Chapter 19

1799 Words
CHAPTER 19: “Pumayag kang maging bodyguard niya?! Nababaliw ka na bang talaga?!” Iyon ang tanging naging reaskyon ni Owen matapos sabihin sa kanya ni Shaika ang lahat ng naging pag-uusap nila ni Zeldris nang gabing iwan niya ang dalawa dahil sa kagustuhan ng dalagang itanong sa mayor ang bagay na gusto niyang malaman. Napayuko na lang si Sinister matapos marinig ang naging reaksyon ng kausap. Alam niya naman na posible talagang hindi nito tanggapin kung ano ang naging desisyon niya, pero pinili niya pa ring gawin at sabihin ito dahil sa pakiramdam na may utang na loob siya rito kahit pa binalak niya itong patayin noong una. Nasa rooftop ang dalawa at dito nila napiling mag-usap dahil walang ibang umaakyat dito kundi si Shaika lang. Ligtas din kung dadalhin niya rito si Owen dahil siya naman ang kasma nito, pero kung isa ka lang miyembro at wala kang mataas na posisyon sa Dark Knight, hindi ka maaring umakyat dito. Hindi akalain ni Owen na sa umagang darating na ito ay sasadyain talaga siya ni Sinister sa kanilang division upang dalhin dito sa rooftop at ibalita sa kanya kung ano ang nangyari kagabi. Dahil sa totoo lang ay hindi niya naman inaasahan sa dalaga na gagawin niya ito, lalo na’t sapat na ang isang gabi para sa kanya para malaman kung anong ugali meron ang dalaga. Bukod sa nangyari kagabi, nagawa ring ikwento ni Sinister sa kanya ang pinagmulan ng rason bakit gusto niyang kausapin si Zeldris kagabi. Hindi niya nakakalimutan na sinabihan niya itong wala itong pakialam sa gusto niyang gawin at hindi na nito kailangan pang malaman ang sadya niya sa mayor, pero pagkatapos ng ginawa nitong pagpaparaya ay bigla na lang niyang naisip na ibagi kay Owen ang mga nangyari noong mga nakaraan. Hindi naman nagrereklamo si Owen na sinabi sa kanya ito ni Sinister, sa katunayan nga ay natuwa pa siya na nagawa ng dalaga na sabihin sa kanya ang totoong nangyari. Nakitaan niya ito ng mabuting kalooban na marunong din naman pala itong makisama kapag ginawan mo ito ng kabutihan; napagtanto ng binata ngayon lang na ang susi para maging magkaibigan kayo ay mauna kang gumawa ng mabuti para sa kanya. Napansin niya ang pagkadismaya ni Sinister dahil sa ikinilos nito pagkatapos niyang aminin ang ginawa niyang pagpayag kay Zeldris sa kagustuhan nitong maging bodyguard niya. Kaya napabuntong hininga na lang si Owen at muling nagsalita. “Huwag mo nang isipin iyon, hindi rin naman siguro ‘yan magtatagal dahil malalaman mo rin kaagad ang totoo. Magtiis ka na lang muna hanggang hindi mo pa nakukuha ang gusto mo,” suhestiyon niya. Aminado si Sinister na naging padalos-dalos siya sa naging desisyon niya kagabi. Tila nang makakita siya ng posibilidad na mababasa niya na kung ano ang tunay na iniisip ni Herlene ay nakalimutan na niya ang magiging kapalit ng ginawa niyang desisyon. Kaya sa oras na maisip niya ang kalokohang naisip niya, agad niyang kinausap si Owen – ang tanging tao na sa tingin niyang makakaintindi sa kanya ngayon dahil nga nasaksihan nito ang mga nangyari kagabi. Idagdag pa riyan na wala siyang ibang maaring makausap dahil nga hindi sila maayos ni Herlene. “Paano ang misyon mo?” tanong ni Sinister kay Owen nang bumaling ang tingin niya sa binata. Pagak na natawa si Owen. Pagkatapos ng nangyari kagabi, hindi pa rin siya makapaniwala na tatratuhin siya ng ganito ni Sinister. Kahit kanina niya pa ito kausap ay hindi pa rin ma-proseso ng utak niya na kasama niya ito ngayon. Dumaan sila sa opisina ni Legal kanina, kaya tiyak niyang nakita ng lalaking iyon na magkasama silang dalawa ni Sinister ngayon. Isang patunay na kaya niyang makuha ang pagpapatawad ni Sinister sa nangyari. “Ako naman ang pumili na umalis kagabi, ibig sabihin ay ako pa rin ang may kasalanan. Ako pa rin ang mapaparusahan,” sagot ni Owen. Muling tumingin si Shaika sa kanya, ngayon niya napagtanto na tunay nga namang hindi sa pabalat makikita ang totoong laman ng isang libro. Hindi niya akalain na may kagaya ni Herlene sa loob ng Dark Knight na may malambot na puso gaya ni Owen. “Hindi ako papayag na maparusahan ka. Ako nang bahala magpaliwanag kay Legal ng nangyari,” ani Sinister. Mabilis na napalitan ang reaskyon ni Owen. “Talaga?! Gagawin mo ‘yon?!” hindi makapaniwalang tanong niya. Agad na napabuntong hininga si Sinister. Ang totoo ay ayaw niyang makaharap si Legal kahit kailan. Matindi ang diri na nararamdaman niya sa taong iyon dahil mula nang magtagpo ang landas nilang dalawa ay palagi na itong nagpapansin sa kanya. “Oo, basta samahan mo lang ako dahil ayokong makita mag-isa ang pagmumukha ng lalaking iyon. Kailangan masira rin ang araw mo,” ani Sinister. Mabilis na pumayag si Owen sa sinabi ng dalaga, wala siyang pakialam kung magkaharap man sila ni Legal ngayon kahit pumalpak ulit ang misyon niya. Kampante siyang hindi siya maaano nito dahil kasama niya ang anak ng Supremo para ipagtanggol siya sa nangyari. “Sandali nga, kung haharap ka kay Legal, ibig mo bang sabihin ay sasabihin mo ang nangyari kagabi?” seryoso ang naging boses ni Owen nang itanong niya iyon. Napalunok si Sinister at nakaramdam ng bahagyang kaba sa bagay na itinanong ng kasama niya. Alam niya na kapag nakarating kay Legal ang nangyari kagabi ay makakarating din iyon ng tiyak kay Supremo. At kapag nalaman ng kanyang ama ang ginawa niya, maaring madismaya na naman ito at baka hindi lang parusa ang matanggap niya. “Anong gusto mong gawin ko? Manahimik para hindi ako mapahamak? At ano ang kapalit, ikaw ang mapapahamak?” tanong ni Sinister. Muling lumayo ang tingin ni Owen nang maisip niyang may punto si Sinister sa sinabi nito. Tiyak na hindi niya magugustuhan kung magagalit na namang muli si Legal sa kanya. Baka sa halip na palayain nito si Thunder sa kanyang parusa ay lumala pa ang mangyari. “Anong tingin mo kay Zeldris Tan?” Mabilis na bumaling ang tingin ni Sinister kay Owen nang marinig niya ang tanong nito. Bukod sa nahiwagaan siya na hindi nito pinansin ang tanong niya, hindi niya maintindihan kung bakit sa tono ng boses nito ay naniniwala itong hindi masamang politiko si Zeldris. Gayong siya ang pilit nang pilit kay Sinister na huwag maniniwala sa mga sinasabi nito. Sandali lang na natulala si Sinister sa kausap, at nang maisip niya na kung ano ang isasagot niya ay tumingin na rin siya sa kalangitan. “Wala akong pakialam kung masama o mabuti siya, ang tanging hinahanap ko lang ay–“ “Paano kung totoo ngang gusto lang ng kaibigan mo na maintindihan mo rin ang bagay na pinapaniwalaan mo? Paano kung nagkamali nga talaga ang Dark Knight sa pagpapapatay sa kanya?” Tila nalunod si Sinister sa uri ng tanong ng kausap. Lalong naging komplikado sa utak niya ang mga bagay-bagay na nalaman niya kay Zedris kagabi at ang tanong na iyon. Bumalik sa isip niya ang, “Hindi mo maiintindihan ang dahilan ni Herlene kung hindi mo ito susubukan.” “Hindi magagawa ni papa na magturo ng taong walang ginagawang katiwalian. Hindi ako naniniwalang may mabuting politiko, pero naniniwala akong pantay magbigay ng desisyon ang Supremo,” sagot ni Sinister. Buong buhay ng dalaga, pagsunod sa utos ng kinilala niyang ama ang lagi niyang ginagawa. Ni minsan ay hindi niya nagawang magdalawang isip sa tuwing may iuutos sa kanyang bagong target. Bata pa lang siya ay naniniwala na siyang may basehan ang sinasabi ni Supremo at walang kinalaman ang personal niyang buhay dito. Ipinapapatay niya ang taong sagabal sa pag-unlad ng bansa. “Hindi nga si Supremo,” sagot ni Owen. Tumingin muna siya sa kausap bago niya ituloy ang bagay na sinasabi niya. “Pero paano kung may kung sinong nagbibigay ng maling utos at ginagamit lang si Supremo bilang dahilan sa sarili niyang kalokohan?” Bumaling din ang tingin ng dalaga sa kanya at naging dahilan iyon para magtama rin ang tingin nilang dalawa. Puno ng pagdududa at pagtataka ang isip ni Sinister nang sabihin iyon ng kasama. “Anong sinasabi mo?” naguguluhan niyang tanong. “Hindi ka ba nagtataka?” bago ituloy ang kanyang sinasabi ay naupo muna sa sahig si Owen, tila hindi niya alintana kung madumi ba o malinis ang sahig ng rooftop. “Paanong nangyari na dalawa tayong may balak na pumatay kay Zeldris Tan? At bakit ganoon na lang ka-kampante ang mayor na harapin tayo kahit alam niyang papatayin natin siya. Nakita mo nga at gusto ka pa niyang maging bodyguard sa kabila ng plano mong patayin siya,” aniya. Nag-isip naman si Sinister nang sabihin iyon ng kausap niya. Sa pananalita pa lang nito ay mapapansin niyang may itinuturo itong traydor sa grupo na tila gumagawa ng away sa loob ng organisasyon. Hindi niya iyon pinapansin dahil nga naipaliwanag naman sa kanyang mabuti kung paano iyon nangyari. “Ang nakarating sa akin, hindi raw sinabi ng kaibigan mo na ipinasa niya sa ‘yo ang misyon. Kaya ang nangyari ay sinabi ni Three kay Supremo na hindi napatay ng kaibigan mo si Zeldris Tan. Totoo ba iyon?” Sandaling natahimik si Owen sa bagay na itinanong sa kanya ni Sinister. Ayaw niya sanang pag-usapan ang bagay na iyon, pero iyon lang ang paraan niya para maresolbahan ang hiwagang nangyayari ngayon. “Hindi. Dahil ang totoo, ako talaga ang may hawak ng misyon at ipinasa ko lang kay Thunder. Hindi naman namin akalain na dalawa na papalpak siya,” pag-amin ni Owen. Umupo rin si Sinister para tapatan ang kausap. “Ano?!” mahina ngunit hindi makapaniwala ang tono ng kanyang boses, Napaiwas agad ng tingin si Owen sa kanya. “Kailangan niya ng pera, kaya nakiusap siya sa akin na siya na muna ang sasalo ng misyon para sa akin. At dahil nagkamali siya, ako na ang humarap noong sumunod. Hindi namin pinaalam na ganoon ang nangyari dahil siyempre ay ayaw namin parehong mapahamak. Kaya lang, nakarating pala sa Supremo ang nangyari nang hindi ko nalalaman. Kaya iyon, nagkagulo-gulo na,” pag-amin niya. Agad na napabuntong hininga si Sinister nang marinig ang totoo mula sa binata. Hindi niya akalain na mas komplikado pa pala sa inaakala niya ang nangyari. “Bukod sa inamin mo, walang mali sa nakarating sa akin at sa kwento mo. Ibig sabihin, walang maling impormasyon ang nadagdag. Walang problema.” Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Gumaya na lang si Sinister sa pag-upo sa sahig dahil kahit sinabi niyang walang problema sa totoong nangyari sa naging paghaharap nila ng hindi sinasadya, malaki naman ang naging kapalit nitong gulo at iyon ang totoong problema. “Kung wala naman palang problema, ano itong gustong mangyari ng kaibigan mo? Bakit parang pinipigilan niyang mapatay mo si Zeldris Tan?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD