Chapter 59

1813 Words
CHAPTER 59: Kahit saang anggulo tingnan ni Herlene ang sinabi ni Owen sa kanya ay hindi niya talaga ito makita na magandang desisyon. Dahil bago pa man niya planuhin ang paglipol sa mga kasamahan ni Zacarias ay iniisip niya na ang parehong bagay na iyon. Alam niya naman una pa lang na si Zeldris na ang susi sa problema niya, kapag sa kanya mismo nanggaling ang katotohanan ay tiyak na wala na rin siyang pangamba at hindi na rin magiging hadlang sa landas niya ang mga politikong kasamahan ng namatay nitong kapatid. Ang kaso lang, wala nga siyang lakas ng loob na aminin sa binata ang totoo. Maging ang kanyang totoong pagkatao ay hindi niya kayang sabihin sa kaibigan niya. Dahil alam niya na kung siya man ang lalagay sa posisyon ni Zeldris ay tiyak na magiging sukdulan ang galit nito sa kanya, dahil hindi naman isang ordinaryong tao lang para sa binata ang taong pinatay ni Herlene… kapatid niya ito, ang taong itinuring nitong karamay sa lahat ng bagay. Naalala pa ni Herlene ang mga bagay na ikinuwento ni Zeldris sa kanya na mga alaala nito tungkol sa kanyang kuya, sinabi ito sa kanya ng binata noong mismong araw na ililibing na ang dating mayor. Nakakatawa man isipin ngunit mula nang iburol si Zacarias hanggang sa mailibing ito ay naroon siya kahit siya pa ang pumatay dito. Aminado naman siyang wala siyang konsensya, pero nagawa niya lang naman na isantabi ang bagay na iyon dahil alam niyang kailangan din siya ng kaibigan niya. Ayon sa kwento ni Zeldris, halos si Zacarias na ang nagpalaki at nag-aruga sa kanya mula bata pa sila. Nagtatrabaho at nag-aaral siya nang sabay para sa kanilang magkapatid dahil wala silang ibang maaasahan kundi ang isa’t isa. Iyon din ang naging inspirasyon niya kaya nagpursige siyang makapagtapos ng pag-aaral para matulungan ang kuya niya sa trabaho. Hanggang sa dumating na nga ang araw na naging mayor ang kuya niya. Hindi niya man nagawang makabawi sa mga nagawa nitong sakripisyo para sa kanya ay alam naman ni Zeldris na mamahalin pa rin siya nito at hindi pa rin siya nito iiwan kahit na maupo na siya sa pwesto. Nakita ng binata ang mga ginawa ni Zacarias simula maupo ito, at siya mismo ang naging rason bakit naging mayor din siya ng kanilang bayan. Kasama sa naikwento ni Zeldris ay ang tungkol sa ilegal na ginagawa ni Zacarias noong siya pa ang mayor. Ayon sa binata, hindi niya naman masisisi ang taong pumatay sa kuya niya kung napatay niya ito dahil alam niyang may mali sa ginagawa ng kuya niya. Ngunit kahit mali, hindi niya nagawang pigilan ito sa maling ginagawa niya, dahil nakikita niya na ito ang naging paraan ng kuya niya para unti-unti silang makaahon sa hirap at maibigay sa kanya ang marangyang buhay. Iyon din mismo ang dahilan bakit lalong nahirapan si Herlene na aminin kay Zeldris ang totoo—dahil nasaktan siya sa narinig na kwento ng binata… na tila may parte sa kanya na tinatanong niya ang kanyang sarili kung bakit niya nagawang patayin ang taong naging sandalan at kaisa-isang kasama ng kaibigan niya. At tiyak niyang kapag sinabi niya rito ang totoo ay mas lalo itong masasaktan. “Viper, huwag mo nang pag-isipan. Iyon lang talaga ang solusyon sa problema mo,” pilit ni Shaika sa kanya. Mula sa bahay ni Nardong Tulak ay umuwi na lang muna sila sa bahay ni Shaika. Mas malapit kasi ang lugar niya sa address ng pinaggalingan nila at mas malapit din ito kung pupunta ka ng munisipyo. Dahil sa nakikita ni Shaika na mabigat ang pinagdadaanan ng kaibigan niya ay hindi niya muna inintindi kung narito ang dalawa sa bahay niya dahil minsan na rin namang namalagi rito si Owen na siya lang mag-isa. “Shai, kung papatayin ko ba ang papa mo. Anong mararamdaman mo?” Natulala si Shaika sa naging tanong sa kanya ni Herlene. Tila hindi niya alam kung paano niya sasagutin ang tanong na iyon. Alam ng kaibigan niya kung sino si Supremo para sa kanya, alam niya kung gaano naging importante sa kanya ang taong nagpunan ng hindi nagawa ng mga magulang niya dahil sa maagang pagkawala ng mga ito. Pero mahirap sagutin ang tanong na iyon para sa kanya, dahil alam niya na magiging basehan iyon ng magiging desisyon ni Herlene tungkol sa sinasabi niya. Gustuhin man niyang sabihin na mapapatawad niya pa rin ito ay iisipin lang ng kaibigan niya na isinagot niya iyon dahil gusto nitong sundin ang payo niya o hindi kaya ay dahil hindi naman siya ang nasa posisyon nito at hindi niya pa nararanasan. “Hindi ka makasagot, kasi alam mong mahirap din, ‘diba?” ani Herlene. Hindi nagawang makatingin ni Shaika kay Herlene dahil alam niyang tama ang sinabi nito. Magkaharap lang sila sa mesa kaya mas mahirap para sa kanya na makakilos ngayong ramdam niya ang tingin ng dalaga sa kanya na hindi naaalis hanggang hindi siya sumasagot. Napansin ni Owen na hindi siya makasagot kaya siya na lang sumagot. “Viper, huwag mong ihalintulad ang nangyari sa ‘yo sa maaring mangyari kay Sinister. Alam mo naman siguro kung bakit siya nahihirapan sumagot sa ‘yo, at alam mo rin na magkaibang bagay ang tanong mo sa nangyayari ngayon. Binibigyan ka lang namin ng solusyon, nagkataon lang na iyon na lang ang tanging solusyon na naiisip namin,” aniya. Si Herlene naman ang napayuko matapos siyang mapagalitan ni Owen. Totoo naman ang sinabi ng binata, at alam din niya iyon. Hindi lang talaga niya maiwasang hindi magtanong ng ganoong bagay sa kaibigan dahil gusto niyang magbaka sakali na may makukuha siyang sagot dito na mas lalong makakatulong sa kanya. Dahil sa totoo lang, gusto niya na rin namang gawin ang payo nila para matapos na rin ang problema niya. Dumukdok si Herlene. “Hindi ko na alam ang gagawin ko!” sigaw niya. Nagkaroon ng pagkakataon sina Shaika at Owen na tingnan ang isa’t isa dahil wala rin naman silang ibang magawa para sa kasama nila. Maaring narito nga sila para damayan ito sa kanyang problema, pero kung hindi nito magagawa ang sinasabi nila at hindi nila magagawang pawiin ang alalahanin nito ay wala na silang magagawa pa. “Herlene, kailangan mong tulungan ang sarili mo na magdesisyon ng tama. Kasi ikaw lang talaga ang makakagawa niyan,” ani Shaika. Handa naman silang dalawa na samahan ito sa anomang laban na maaring kaharapin ni Herlene. Ngunit mas pipiliin nila ang mas madaling paraan dahil ayaw din naman nilang pare-pareho silang mahirapan. Ang totoo ay kanina pa silang nag-iisip na dalawa kung paano matutulungan si Herlene na makumbinsing tama ang kanilang sinasabi. “What if maghanap na lang tayo ng taong puwedeng pagbintangan sa pagkamatay ng kuya niya? Then habang ang alam niya ay iyon ang pumatay, itutuloy naman natin ang pagpatay sa Vice Governor na iyon? Ano sa tingin ninyo?” ani Herlene nang mag-angat ang kanyang tingin sa dalawa. Muling nagkatinginan sina Shaika at Owen. Sa reaskyon pa lang ng kanilang mukha ay halata mo na tutol sila sa naiiisip ni Herlene… dahil nga naniniwala sila na ang tanging solusyon na lang ay ang naiisip nilang paraan. “Kaya mo bang magsinungaling sa kaibigan mo? At sa tingin mo ba talaga ay kaya nating patayin ang vice mayor na iyon bago pa malaman ni Zeldris na maling tao ang itinuro mo?” tanong ni Shaika. Hindi pa man nagagawang i-proseso ni Herlene sa kanyang utak ang tanong ng dalaga upang sagutin iyon ay sumigunda naman ng tanong si Owen. “Isang bagay pa, kailangan ba talagang makilala kung sino ang taong pumatay kay Zacarias Tan? Hinahanap ba iyon ni Zeldris? At kung oo, sa tingin mo ay sa laki ng impluwensya niya ay hindi niya pa alam ang totoo? Paano kung ikaw na lang ang hinihintay niyang umamin? Viper, hindi malabong wala siyang alam sa totoo mong pagkatao… lalo na’t kaibigan mo kami.” Tila sinampal ng katotohanan si Herlene dahil sa sinabi ni Owen na iyon. Tumango siya at sinabing, “Tama ka…” Ni minsan, hindi nagtanong si Zeldris sa kanya kung ano ang uri ng hanapbuhay niya o kung ano ang pinagkakaabalahan niya ngayon. Sa tuwing bibisita ito sa kanya ay simpleng pangungumusta lang ang ginagawa ng binata lalo pa’t pareho silang nawalan ng mahal sa buhay. Sa isang iglap ay biglang sumagi sa isip niya ang tanong na: “Paano kung ikinuwento niya talaga iyon sa akin para iparating na alam niya na ang totoo at gusto niyang umamin ako?” Hindi niya alam kung paano ito magalit o kung marunong ba ito magalit, ilang problema na sa kanyang trabaho bilang mayor ang dumating ngunit hanggang ngayon ay kalmado pa rin ang binata. Isama pa riyan ang banta sa kanyang buhay dahil sa pag-aakala ng mga tao na masamang politiko rin siya gaya ng kuya niya. Iyon lang din siguro ang rason bakit siya natatakot umamin. Walang ideya si Herlene kung hinahanap ba ni Zeldris ang taong pumatay sa kuya niya, at iyon mismo ang inaalala niya na baka hindi ito naghahanap ay dahil alam niya na agad kung sino. Kung sakaling tama man ang kanyang suspetsiya, hiling niya lang na sana ay hindi talaga ito galit sa kanya at sa oras na magpaliwanag siya sa kanyang motibo ay sana maintindihan nito kung bakit. Hanggang sa huli ay mangingibabaw sana ang kanilang pagkakaibigan. *** Mahaba ang naging gabi. Madaming bagay ang posibleng mangyari bukod sa naging pag-uusap nilang tatlo. Isa na nga sa bagay na maaring mangyari ay ang sinapit ni Camille—ang sekretarya ng mayor na iniligtas ni Shaika sa tiyak na kapahamakan. Matapos ng nangyaring imbestigasyon, matapos aminin ng dalaga ang lahat ng alam niya sa ilegal na ginagawa ng bodyguard na nangigipit sa kanya, at matapos na makamit niya ang katapusan ng kanyang problema… bumalik ang normal na buhay niya. Ngayon ay nagagawa na niyang pumasok sa kanyang trabaho na hindi inaalala ang panibagong kasalanan na maari niyang magawa. Malaki ang naging pasasalamat niya kay Shaika dahil utang niya sa dalaga ang lahat. Nagagawa na niyang ngitian ito na walang halong inis kahit pa hindi siya nito nginingitian pabalik. Malinis na rin ang kanyang konsensya ngayon at gumaan na ang kanyang trabaho. Ngunit ang lahat nang iyon ay pansamantala lang pala… dahil sa mismong araw din na iyon, habang abala sina Shaika at Owen na harapin ang mga tauhan ni Nardong Tulak para iligtas si Herlene, muling nalagay sa kapahamakan ang buhay ni Camille. Isang grupo ng mga lalaki ang bigla na lang dumampot sa kanya nang gabing malapit na sana ang dalaga sa bahay nila. At nang oras din na iyon, ginawa sa kanya ang bagay na hindi niya inakalang mararanasan niya sa kamay ng mga lalaking hindi niya manlang nakilala. At matapos siyang pagsawaan ay saka nila tinapos ang kanyang paghinga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD