Chapter 21

1776 Words
CHAPTER 21: Simple lang naman ang naisip na plano ni Owen: ipaalam sa Supremo ang ginawa ni Sinister na pagtanggap sa alok ni Zeldris na maging bodyguard niya. Sa paraang ito ay hindi na nilang kailangang problemahin pa kung may makakapagsumbong pa sa nakakataas tungkol sa ginawa niyang iyon, ang kailangan na lang gawin ni Sinister ay ipaliwanag ang rason bakit siya nauwi sa desisyong iyon. Inamin ng dalaga sa kanyang ama ang ginawa ni Zeldtris na pag-alok sa kanya bilang isa sa kanyang mga bodyguard. Pero bukod sa bagay na iyon ay wala nang ibang inamin si Sinister, ang sunod niyang sinabi ay nagkasundo na nga sila ni Owen na magkasama nilang patutumbahin ang mayor sa pamamagitan ng sarili niyang palabas. Isang nakakadudang bagay kung iisipin ang naging desisyon ni Sinister, pero wala itong kahit na anong itinanong sa dalaga tungkol sa binabalak niyang gawin. At alam na rin naman nilang dalawa kung bakit hindi ito nagtanong… alam niya ang nangyari noong gabing iyon at alam din niya ang tungkol kay Herlene. Hindi niya ito binanggit sa harapan nilang dalawa dahil nga kasama nila si Legal. Hindi makakabuti sa kanilang tatlo kung ilalabas ni Legal ang totoong nangyari. Wala namang kaso sa kanilang dalawa kung alam ng Supremo ang mga nangyari kagabi o kung ano pa mang natuklasan nito tungkol sa kanila, dahil hangga’t hinahayaan sila nito ay walang magiging problema at walang maling balita ang nakakarating sa kanya. Ang kailangan na lang gawin ngayon ng dalawa ay gawin ang kanilang makakaya para makuha ang gusto nila kay Zeldris. Pagkatapos nilang makipag-usap sa Supremo ay muli silang bumalik sa rooftop para r’on ay muling pag-usapan ang magiging kabuuan ng kanilang plano ngayon nakuha na nila ang permiso ng Supremo. “Ang kailangan ko lang gawin ay kunin ang mga sagot na kailangan ko mula sa kanya, kailangan ko lang malaman kung ano talaga ang koneksyon niya kay Herlene at kung ano ba talaga ang plano ng kaibigan ko sa ginawa niyang pagsamahin kaming dalawa,” paliwanag muli ni Sinister. Hindi pa rin nawawala sa kanyang isip ang mga bagay na sinabi ni Herlene nang araw na iyon… ang araw kung kailan nalaman niyang gusto siyang pilitin ng dalaga na maintindihan ang parehong paniniwala na pinanghahawakan niya. Tumango si Owen sa kausap. “At kapag nakuha mo na ang gusto mo sa lalaking iyon ay saka ko naman siya papatayin,” aniya. Halos umabot na yata sa langit ang ngiti ni Owen dahil sa nagkaroon sila ng ganoong kasunduan ni Sinister. Hindi lang niya sinasabi sa dalaga ang naging alitan nila ni Legal noon dahil sa kagustuhan nitong patayin si Thunder dahil sa pagkakamali nilang dalawa, pero ngayon ay nagawa niyang patunayan sa lalaking iyon na kaya niyang iligtas ang kaibigan niya. Hindi niya makakalimutan ang inis sa mukha ni Legal nang makita niyang magkasama silang dalaga ni Sinister. Dahil sa tuwa ay huli na napansin ni Owen na hindi na siya sinagot ng kausap. Nakaupo siya sa sahig dito sa rooftop, habang si Sinister ay nakatayo at nakatingin sa kawalan. Dulot ng pananahimik ng dalaga ay tumayo siya at ginaya ito sa pagtingin sa kawalan. “Kung hindi mo siguro pinapairal ang pride mo, baka hindi mo na kailangang gawin ang mga bagay na ito ngayon,” mahinang sambit ni Owen, pero sapat naman ang pagkakabigkas niya dahil narinig naman iyon ni Sinister. Imbes na awayin o pagtangkaan muli ang kasama na huwag itong mangialam sa personal niyang buhay ay mas pinili na lang ng dalaga na manahimik at huwag nang patulan pa ang sinasabi ng kasama niya. Dahil alam niyang kahit ipaliwanag niya ang rason niya kung bakit mas pinili niya itong gawin kaysa ang tanungin ng diretso si Herlene ay malabo pa ring maintindihan nito ang tunay niyang gustong mangyari. “Naniniwala ka bang hindi lahat ng politiko ay masama?” tanong ni Sinister. Sandaling bumaling ang tingin ni Owen sa kasama na may halong pagtataka sa naging tanong nito sa kanya. Habang nagkukwento ang dalaga ay nababanggit na nito ang tungkol sa paniniwala nito sa masasamang politiko pero hindi niya pinapansin. Kaya ngayon na itinanong na ito sa kanya ay hindi niya alam kung paano ba iyon sasagutin. “Kung ikaw ba ay tanungin ko ng, ‘Naniniwala ka bang lahat ng kriminal ay masama?’ anong isasagot mo?” Hindi kaagad nakasagot si Sinister. Iyon ay hindi dahil naniniwala siyang hindi lahat ng kriminal ay masama, kundi dahil ang mga gaya nilang pumapatay ay para na ring isang kriminal sa mata ng lipunan… dahil wala silang karapatang pumatay base sa kanilang husga sa isang politiko kahit pa mapatunayan na masama nga ito. Samakatuwid, nalilito siya sa kanyang pipiliing sagot. “Alam ko na iniisip mo,” ani Owen. Naging dahilan iyon para lingunin siya ng dalaga, hindi nakatakas sa kanya ang ngiti ng binata habang nakatingin pa rin sa kawalan. Nang maramdaman niyang nakatingin pa rin sa kanya si Sinister ay itinuloy niya ang gusto niyang sabihin, “Hindi tayo pareho sa kriminal, ang tawag lang sa atin ay taong makalasanan. Dahil naniniwala akong hindi isang krimen ang pumatay ng taong totoong nagpapadumi ng bansa natin,” aniya. Lihim na sumang-ayon si Sinister sa bagay na iyon, dahil walang pinagkaiba ang sinabi ng binata sa bagay na pinaniniwalaan niya na noon pa. Kaya lang, hindi niya kayang sabihin ang pagsang-ayon niya dahil hindi mabubura ng bagay na iyon ang katotohanan na tinuturing niya pa ring kriminal ang kanyang sarili. “Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo,” sambit muli ni Owen. “Pero subukan mong tanggapin ang sinabi ko, makakatulong iyon para matanggap mo rin ang sarili mo,” aniya. Naiintindihan ni Sinister kung ano ang gustong ipahiwatig sa kanya ng kasama niya. Hindi niya naman gustong magbigay ng maling impresyon sa binata na tila wala siyang tiwala sa mga sinasabi nito, pero sa pagkakataon kasing ito… iba-ibang bagay na naman ang tumatakbo sa isipan niya na pumipigil para sabihin niya kung ano talaga ang gusto niyang paniwalaan. “Hindi mo na sinagot ang tanong ko,” iyon na lang ang nasabi ni Sinister, muli na naman siyang nakatingin sa kawalan. Gaya niya, kalangitan ang nagbibigay kay Owen ng daan upang makahingan pagkatapos ng nakakasal na uri ng trabahong kanyang pinili. Maaring magkaibang lugar o oras ang napili nilang pagkakataon para gawin ang gaya ng ginawa nila ngayon, pero naniniwala ang binata na pareho pa rin sila ng tinitingnang langit. “Hindi ko sinagot ang tanong mo dahil kagaya mo, naguguluhan din ako. Nang sumali ako sa Dark Knight, tinanggap ko na sa sarili ko na magiging madumi na rin ako gaya ng mga politikong papatayin ko,” sagot ni Owen. Sandaling naningkit ang mata ni Sinister nang marinig niya ang tungkol sa pagsali sa Dark Knight. Bumalik sa alaala niya ang malagim na sinapit ng pamilya niya, noong bata pa siya ay walang ibang laman ang isip niya noon kundi ang bigyan lang ng katarungan ang pagkamatay ng mga magulang niya. Iyon lang ang tanging rason niya kung bakit siya sumama kay Supremo – inakala niyang ito ang magbibigay sa kanya ng sagot sa mga katanungan sa isip niya. Pero kahit nagawa niyang patayin ang isang lalaking itinuro ni Supremo na may kinalaman sa pagkamatay ng mga magulang niya, hindi pa rin siya nakuntento noon. Kaya nga hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang misyon niyang pumatay ng masamang politiko, sa paniniwalang iyon ang magbibigay sa kanya ng sagot sa mga pagkukulang na nararamdaman niya. “Sinasabi mo bang dapat nating pagdudahan ang adhikain ng organisasyon?” tanong ni Sinister. Nakaramdam ng pagkabigla si Owen sa tanong ng katabi niya. Aminado siyang hindi niya alam ang sagot sa dalawang tanong na itinanong nila sa isa’t isa, pero ibang bagay iyon kung ang pag-uusapan ay tungkol sa Dark Knight. “Ang tanging pinagdududahan ko lang ay ang sarili ko. Pero alam ko na iisa lang naman ang gusto ng organisasyon at isa ako sa tutupad nito,” paglilinaw niya. Napangisi na lang si Sinister dahil naramdaman niya na gustong ipaunawa sa kanya ng binata na mali ang kanyang iniiisip na dahilan kung bakit sumali ito sa organisasyon. Naiintindihan niya naman ang sinasabi nito, dahil pareho lang sila… “Kung ganoon, ibabalik ko sa ‘yo ang tanong,” ani Sinister. Bumaling ang tingin niya kay Owen bago siya muling nagsalita. “Anong tingin mo kay Zeldris, isa ba siyang mabuti o masamang politiko?” Katahimikan. Kagaad na nabalot ng katahimikan ang paligid nilang dalawa. Walang bumitiw sa tinginan nila na animo’y makikita nila ang sagot sa mata ng isa’t isa. Pareho nilang gustong malaman ang sagot sa tanong na iyon, at ngayon pa lang ay kinukwestiyon na nila ang mga naging kilos nila upang maging basehan ng kanilang isasagot. Hanggang sa naunang bumitiw sa tinginang iyon si Owen, ibinalik niya ang kanyang tingin sa kalangitan at sinabing, “Basta ako, sumusunod lang ako sa utos ng Supremo. Nagkataon lang na pinagbibigyan ko ang gusto mo na alamin sa kanya ang tungkol sa kaibigan mo, iyon lang,” aniya. Kahit nag-iba na ang tingin ng binata ay hindi naman tuminag ng tayo si Sinister. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bumalik sa isip niya ang bagay na sinabi na rin sa kanya ni Herlene noon: “Ginagamit ka lang ng Dark Knight para makuha ang gusto nila.” “Traydor.” Marahas na tuminging muli si Owen kay Sinister nang marinig niyang sinabi iyon ng dalaga. “Ano bang sinasabi mo?! Akala ko ba ay magkakampi na tayo ngayon, bakit biglang—” Hindi nagawang ituloy ng binata ang kanyang sinasabi nang makita niya ang takot o dismaya na mukha ng kaharap niya. Hindi pa man magsalita ang dalaga ay alam na niyang hindi siya ang tinatawag nitong traydor. Mula nang makilala niya ito, ngayon niya lang nakitang naging ganito ang reaskyon ng dalaga… bagay na nakapagbigay sa kanya ng rason parang hawakan sa magkabilang balikat si Sinister. “Sino? Ano bang gumugulo sa isip mo?” tanong niya. Habang nararamdaman ni Sinister na dinadamayan at iniintindi siya ni Owen, lalo siyang nagkakaroon ng rason na matakot o ilagan ang mga bagay na kahit kailan ay hindi niya maiisip na posibleng mangyari… Tulo ng luha ang naging tugon ni Sinister sa tanong ni Owen sa kanya. Dahil doon ay isang tao lang ang naiisip niyang tinawag ng dalaga na isang traydor. Humigpit ang hawak niya sa balikat ng dalaga. “Problema nating dalawa ito, ‘diba? Kaya hayaan mo, tutulungan kitang resolbahan ito para maresolbahan na rin ang sarili kong problema. Aalamin natin… kung… totoo bang… traydor nga si Viper.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD