Chapter 29

1331 Words
CHAPTER 29: Isang mayaman at importanteng tao ang makakasama nina Shaika at Owen, kaya natural lang na kailangan nilang magsuot ng damit na bagay sa kung saang lugar sila kakain. Si Zeldris ang namili ng restaurant na pupuntahan nila ngayon gabi, sa pananamit pa lang na inirekomenda ng binata ay alam na ng dalawa na mamahaling lugar ang kanilang pupuntahan. Parehong pormal ang suot ng dalawa, pero nagterno sila sa kulay na itim dahil ayaw ni Shaika na magsuot ng ibang kulay maliban sa kulay na iyon. Ni minsan, hindi niya pa nasubukan na magsuot ng ibang kulay na damit… dahil pakiramdam niya, kakain ito ng malaking atensyon sa mga taong makakakita sa kanya sa labas o loob man ng Dark Hotel. Mula sa labas ng kanilang hotel ay isang itim na kotse ang sumundo sa kanila. Bago sumakay ang dalawa ay siniguro muna nilang nasabi nila kay Supremo ang gaganapin nilang pakikipagkita kay Zeldris na kasama si Herlene. Laking pasasalamat na lang nila dahil hindi naiinip ang Supremo sa kung ano ang magiging resulta ng misyon. Tila alam din nito na isang matinik at madulas na isda ang mayor na iyon at mahirap itong hulihin sa kanilang patibong. Pagdating nila sa lugar, bumungad sa kanilang dalawa ang isang mailaw na lugar. Gawa sa purong kahoy ang kabuuan ng restaurant at sa tubig ito nakapundasyon. Mula sa kalsada kung saan sila binaba ng kotse ay mahabang tulay na kahoy muna ang kanilang babagtasin papunta sa mismong restaurant. Nakatayo pa lang sila sa kalsada ay tanaw na sa pwesto nila na ang lahat ng kumakain sa loob ay nakasuot din ng pormal na damit dahil walang kahit anong dingding ang restaurant. “Handa ka na?” tanong ni Owen kay Shaika. Bahagyang nagitla ang dalaga nang mauna siyang kausapin ng kasama. Buong akala niya ay siya ang mag-aalalay sa binata dahil ito ang inaya niya at siya ang kasama ng dalawang kasama nilang naghihintay sa loob. Pero ang nangyayari ngayon ay siya itong kinakain ng hiya na para bang ayaw na niyang tumuloy. “Narito na tayo, wala nang atrasan ito,” sagot ng dalaga. Kahit na ang totoo ay halos ayaw humakbang ng paa niya para sumampa sa tulay. Hindi na bago kay Shaika ang kumain o pumunta sa ganitong klaseng lugar. Ilang beses na niyang ikinubli ang sarili niya sa makapal na palamuti sa mukha at mamahaling damit makapasok lang sa ganito kagandang lugar dahil sa misyon niyang pumatay ng isang politiko na madalas ay sa mamahaling lugar niya talaga maaring makita. Pero iba ang pangyayaring iyon sa mangyayari ngayon, dahil hindi pa ito ang oras niya para pumatay—bagay na sobrang layo sa dati niyang ginagawa. “Hindi ko talaga alam kung ano ba ang ibig mong sabihin kanina noong sinabi mo na umakto ako ng normal, pero puwede bang umakto ako na isang lalaking totoong malapit sa ‘yo?” Lalong bumilis ang t***k ng puso ni Shaika nang marinig niya ang tanong ng binata. Hindi niya alam kung dapat ba niyang ikatuwa na susunod ito sa pakiusap niya, pero sa palagay niya ay iba ang pagkakaintindi nito sa sinabi niya kanina. Naglalakad na sila sa tulay at halos malayo na rin ang nalakad nila mula sa kalsada. Kaya hindi na rin siya makapag-isip kung ano ang isasagot niya sa binata. “Kung ano ang tingin mong makakatulong sa atin ngayong gabi, gawin mo,” aniya. Madilim ang tulay na tinatahak nila. Dahil ang tanging ilaw lang ng paligid ay ilang poste sa gilid ng tulay. Ibig sabihin ay malayang makakangisi ang binata na hindi mahahalata ng kasama niya. Ang totoo ay kanina niya pa napapansin na kabado ang dalaga, kanina niya pa nakikita na ang kasama niyang nagsabi na umakto ng normal ang hindi makaakto ng normal. Pero ganoon pa man, hinayaan niya na lang ito dahil ayaw niya ring masira kung ano ang meron sila ngayon. “Gusto mo bang alalayan kita sa paglalakad? Para kasing hindi ka yata sanay sa heels—” “Kaya ko ang sarili ko, Owen. Intindihin mo ang trabaho natin dito,” putol ni Shaika sa sinasabi niya. Muling napangiti ang binata, sinungitan man siya nito ay hindi siya nainsulto sa sinabi nito. Dahil sa isip niya, nagpapasalamat siya dahil kasama niya pa rin ang dalagang nakipagkasundo sa kanya sa misyong ito. Nag-aalala kasi siya na baka sa dala ng kabang ipinapakita nito ay hindi niya magawa ng maayos ang dapat nilang gawin. Habang si Shaika naman ay matindi ang pasasalamat kay Owen dahil sa naging tanong nito. Kung hindi niya iyon itinanong, malamang ay mas bibilis pa ang kabog ng kanyang dibdib at maaring matumba na siya sa sobrang nerbiyos. Hindi siya takot pumatay o humarap sa taong papatayin niya kahit may mga kasama ito, pero sa ganitong pagkakataon ay tila natitiklop siya at hindi niya pa rin alam kung paano ba aakto ng normal. Hanggang sa nakapasok na sila sa mismong restaurant. Hindi pa man sila nakakaupo sa kanilang mesa ay ramdam na agad ni Shaika na madaming mata na ang nakatingin sa kanya. Hindi niya alam kung may nakakakilala ba sa kanya rito bilang isang assassin o kung sadyang hindi niya lang talaga magawang umakto ng normal kaya siya pinagtitinginan, pero dahil sa pag-iisip niyang iyon ay bumalik ang kabog ng kanyang dibdib. Hanggang sa naramdaman niya ang isang kamay sa kanyang kaliwang balikat. Tiningnan niya ito at pansin niyang kamay iyon ng isang lalaki. Mula sa kamay na iyon ay bumaling ang tingin niya sa lalaking nakatayo sa kanyang kanan. Bumungad sa kanya ang malapit na mukha ni Owen na ngayon ay nakangiti sa kanya. “Huwag kang mag-alala, ganito talaga ako sa kaibigan. Sabi mo ay umarte ako ng normal, ‘diba? Kapag nakaupo na tayo, bibitiwan na kita,” dahilan nito. Napalunok si Shaika. Ngayon lang may lalaking umakbay sa kanya ng ganoon, hindi niya alam na nakakapagbigay pala ng gaan ng loob nag isang simpleng akbay na kagaya ng ginawa ng binata sa kanya. At lalo siyang nagtaka na hinayaan niya lang ang binata na nakaakbay sa kanya na para bang binibigyan siya nito ng gabay kung saan sila pupunta. Nakayuko lang si Shaika sa paglalakad, nakatulong man ang ginawa ni Owen na pag-akbay sa kanya para kumalma ng kaunti ay hindi pa rin sapat iyon para tuluyang mawala ang nararamdaman niyang hiya na naglalakad siya sa isang mamahaling restaurant na nakasuot ng isang magarbong damit. Pakiramdam niya, nakatingin pa rin ang lahat sa kanya. Habang si Owen naman ay diretso lang ang tingin, wala siyang nararamdaman na kahit anong uri ng takot o kaba sa mangyayari ngayong gabi. Pero ganoon pa man, mabilis din ang t***k ng kanyang puso… iyon ay dahil hindi niya inasahan ang sarili na magiging matapang ito para maakbayan ang isang dalaga na kagaya ni Shaika. Pero wala nang atrasan ito, alam niyang kailangan siya ng dalaga ngayon at kailangan niya rin itong gawin para sa kanilang misyon. Napansin niyang nakayuko si Shaika habang naglalakad sila papunta sa dulong lamesa kung saan itinuro ng Waiter na nag-asikaso sa kanila pagdating nila sa restaurant. Hindi naman siyang nahirapang puntahan ang itinuro nitong mesa na ayon sa Waiter ay ipinareserba na raw ng Mayor para sa kanilang dalawa. Nakayuko man ay nakikita naman ni Shaika kung saan sila pupunta, kahit pa si Owen lang ang nakausap ng Waiter ay narinig at nakita niya naman kung saang mesa ang itinuro nito sa kanila. Kaya hindi rin siya nahirapang sumunod kung saan siya dinadala ng binata. “Wala pa sila?” bungad na tanong ni Owen nang mapagtantong walang taong naghihintay sa kanila sa mesa. Sa puntong iyon, tuluyang nawala ang kaba na nararamdaman ni Shaika. “Parang hindi maganda ang kutob ko rito,” sagot niya. Binitiwan na siya ng binata nang tuluyan silang makalapit sa mesa. Tinitigan muna nila ito habang patuloy na nakatayo. Nagkatinginan na lang ang dalawa dahil pakiramdam nila ay iisa lang ang iniisip nilang mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD