Chapter 38

1786 Words
CHAPTER 38: Walang nakaimik sa pagitan ng magkaibigan matapos aminin ni Herlene ang bagay na iyon. Hindi alam ni Shaika kung ano ang iisipin niya ngayong mismong kaibigan niya na ang nagsabi sa kanya ng sagot na hinahanap niya na naging rason bakit siya pumayag sa kagustuhan nitong maging bodyguard siya ng isang kaaway. “Alam mo ba kung anong ginawa mo, Viper?” tanong ni Owen, may diin at galit ang kanyang boses. Hindi alam ni Herlene kung ano ang mukhang ihaharap niya ngayon sa dalawa, pero kahit hindi niya magawang tingnan ang mga kausap ay wala siyang nararamdamang pagsisisi na sinabi niya ang totoo sa mga ito. Pakiramdam niya, may galit man sina Shaika at Owen sa kanya, nakahinga siya ng maluwag dahil may nagawa siya kahit isang tama manlang sa mga nangyari. “Hindi ko gustong idamay kayo! Hindi ko alam na nagbigay ng utos ang Supremo na patayin si Zeldris, hindi ko alam na isa siyang—” “Hindi mo ba talaga alam? O ayaw mo lang malaman? Nagpabulag ka sa sarili mong paniniwala… at sa sobra mong pagdidiin na tama ka, hindi mo nakita na nakakaperwisyo ka na. Hindi ko inasahan na ganito ang ginagawa mo, Viper. Akala ko… akala ko may ilalaban pa ako para sa ‘yo. Pero dahil sa ginawa mo, lalo mo lang pinatunayan na tama ang hinala ko sa ‘yo.” Sa lahat ng salitang narinig ni Herlene, iyon na yata ang salitang tuluyang tatapos sa pagkakaibigan nila ni Shaika. Hindi niya maitanggi sa dalaga na tama ang sinabi nito, dahil aminado naman talaga siyang ang tingin niya kay Zeldris ay kagaya ito ng kanyang ama na hindi sagawa ng isang maduming bagay na dudungis sa kanyang pangalan at madagdag ng latak sa lipunan. Halos ibigay niya ang buo niyang buhay mapatunayan lang kay Shaika na tama ang katwiran niya at dapat siya nitong paniwalaan. Pero ang naging kapalit… ang samahan at buhay nilang dalawa. Walang umimik pagkatapos ng sinabi ni Shaika, pare-pareho silang nilamon ng pagsisi at inis sa mga nangyari… kaya pinili na lang din niyang ituloy ang pagsasalita. “Sabihin mo nga sa akin,” aniya, nakaharap pa rin siya kay Herlene. “Ginawa mo ba akong bodyguard ni Zeldris para hindi siya mapatay ng Dark Knight? Ginamit mo lang ba ako para magawa ang mga gusto mo?” Gustong sumigaw ni Shaika sa sobrang sama ng loob niya habang sinasabi ang mga salitang iyon. Hindi niya matatanggap kung aamin ang kaharap niya na tama ang hinala niya. Hindi niya alam kung ano ang masasabi o magagawa niya sa oras na makumpirma niya na ipinagpalit ni Herlene ang pagkakaibigan nila para sa isang politikong gaya ni Zeldris Tan. “Shaika, hindi!” sigaw ni Herlene, hindi niya na napigilan ang sarili niya na maiyak masabi lang ang bagay na iyon. “Hinding-hindi kita gagamitin para lang sa sarili kong interes. Aaminin ko, naging bulag ako sa mga nangyari kasi gusto ko munang matapos kung ano ‘yung dapat kong gawin. Gumawa ako ng paraan para mapalapit ka kay Zeldris hindi dahil sa ayaw ko siya mahawakan ng Dark Knight, ginawa ko iyon kasi sa tingin ko kapag naging tauhan ka niya… hindi ka babalingan ng mga kaaway ko. Kasi ayaw kitang madamay, ayaw kitang mamatay… kayong dalawa ni Zeldris. Kasi kayo na lang ang meron ako, eh. Sana… sana paniwalaan mo iyon, Shaika. Kahit iyon lang, please,” pagmamakaawa niya. Hindi alam ni Shaika kung ano ang isasagot niya matapos marinig ang paliwanag ni Herlene, hindi niya itatanggi na naniniwala siya rito dahil kilala niya ang kaibigan niya… maaring naging bulag ito at mas pinaniwalaan niya ang sarili niyang prinsipyo, pero kahit kailan ay hindi nito nagawa ipahamak siya kahit isang beses at hindi nito hinayaan na madamay siya sa gulong kanyang pinasok. Sa huli, bumaling lang ang tingin niya kay Owen. At sa tingin niyang iyon… alam na ng binata kung ano ang gusto nitong ipahiwatig. “Hindi kita pipigilan kung gusto mo siyang paniwalaan, dahil gaya mo ay gusto ko ring maniwala sa sinasabi niya. Pero hindi na iyon mahalaga ngayon, ang kailangan nating gawin ay pag-isipan paano natin malilinis ang pangalan natin sa Dark Knight,” ani Owen. Lalong bumuhos ang luha sa mata ni Herlene nang marinig ang sinabi ng binata, pero bukod sa luha ay mas nangibabaw sa kanya ang tuwa dahil kahit pumalpak siya ay hindi tuluyang nagalit sa kanya si Shaika. Matagal niyang kinimkim ang sikretong ito at sobra ang takot niya sa maaring mangyari kapag nalaman iyon ng kaibigan niya, pero ngayon ay tuluyan na siyang nakalaya sa takot na iyon, tuluyan na siyang malaya sa kasinungalingan. Bago muling bumaling ang tingin ni Shaika sa kaibigan ay isa munang ngiti ang pinakawalan niya na hindi naman nakatakas sa mata ni Owen. Masaya ang dalaga na kahit mapait ang sinapit nito sa kamay ng kaibigan niya ay kaya niya pa ring unawain ang sitwasyon ng ibang tao, sa puntong iyon ay hindi niya itatanggi na humanga siya sa kung paano mag-isip ang binata. Isang yakap ang sumalubong kay Shaika nang makatingin siya kay Herlene. Sinubukan niyang kumawala dahil masyadong madiin ang mga bisig nito sa kanya pero sa higpit ng kuyapit nito at sa hagulgol ng iyak nito ay hindi na rin siya pumalag pa, bagkus ay hinawakan niya na lang ang likod nito para patahanin sa pag-iyak. Matapos ang madramang tagpong iyon at maihanda ni Herlene at Shaika ang sarili nila para pag-usapan ang totoong problema, magkaksama silang naupo sa dining area upang doon magharap at mag-usap ng maayos. Wala silang ideya sa kung ano ang maaring kalabasan ng pag-uusap nila, pero hindi sila papayag na lilipas ang araw na ito na walang nagiging usad sa problema. “Hindi ba mas mainam kung hingiin natin ang tulong ni Zeldris—” sandaling nahinto sa pagsasalita si Herlene na naging masama ang tingin sa kanya ng dalawa. “Huwag kayong magalit! Hindi ito dahil naniniwala akong mabuti siyang tao, naisip ko lang kasi… siya na lang talaga ang malalapitan natin sa ngayon, ‘diba?” Nagkatinginan na lang sina Shaika at Owen dahil alam nilang may punto si Herlene r’on. Ngayong itinawkwil na sila ng Dark Knight at malaki rin ang posibilidad na balikan ni Thunder si Owen ay kailangan nila ang gaya ni Zeldris na madaming tauhan at madaming koneskyon. “Kaya lang, kung lalapit tayo sa kanya… para na rin nating inamin na totoo ang bintang nila,” ani Owen. May marka silang traydor sa kanilang mga pangalan dahil nga sa nilihim nilang plano tungkol kay Zeldris, at sa paniniwala ni Owen ay mananatili ang markang iyon kung hindi sila hihiwalay sa taong iyon. Masama man siya o totoong mabuti, hindi pa rin siya mabisang kakampi para sa kanya. “Wala tayong inaamin, Owen. Dahil kumampi man tayo sa kanya o hindi ay pareho lang ang labas natin, kaaway pa rin tayo ng organisasyon,” giit ni Shaika. “Kaya mas mabuti nang gamitin natin siya para kahit paano ay may laban tayo,” sabi pa niya. Mabilis na kumunot ang noo ni Owen sa kanya. “Laban? Lalabanan natin ang Dark Knight?” paglilinaw niya. Isang buntong hininga ang unang pinakawalan ni Shaika. “Kung halimbawa na susugurin tayo ng Dark Knight o ng kaibigan mo, wala tayong magagawa kundi ang lumaban kung ayaw mong mamatay. Kahibangan kung sasabihin mo na hindi natin sila papatulan dahil lang gusto mong patunayan na hindi totoo ang bintang nila sa atin. May iba naman sigurong paraan para gawin iyon, ‘diba?” Ayaw din naman sana ni Shaika na umabot sa puntong lalabanan niya ang Dark Knight, dahil pakiramdam niya ay nagiging rebelde na siya sa grupo at sa mismong harap ng kanyang ama. Sa tuwing naiisip niya na naiipit siya sa ganitong problema ngayon, hindi niya maiwasang hindi mag-alala kung ano ang iniisip ng Supremo tungkol sa kanya sa ganitong pagkakataon. Hanggang sa naramdaman na lang ni Shaika na hinawakan ni Herlene ang kamay niya. “Ayos ka lang ba? Nagkausap manlang ba kayo ni Supremo?” nag-aalala niyang tanong. Lalong lumungkot ang mata ni Shaika nang itanong iyon sa kaibigan niya. Kung tutuusin nga ay mas gugustuhin niyang makausap lang ang kanyang ama-amahan at wala na siyang pakialam kahit pa manatiling traydor ang tingin sa kanya ng lahat… dahil si Supremo lang naman ang tanging dahilan bakit siya patuloy na nagtatrabaho para sa organisasyon. Naniniwala siyang matagal na niyang naipaghiganti ang kanyang mga magulang, pero sabi ni Supremo… hangga’t hindi nauubos ang masasamang politiko ay hindi rin tuluyang matutuldukan ang kaso ng kanyang mga magulang kaya wala siyang ibang nagawa kundi ang patuloy na pumatay. Pero ngayong nahaharap siya sa isang malaking problema na wala si Supremo para tulungan siya, nangangapa siya sa kung ano ba talaga ang dapat niyang gawin. “Paano niya naman makakausap ang tatay niya kung buong Dark Knight ay pinigilan siyang umakyat sa opisina nito? Lahat nga sila ay iisa lang ang iniisip tungkol sa kanya,” sagot ni Owen. Isang masamang titig ang nakuha niya mula kay Herlene nang sabihin niya iyon. “Wow, salamat, ha. Ang laki ng naitulong mo sa sinabi mo. Lalo mo lang pinamukha sa kaibigan kong hopeless siya. Ang insensitive mo namang boyfriend,” komento ng dalaga. Balak sanang itama ni Owen ang tungkol sa huling bagay na sinabi ni Herlene dahil sa takot niya na baka sa kanya ibaling ni Shaika ang inis sa narinig na pang-aasar ng kaibigan niya. Pero hindi niya na nagawang magsalita nang marinig niya ang malungkot at mahinang boses ni Shaika, kausap niya si Herlene. “Hindi ko siya makakausap hangga’t wala akong nagagawang paraan para makaharap siya. At sa tingin ko, si Zeldris lang talaga ang makakatulong sa atin ngayon,” aniya. Naikuyom na lang ni Owen ang kanyang kamao dahil sa bagay na sinabi ni Shaika. Ayaw niyang hingiin ang tulong ng isang lalaking kagaya ni Zeldris Tan, dahil kahit anong paliwanag at depensa pa ang gawin ni Herlene para ipagtanggol ang lalaking iyon na tunay siyang mabuting tao ay hinding-hindi magbabago ang tingin niya sa lalaking iyon. Malaki ang tiwala niya sa kakayahan ng Dark Knight, kaya nakakatiyak siyang hindi ito basta magbibintang lang ng walang sapat na ebidensya. Iyon din ang pinaniniwalaan niyang rason bakit naging traydor ang tingin ng organisasyon sa kanila. Madaming bagay ang nagbigay ng dahilan para iba ang makita ng Dark Knight tungkol sa ginagawa nila, at hindi niya rin masisisi ang grupo dahil kung iisipin ay may mali naman talaga sila sa mga kilos nila. “Sige, kung siya ang tingin mong susi para makalapit kay Supremo at malinis ang pangalan natin. Anong plano mo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD