Chapter 1

1727 Words
Chapter 1 KIRAY DE MASUPIL’s PoV "Love lingers at the tips of your fingernails." sabi ko pagkatapos ng aking livestream. Naka-ring light pa, kumikintab ang freshly polished nails ko. Sa likod ko, ang signature pink wall ng Kiray Nail & Beauty Lounge, ang munting salon kong puno ng buhay. Pero hindi pa man ako nakakahinga sa ka-artehan ko, biglang bumukas ang pintuan. Isang lalaking naka-itim na suit, may shades pa sa dilim ng gabi, ang pumasok na parang action star. Sa likod niya, may lima pang lalaking parang bodyguard ng presidente. Lumapit agad ang lalaki sa akin, hawak na ang braso ko. “Miss, may imbitasyon ka galing kay Cong.” Nanlaki ang mga mata ko. “Waaah! Talaga ba? Invited ako ni CongTV? Oh my ghad wow! It’s a prank ba 'to?” bulalas ko. “Sinong CongTV? Si Cong!” pagtuwid niya. “Pero hindi ko pa rin kilala. Sino ba ‘yan? Cong as in... King Kong? Kangkong? HAHAHA charot.” Natawa pa ako sa sarili kong joke pero hindi siya natuwa. Bago pa ako makapagbiro ulit, hinila na niya ako palabas ng salon. Wala man lang akong chance isara ‘yung cash drawer. Pinulot ko pa cellphone ko habang kinakaladkad na ako papunta sa itim na SUV. “Saan niyo ako dadalhin!” sigaw ko, pumapadyak pa. Wala akong natanggap na sagot. Ang dami ko pa sanang tanong pero tinakpan agad ng lalaki ang bibig ko para hindi ako makasigaw at sapilitang ipinasok sa loob ng itim na SUV. Napasubsob pa ako sa dibdib ng lalaki na nasa loob na ng kotse. Gusto ko pa sanang magpahinga sa dibdib ng lalaki, ang bango bango. Ugh ang sarap magpa ipit sa bicep… pero pagtingin ko sa mukha niya… nevermind. “Huwag kang mag-alala, hindi ako ang boss,” sabi nito nang makita niya sa mukha ko ang disappointment. “Mabilis lang naman Miss. Huwag kang mag-alala,” sabi ng lalaking dumukot sa akin na nakaupo sa passenger's seat. “Manong, mag-isa na lang ako sa buhay, walang magbibigay ng ransom. Saka bago lang salon ko, kita mo, wala nga akong assistant. Ako lahat, hairdresser, manikurista, receptionist, nagla-live pa ‘ko. Ang dami ko na'ng hirap sa buhay—” ”Koy, patahimikin mo nga ‘yan. Ang daldal,” sabat sa'kin ng lalaki. Parang tumalon ang puso ko sa kaba. Ayaw ko namang maging cause of death ko ay kadaldalan. May kinuha si Koy sa kanyang bulsa. Dito na ako nag hysterical. Umiyak na ako at nagsisigaw. “Huwag kuya! Tatahimik na ‘ko! Baka baril ‘yan!” Pero cellphone lang pala. “Miss, follow mo ‘ko ha. KaloyKoy ang channel ko. Parang collab na rin ‘to.” Natahimik ako bigla. “Ah… sige. Ako si KirayTaruray Code name ko kasi ‘yan sa clan.” Ang weird ng mga kumidnap sa’kin. For sure weird din ang mastermind nito. Pero sino nga bang Cong ‘yun? At bakit niya ‘ko kikidnapin? Mukha namang harmless ang mga lalaking dumukot sa akin. Ang dami kong katanungan at hindi ako mapakali. Matatahimik lang ako ‘pag nalaman ko kung sinong Cong 'yun. Napa-isip ako, baka congressman ang ibig sabihin ‘nun. Pero sino nga ba’ng congressman namin? Hindi naman ako botante, hindi rin ako nanonood ng news tungkol sa politika dahil ako ay umay na umay na sa mga politiko. Hanggang sa huminto na ang kotse at sapilitan akong binaba ni Koy. Nagulat ako dahil nasa harap kami ng napakalaking bahay. Ang laki! Ang haba! Ang tigas! Akala ko kasi sa isang abandonadong warehouse nila ‘ko dadalhin. Sumunod na lang ako papasok sa loob ng napakagandang bahay. Gusto ko pang mabuhay kaya kung ano man ang sasabihin nila ay susundin ko na lang. Hindi naman nila ako sinaktan at tinalian. Gusto lang siguro ako makita ng Cong na ‘yon. I'm an influencer eh. Hanggang sa huminto kami sa isang pinto at bumukas ito. Ayoko pang pumasok dahil baka kung anong gawin sa akin. Kaya tinulak ako ni Koy sa loob at nadapa ako, muntik na masubsob ang mukha ko sa makintab na marmol. “Aray naman! Dahan-dahan!” Inis na inis ako kay Koy. Pag angat ko ng mukha ko, bumungad sa akin ang ubod na gwapong nilalang. Matangkad, maputi, makisig. Ang kapal ng kanyang kilay. Ang panga niya ay perpekto sa pagkakahulma. Ganun din ang ilong, ang tangos. Ang mga mata niya ay parang payapang dagat na lumulunod sa akin sa mundo ng kawalan. Ah! Naalala ko na siya. Siya si Cong. Catacutan! Siya pala ang congressman namin. Minsan ko na siyang napanood na nagbigay ng speech sa isang event. Maraming tao noon at siya ay malayo, ngayon ko lang siya nakita ng ganito kalapit. Parang nag blurred ang paligid at nag slow motion ang kanyang paglakad palapit sa’kin. Hindi ko alam kung saan galing ang wind effect na umiihip sa kanyang buhok. Ah basta, ang gwapo! Nanigas ang buong katawan ko nang nakatitig siya sa aking mga labi. Lalo na nang lumuhod siya at papalapit na ang labi niya sa labi ko. “Ooh, your peachy pink lips truly are captivating,” sambit niya na halos pabulong. Ugh ang sarap pakinggan ng baritono niyang boses na parang galing pang ilalim ng lupa sa sobrang lalim at baba ng timbre. Pipikit na sana ako dahil gusto niya yata akong halikan. Kinikilig ako! Pero nilahad niya ang kanyang palad para abutin ko ang kamay niya. Pagpatong ko ng aking kamay sa kanyang palad, tinitigan niya ang mga daliri ko. Siguro ay tinitignan niya kung may engagement ring ako. Single pa ‘ko, Cong. Walang sabit. “Pati ang kuko mo, rose quartz pink pero pag tinamaan ng liwanag nagiging fuschia.” Ah. . . Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Hinila niya na ang kamay ko para ako ay itayo. “Ikaw si Kiray De Masupil, ‘di ba? Magaling ka ba talaga? Medyo nag aalangan akong kunin ka kasi baka ipagkalat mo ang sikreto ko. Pero pinapanood ko kasi ang mga video mo, it's oddly satisfying. Pero baka kasi ipagkalat mong naging client mo ‘ko.” “Excuse me, Mr. Congressman, hindi naman sa pag yayabang but I'm a social influencer, I got a lots of supporters. May iniingatan akong image.” Tumingin siya sa akin, ang mga mata niya na ang gwapo, nakakatulala. “Ten thousand? Wala pa sa one percent ng bumoto sa’kin.” Ay wow, ang yabang. Nawawala ang pantasya ko sa kayabangan niya. “And it's, lot of supporters,” pagko- correct ulit nito. “No wonder, ten thousand lang followers mo.” Ay, ang yabang talaga. Napataas na lang ang kilay ko, sunog na sunog ako kay Cong. “Bakit niyo po ba ‘ko kinidnap, Cong?” “Bakit naman kita kikidnapin?” “Eh bakit ako nandito?” Biglang hinubad ni Cong ang coat niya at ugh shet ang hot! Hinihintay kong hubarin pati ang long sleeves pero niluwagan niya lang ang kanyang necktie at tinanggal ang tatlong butones. Akala ko huhubarin niya na ang kanyang sinturon at slocks pero sapatos ang tinanggal niya pati medyas. Hanggang sa nakita ko na ang totoong dahilan ng lahat- ang pinakamalaking ingrown toenail sa kasaysayan ng politika. Namamaga na ang kanyang daliri sa paa. Siguradong may kuko na nakabaon sa gilid nito. “Ito ang dahilan,” sabi niya at dinukdot sa mukha ko ang paa niya, in fairness, pink na pink parang may mertayulate. Ang bango bango rin. Hindi amoy bulok na saba. Hindi gaya ng karamihan sa mga kliyente ko. Iyon nga lang, ang lala ng kanyang ingrown. Ito pala ang dahilan kaya niya ko kinidnap. Sinenyasan niya si Koy at agad lumapit ito sa kanya na may bitbit na itim na attaché case na parang pang deal o no deal. Aaacck, limpak-limpak na salapi siguro ang laman nito. Grabe, ganun kayaman si Cong at daan libo ang ibabayad niya sa akin. Ang tindi ng excitement ko. “Buksan mo na, Cong, bilis. Plea—” Biglang nawala ang excitement ko nang pagbukas niya ng case, tumambad sa akin ang gintong knipper at gintong pusher. Pero nang binuksan niya ang isa pang compartment, nakahilera ang iba't-ibang kulay ng nail polish, at gamit sa manicure at pedicure. Napa hawak ako sa aking bibig dahil bilang isang manikurista, isang paradise sa akin ang ganito kabonggang manicure set. “Go ahead. Show me what you got,” sabi niya kaya sinimulan ko na ang operasyon. Hinanda ko na ang mga gagamitin at nagsimula na. Una sa hinliliit niyang mga kuko hanggang sa nararamdaman niya na ang sakit habang papalapit sa hinlalaking daliri niya sa paa. Napapa angat na siya ng balakang habang nililinis ko ang kuko niya. “Ah shhi—” “Sige Cong, sumigaw ka lang pag masakit. I-shout out mo lang ‘yan, may ten thousand followers ako.” Pigil-hininga kami sa sandali na ‘yon. Ginupit ko na ang kuko niya gamit ang knipper. Narinig ko ang impit niyang ungol. Ugh ang sarap sa ears. Ang lalim ng boses niya at buong buo. Boses pa lang, nilalabasan na ‘ko. Hanggang sa kinuha ko na ang pangkutkot ng kuko at sinimulan ko nang hugutin ang napakalaki at napakalalim na ingrown. Para akong nag-oopera. Hindi sapat ang lakas ko. “Ang tigas Cong! Nahihirapan ako!” “Hu..huwag mong… huwag mong lakasan boses mo, ugh!” Napapikit siya habang tumutulo ang pawis sa sentido. Tumitirik na ang mga mata. Para siyang… para siyang nilalabasan. Ay shet talaga ang hot. Hanggang sa kumapit siya sa ulo ko at hinila ang buhok ko, ramdam ko hanggang anit ang tindi ng kanyang kapit. Oh yeah, nakaranas na rin ng sinasabunutan ng isang papable. Iyon nga lang, sobrang lalim ng kukong nakabaon na nagiging sanhi ng pamamaga ng kanyang daliri. Kaya nilakasan ko ang pag kutkot. Kailangan ko itong mahugot. “Aaaahhhh! Aray ko accclaaaa ang sakiiiit!” Nahulog ko ang pusher na hawak ko. Napanganga ako habang nakatingin sa gwapo niyang mukha. Ang tili na iyon ay nakakanginig ng laman na gumimbal sa buo kong pagkatao at nagwasak sa pagiging delulu. “Ayoko na akla, super sakit,” sabi ni Cong na halos maluha-luha na at tumayo na. “Hindi ko pa tapos ang kuko mo, please pakutkot congressman!” ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD