang kalagayan nito. Naiinis siya sa kanyang sarili dahil pakiramdam niya ay hinayaan niya na namang makagawa ng kasamaan ang mga taong madudungis ang kamay sa mismong harapan niya. “Besty, sa tingin mo ba dapat ko talagang tanggapin ‘yung offer?” Naiintindihan ni Shaika ang lungkot sa mata ng kanyang kaibigan. Tila wala sa kanilang dalawa ang magawang maging masaya dahil agad silang siningil sa magandang balita. Oo nga’t tapos na ang problema ni Herlene sa mga taong maaring maglaglag sa kanya kay Zeldris, hindi na niya kailangan pang labanan ang Vice Governor at ang kanyang sindikato dahil sa ibang solusyon na naisip niya. Habang iniisip ni Shaika ang magandang sagot sa tanong ng kaibigan niya, hindi rin maiwasan ni Herlene na itanong sa kanyang sarili ang isang bagay: “Ano na ang gagawin ko ngayong tapos na ang lahat?” “Oo naman, hindi ba’t crush mo si—” Mabilis na tinakpan ni Herlene ang bibig ng kanyang kaibigan dahil sa sinasabi nito, walang ibang nakakaalam ng bagay na iyon at hindi niya gustong mabulgar iyon sa lugar kung saan maraming nakakakilala ng personal kay Zeldris. Matagal na niyang nabanggit sa best friend niya ang tungkol sa nararamdaman niya para kay Zeldris, ngunit sa dami ng nangyayari nitong mga nakaraan ay ngayon lang sila nangkaroon ng pagkakataon na muling pag-usapan iyon. “Tumigil ka nga! Baka may ibang makarinig sa ‘yo!” ani Herlene, pabulong niya lang itong kinausap at unti-unti niyang inalis ang kamay niyang nakatakip sa bibig ng kaibigan niya. Hindi naman intensyon ni Shaika na ibulgar ang natitirang sikreto ni Herlene kay Zeldris. Sadyanrg nahalata niya lang ang lungkot sa mukha ng dalaga at ito lang ang tanging ideya na pumasok sa isip niya para kahit paano ay mapagaan ang loob ng kaibigan niya. “Pero seryoso, Viper. Mas mainam na kung sa kanya na lang umikot ang oras mo kaysa sa bagay na maaring magdala sa ‘yo sa kapahamakan. Hindi ako tutol kung sakaling may maging resulta ang nararamdaman mo sa kanya, ang mahalaga sa akin ay magkasama pa rin tayo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD