CHAPTER TWO
KINABUKASAN, naisipan kong maglakad lakad sa likod ng aming bahay. Doon kasi sa likurang bahagi ng aming bahay ay malawak, wala pang nakatirik na bahay at natatanaw ko ang bundok dati ay inaakyat naming magpapamilya kapag may nakikiani kami ng mga root crops.
Sa paanan ng bundok na di kalayuan sa amin ay isang palayan at may bahagi din ng maisan.
Napangiti ako nang makakita ako ng mga hayop na hindi ko nakikita sa Maynila. May baka, kalabaw at kambing. May mga ibon namang nasa himpapawid na malayang lumilipad at nagbibigay buhay sa tanawing tinatanaw ko.
Naglakad pa ako hanggang sa malayo na ako sa mga kabahayan at ang malawak na damuhan na lamang ang nakikita ko.
Napalingon ako nang marinig ang pagtahol ng aming aso. Mukhang gusto niyang sumama kaya hinayaan ko nalang siya.
Napadipa ako habang sinasalubong at nilalanghap ang preskong hangin. Para akong prinsesang paikot ikot na sumasayaw sa malawak na lupain. Inalis ko pa ang mga tsinelas ko para mas madama ko ang pinong damuhan ng lugar na iyon.
Tuloy ay hindi ko napansin ang lalaking naglalakad na sa gawi ko.
Natigilan nalang ako pagkakita sa kanya.
Batid kong hindi lang ako ang nagulat dahil pati siya ay natigil sa paglalakad.
Natural lang na sa kinatatayuan ko siya lumapit dahil nasa kinatatayuan ko ang daang kanyang tinatahak.
Nagtama ang aming mga paningin.
Sa una ay salubong ang kanyang mga kilay, saka biglang naging blangko ang expression niya.
Pinigilan ko ang sarili kong maapektuhan sa kakaibang titig niya. Ngunit hindi ko napigilan ang pagbilis ng t***k ng aking puso.
Di ko rin napigilang mapansin ang ilang pagbabago ng kanyang itsura. Lihim akong namangha sa kagwapuhan niya na bumagay sa moreno niyang kulay. Higit kong napansin ang paglaki ng katawan nito.
Ang hindi lang nagbago sa kanya ay ang kulay niya at ang makakapal niyang kilay na noon ay ikinakapula ng pisngi ko kapag nakikita siya.
Nakasuot siya ng Maroon na long sleeves shirt at maong na pantalon. Nakatsinelas lang siya at may nakasukbit na bag sa kaliwang balikat. Nakalabas pa dito ang lagare at martilyo kaya kumunot ang noo ko.
Hmm...Hindi naman siguro sa amin ang punta nito noh?
Bumuntong hininga ako. Marahas kong inilayo ang paningin ko sa kanya.
Baka mamaya, isipin pa nitong may epekto parin siya sa akin. Na ang totoo ay meron naman talaga, hays!
Nagpasya akong magpatuloy sa paglalakad habang itinuon ang paningin sa baba.
Sa wakas ay nakayanan ko rin siyang lagpasan. Dumeretso ako sa mga kahayupan lalo na sa mga kambing na maliit.
Ilang segundo lang ay hindi naman napakali ang sarili ko at nilingon ang lalaki. Naglalakad na ito at hindi ko alam kung bakit sinusundan ng mga mata ko ang unti unti paglaho ng bulto niya.
Nilo...
Nawalan tuloy ako ng gana. Sinalampak ko ang aking pwetan sa malinis at pinong damuhan.
Naisipan kong humiga. Pumikit ako at unti unting pumasok sa alaala ko ang nakaraan naming ng lalaking iyon.
Malungkot na alaalang dapat sana ay hindi ko na binalikan.