Chapter 35

1802 Words
CHAPTER 35: Buong akala ni Shaika, masakit na ang pinaglihiman siya ng sarili niyang kaibigan sa mga ginagawa nito sa buhay. Akala niya ay ang pinakamahirap na ginawa na niya sa buhay niya ay ang kumilos sa araw ng kanyang pahinga para lang malaman kung bakit bigla siyang ibinenta ni Herlene sa isang politiko pagkatapos nitong sabihin na gusto lamang nitong maintindihan niya ang personal niyang paniniwala na hindi lahat ng politiko ay masama. Galit ang una niyang naramdaman kay Herlene, at hindi nagtagal ay naisip niyang ang galit pala na iyon ay isa lamang tampo dahil may plano ang kaibigan niya na hindi niya alam at para bang inilalayo siya nito kung ano man iyon. Tinanggap niya ang alok ng mayor na kaibigan ni Herlene na maging bodyguard niya dahil sa pag-aakalang sa paraang ito niya malalaman kung ano ang koneksyon ni Zeldris sa balak gawin ng kaibigan niya. Pero hindi pa man nagtatagal ang paghahanap niya ng impormasyon, panibagong problema na naman ang sumalubong sa kanya. Parehong umuwing sawi sina Shaika at Owen. Mahigpit silang binilinan ni Maestro na hindi na sila maaring makatuntong sa loob ng Dark Hotel dahil sa ginawa nilang pagtatraydor sa Dark Knight—bagay na hindi naman talaga nila ginawa. Hindi makakalimutan ni Shaika ang salitang binitiwan sa kanya ni Maestro bago sila paalisin sa Hotel. “Magpasalamat ka na lang at itinuring din kitang anak dahil nakita ko ang pagdadalaga mo, kaya ituring mong regalo ko sa ‘yo ang sarili mong buhay. Dahil sa susunod na magharap ang landas natin, isa ka nang kaaway.” Pagbabasag at pagwawala ang ginawa ni Shaika sa loob ng kanyang bahay mailabas lang ang galit sa nangyari. Hindi niya matanggap na sa isang iglap ay nawala sa kanya ang lugar na itinuring niyang tahanan at ang mga taong itinuring niyang pamilya. Hindi niya magawang matanggap na wala na siyang pupuntahan ngayon. Pinanood lang siya ni Owen na magwala. Natatawa lang siyang isipin na kanina lang ay siya ang pinapakalma ng dalaga, ngunit ngayon ay mas malala pa ang ginagawa nito na kulang na lang ay gibain niya ang buong bahay dahil sa galit. Wala siyang balak na awatin ito sa kanyang ginagawa dahil unang-una ay bahay niya naman ito at alam niyang mas malaking gulo pa ang mangyayari kapag nangialam siya. At isa pa, naniniwala siyang kailangan ito ni Shaika ngayon… ang maglabas ng sama ng loob. “Mga walang hiya silang lahat! Sino sila para ilayo ako kay papa?! Hindi ako traydor!” sigaw ni Shaika, paulit-ulit niya iyong sinasabi sa tuwing maghahagis siya ng gamit niya rito sa kanyang sala hanggang sa kusina. Habang patuloy na nagwawala si Shaika, naglalaro naman sa isipan ni Owen ang bagay na sinasabi niya. Tila kapansin-pansin sa mga nangyayari na may hindi tama r’on. Na para bang may kung sinong nagmamanipula ng mga bagay para lumabas silang masama rito. Balak sanang sabihin iyon ni Owen sa kasama niya, pero imbes na iyon ang masabi niya ay ibang bagay ang lumabas sa kanyang bibig. “Saan mo naman balak pumunta?” Napansin niya kasi ang pagdaan ni Shaika sa harapan niya palabas ng bahay. Kaya bago pa man magawa ng dalaga ang balak niya ay agad na niya itong pinigil. Hindi niya pa lubusang kilala ang dalaga kapag nagagalit ito, pero sa nakita niyang paraan ng dalaga sa paglalabas ng galit ay hindi makakabuti kung hahayaan niya itong magpunta kung saan. Lalo na’t nakita niyang may dala itong baril. Naging masama ang tingin ng dalaga sa kanya. “Ano bang pakialam mo?! At bakit ba hanggang ngayon ay nandito ka pa?!” pagalit niyang tanong. Kasalukyang nakaupo sa couch si Owen nang dumaan sa harapan niya si Shaika, naka de-kwatro rin siya sa pagkakaupo na tila prente lang itong naghihintay na matapos ang kasama niya sa kanyang ginagawang pagwawala. Naniniwala siyang kapag napagod ito sa ginagawa niyang pagbabasak, gaya ng nangyari ngayon, ay makakausap na niya ito ng matino. “Shaika, naiintindihan kong galit ka at hindi mo matanggap ang nalaman mo. Pero baka nakakalimutan mong pareho lang tayong problemado ngayon at wala tayong ibang makakapitan kundi ang isa’t isa na lang,” paalala ni Owen. Bahagyang kumalma ang dalaga nang marinig niya ang sinabi ng kausap. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya nang bumaling ang tingin niya sa kabuuan ng bahay niya na ngayon ay gulo-gulo at madaming gamit ang basag. Napaupo na lang siya nang maramdaman niya ang pagod sa nangyari. “Hindi ko maintindihan, ano bang kasalanan ko sa Dark Knight para ganituhin nila ako? Buong buhay ko, sa kanila ko na ibinigay! Halos kalimutan ko na nga ang sarili kong paghihiganti para sa mga magulang kong pinatay masunod lang ang utos nila na patayin kung sino man ang gusto nilang ipapatay, tapos ngayon ay dahil lang sa kaunting bagay ay aakusahan na akong traydor?!” reklamo ni Shaika, nasa boses niya na malapit na siyang maiyak dahil sa inis. Hindi man sumagot si Owen sa sinabi niya ay malaki ang pagsang-ayon ng binata sa sinabi niya, kahit siya na gumagawa lang din naman ng paraan para mapatay ang mayor na gusto nilang patayin niya ay nasa peligro na rin ang buhay ngayon. Ang masakit pa ay mismong matalik na kaibigan pa niya ang may gustong pumatay sa kanya. “Pinaglalaruan nila tayo, Owen,” dagdag pa ni Shaika. Nang harapin siya ng kausap ay muli siyang nagsalita. “Sigurado akong may ginagawa silang kalokohan at ginagamit tayo para pagtakpan ang kalokohang iyon! Hindi ako papayag na ganituhin nila tayo nang wala tayong kaalam-alam sa nangyayari. Lalong-lalo na ‘yang Maestro at Legal na ‘yan, nakakaduda na ang ginagawa nila!” Hindi pa tapos magsalita si Shaika, tumayo siya at inayos ang kanyang sarili bago ituloy ang kanyang sinasabi. “Bakit kailangang iutos ni Legal sa kaibigan mo na patayin ka para lang mailigtas ang sariling buhay niya? At iyang Maestro na ‘yan, bakit ipinagdidiinan niya sa mukha ko na nagtraydor ako?! Bakit parang gusto nila tayong alisin sa Dark Knight, bakit nila tayo inaalisan ng karapatan na kumilos ng malaya?” Lumipat sa sahig ang tingin ni Owen, hindi niya alam kung paano sasagutin ang mga bagay na sinasabi ng kasama niya. Dahil nabanggit na naman ang kaibigan niya, bumalik na naman sa alaala niya ang mga nangyari kani-kanina lang… madami na ang nangyari at mabigat ang sinapit ni Shaika sa kanya, pero hindi iyon sapat para makalimutan niya si Thunder at kung paano siya nito titigan kanina. Hindi niya namalayan na nakalapit na pala si Shaika sa kanya. Hinawakan siya nito sa magkabila niyang balikat dahilan para magtama muli ang kanilang tingin. Malapit ang mukha nila sa isa’t isa, tamang-tama lang din ang pagkakaupo niya sa ayos ng tayo ng dalaga para magtapast ang kanilang mukha. Minsan nang mangyari ang ganitong eksena sa pagitan nilang dalawa, pero ngayon… mas nagugustuhan ito ni Owen. “Kailangan natin ng sagot sa mga tanong ko, Owen,” basag ni Shaika sa tinginan nilang dalawa. Si Owen ang unang umiwas. Hinawi niya ang kamay ni Shaika na nakahawak sa dalawang balikat niya saka tumayo. Tumalikod siya sa dalaga na para bang ayaw niyang ipakita rito kung ano ang reaksyon ng mukha niya ngayon. “Paano? Hindi nga tayo puwedeng bumalik sa Dark Hotel, ‘diba? Isa pa, hindi mo rin nakausap si Supremo," ani Owen, patuloy siyang nakatingin sa ibang direksyon. Naikuyom ni Shaika ang kanyang kamao na tila ba paulit-ulit niyang tinanong ang kanyang sarili kung dapat ba niyang sabihin ang bagay na naiisip niya. Dahil sa totoo lang, ayaw din niya sa sarili niyang ideya. Kaya lang, wala rin siyang ibang pagpipilian kundi ang sabihin iyon… “Si Zeldris Tan at si Viper. Sila na lang ang malalapitan natin sa ngayon,” suhestiyon niya. Maharas na bumaling ang tingin ni Owen sa kanya. Sinalubong niya ang kausap ng isang kunot sa noo at tila hindi talaga ito makapaniwala na sa mismong bibig ni Shaika niya maririnig ang mga salitang iyon. Kahit yata sa panaginip, hindi niya inakala na darating ang pagkakataon na hihingi siya ng tulong sa maduming politikong iyon. “Seryoso ka ba riyan?! Hihingi ka ng tulong sa dalawang taong pinaghihinalaan mong may tinatago sa ‘yo? Shaika, sa ‘yo na mismo nanggaling… nangyari ito na wala tayong ibang matatakbuhan. Ibig sabihin, alam mo rin na hindi magandang ideya na malaman nila ang sitwasyon natin. Labas man sila sa problema nating ito, hindi pa rin sila mapagkakatiwalaan!” giit ni Owen. Sa puntong iyon ay si Shaika naman ang napayuko. Ito ay hindi dahil sa pareho sila ng iniisip ng kausap, kundi dahil nag-iisip siya ng isasagot niya sa kasama para sang-ayunan siya nito sa sinasabi niya. Dahil bali-baliktarin man ang sitwasyon, ito na lang ang mayroon sila. “Kaibigan ko si Herlene, Owen,” panimula niya nang harapin niyang muli ang binata. “Alam ko na sa puntong ito ay sensitibo ka pa sa usaping kaibigan at hindi ito ang tamang pagkakataon para sabihin ko ito sa ‘yo, pero sana maisip mo na magkaiba si Thunder at Viper. At kung sakaling nagta-traydor man sa akin ang kaibigan ko, naniniwala akong wala iyong kinalaman sa ginagawa sa atin ni Legal at Maestro,” dugtong niya. Seryoso ang mukha ni Shaika habang nagpapaliwanag siya kay Owen. Kitang-kita rin naman ng binata ang sinseridad ng kausap niya habang nagsasalita ito, pero hindi ibig sabihin na gusto talaga nitong magpahayag ng opinyon ay ganoon na lang din niya kadaling sasang-ayunan ang sinasabi nito. Tumango si Owen bago nagsalita. “Tama ka naman, magkaiba naman talaga silang dalawa. Kahit saan mo naman talaga tingnan ay magkaiba. Tanggap ko iyon, at naiintindihan ko. Pero si Zeldris, sigurado ka bang pati siya ay idadamay mo rito? Hindi ba’t ikaw pa ang nagpipilit sa akin at sa kaibigan mo na lahat ng politiko ay pare-pareho lang na maitim ang budhi? Ano ito, nadadala ka na ba sa kabaitang pinapakita niya?” Gustong sabihin ni Shaika na… oo. Dahil totoo namang naging mabait sa kanya ang binata mula nang maging bodyguard siya nito. May pagkakataon pa ngang naisip niyang tanungin ang sarili niya kung tama bang patayin ang lalaking iyon. Kaya lang, kung iyon ang sasabihin niya ngayon, tiyak na hindi siya sasang-ayunan ng kausap. Kaya imbes na patunayan kay Owen na mapagkakatiwalaan ito ay iba ang sinabi niya… “Dalawa lang ang uri ng tao sa mundo: isang mabuti at isang masama. Mula una pa lang ay mabuti na ang tingin natin sa Dark Knight at ang politiko ang nakita nating masama. Pero ngayon… gustong bumaliktad ng dalawang bagay na iyon. At para malaman natin kung dapat bang bumaliktad talaga ito, kailangan natin ang panig ng kabila para husgahan kung ano ang makikita natin sa parte niya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD