Chapter 57

1753 Words
CHAPTER 57: Agad na naalala ng dalaga ang mukha ng kaisa-isang politiko na naging kanyang kaibigan at karamay mula nang araw na mamatay ang kanyang ama. Mula nang mga araw na iyon, nakita niya ang kabutihan ng puso ng binata na handa talaga siyang damayan sa kanyang mapait na sinapit. Hindi niya nga lubos na maisip na kung bakit naging kapatid ito ni Zacarias na nakilala niya bilang isang tunay na masamang politiko. Ilang ulit niyang kinumbinsi si Shaika na tingnan din ang binata sa kung paano niya ito tingnan. Lahat na yata ng paliwanag ay sinabi na niya paniwalaan lang siya ng kaibigan. Pero kahit anong sabihin niya, kahit pa ito ang kumupkop sa kanya matapos ang naging pagtuturo sa kanya ni Maestro bilang isang traydor sa organisasyon, kitagisan pa rin nito na hindi dapat pagkatiwalaan ang mayor na iyon. Ang hindi lang maintindihan ni Herlene ngayon ay kung bakit ang mas naalala niya ay ang mga sinabi ni Shaika na babala tungkol kay Zeldris kaysa sa mga bagay na nagawa ng binata para sa kanya. Kahit ilang beses niyang balikan ang mga araw na binibisita siya nito para kumustahin at tinutulungang gumaan ang loob sa pamamagitan ng pagkukwento ay mas nangingibabaw pa rin ang mga babala ni Shaika—bagay na mas nagpapahirap ng kanyang loob sa pagkakataong ito. “Manahimik ka, huwag mo siyang idamay dito,” banta ni Herlene sa kanyang kausap. Hindi niya lubos na kilala ang lalaking kaharap niya at hindi niya alam kung paano nito nakilala si Zeldris bilang kanyang matalik na kaibigan. Mas lalong hindi niya malaman kung bakit pati ang kaharap niya ay may nasasabing hindi maganda tungkol sa binata gayong wala namang naging palatandaan na naging magkakilala ang mga ito kung pagbabasehan ang mga impormasyong nabasa niya tungkol kay Nardong Tulak. “Hindi ko siya idinadamay, Hija. Teka nga, kaya ba ganyan ang reaksyon mo ay dahil wala kang ideya sa totoong pagkatao niya?” Ikinuyom ni Herlene ang kanyang kamao bilang pagpipigil sa kanyang sarili. Maaring nasa plano niya ang patayin si Nardo, pero hindi niya ito gustong gawin nang maaga kung wala pa siyang nakukuhang impormasyon tungkol sa vice governor. Hindi niya alam kung saan nakukuha ng lalaki ang kanyang sinasabi, pero hindi niya dapat magpadala basta-basta sa mga sinasabi nito. “Walang kinalaman dito kung ano ang tungkol sa pagkatao niya. Kaya huwag mo siyang idamay,” ulit ni Herlene sa kanyang banta. Naninindigan pa rin si Herlene na bunga lang ng nagawa ni Zacarias noong nabubuhay pa ito ang ugat kung bakit iniisip ng mga taong nakapaligid sa kanya na masama rin siyang politko. Dahil sino nga ba naman ang maniniwala na wala siyang kinalaman sa mga ginagawa ng dating mayor kung alam naman ng lahat na magkapatid sila? Mahirap ipilit ang katotohanan na inosente ang binata lalo na kung ang gusto lang paniwalaan ng kanyang kausap ay ang bagay na gusto niyang paniwalaan at hindi ang katotohanan. Isang halakhak ang lumabas sa bibig ni Nardong Tulak. Isang patunay na tama ang iniisip ni Herlene sa kanya. “Bata ka pa, Hija. Madami kang hindi alam sa mundo namin, kaya huwag kang magsalita na para bang kilalang-kilala mo na rin ang lalaking iyon. Kung ako sa ‘yo, umatras ka na lang ngayon din habang binibigyan pa kita ng pagkakataon na makipagkaibigan sa akin. Dahil kapag ako inabot ng toyo sa ulo, may kalalagyan ka,” hamo ni Nardo sa kanya. Hindi tinatablan ng takot si Herlene dahil ilang beses na rin siyang pinagbantaan ng ganoon ng mga politikong unang pinatay niya, kasama na nga sa mga nagbantang iyon ay ang mismong kapatid ni Zeldris. Pero hanggang ngayon naman ay banta lang ang nagawa ng mga taong iyon dahil lahat sila ay nasa hukay na. Kumbaga ay manhid na siya sa ganoon. “Makipagkaibigan? Ano naman ang mapapala ko kung tatanggapin ko ang alok mo?” Maaring hindi siya natatakot, pero hindi rin ibig sabihin niyon ay hindi rin niya papatulan ang sinasabi ng kanyang kausap. Matapang itong humarap sa kanya nang nag-iisa kahit sabihin pang teritoryo niya ito, iisa lang ang nakikitang dahilan ni Herlene kung bakit ganito ang asta ng lalaki… iyon ay dahil may plano ito sa kanya at iyon mismo ang dapat niyang malaman. “Napag-alaman ko ang rason bakit gusto mong patayin si Vice, konektado siya sa magkapatid na Tan. At gusto mo siyang patayin dahil natatakot kang makarating kay Zeldris ang katotohanan. Kaya kung makikipagkaibigan ka sa amin, hindi mo na kami kailangan pang kalabanin. Ang kailangan mo na lang gawin ay sundin ang iuutos namin sa ‘yo kapalit ng kasiguraduhan na hindi makakalabas at hindi makakarating sa batang iyon ang totoo,” ani Nardo. Naningkit ang mata ni Herlene. Hindi niya itatanggi na maganda nga ang inaalok nito sa kanya. At kung titingnan lang ang sitwasyon, tiyak naman na talagang malakas ang pwersa ng isang vice governor lalo na kung ang nakakaharap niyang isang tauhan nito ay nakakatayo nang mag-isa at hindi nangangailangan ng tulong ng mga tauhan. Idagdag pa riyan ang laki ng kanilang negosyo, tiyak niya na hindi ganoon kadaling malapitang ang vice governor na iyon. At bago siya makalapit sa mga iyon ay kailangan niya munang dumaan sa malaking grupo nito. Kaya ang susi para mabilis na makalapit kay vice ay ang tanggapin ang alok ng kanyang kaharap. “Tatanggapin ko lang ang alok mo, kung bibigyan mo rin ako ng karapatan na magbigay ng kondisyon ko,” ani Herlene. Hindi isang mangmang si Herlene. Maaring magpapagamit siya sa mga taong ito, pero hindi siya papayag na makulong ang kanyang sarili sa grupo dahil hindi naman seryoso ang gagawin niyang pagpayag. Masyado lang talagang perpekto sa kanyang istilo ang inaalok ni Nardo kaya hindi niya ito matanggihan. Kaya lang, hindi niya kayang tumulong o sumuporta sa kanila sa pagbebenta ng bawal na gamot kahit pa sa pagpapanggap lang o kahit para pa ‘yan sa kanyang misyon. Dahil noon pa man, alam niya nang masama iyon. “Sige, kahit ano pa ‘yan. Wala namang kaso sa akin iyon dahil mabait at mapagbigay naman ako.” Hindi nawala ang paniningkit ng mata ni Herlene. At sa totoo lang ay hindi niya gusto ang naging pagsang-ayon ng kanyang kaharap dahil agad-agad ito na para bang kasali na rin sa kanilang plano ang tanggapin ang kahit na anong kondisyon na ibigay niya. Bumalik sa alaala ni Herlene ang nangyari kay Shaika. Ganito rin kasi ang naging paraan nila para makalapit kay Zeldris, pumayag siya sa kagustuhan ng binata na maging kanyang bodyguard ngunit may balak pa siyang patayin ito. Kaya lang, ang nangyayari kasi sa kanila ngayon ay naipit na ng tuluyan ang kaibigan niya sa puder ng mayor dahil sa mga nangyari. Alam ni Herlene na hindi malabong ganoon din ang sapitin niya kung papayag siya sa kasunduang inaalok ni Nardo sa kanya. At tiyak niyang mas malala sa sinapit ni Shaika ang sasapitin niya. Naging ligtas si Shaika kahit palpak ang kanyang misyon dahil totoong mabait si Zeldris, nagawa siya nitong hayaang mabuhay at ipagpatuloy ang kanyang trabaho bilang bodyguard dahil nga naniniwala ito sa sinabi ni Herlene na mabait at mabuting tao talaga si Shaika. Pero sa sitwasyong ito, walang ganoong eksena… sa oras na magkamali siya, tiyak na ikamamatay niya talaga. “Huwag mo akong patawanin, Nardo. Hindi ako kasing uto-uto gaya ng iniisip mo,” matapang na saad ni Herlene. Hindi niya alam kung saan niya hinugot ang lakas ng loob na sabihin iyon sa kaharap kahit pa wala pa siyang napapala sa kausap. Pero sa pagkakataong ito, mas pipiliin na lang niyang mabuking siya nitong wala siyang balak na umanib at sundin ang gusto nila kaysa ang maipit siya at mas malaking problema pa ang magawa niya. Sapat na kay Herlene na nakilala niya ng personal si Nardong Tulak at may ideya na siya kung paano sila maglaro. Ngayon niya rin naalala ang sinabi ni Maestro sa kanya na mag-iingat siya kay Vice Governor at sa mga tauhan nito gaya ni Nardong Tulak… hindi nga sila basta-basta kalaban dahil agad siya nitong naunahan sa dapat ay gagawin niya pa lang. Ngayon pa lang ay nag-iisip na siya kung paano niya tatakasan ang lalaking kaharap niya. Isa na namang tawa ang narinig ni Herlene mula sa kausap niya. “Magaling ka nga talaga, hindi na ako nagdududa na napatay mo ang lima sa magagaling kong tauhan. Pero pasensya ka na, Hija… dahil sa ginawa mo sa kanila, tumanggi ka man o pumayag sa alok ko… dito ka na mamamatay.” Nang marinig ni Herlene ang banta niyang iyon, dito na pumasok sa isipan ang sagot sa tanong niya kanina kung bakit siya nito binibigyan ng kalayaan na magbitiw ng kahit anong kondisyon na gusto niya. Hindi niya manlang naisip na siya na pala ang pinapaikot nito. Hindi niya manlang napansin na simula pa lang ay iyon naman na talaga ang gusto nitong mangyari… masyado siyang nabulag ng kanyang pakay sa lalaki. Sa sulok ng single couch na inuupuan ni Nardo ay may kung anong bagay siyang kinuha r’on. At hanggang sa itinutok niya ang baril na nakatago lang doon mula pa kanina. Maski wala pa ring nararamdaman na takot si Herlene para sa kanyang buhay ay alan niyang hindi siya dapat maging kampante sa mga oras na ito… alam niyang dapat na talaga siyang makaisip ng paraan para makatakas. “Huwag mo nang tangkain pang tumakas, dahil sa pagsugod mo pa lang sa mga bata ko ay nakaplano na agad ang magiging kamatayan mo. Wala ka nang lusot! Ang naging pagkakamali mo lang ay masyado kang naging matapang at sumugod ka na mag-isa rito. Kawawang-kawawa ang labas mo!” Sa pagitan ng nakakainsultong tawa ni Nardo ay sumagi naman sa isipan ni Herlene ang salitang, ‘mag-isa.’ Maaring matapang nga siya at hindi natatakot sa kung anong panganib naman ang makakaharap niya sa tuwing lalabas siya ng bahay. Pero ngayon, hindi niya maiwasang hindi itanong sa sarili ang isang bagay… “Bakit wala ka rito, Shaika?” Mula nang magdesisyon siyang gawin ang misyong ito, isinantabi na niya ang humingi ng tulong sa dalaga dahil nga nauunahan siya ng hiya sa kaibigan sa dami na ng nagawa nito para sa kanya. Isama pa riyan ang takot niya na baka ito ang mapahamak sa oras ng kagipitan. Sina Shaika at Zeldris ang kahinaan niya, kaya hindi niya talaga kayang humingi ng tulong sa mga iyon. Pero ngayon… tila silang dalawa ang hinihiling niyang karamay niya ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD