Chapter 20

1752 Words
CHAPTER 20: Napaawang na lang ang bibig ni Sinister nang marinig ang tanong na iyon. Hindi niya alam kung paano niya lilinisin ang pangalan ng kaibigan niya o kung kailangan niya ba talaga itong depensahan sa binata. Tila ba nahihirapan siyang i-proseso sa utak niya ang tanong kaya’t hindi niya agad malaman ang dapat na sagot. “Hindi ako sigurado, pero sa pagkakatanda ko ay wala akong binanggit kay Herlene tungkol sa pagpapalit namin ni Three sa misyon na papatayin,” aniya. Napalunok si Sinister matapos niyang sabihin iyon, ang totoo ay sigurado siya sa tanong at alam niya naman talaga kung ano ang sagot sa tanong ni Owen. Ngunit ang hindi niya alam ay kung dapat ba niyang sagutin ng tama ang tanong na iyon. Ayaw niyang maging sinungaling, ngunit ayaw niya rin namang sagutin ang tingin niyang alanganin ang magiging epekto. Umiwas ng tingin si Owen sa kanya na para bang iniisip niya kung may bagay ba silang nakakaligtaan. Balak niyang balikan ulit ang lahat ng nangyari mula simula upang isipin muli ang mga bagay-bagay na hindi nila napansin mula kanina. Inaalala niya ang araw kung kailan ibinigay sa kanya ang misyon na patayin ang isang mayor na nagngangalang Zeldris Tan. Kabilin-bilinan sa kanya ni Three na kailangan niyang masiguro na mapatay ang mayor na iyon dahil malaki siyang hadlang sa kanilang organisasyon. Hindi malinaw sa kanya bakit itong tinawag na hadlang ni Three, ngunit sinunod niya pa rin ito dahil nga natawag na itong masamang politiko. Ang rason bakit sa kanya ibinigay ang misyon ay dahil isa si Owen sa pinakamagaling at pinagkakatiwalaan ni Three sa kanilang division at mabigat ang kasong iyon. Habang malayo pa rin ng tingin ay nagsalita si Owen, “Ang sabi mo kanina ay si Herlene ang dapat na may hawak ng misyon na gagawin mo ng araw na iyon. Pumunta ka lang sa opisina ng papa mo para ipaalam na ikaw ang gagawa ng misyon imbes na ang kaibigan mo dahil nga sinabi niyang hindi niya kayang patayin ang kaibigan ng papa niya. At naabutan mo sa opisina ni Supremo si Three at ang sabi niya sa ‘yo ay hinihintay din niya si Supremo,” ulit ni Owen sa mga bagay na ikinuwento ni Sinister sa kanya kani-kanina lang, tila seryoso pa rin siyang isipin ang mga nangyari nitong mga nakaraan at ikinukumpara niya iyon sa mga ikinuwento naman sa kanya ni Sinister ngayon. Habang nag-iisip ang binata ng maaring mali sa mga naganap nitong mga nakaraang araw ay hinayaan na rin ni Sinister ang kanyang isip na lumipad habang nagbabakasakaling makatulong ito sa pinag-uusapan nila ngayon. Kailangan nilang mabigyan ng linaw ang bagay na ito sa lalong madaling panahon, dahil kung wala silang maipresintang ebidensya na may mali sa misyong tinanggap nila ay pare-pareho silang mapapahamak kay Supremo. Tumango naman ang dalaga kahit hindi nakatingin sa kanya ang kausap. “Ang tanging pakay lang niya nang araw na iyon ay ibalita ang nangyaring pagkapalpak ni Thunder – tinawag niyang magaling ang assassin na umano ay inutusan niya dahil akala nga niya ay ikaw ang gumawa ng misyon,” dugtong naman ni Sinister. Hindi pinansin ng binata ang sinabi niya. Tila may nabubuo ng bagay sa utak niya na gusto niyang bigyan ng linaw, tila nasa dulo na ito ng kanyang dila ngunit hindi niya lang masabi. Kaya lumingon siya kay Sinister para sana kumuha ng ideya, ngunit nang nakita niya na abala na rin ito sa pag-iisip ay nawala na nang tuluyan ang iniisip niya. Pilit nag-iisip si Sinister ng ideyang maaring makatulong sa kanila dahil ayaw niya talagang mapahamak sila. Hanggang sa napansin na lang niya na kanina pa nakatingin sa kanya si Owen. “Bakit?” agad niyang tanong pagtingin niya sa kausap. Mabilis na ngumiti si Owen sa kanya at saka umiwas ng tingin. Maski siya ay hindi makapaniwala na tumitig siya sa isang babae... nawala siya sa kanyang iniisip dahil sa pagkatulala niyang iyon. Hindi niya akalain na mapapabilib siya ni Sinister dahil lang sa tumutulong ito sa pag-iisip ng solusyon sa problema nilang dalawa. “Wala naman, hindi ko lang akalain na magkakasundo tayo ngayon. Parang kagabi lang ay gusto mo akong patayin, ngayon magkasabwat na tayo para pagtakpan ang panibago nating pagkakamali,” pag-amin niya. Totoo naman iyon, tila nag-ibang tao ang tingin niya sa kasama niya. Kagabi ay inakala niya talagang una at huling pag-uusap na nila iyon ni Sinister dahil nga gusto na nitong magkapatayan silang dalawa. Ang totoo pa nga niyan ay hindi niya na nasundan ang mga nangyari at bakit biglang pumayag na lang siyang humantong sa ganito ang lahat… wala ito sa plano niya. Tila nakaramdam ng pagkahiya si Sinister nang marinig ang sinabi ng kausap. Hindi niya itatanggi ang bagay na sinabi nito, dahil aminado siyang gusto niya naman talagang patayin si Owen dahil nga sa pag-aakalang nangialam ito sa kanyang misyon – ngunit iba na kasi ang sitwasyon ngayon, malinaw na sa kanya ang nangyari… walang nang-agaw sa kanila at walang nakisawsaw. Ang nangyari ay isang malaking pagkakamali lang sa paliwanag. “Ako rin naman, hindi ko akalain na tatagal ng ganito ang pagpatay sa isang binatang mayor,” sagot ni Sinsiter. Wala siyang lakas ng loob para patulan ang sinabi ng binata kaya pinili na lang niyang ibahin ang usapan. Kahit inisip niyang maaring makatulong si Zeldris para masagot niya ang tanong niya tungkol kay Herlene, hindi pa rin nagbabago ang intesyon niyang patayin ang binata. Alam niya na ang koneksyon ng dalawang iyon, ngunit naniniwala naman siyang kung malaman ni Herlene na naging misyon niyang patayin ang isang politikong kilala niya ay maiintindihan naman nitong trabaho lang ang ginawa niya. Dahil ganoon din naman ang ginawa niya sa misyong ipinasa niya kay Sinister. At dahil sa sinabi at ginawa niya, isang bagay ang agad na pumasok sa isip ng binata. “Tama! Alam ko na kung paano natin mareresolbahan problema ng isa’t isa!” anunsyo ni Owen. Agad na kumunot ang noo ni Sinister sa kanya, halata sa kanyang mukha na hindi niya nasundan ang pangyayari dahil sa lalim ng kunot sa kanyang noo. Hindi niya alam paano nagawa ng binata na makaisip kaagad ng plano dahil lang sa naging pag-uusap nilang iyon. Ngunit hindi na mahalaga sa kanya ang sagot sa tanong niya, napangiti na lang siya dahil may solusyon na ang problema nila. *** “Pumasok kang isang bodyguard niya at balak mong kunin ang pagkakataon na ito para patayin siya? Tama ba ang pagkakaintindi ko?” paglilinaw ni Supremo kay Sinister. Kitang-kita sa mukha ng Supremo na hindi niya alam na ganoong uri ng balita ang makakarating sa kanya mula mismo sa kanyang anak. Ngunit kahit alam ni Sinister na ganoon ang reaksyon ng kanyang ama ay umarte pa rin siyang parang walang napansin dahil ang kailangan niyang gawin ngayon ay maisakatuparan ang napag-usapan nilang dalawa ni Owen na dapat niyang gawin. Bago sumang-ayon si Sinister sa tanong ng kanyang ama ay tumingin muna siya sa katapat niyang nakaupo rin sa harapan ni Supremo. Tumingin siya para humingi ng kasiguraduhan na tama ang sinabi niya at hindi siya nagkamali. Ang kailangan na lang niyang gawin ngayon ay patunayan na para rin sa misyon ang gagawin nilang dalawa. Sumingit sa usapan si Owen, mabilis siyang sumagot kay Supremo. “Alam n’yo naman po kung gaano kadelikado na kalaban si Zeldris, at walang ibang paraan para matalo siya kundi ang tapatan ang magagaling at malalakas niyang tauhan. Alam kong malinaw na pumapak ako sa misyon ko at tanggap kong may katampatang parusa ang nagawa ko. Kaya lang, dahil sa nangyaring pagsugod namin ni Sinister sa kanya at sa naging pagkakamaling iyon ay lalong humigpit ang seguridad niya. At dahil doon ay naisipan kong hingiin ang tulong ng anak ninyo para magawa na namin ng tama ang misyon sa pagkakataong ito,” paliwanag niya. Tiwala si Owen na makukumbinsi niya ang Supremo sa naisip niyang taktika. Dahil nga ang inihain niyang paliwanag ay pagpapakita na hindi niya kayang gawin mag-isa ang misyon at isang magaling na assassin si Sinister—malinaw na maganda nga kung silang dalawa ang magsama sa misyong iyon. At para ituloy ang misyon, kailanga nila ng plano at iyon na nga ang maging bodyguard si Sinister ng mayor na target nila. Nasa loob ngayon ng opisina sina Destroyer at Sinister at kinukumbinsi nilang pareho ang Supremo na pumayag sa kanilang naiisip na paraan para matalo na sa wakas si Zeldris. Habang nag-uusap ang tatlo ay nasa likuran naman ni Destroyer ang nakatayo na si Legal. Kailangan siya sa pagkakataong ito upang may maging saksi sa gagawing pag-uusap ng tatlo. Nakakunot ang noo ni Supremo, bagay na nagpakaba kay Sinister ng husto. Kilala niya ang kanyang ama, at alam niya na kapag ganoon ang reaksyon nito ay naghahanap ito ng butas sa narinig niyang balita. Sinabi na rin ni Sinister kay Owen ang tungkol sa ganoong ugali ng kanyang ama, kaya ngayong pareho nilang nakikita ang reaskyon nito ay mas lalo silang dapat na mag-ingat sa pagpili ng mga bagay na kailangang marinig ni Supremo. Hanggang sa bumaling ang tingin ni Supremo sa kanyang na si Sinister. “Pumayag ka rito, anak? Susunod ka sa ipinag-uutos ng lalaking ito na naging dahilan bakit ka pumalpak?” paalala ni Supremo sa kanya. Agad na napayuko si Sinister nang marinig ang tanong ng kanyang ama. Mukha itong kalmado kung titingnan… pero alam ng dalaga na hindi biro ang bagay na itinatanong nito sa kanya. Wala siyang balak na lingunin sino man sa tatlong lalaking kasama niya sa loob ng opisina. Ngunit kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag dahil ramdam niyang wala itong pagdududa kung bakit ganoon ang kanilang balak gawin. “Kailangan niyang pagbayaran ang ginawa niya sa akin, ‘pa. At ito na ang tamang pagkakataon na sisingiln ko siya sa ginawa niya,” depensa naman ni Sinister. Hindi kaagad nakaimik si Supremo, tila ibinalanse niya munang mabuti kung ano talaga ang balak ng mga tauhan niya lalo na si Sinister. Nag-aalala man siya sa nalaman niya ay wala naman siyang magawa kundi ang masdan lang ang kanyang anak. Alam niyang kahit minsan ay hindi ito humiling ng tulog sa iba, pero dahil ayaw din niyang pagdudahan ang sarili niyang anak ay isang bagay lang ang kanyang nasabi… “Hindi ko alam kung ano talaga ang plano ninyo at bakit n’yo ito ginagawa. Pero dahil anak ko mismo ang lumapit sa akin para sa misyon na ito, sige… pagbibigyan ko kayong dalawa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD