Chapter 58

1830 Words
CHAPTER 58: Tila may dilang anghel si Herlene; matapos niyang hanapin ang dalaga ay isang malakas na tunog ng pagbukas sa pinto ng bahay ang gumulat sa kanilang dalawa ni Nardo. Sa pintong iyon lumabas sina Shaika at Owen na parehong may hawak na baril. At hindi na niya kailangan pang itanong kung ano ang ginagawa ng dalawang ito rito, dahil halata naman niya sa ngiti ni Shaika ang sagot. Gumanti siya ng ngiti sa dalaga kahit pa gusto niyang itanong kung paano ito nakarating dito. “Ngayon, hindi na ako nag-iisa, Nardo,” nakangising sambit ni Herlene nang muli siyang humarap sa lalaki. Halos hindi maipinta ang mukha ni Nardo nang makita ang dalawang taong bagong dating. Hindi niya kilala ang mga ito, pero dahil kasamahan siya ni Herlene ay alam na agad niyang gaya ito ng dalaga na mga assassin din at posibleng kasali rin sa Dark Knight. Pareho lang sila ni Herlene na nagtataka kung paano ito biglang sumulpot, ngunit wala siyang oras para alamin pa iyon sa pagkakataong ito. “Yumabang ka dahil lang sa may kasama ka. Ang tanong ko sa inyo ay kung makakalabas pa ba kayo rito,” sagot naman ni Nardo sa kanya. Sinabi niya iyon kahit halata naman na siya na ang nasa alanganin ngayon. Walang tao sa paligid ng bahay nang pasukin ni Herlene ang bahay, halatang hinayaan talaga siya ng mga tauhan ni Nardo na makapasok sa loob dahil nga may plano sila laban sa dalaga. At nang makapasok na siya ay tiyak na iyon din ang pagkakataon na bumalik sa kanya-kanyang pwesto ang mga kasama nito bilang pag-iingat sa maaring sunod na mangyari. Ngunit kung nagawang makapasok ng dalawa pang kasama ni Herlene, nangangahulugang hindi na rin siya ligtas. “Makakalabas pa kami. Ang tanong ko naman sa ‘yo… ay kung mabubuhay ka pa ba?” sagot naman ni Shaika sa kanya. Hindi na binigyan ni Shaika ng pagkakataon ang lalaki na makasagot pa sa kanyang tanong. Mabilis niyang pinaputok ang hawak niyang baril at dumiretso ang bala nito sa noo ni Nardo. Wala siyang pakialam kung ano ang gusto pa nitong sabihin, dahil atat na ang dalaga na mapatahimik ito. Napabuntong hininga na lang si Herlene nang makita si Nardo na wala nang buhay pagkatapos niyang marinig ang putok ng isang baril. Gusto man niyang magreklamo na hindi pa dapat ito mamatay dahil gusto niya pa ring subukan na tanungin ito tungkol sa ipinunta niya rito ay wala na rin iyong saysay dahil huli na. “Paano n’yo nalaman na nandito ako?” iyon na lang ang naitanong ni Herlene, hindi nawawala ang tingin niya sa bangkay ni Nardo. Nagkatinginan muna sina Shaika at Owen na para bang nagtuturuan silang dalawa kung sino ang magpapaliwanag sa kasma nila sa sagot sa tanong nito. Hanggang sa mapabuntong hininga na lang si Owen nang makita ang masamang tingin ni Shaika sa kanya na ang ibig sabihin ay siya na ang dapat magpaliwanag. “Alam mo naman na malapit sa Dark Knight ang bahay ni Dave, ‘diba? At lagi akong nagpupunta sa kanila para tulungan siyang mag-alaga sa mga anak niya. At noong oras na bumisita ka sa Dark Hotel, nakita naming dalawa iyon. Hindi ko alam kung ano ang ipinunta mo r’on, pero sabi ni Dave ay tiyak daw niyang binigyan ka na naman ng bagong misyon dahil nga narinig din niya kay Maestro mismo ang tungkol doon. Kaya nang makaalis ka, agad kong tinawagan si Shaika para back up-an ka,” paliwanag ni Owen. Hindi maiwasang hindi mapangiti ni Shaika habang nagkukwento si Owen. hindi kasi mawala sa isipan niya ang mga bagay na sinabi ni Dave sa kaibigan nito. Sa pakiramdam niya ay tunay na mabisa ang kanyang mga sinabi sa binata at naging malaking tulong iyon para sa mga ganitong pagkakataon. Napayuko naman si Herlene matapos na marinig ang sinabi ni Owen sa kanya. Natutuwa siya na nagawa siyang iligtas ng dalawa, malaki ang pagpapasalamat niya na dumating ang mga taong lubos niyang kailangan sa oras ng kagipitan. Kaya lang, alam niya na may kapalit ang pangyayaring ito… “Paano kung makarating kay Maestro na tinulungan ninyo ako? Anong magiging reaksyon niya? Ano nang mangyayari sa paghahanap ko ng sagot sa problema ko?” Hindi maiwasan ni Herlene na itanong iyon sa dalawa. Alam niya na lalabas siyang makasarili dahil sa tanong niyang iyon, pero wala rin siyang magagawa kundi ang itanong iyon dahil higit kanino man ay silang dalawa lang naman ang nakakaalam ng tungkol sa rason bakit patuloy niyang ginagawa ang mga bagay na ito. Hindi naman nagkakamali si Herlene sa bagay na iyon, dahil malinaw kay Shaika ang ibig niyang sabihin. Ngayong nangialam sila sa misyon lang dapat ni Viper, hindi malabong makarating na naman kay Maestro ang nangyaring pangingialam nila sa misyon ng ibang assassin—lalo pa’t isa pa silang traydor sa paningin nito—kaya tiyak na mapahamak si Herlene. At ang mas masaklap na mangyari ay matawag na rin siyang traydor at mawala na sa kanya ang kaisa-isang taong nagsasabi sa kanya ng impormasyon tungkol sa mga ka-partido ni Zacarias na nagtuturo sa kanya bilang taong pumatay sa mayor na iyon. “Viper, huwag kang panghinaan ng loob. Huwag kang matakot na kumawala sa puder nila. Hindi ba’t ikaw na mismo ang nagsabi sa akin na hindi sila dapat pagkatiwalaan nang lubusan?” ani Shaika. Gulat na gulat si Herlene nang marinig mismo sa kanya ang mga ganoong salita. Dahil higit kanino man, sa kanya niya hindi inaasahan na marinig ang ganoong uri ng salita dahil malaki ang tiwala at katapatan niya sa Dark Knight at matagal na itong bulag sa ginagawa ng organisasyon. Ngunit ngayon, tila ibang Shaika na ang nagsasalita. “Tama ba ang narinig ko, Sinister?” hindi makapaniwalang tanong naman ni Owen. Lihim na sumang-ayon si Herlene r’on; dahil nga nakilala niya ang dalaga na matindi ang paniniwala na lahat ng politiko ay masama at tanging ang Dark Knight lang ang may kakayahan na linisin ang lahat ng dumi rito sa lipunan. Isang matinding pagbabago sa ihip ng hangin ang nasasaksihan nila ngayon. Hindi tuloy alam ni Shaika kung paano niya sasagutin ang naging reaskyon ng dalawa niyang kasama. Naiintindihan niya naman ang punto ng dalawang kaharap niya, ang kaso nga lang ay nagkulang siya ng kwento sa mga ito tungkol nga sa mga bagay na gumugulo sa isipan niya tungkol sa Dark Knight at sa mga bagay na sinasabi ni Zeldris sa kanya. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin na dahil sa sinapit ni Herlene ngayong gabi ay naiintindihan na niya ang sinabi ng mayor at ang paniniwala ng best friend niya na hindi lahat ng politko ay masama at hindi lahat ng gustong ipapatay ng Dark Knight ay totoong nagkasala. “Tinawag nila tayong traydor, Destroyer. At sa nakita nating nangyari, ginagamit lang nila si Viper para sa sarili nilang benepisyo. Ikaw na mismo ang nagsabi sa akin kung gaano kalaki ang sindikatong hawak ng Vice Governor na iyon, kaya sinong matinong pag-iisip ang magpapasugod sa isang tao lang laban sa malaking sindikato, sige nga?” Hindi maitatanggi ni Owen na tama ang sinabi ni Shaika. Wala siyang masyadong alam sa sindikatong hawak ng vice governor na target ni Herlene, pero kung natawag itong sindikato at bawal na gamot ang ilegal nitong negosyo ay sapat na ang ebidensya na iyon bilang suporta sa sinabi ng dalaga. Isang malaking patunay na ang ginawa ni Maestro na pag-utos kay Herlene na sumugod dito na mag-isa laban sa sindikato para masabing ginagamit lang talaga nila ang mga assassin para sa sarili nilang benepisyo. “Sigurado ka ba talaga sa sinasabi mo, Sinister? I mean, tatay mo pa rin si Supremo, ‘diba?” nakakunot noong tanong ni Herlene sa kanya. Mas lamang na ngayon sa kanya ang nararamdaman ng best friend niya kaysa sa magiging resulta ng nangyari sa misyon niya ngayon. Dahil nga kilala niya si Sinister, alam niya kung gaano ito kasabik sa pagmamahal ng isang magulang at alam din niyang kay Supremo iyon nakita ng dalaga. Kaya sa kabila ng sinabi nito, alam niyang may hindi pa ito sinasabi at malaki ang tiyansa na tungkol iyon sa kanyang ama. “Tama ka, si papa ang may-ari ng Dark Knight at higit sa aming dalawa ni Owen, ako ang mas nasasaktan sa nangyayaring ito. Pero naisip ko lang kasi, hindi naman si papa ang tumawag sa akin na traydor, ni hindi ko pa nga siya nakakausap tungkol sa nangyari. At isa pa, hindi rin siya ang nagbigay sa ‘yo ng utos na sumugod dito na mag-isa. Hindi n’yo ba napapansin? Parang hindi na siya ang nagbibigay ng utos sa mga assassin ng Dark Knight,” ani Shaika. Nagkatinginan sina Herlene at Owen dahil sa sinabi ng kasama nila. Iisa lang ang laman ng isipan nila: may punto ang sinabi ng dalaga. Maaring si Maestro nga ang may alam at may pananagutan sa mga impormasyong may kinalaman sa mga politiko. Pero ang tanging trabaho niya lang ay maging kuhanan ng impormasyon, hindi niya trabaho ang magbigay ng misyon sa mga assassin. “Ang tanga ko sa parteng iyon, bakit hindi ko agad iyon naisip?” iritang saad ni Herlene. Tama, isang nakakapagtakang pangyayari iyon. Ngayon lang din naisip ni Shaika na may hindi talaga tama sa nangyayari sa Dark Knight. Hindi niya gustong pagbintangan si Maestro dahil ito ay matalik na kaibigan ng kanyang ama at halos kasama na rin ito sa nagtayo ng Dark Knight. Ayaw niyang isipin na ito mismo ang traydor, o may niluluto itong plano na laban sa organisasyon. “Dahil masyado kang nabulag sa kagustuhan mong patayin ang mga taong maaring magbunyag sa totoo mong kulay. Sa sobra mong kamamadali na matapos ang problema mo, hindi mo na nagagawang tingnan ang iba pang bagay,” paliwanag ni Owen. Sumang-ayon si Shaika sa sinabi niya, dahil totoo naman na iyon talaga ang nangyayari. Lalo pa’t kilala niya si Herlene, alam niyang iyon lang talaga ang laman ng isip nito. Simula nang malaman niya mula sa dalaga ang rason bakit siya nito pinilit na maging bodyguard ng mayor, naintindihan na niya lahat ng kilos nito. “Viper,” tawag ni Shaika sa kaibigan saka ito hinawakan sa magkabilang balikat bago ituloy ang kanyang sinasabi. “Huwag mo munang isipin ang maaring gawin ni Maestro laban sa ‘yo, kung gawin ka man nilang traydor gaya namin, nandito naman kami para tulungan ka sa problema mo. Hindi ka na nag-iisa ngayon,” aniya. Bago pa man siya makasagot sa sinabi ng kanyang best friend ay nagsalita rin si Owen. “Viper, may isang paraan para hindi mo pagdaanan ang lahat ng ito,” nang sabihin niya iyon ay napalunok ang dalaga dahil alam na niya kung ano ang sasabihin nito. Itinuloy ni Owen ang kanyang sinasabi. “Aminin mo kay Zeldris ang totoo. Dahil kung maging traydor ka nga, siya na lang ang maari mong malapitan pagkatapos nito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD