Chapter 36

1801 Words
CHAPTER 36: Bilang nasa posisyong gipit, wala na ring nagawa si Owen kundi ang sumang-ayon na lang din sa ideya ng kaibigan na humingi ng tulong sa mga taong maaring may alam tungkol sa Dark Knight. Pero iisang tao lang ang gusto ni Owen na lapitan nilang dalawa… walang iba kundi si Herlene. Kahit sabihin pa ni Shaika na walang kinalaman si Zedris sa problema nila at halata namang labas talaga siya r’on ay hindi sapat na dahilan iyon kay Owen para magtiwala ng ganoon kadali sa mayor na iyon. Bali-baliktarin man ang pangyayari, hindi nito mababago na ikanakusahan pa rin ng Dark Knight ang binata bilang masamang politiko, at para sa kanya sapat nang dahilan iyon para hindi siya magtiwala rito. Hindi naman din tumutol si Shaika sa gustong mangyari ng kasama niya, alam niya na may punto talaga ito at isa pa ay ayaw din naman niyang tuluyang mahulog sa patibong ng pagiging mabait ni Zeldris sa kanya. Kaya hangga’t kaya niya ay gusto niyang labanan ang sarili niya na unti-unti nang nahuhulog sa pagiging mabait nito sa kanya. Hindi nila parehong namalayan na nakatulog sila sa sala ng bahay ni Shaika habang magdamag na nag-uusap tungkol sa mga dapat nilang gawin ngayong wanted sila sa organisasyon. Nagising na lang si Shaika na nakahiga siya sa mahabang couch niya, habang si Owen ay nakatulog nang nakaupo sa single couch. Dahil naunang nagising si Shaika ay nagkaroon pa siya ng pagkakataon na iayos ang sarili bago magising ang kasama niya. Ngayon ang unang beses na nakatulog siya rito sa couch niya, at mas lalong ito ang unang beses na may kasama siyang matulog sa sarili niyang pamamahay. Abot ang kanyang pagsisisi na hinayaan niyang mangyari ang bagay na ito. Hindi na niya ginising si Owen, hinayaan na lang niya itong ituloy pa ang tulog dahil wala na rin namang saysay kung gisingin niya ito at sabihan na hindi ito dapat nagpaabot ng umaga sa bahay niya dahil tapos na rin naman na. Ang kailangan na lang niyang gawin sa ngayon ay bumangon na at mag-asikaso. Una niyang ginawa ay ang pagtawag ng maaring maglinis sa mga kalat ng bahay niya, nangatwiran na lang siyang may dalawang pusang nakapasok sa bahay niya at sa kusina niya gumawa ng gulo kaya ganoon ang naging gulo. Sunod niyang tinawagan si Zedris para sabihan na hindi muna siya makakapasok sa trabaho niya ngayon bilang kanyang bodyguard, dahil sa may usapan silan ni Owen na dapat maging labas ang binatang mayor sa problema nilang dalawa ay hindi niya sinabi na iyon ang rason bakit hindi siya papasok, bagkus ay sinabi na lang niya na gusto niyang mag-imbestiga tungkol sa nangyaring putukan kagabi na pareho silang nasangkot ng kasama niya. Ang huli niyang tinawagan ay si Herlene, tinanong niya ito kung may lakad o pupuntahan ba ito ngayong araw dahil may importante siyang sadya sa dalaga. Binanggit na rin niya na kasama niya si Owen sa pagpunta sa kanya kaya umandar na naman ang isip nitong malisyoso na agad namang inawat ni Shaika. Nag matapos ang lahat ng iyon ay sakto namang nagising na si Owen. “Bumangon ka na riyan, may darating na katulong dito para maglinis ng kalat. Kilala niya akong mag-isa lang dito sa bahay, baka kapag nakita ka pa niya ay iba ang isipin niyang rason bakit madaming basag na gamit dito,” bati ni Shaika sa binatang bagong gising. Hindi agad sumagot si Owen sa kanya, gumala muna ang tingin nito sa paligid na para bang inaalala pa ng maigi kung bakit nakatulog siya nang nakaupo sa isang couch. Kinusot pa niya ang kanyang kanang mata na tila paraan iyon para maliwanagan siya sa sinasabi ng dalaga. “Anong gagawin ko? Sa labas kita hihintayin?” tanong ng binata, nasa tono pa ng boses nito na kakagising niya lang talaga. Napailing na lang si Shaika nang itanong iyon sa kanya ng kasama. “Tumayo ka na riyan, hindi mo ako kailangang hintayin. May pupuntahan tayo,” aniya. Isang unat ng dalawang kamay ang naging sagot ni Owen sa kanya nang tumayo ito sa couch. Wala pa sanang balak na tumayo ang binata pero dahil dama niya na ang seryosong balala ng dalaga ay alam niyang hindi na ito ang tamang oras para makipaglokohan pa siya. “Puwede ba, bago natin gawin ‘yang sinasabi mo, samahan mo muna ako sa bahay para makapagbihis din ako. Nakakahiya naman sa ‘yo, parang nakaligo ka na at ako ay ganito pa rin ang itsura. Huwag kang mag-alala, ako naman ang magda-drive,” ani Owen. Ilang segundo muna ang lumipas bago pumasok sa isip ni Shaika kung ano ang sinasabi ng kausap. Alam niyang pinatuloy niya si Owen sa bahay niya at umabot pa ito sa puntong hinayaan niyang makatulog ito sa couch ng bahay niya, pero hindi niya akalain na ang susunod pala ay pupunta naman siya sa bahay ng isang lalaki. “Huwag ka nang mag-isip kung sasama ka o hindi. Dahil kung ayaw mo, hihiramin ko na lang ang kotse mo at kapag nakabihis na ako ay susunduin na lang kita rito dahil ikaw din naman nakakaalam kung saan tayo pupunta—” “Hindi na kailangan,” awat ni Shaika sa kanya. “Ibig ko sabihin, hindi mo na kailangang hiramin ang kotse ko. Sasama na lang ako, mas gusto ko na iyon kaysa mabulok dito sa bahay kakahintay sa ‘yo. At least doon, makikita ko ang ginagawa mo at—” Isang ngisi ang sumilay sa labi ni Owen na naging dahilan para matahimik si Shaika, dahil naisip din niyang parang may mali sa nasabi niya. Pero alam niya namang naiintindihan ng kausap niya ang sinasabi niya at sadyang mapang-asar lang talaga ito. Kaya ang ginawa na lang niya ay dinampot ng susi at ibinato iyon sa binata. Nasalo naman niya iyon saka nauna nang lumabas ng bahay. Hindi na ini-lock ni Shaika ang bahay, isinara na lang niya ito dahil nga may darating na maglilinis ng kanyang bahay. Sumakay siya sa passenger seat pagkatapos niyang maisara ang gate ng bahay niya. Bago umalis ay naging masama muna ang tingin niya sa driver ng sasakyan niya. “Hindi ko alam kung tama bang desisyon ang naisip kong ipa-drive sa ‘yo si Goldie—” “Sino si Goldie?” “Itong kotse ko!” ani Shaika, inayos niya ang kanyang sarili saka itinuloy ang sinasabi, “Makinig ka, ni minsan sa buong buhay ni Goldie ay hindi pa siya nagasgasan kaya ayusin mo ang paggamit sa kanya—” Hindi niya na naman natapos ang sinasabi niya dahil pinaharurot na ni Owen ang kotse. Kahit kailan ay hindi nakaramdam ng takot si Shaika sa kaskaserong driver, pero ngayon na kotse niya ang gamit ng driver at halos patayin na niya sa tingin ang katabi niya. “Relax ka lang, ilang beses mo na ba isinuong sa ganitong pagmamaneho ang kotse mo? Hindi ba’t hindi naman nagasgasan? Gagayahin lang kita!” ani Owen. Walang nagawa si Shaika kundi ang hayaan ang binata na magmaneho dipende sa gusto niya dahil alam niyang may punto naman ito, at sa isang iglap din ay nagkaroon siya bigla ng tiwala sa lalaking kasama niya. Hanggang sa maisip na lang niya na si Owen pa lang din ang bukod tangi maliban sa kanya na nakagamit kay Goldie. Ilang minuto lang ay nakarating na sila sa tapat ng isang bahay na hindi ganoon kaganda kagaya ng bahay ni Shaika. Ayaw sanang ipahalata ng dalaga na hindi niya inasahan na ganoon ang bahay ng kasama niya dahil nga nakilala niya ito mula kay Three na pinakamagaling na assassin sa Division na ang ibig sabihin ay madaming nahawakang misyon na mahihirap at malalaki ang kita. “Dito ka talaga nakatira?” tanong ni Shaika, gusto sana niyang pagsisihan na nagtanong siya pero dahil nasabi na rin naman niya ay wala na rin iyong saysay. “Bakit, may problema ba sa bahay ko? Hindi kasi ako maarte gaya mo, mas gusto ko ang simple lang,” sagot naman ni Owen at nauna na rin sa pagbaba. Pinanood lang siya ni Shaika na dumaan sa harapan ng kanyang kotse palapit sa tarangkahan ng bahay niya. Pero bago ito tuluyang pumasok ay napansin niyang hindi lumabas ng kotse ang kasama niya dahilan para balikan niya ito. “Hindi ka papasok sa loob? Mainit dito,” ani Owen. Napalunok na lang bigla si Shaika, puno ng kaba ang dibdib niya dahil ito nga ang unang beses niyang makakatuntong sa bahay ng isang lalaki. Hindi ganito ang naramdaman niya nang makatuntong siya sa opisina ni Zeldris dahil may mga kasama siya roon at isa pa ay mas nananaig ang inis niya sa taong iyon kaya walang puwang ang hiya sa ganitong pagkakataon. Pero iba ang sitwasyon niya kay Owen ngayon. “Hihintayin na lang kita rito, hindi ba’t magbibihis ka lang naman?” pagdadahilan ng dalaga. Nauna ang kunot sa noo ni Owen dahil nakikita niyang nawala ang seryosong tingin sa mukha ng kasama niya. Hanggang sa napalitan ito ng ngisi nang maalala niya ang sinabi nito kanina. “Akala ko ba ay titingnan mo ang gagawin ko—” Hindi niya nagawang tapusin ang kanyang sinasabi dahil sa pag-aamba ng sampal ng kausap niya. Mabilis siyang umilag dahil malapit ang mukha niya rito. “Biro lang naman!” sabi niyang muli. “Seryoso, pumasok ka na. Wala namang makakakita sa ‘yo rito at isa pa hindi naman kita aanuhin, takot ko lang sa ‘yo. Pinapasok mo ako sa bahay mo, gusto ko lang ibalik ang pabor na iyon sa ‘yo,” paliwanag niya. Wala nang nagawa si Shaika nang pagbuksan siya ng pinto ni Owen. Kusa na lang gumalaw ang paa niya dahilan para makaapak siya sa lupa at sumunod sa binata papasok sa loob ng bahay nito. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit sa isang iglap ay nawala ang kaba at pag-aalala na nararamdaman niya kani-kanina lang… hindi niya maintindihan kung bakit tila may tiwala siya sa binata na hindi nga siya nito gagawan ng masama. Simple lang ang itsura ng bahay ni Owen sa loob, mas simple kumpara sa mga gamit ni Shaika sa bahay niya. At kung titingnan, tila parang hindi isang mamamatay-tao ang nakatira sa bahay na iyon, hindi maitatanggi na disente at presentable itong tingnan sa kabila ng pagiging simple nito lalo na at lalaki pa ang may-ari ng bahay. “Maupo ka muna riyan, magluluto lang ako ng makakain natin,” ani Owen. “H-huh? H-hindi na kailangan—” Hindi na nagawang tapusin ng dalaga ang sinasabi niya nang tuluyang makalayo sa kanya ang binata na mukhang seryoso nga sa kanyang sinabi. Napangiti na lang siya at saka naupo habang inabala ang sarili sa pagtingin sa paligid ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD